Monday, February 25, 2019

maligayang pagtatapos

(Maikling Kuwento)

naalala mo nang nagtapos ka sa kolehiyo, kabi-kabila ang anyaya ng iyong mga kamag-aral para uminom.  tumanggi ka, hindi dahil sa marami kang ginagawa, palusot mo lamang ito kasi ang totoo ay wala ka lang talagang pang-ambag pero ipagpipilitan nilang sila ang sasagot, kaso sadyang matigas ka, hindi na ngayon, naisip mo, tapos na ang apat na taon ng ating samahan.  nagtampo sila sa iyo, e ano, kawalan ba kayo sa buhay ko, sa loob-loob mo?  paano mo nga namang malilimutan na mula nang unang taon niyo sa kolehiyo ay tampulan ka ng tukso, dahil sa tingin nila ay baluktot ang iyong dila, pinagtatawanan ka nila sa tuwing napagpapalit mo ang letra t sa s sa isang salita.  kaya nga bantay-sarado sila sa mga salitang binibitawan mo dahil ito ang pagmumulan ng kanilang mumunting kasiyahan na para sa iyo ay hindi nakatutuwa.  kasalanan mo bang iba ang kanilang pandinig sa tuwing ikaw ay nagsasalita? 
wala pa man din ang ganap na petsa ng iyong pag-akyat sa entablado ay pinagmamalaki ka na ng iyong ermat at erpat sa kani-kanilang kamag-anak, sapagkat ikaw ang tumupad sa pangarap na hindi nila na nakuha nang iyong edad.   lagi mo rin naisip ang kanilang sinasabi noong nasa elementarya ka pa lamang, anak pagbutihin mo ang pag-aaral ito na lamang ang tanging maipapamana naming sa iyo.  gustuhin mo man silang tanungin ng, paano niyo pong maipamamana ang isang bagay na wala kayo, mas pinili mo na lang manahimik, sa pagtatapos ng araw ay sasabihin mong mayroong kanya-kanyang pag-iisip ang tao na iba sa isa, kaya bakit mo pa pagpipilitan ang iyong tanong sa kanila, just do it, sabi ng nakangaga mong sapatos. 
sa inyong blk ay ikaw na lang ang hindi nakakaalam na pinagkalat na rin ng iyong magulang ang iyong pagtatapos, kung hindi ka pa binati ng mga tambay sa kanto sa labasan papasok sa inyong eskinita na tangina tropa kongrats pakanton ka naman ay hindi mo pa ito mapagtatanto, binatukan ka ng isa pang tambay, ito ba ang gantimpala sa pagtatapos naisip mo, ang isa naman ay tinulak ka, nasagi mo ang basong may lamang alak sa kanilang lamesa, nahulog, nabasag, kumalat sa semento ang gintong likido, ay pota ‘di ako yan ha tinulak n’ya ako, tumawa lang sila, tangena oks lang yan basta bayaran mo kapag nagka-trabaho ka, nagtawanan kayong lahat, pinpa-shot ka nila pero tumanggi ka, nagpaalam ka sa kanila at naisaloob mong  hindi naghahamon ang kanilang pamimisikal sa iyo, isa lamang ito paraan kung paano sila kumilala ng isang taong nagtagumpay, lalo na at sa inyong lugar bibihira ang nakakapagtapos sa high school kaya ngayon ikaw na lang din ang nahihiya sapagkat baka nga naman masyado silang umasa sa hinaharap mo, wala ka pa man din ganap na trabaho, nakakabahala sa isip-isip mo.
ito na! sabi mo sa iyong sarili.  natapos na ang labing-apat na taon ng paghihirap sa pagmememorya ng araling hindi mo maintindihan kung paano magagamit sa totoong buhay.  sa mga bayarin sa textbook sa inyong klase na hindi naman daw sapilitan pero kailangan dahil dito raw kukuhanin ang inyong grado, pero ang totoo ayaw mo lang makitang marinig ang sagot sa iyo ng iyong magulang sa tuwing humihingi ka ng pambayad, nak wala tayong pera pero gagawan natin ng paraan, naisip mo noon na ilang pahina na kaya ng notebook ang kapal ng inyong utang.  ang seminar na, photocopy ng hand-outs, ambagan sa class fund kung sakaling gagamit ng projector sa klase, raffle ticket na may dagdag puntos.  hindi mo na rin makikita ang mga propesor na sa tingin mo ay pinaglihi kay hitler, marcos at duterte na wala nang ginawa kung hindi pagalitan kayo, mauubos ang oras na wala kayong pinag-uusapan, sesermunan ang sinumang hindi nakaupo nang maayos, tatalakan ang sinumang gumalaw habang may nag-uulat na kamag-aral sa harap, pagmumumurahin ng walang dahilan na bukod sa hindi na nga nagtuturo, mababa pa magbigay.  kaya isang beses nang magtungo sa banyo ang inyong propesor at naiwan kayong kumukuha ng midterm exam, napagkatuwaan ninyong magkakaibigan kunin ang kanyang salamin, mabuti at sa letrang b ang simula ng iyong apelyido, sa harap ka mismo ng lamesa ng diablo, sumipol ang kasama mo, hudyat para gawin mo na ang plano, iaabot mo pa lang sa taong nasa likod mo ang salamin nang biglang may dumapong palad sa iyong mukha, tumalsik ang hawal mo at nabasag ito, tiningnan mo ang gumawa sa iyo, tangena ang kj mong hayup ka, sinampal ka ulit sa kabilang pisngi, sinumpa mo itong kamag-aral mong gc at sipsip-buto sa lahat ng inyong propesor para makakuha ng grade.  ang huli mo na lang natatandaan ay kinuha mo ulit ang subject nang summer, mabuti na rin naisip mo, kahit paano may natandaan ako sa klaseng ito.  subalit ngayon ay wala ka nang kailangan suyuing tao.  malaya ka na sa kamay nila.  potangena silang lahat, naibulong mo.

sunod mong gagawin ngayon ang maghanap ng mapapasukan.  malakas ang kompiyansa mo sa sarili, kasi nga ay dala-dala mo ang iyong karangalan sa buhay – ang edukasyon, na kinondisyon sa inyong isip na ito ang mag-aahon sa inyo sa kahirapan.  pangarap mong maging lider ng bansa para mataas ang ranggo at suweldo, sa ganito ay bibigyan mo ng posisyon sa gobyerno ang lahat ng iyong kamag-anak pero mauulit lang din ang kuwento sa iyo ng professor ninyo sa kasaysayan ng pilipinas mula bago dumating ang kastila hanggang sa kasalukuyan.  matutupad ito sa isip-isip mo, kung hindi man natupad sa klase ang pagiging presidente natitiyak mong sa totoong buhay mangyari ito para maisalba sa kahirapan ang iyong bayan.
bitbit mo ang bente pesos na mamiso patungo sa pisonet na ang mouse ay sing-asim ng tatlong buwang medyas na hindi pa nalalabhan at mukhang pinakuluan gamit ang apple sider, keyboard na bungi-bungi, screen na basag ang kaliwang bahagi at alanganing asul at itim ang kulay.  inayos mo ang iyong resume.  inilagay ang mga seminar na dinaluhan pati na rin ang parangal na nakuha noong nag-aaral ka.  umabot ng 5 pahina ang gawa mo.  p’wede na ‘to, sabi mo nang matapos.  naubos ang isang oras sa paggawa nito, ang natira pang limang piso sa iyo hinulog mo dahil naalala mong maghahanap ka pa pala ng trabaho sa internet.  kinapos ka sa oras, pinabaryahan ang bente sa nagbabantay.  hanap.  alt+tab, facebook.  alt+tab,youtube.  hanap ulit.  alt+tab facebook, walang bagong notification.  alt+tab youtube, replay ng kantang pinapakinggan. hanap.  pasa.  pasa.  pasa.  kulang ang daliri sa paa at kamay kung ilan ang pinagpasahan mo ng resume, may dalawang minuto pang natitira nagdesisyon kang uuwi na dala ang isang kopya ng resume.  ipapa-xerox ko na lang ‘to, naisip mo.  para tipid, dahil wala ka na ring sapat na pera para sa colored.
kinabukasan.  gumising ka nang maaga, balak mong mag-apply ulit – walk in.  naligo kang nakangiti, sabik sa unang araw na personal kang magpapasa ng resume.  kumakanta ka pa pagkatapos mong maligo, nabihis ka, naka-polo na kulay light blue, slacks at ang black shoes na ginamit mo noong araw ng pagtatapos.  sabik din pati ang iyong magulang.  tsinismiss agad ng iyong ermat ang gagawin mo, kaya nang naglalakad ka na sa inyo kinantiyawan ka ng mga tao.  tangena mukhang may js ka boy ha?  may ibang nagsabing goodluck daw at magpainom kapag natanggap na at bayaran ang basong nabasag nang nakaraan.  nakangiti kang humaharap sa kanila habang hawak ang isang long brown envelope na naglalaman ng iyong pagkatao – resume at tor.
nag-abang ka ng jeep, planado na sa utak mo kung saan ka mag-a-apply ng trabaho.  hindi nasisira ng usok ng sasakyan ang iyong ngiti.  nakita mo ang jeep na bakante ang harapan, pinara mo, huminto sa harap mo.  tumabi ka driver.  sa loob ng jeep nakangiti ka pa rin kahit tagaktak na ang pawis mo sa noo, batok at dibdib.  nakita mo sa side-mirror ang isang patpating lalaking mukhang lubog ang mata, pinutakting mukha ng tigyawat at humpak na pisngi, mukha siyang bungo sa isip-isip mo at mapagtatanto mong sarili mo ang iyong nakikita at magtataka kung bakit ganito ang itsura, sisisihin mo ang driver na hindi pinapalitan ang may lamat na salamin, paano kung pagmulan ito ng aksidente?  pero hindi bale, may magandang mangyayari ngayong araw, ginamit mong pamaypay ang dala mong brown envelope.  hindi nagbabago ang ngiti mo.  hanggang sa malapit ka sa iyong pupuntahan, pumara ka.  bumaba.   nakangiti pa rin.  pumunta ka sa pinakamurang xerox-an.  nagtanong kung magkano ang kopya ng bawat isa. 65c, sabi ng lalaking singhaba ng sapatos ang mukha na nagbabantay.  ibinigay mo ang laman ng iyong envelope.  10 kopya sabi mo.  boss anong oras na, tanong mo sa kaniya, tinuro nito ang wall clock na nakasabit, hindi mo alam kung namamalikmata ka sapagkat pasalubong na sumasabay sa kamay ng orasan ang maliit na basag nito, kinusot mo ang mata, tinignan mo ulit, hindi ka nagkamali, o baka epekto ito ng kumakalam na sikmura.  nang matapos, sa sakayan ka na ng jeep pumunta.  napansin mong medyo mahapdi na sa balat ang tama ng sikat ng araw, kailangan ko nang magmadali, bulong mo sa sarili.  sumakay ka ng jeep pero hindi ka na tumabi sa driver.  hinto.  pasa ng resume.  sakay ulit ng jeep at pumwesto sa likod ng driver dahil ito ang binigay sa iyong espasyong ng ibang pasahero, nagtangka kang tingnan ang side mirror, maayos ito sa loob-loob mo.  pasa.  sakay ng jeep.  pasa hanggang sa naubos ang 10 kopya ng iyong pagkatao.  lahat ng ito ay sa guard mo ibinigay, tatawagan ka na lang namin, madalas nilang sagot sa tuwing nagtatanong ka kung kailan ang sunod mong balik sa kanilang opisina.
sa bahay na lang ako magtatanghalian, naisip mo tutal maaga ko naman nagawa ang aking misyon.  pagdating mo sa inyo ay ibinalita mo ang nangyari sa iyong magulang.  wala pa man ding resulta at patalon-talon sa galak ang iyong ermat, sa sobrang saya nito ay aksidente nitong nasagi ang grad pic mo noong high school, nahulog at nabasag ang salamin, nagalit ang erpat mo, pero sinabi mong ayos lang ‘yan, bili na lang tayo bago ‘pagkas’weldo ko.  kaya hindi pa natatapos ang araw, sikat ka na naman sa inyong lugar, ang ermat mo na naman ang may kagagawan ng pagpapakalat ng balita – na may dagdag-bawas.
tatlong araw kang tambay.  wala ka ng pera para gawin ulit ang misyong pamumudmod ng iyong pagkatao.  may nag-text sa iyo ngayong gabi, ito na ba ang hinihintay mo o gm lang?  magandang balita, pinapapunta ka sa kanilang kompanya bukas, binasa mo ulit, tama hindi ka maaaring magkamali, buwenas naisip nasabi mo at maaalalang nagpasa ka nga pala sa kanilang kumpanya.  ibinalita mo na naman ang nangyari at naisip mong ito ang dapat na ipagmayabang ng iyong magulang.  dumiskarte ang ermat mo para sa iyong pamasahe.  double raw ang kapalit kapag babayaran, pagmamayabang nito sa inutangan.
kinabukasan pagdating mo ay buong giliw kang nakangiti nang dumating sa kumpanya.  hintayin mo lang daw ang taong kakausap sa iyo.  inabutan ka ng lunch break at wala pa rin hinihintay, ayos lang naisip mo, ipagpalit mo na ang isang tanghalian para sa trabahong inaasam.  ala-una pa raw ang balik ng serbisyo, sabi sa iyo ng guard.  kaya inubos mo ang oras sa pagtanga sa reception area ng kumpanya malapit sa guard house habang pinapanuod mo ang pagpasok-paglabas ng mga empleyadong tinatakpan ng makapag na kolorete ang mukha.  hindi mo rin alam kung sino sa kanilang boss, pinaka-boss, boss ng boss, boss ng lahat ng boss.  nakita mo sa kanila ang iyong sarili, nangarap ka, nag-isip, nasabi mong magiging kagaya ka rin nila kapag naka-usap mo ang boss. 
nang malapit nang sumapit ang oras, sinenyasan ka na ng guard na maghanda sa pagpasok.  itinuro sa iyo kung saan ka pupunta.  kung sinong hahanapin at kakausapin.  inayos mo ang iyong damit.  nagpunas ng pawis.  para makasiguradong presentable ang iyong itsura, sa c.r. ka dumiretso para manalamin at malaman ang tamang posturang gagawin. 
have a seat, paanyaya sa iyo ng boss habang hawak ang iyong resume.  tumatayo ang balahibo mo sa batok sa lamig sa loob ng kanyang opisina.  executive-director ang posisyon ng kausap mo ayon sa lapidang nakalapag sa kanyang lamesa.  umupo ka, tinanong ka niya ng kung anu-ano.  sumagot ka.  tanong ulit.  sagot.  hanggang sa dumating sa punto na tanggap ka na at kabilang ka na sa kanilang kumpanya.  nanginginig ang kalamnan mo sa braso sa sobrang saya, naghabulan ang mga daga sa iyong dibdib, congratulations mr. jonas beunaventura pagbati ni boss.  tinapik ka niya sa balikat at nakipagkamay.  sinabihan ka ng ilang dapat at hindi dapat gawin sa kumpanya, mga paalala bilang empleyado.  bumalik ka na lang daw sa ganitong petsa para magsimula, sa ngayon habang naghihintay sa takdang oras ay ipasa na ang mga kailangang dokumento, paglalakad ng ganitong papeles upang wala na raw intindihin kapag pumapasok na.
naningkit ka sa labis na pagkakangiti.  nang palabas ka na sa gusali, nagpaalam ka pa sa guwardiya.  nagpasalamat nang nakangiti.
umuwi ka sa inyo at muling ibinalita ang nangyari, nagkataon na kagagaling lang ng iyong erpat sa trabaho.  nakakawala raw ng pagod ang iyong sinabi.  ang ermat mo naman hindi magkandaugaga, parang paslit na binigyan ng paboritong laruan, oa sabi mo.  mabilis na parang epidemyang kumalat sa inyong lugar ang balita. 
sa mga sumunod na araw ay kinokontak ka ng ibang kumpanyang pinagpasahan mo ng resume.  pero wala kang reply sa kanila.  negative na po ako pasensiya na, simple mong sagot kapag nababasa ang kanilang text. 
naayos mo na lahat ng iyong kailangan mula sa company id, sss, tin, pag-ibig, philhealth, nakapangutan na rin ang ermat mo para sa uniporme at bagong sapatos mula sa 168 mall.  hanggang sa isang araw na lang at simula na ng iyong trabaho, ilang linggo ka ring nakatunganga sa inyong bahay, kaya’t sabik kang umalis.  pinagmalaki ka na naman ng iyong magulang sa kapit-bahay. 
nang magising ka kinabukasan, parang tinusok gamit ang aspele ang iyong mata, hindi ka nakatulog nang maayos ng gabi dahil sa sobrang napapabik.  pero hindi mo alintana iyon.  masigla kang bumangon.  naligo, nagbihis at kumain.  mas sikat ka ngayong araw na ito sa iyong mga kapit-bahay.  mas malakas ang kantiyaw at asaran.  ang galing-galing mo naman.  suwerte ng magulang mo sa’yo.  libre ‘tol ha sa unang suweldo.  alam na tropa . . . etc.  nakangiti ka sa lahat ng bumabati sa iyo. ayaw mong masira ang iyong sobrang gandang araw mo.
dumating ka sa kumpanya na para bang may-ari nito, nakasabit sa leeg and company id. binati mo ang guard.  pumunta sa boss na iyong nakausap noong nakaraang punta mo rito.  nakangiti kang bumati habang papasok sa kanyang opisina.  nagtataka ka, nagtatanong.  bakit parang hindi siya masaya na makita ako?  pinaupo ka ni boss, hawak ulit ang iyong resume.  masama ang kutob mo.  hindi siya nakangiti, parang may masamang balita.  pero nananatili pa rin ang postura mo.  i’m sorry mr. beunaventura.  but we got some trouble about your application.  hindi makatingin sa iyo si boss habang nagsasalita, parang may hinahanap sa bawat pahina ng iyong resume.  napalunok ka ng laway.  napapailing ng wala sa oras.  nagrambulan muli ang mga daga sa dibdib pero iba ang dahilan.  nilibot mo ang iyong paningin sa paligid.  it says that you don’t have any experience in the field, and we’re afraid if you can’t handle your job because of lack of wisdom, hindi ka na rin tinatablan ng lamig, ang tanda mo lang ay hindi ka tanggap sa kanilang kumpanya.  i’m very sorry mr. buenaventura.  sabay balik sa iyo ng resume.  maasim ang iyong ngiti nang abutin mo ang papel.  tinapik ka niya sa balikat.  gusto mong magsalita at magbigay ng tugon sa kanilang sinabi subalit muling bumalik ang dati mong sakit na pagpapalit ng letra sa isang salita, at hindi na ito sa pagitan lamang ng s at t, may iba na ring kumbinasyon ng mga letra ang nagkabuhol-buhol, nalimutan mo kung paanong gamitin sa ayos ng salita ang patinig at katinig, mabigat ang pakiramdam nang lumabas sa kanyang opisina.  wala ka na ring gana na batiin ang guard.  tinanong ka pa niya kung anong balita.  umiling ka lang.  tinawag ka niya.  sir!  napalingon ka sa kanya.  sinenyasan kang lumapit.  inilapit niya ang kanyang bibig sa iyong tenga.  sir, sa’tin lang ha.  bulong sa iyo.  alam ko po ang nangyari.  nagtaka ka.  nagkaroon ka ng interes na pakinggan ang kanyang sasabihin.  ser, ang totoo, wala pong problema sa inyo nagkataon lang na ‘yong pamangkin ng pinakaboss ang pinalit sa posisyon mo.  wala tayong magagawa d’un, boss ‘yon e.  nakakuyom ang iyong kamao, naaalala ang sinabi ni boss kanina nang nag-usap kayo.  nabuo sa isip mo ang imahe ng iyong magulang nang nakangiti at masaya para sa iyo, ang mga kapitbahay na pinagkuwentuhan nila, kamag-aral na nangangantsaw sa iyo dati at gc na nanampal sa iyo, ang pagiging president ng pilipinas, pero lahat ng ito ay nawala.  nanghihinayang ka rin sa mga kumpanyang kumontak sa iyo dati na kung alam mo lang sana pumunta ka pa rin.  ‘wag ka na lang maingay ser, pero kahit si boss na nakausap mo ay ayaw tanggapin ‘yong pumalit sa’yo kasi hindi pa tapos ng college.  hindi mo alam kung maniniwala ka pa sa kanya o baka plano talaga ito simula’t sapul upang hindi masyadong mabigat sa kalooban ang nangyari.  napapapikit ka.  napailing.  ayaw mo nang marinig ang buong kuwento.  nagpasalamat ka na lang sa guard.  matabang iyong bati sa kanya.  sige ser salamat po.  kumaway ka sa kanya.  pasensya na ser, gan’un talaga ang buhay.  tumango ka lang sa kanyang sinabi.  naglakad ka papalayo sa gusali habang hawak ang iyong resume.  tinitignan mo ang iyong nakangiting larawan na parang nagsasabing ako ang huling larawan mo na marangal.  pero hindi ordinaryong larawan ito, nakikita mo ang iyong sarili, ginagaya ang ginagawa ng iyong mukha na parang nanunudya, pinitik mo, nasaktan din ang iyong mukha, may pumatong na imehe ng bungo ito, waring tinatawanan ka, nagkaroon ng konting lukot ang papel, napakunot ang iyong noo sa nakapapasong sikat ng araw.  natuon ang atensiyon mo rito.  dinuro mo ito na parang sinisermunan, bwakananginaka marami ka pang hindi alam sa mundo.  hindi mo namalayang nasa intersection ka ng kalsada at may pagewang-gewang na motor papalapit sa iyo.  balewala ang bigat mo nang tumilapon ka sa salamin sa malapit na gusali.  pero teka, hindi dapat ito ang mangyayari, may natitira ka pang anim na taon para maghirap.  nilinlang mo ako, unti-unti mo na pa lang sinusunog ang papel mo. 

No comments: