Hindi naman talaga dapat accountancy ‘yong kukunin kong course. Sina ermat at erpat lang ang nagpumilit na ‘to ‘yong kunin ko. Paano ba naman kasi, masyado silang frustrated kay ate. Kaya sa’kin na lang pinasa. Kainis nga, dapat talaga tourism ako; kasi matangkad at medyo may itsura naman ako, kaya’t hindi imposibleng matanggap agad ako d’un. Kaso wala akong magagawa, ‘yon ang gusto nila.
First day of school n’un. Excited akong pumasok, gumising pa nga ako ng maaga para lang hindi ma-late sa klase. Tapos nang nakarating na ako sa classroom namin, wala pa palang klase. ‘Yong iba kong mga classmate nakatambay pa sa Hallway, magkakatabi lang sila. ‘Yong ilan nakatingin sa kung saan-saan, mayroon ding feeling close sa iba at ‘yong ibang lalaki, pasikat sa mga babae (‘yong tipong nilalakasan ‘yong pakukuwento at kantsaw sa tropa). Samu’t saring mga mukha, bakas na bakas na hindi pa rin naaalis ang kultura ng pagiging high school.
Nang dumaan ako sa harap ng mga nakatambay sa Hallway papasok sa room, parang wala lang ako sa kanila, parang normal lang. Kung sa bagay hindi naman ako kawalan kung dumaan man ako sa harap nila, basta sila tuloy sa ginagawa.
Nang nasa pintuan na ako, nakita ko na mas marami pa lang mga tao sa loob, tahimik sila, parang nagpapakiramdaman sa isa’t isa. ‘Yong ilan pa nga’y hindi umiimik, parang walang kasama. Feeling nila mundo lang nila ang tumatakbo.
Tulad noon, kahoy pa rin ang mga upuan, dalawa pa rin ang electric fan na minsan alanganing hindi gumagana, sirang mga jalosi, wakwak na pinto at kung anu-ano pang mga kakulangan sa facility.
Tumayo nga ako’t lumabas sa room at kunyaring may itatapon sa basurahan pero wala naman talaga. Nang pabalik na ako, pasimpleng tingin ang ginagawa ko (parang sa mga mandurukot sa jeep – eye contact sa mga kasamahan nila), ‘yong hindi talaga halata. Tiyempong pagtingin ko ulit, saktong nagkakatinginan kami at na-realize ko na mas maganda pala s’ya kapag nakaharap. Tapos hindi ko alam ang gagawin n’un, kaya para hindi halatang nang-i-stalker ako, tumingin ako sa kisama ng room. Ang angas! Kahit saglit lang ‘yong salpukan ng aming mga mata feeling ko ang guwapo ko. Umupo na nga ako at kung anu-ano ang aking iniisip nang time na ‘yon. Siguro crush ako nito, kasi napatingin din siya sa’kin. Kung magkakaroon lang ako ng pagkakataon, susunggaban ko talaga agad ‘yon. Kaso ayokong magpadalus-dalos, mahirap na, baka mayari ako sa bandang huli. Pakiramdam ko matatapos ‘yong araw na kinikilig ako, kasi hindi ako maka move-on sa titigang ‘yon. Salamat na nga lang sa aktibiting ginawa namin sa klase, dahil d’un napag-alaman ko na Faith pala ang kanyang pangalan. Angas talaga, naa-amaze ako, pangalan pa lang panalo na, talagang hindi mawawala ang Faith ko sa kanya.
Dumami ang aking naging ka-close at isa na nga rito si Faith, medyo may pag-aalangan sa tuwing babatiin ko s’ya, pero lagi kaming nagngingitian kapag magkaharap, parang walang malisya ‘yong ginagawa naming titigan (para sa’kin). Minsan nga, naiisip kong magtapat ng nararamdaman para sa kanya, pero ayoko, baka maging awkward tapos mag-iba ‘yong pagtingin n’ya sa’kin (‘yong maiilang s’ya) at hindi na n’ya ako muling tititigan. Siguro ‘saka na lang pag dating ng tamang panahon. Sa ngayon, susulitin ko muna na nagtitigan kami, masarap kasi sa pakiramdam e. may something na hindi ko maipaliwanag.
Miyerkules n’un at CWTS namin. Kaonti pa lang kami sa room, mabibilang pa sa mga daliri. Tapos bago ako pumasok sa room nand’un na si Faith. Wala s’yang katabi (pagkakataon na ‘to). Super trip ko s’yang titigan, kaso bigo ako, nagbabasa kasi s’ya ng libro ni Bob Ong na ABNKKBSNPLAKO. Bahala na, pasok na sa room kahit kinakabahan ako. ‘Yong feeling na naiihi ka tapos nauutot, at nag-aalangan kang umihi kasi natatakot kang imbes na hangin, igit ang lumabas ang puwet mo. Tapos pagpapawisan ka ng butil-butil. Papakalmahin mo ang sarili, kaso wala nang magagawa kasi basa na (ng igit) ‘yong brief mo.
Tumayo ako para makalapit sa kanya. Habang papalapit, tinititigan ko pa rin s’ya. Dapat focus. Hindi mawala ‘yong feeling ko. Lalo akong nai-excite, lalo akong nanginginig at lalo akong napapamahal sa pagtitig sa kanya.
Tumabi nga ako sa kanya, medyo kinakabahan pero kailangan kasi lalaki ako. Ayokong bansagang torpe. Napalingon lang s’ya sa’kin tapos balik ulit ang kanyang attendtion sa librong binabasa. Walang anu-ano, ako na ang dumamovs.
“Ahmmm…. Faith, ahmmm. May sasabihin ako sa’yo.” Kagat labi akong kinakabahan.
“Oh?” ‘Yong walang emosyon na pagpapakita na wala s’yang pakialam.
“Ahmm… ayon nga. Ahmmm, crush kasi kita.” Feeling ko sumisikip ‘yong dibdib ko. Pero masarap pala sa pakiramdam kapag nagtapat ka ng nararamdaman. ‘Yong nagpakatotoo ka lang sa buhay mo.
“Sus,” parang nagsusuri ‘yong mga sagot na ‘yon, taas kilay at nakangisi. “Iba na lang pagtripan mo, huwag ako.” Nananantsa talaga.
“Bahala ka d’yan ,wala akong pakialam kung maniniwala ka man o hindi, basta ang mahalaga nasabi ko na sa’yo.” Taas kilay ako, parang walang nararamdamang kaba sa sarili. Tapos umalis na ako sa tabi niya. At dala-dala ko ‘yong bigat at katotohanang matatapos na rin ang aking maliligayang araw, pakiramdam ko hindi na ulit kamin magtitinginan. Pakiramdam ko wala na talaga.
Isang mainit na hapon ‘yon. Uwian na’t wala ng klase. Nagkataong nakasabay ko palabas ng gate ‘yong isa sa mga malapit na kaibigan ni Faith sa klase. Batian. Kuwentuhan. Kamustahan. Hanggang napunta nga ‘yong topic namin sa mga crush sa aming klase. Si Joy ang nag-start sa pagkukuwento. D’un ko na rin nalaman na crush ako nitong si Joy. At tingin ko pagkakataon ko na, sinamantala ko ‘to, nabanggit ko ang crush ko sa aming klase. Kinuwento ko kay Joy kung paano nagsimula ang kahibangan ko kay Faith. Natatawa s’ya sa mga kuwento ko, parang hindi makapaniwala na magagawa ko ‘yon, lalo na raw ang pag amin ko kay Faith na crush ko ito. Tapos nagtanong ako sa kanya kung ano bang type o ideal man ni Faith. Napangisi lang s’ya at napailing, parang bigo ako sa mission kong makilala nang lubusan si Faith.
Awkward silence. Dead air. Huminga nang malalim si Joy na parang may kinuhang lakas.
"Alam mo Loie, mabibigo ka lang kay Faith." Taas kilay habang patango-tango sa’kin. "Magigng Komplikado ‘yan, atsaka mahihirapan ka lang friend."
"Bakit may bf na ba si Faith? Tingin ko naman wala." Mahangin ang aking pagkakasabi, na akala mo’y alam talaga ang lahat ng nangyayari.
"Ano bang religion mo?" Matalas ang tingin n’ya sa’kin na akala mo’y hinuhusgahan ang buo kong pagkatao .
"Sarado katoliko!" Sa aroganteng tono.
"Olats ka talaga, hindi ka puwedeng mahalin ni Faith at malabong maging kayo." Nangangaral ang tono ni Joy, akala mo isang pari. "INC si Faith, at mataas ang kanyang standard pagdating sa mga ganyang bagay. Kaya kung ako sa iyo, tigilan mo na ‘yang ilusyon mo." Nakangiti si Joy. ‘Yong pang-asar. Pakiramdam ko’y pinagtatawanan n’ya ako. Pati si Faith, nginignisihan ako kung nasaan man s’ya ngaon.
‘Yong ngiti ni Joy. Nakakabasag talaga ng momentum. Pakiramdam ko saglit na huminto ‘yong takbo ng mundo ko. Tumingin ako sa langit kahit nakasisilaw at masakit sa balat ang sikat ng araw. At bigla kong naibulong na may kasamg pag-iling, “Ba’t gan’un?”