Friday, November 3, 2017

Isa Pang Bersyon Ng Love Story

 (Maikling Kuwento)


MAPALOOBAN O LABASAN, HINDI PUWEDENG hindi mo kilala si Balong. Kilala rin siya sa tawag na Ahas. Ang kuwento, dahil raw ‘yon sa mga peklat at tahi sa kanyang magkabilang braso’t katawan. Para kasing may mga nakapilang alupihan - sa magkabilang braso. Paano’y gawin ba namang panalag nang napasabit sa isang away-lasing. Sobrang kati rin daw kasi talaga ng mga kamay nito dati n’ung teenager siya. Kaya madalas siyang hagarin nang saksak at taga ng mga taong pinagtangkaan niyang nakawan. Hindi siya puwedeng magnakaw sa looban. Syempre bisto siya, kaya mga subdivision ang napagtripan. Gan’un din nang magkasulutan sila ng kasama niya. Nagkaonsehan/nagkagulangan/nagkasaksakan. Kaya sa sobrang phobia ng kasama nito, nagkusa na lang na umalis sa looban. May tattoo rin siya sa katawan at dibdib na isang ahas. Mula sa kanyang leeg ay ang buntot at sa kanyang katawan parang ito’y nakapulupot. Hanggang baywang lamang ito, ewan kung nasaan ang ulo, natatakpan kasi kapag nakasuot siya ng short. At malapit na rin maging kakulay ng kanyang balat ang tattoo. Parehong nangingitim.
AT ITO NGA, nagwawala na naman si Balong. Tulad ng dati ginagawa niya pa rin ang kanyang ritwal. Lagi kasi ‘yong nandun sa may daanan sa looban. At ang paborito niyang oras ay ‘yong mga bandang paala singko ng hapon. ‘Yong pa-rush hour. Para maraming makakita at makapanuod sa kanya. Kaya kapag gan’un na, ang gagawin nito’y magsisisigaw lang, magwawala. Tapos haharang sa daan (minsan nakaupo minsan naman nakatayo pero mas madalas nakaupo). Ang kinatatakot kasi ng mga dumaraang hindi nakakakilala sa kanya’y kapag may hawak itong bote ng pulang kabayo. Na kahit walang laman ay gusto niyang laging dala, na parang sandata. Kaya ‘yong iba natatakot dumaan dito, lalo na ‘yong mga tagalabasan dahil hindi s’ya kilala.
Narinig niya ang boses ng kanyang panganay na babae na si Abubot, galit na galit. Tumigil siya sa pagwawala. Pati mga taong dumadaan ay napahinto nang makita ang eksena. Palinga-linga muna s’ya. Ang kanyang asawa naman na si Felly na mas kilala sa tawag na Ngongi ay tyempong bumibili ng bigas malapit sa lugar kung saan siya nagwawala. Lumapit si Ngongi at kinalabit si Balong sa kanag braso.
“’Yoh anat moh, baa mapao. Putahan mo.” Si Ngongi na inutusan ang asawa. “Di to maatikato, may niluluto ato.”
Papalapit si Ahas sa nag-aaway na mga bata. Kanyang naririnig ang usapan nito.
Nakita niya rin kasing nagwawala ang kanyang panganay na anak na si Abubot na Riza ang totoong pangalan.
Ang buhok niya’y mukhang isang linggong hindi sinusuklay, kaya mukha ng alambre sa tigas. Para ring nagsesebo ang balat na akala mo’y sponge na panghugas at hindi natutuyo/nawawala ang bula. Nakaupo ito sa may tapat ng suking tambayan ng mga manginginom, nagdadamo, nagra-rugby isama mo na ‘yong mga nagtutulak at gumagamit ng bato. Nakapuwestong pang-five hundread. Matalim ang tingin tulad ng ahas na nag-aabang ng tamang pagkakataon para umatake. Tinitingnan pala si Nunoy na kanyang kuya sa ina. Na ewan kung saan din kumuha ng utak. Utal. Hindi marunong magbasa at magkuwenta. Malas na bata. Kung bakit naman sa dinami-raming puwedeng maging kamukha sa ina pa nagmana. Ayon, kaya kahit bata pa’y mukha ng matanda.
Kalaro n’un ni Nunoy ng teks ang mga kaibigan niya at inoobserbahan lang ni Abubot ang nangyayari, hanggang sa napansin niya na dinudugas ang kuya, siya na mismo ang nagkumpronta sa mga kalaro ng kuya.
Madugas ka ha!”
Epal, ‘di ka naman kasali.”
Madugas ka, iniipit mo ‘yong pato mo e.”
Habang si Nunoy pangiti-ngiti lang talaga, walang imik.
“Anong inipit? ‘Di ka kasali dito, d’un ka nga sa lungga mo Snake.” Tumutulis pa ang nguso ng bata.
“Ginugulangan mo ‘yong kuya ko e,” hindi na nakatiis at sinugod na ang kalaro ng kuya. Hanggang balikat lang kaya kitang-kita ang pagkabansot ng bata.
“Pakialam mo ba? D’un ka nga Snake.” Lalo pang tumutulis ang nguso.
“Tangina mo ha!”
“Tangina mo rin!”
“Gagu ka ha!”
“Mas gagu ka Snake!”
Snake pala ha!” Straight sana sa tiyan ang gagawin. Kaso yumuko. Sapol ang mukha, parang barumbarong na nagiba. Ngodngod sa sementong mamasa-masa. Tulo ang dugo sa ilong, gasgas pa ang mukha. Nang maka-recover, isang matalim na tingin ang binigay kay Abubot. Sabay ngawa. Naglulupasay.
“Gagu ka! Tangina mong Snake ka!” Tulo ang sipon na may kasamang dugo . “Susumbong kita sa mama ko, gagu kang Snake ka! Tangina mo!”
“Tangina mo ka rin! Iyakin ka naman e.” Siya naman ngayon ang matulis ang nguso.
Karipas naman ng takbo ang kalaro ng kuya. Humahagulgol sa daan dala-dala ang mga text na anime. Habang nakangiti lang si Nunoy.
“’Di talaga marunong ‘to e. Tanga mo kasi e.” Lumapit si Abubot kay Nunoy. “Bobo mo talaga, dinudugas ka na e.”
Narinig ulit ni Abubot ang iyak ng batang kalaro ng kuya na nabigyan n’ya ng isang straight sa mukha. Palakas nang palakas habang papalapit. Napatingin s’ya kung saan ito nagmumula. Nang makita ni Abubot na paparating ang sinapak na bata habang humahagulgol at lalo pang inaartehan ang pag-iyak para mas kampihan ng Ina.
“Ma!” turo kay Abubot. “Yan ‘yong sinasabi ko sa’yo.” Pinapapangit pa lalo ang mukha para mas makumbinse ang Ina na siya’y inosente. Nanlaki ang mga mata ni Abubot, sabay takbong marathon papunta sa looban.
“Sa’n bahay n’yo?” Tanong ng babae kay Nunoy.
Ngumiti lang si Nunoy.
“Sa’n sabi bahay n’yo.” Nanlalaki ang mga mata.
Ngiti pa rin. Hanggang sa maasar na ang babae at pinagdiskitahan ang anak na nag-iinarte.
“Ikaw kasing bata ka!” Palo sa pwet ng pekeng manipis na tsinelas na Banana Peel. “Putangina ka! Wag ka nang lalabas. Siraulo ka talaga. Pasok sa bahay. ‘Wag kang lalabas animal kang hayop ka.”
Lalong kinantsawan ng mga tambay ang bata. Lalo lang rin pinalo at pinagmumura ng Ina ang anak. Na naging dahilan naman para matuwa ang nanunuod na tatay ni Abubot na si Ahas.
Ahas talaga, manang-mana sa akin. Naibulong niya sa sarili. Sabay Ngisi.
NAPANSIN NIYA RIN NA NANUNUOD ng nagka-kara y krus sa isang umpukan ang isa pa niyang anak na sumunod kay Abubot, si Ricky. Na kilala naman sa tawag na Cobra, kasinggulang daw kasi ito ng kanilang ama na kabaliktaran ng kuyang si Nunoy. Sa kapayatan na akala mo’y isang tingting. Kabansutan na parang singtaas lang ng tatlong bote ng 1.5 na coke at kalakihan ng tiyan na mukhang butete. Kaya pagkakamalan mong pitong taong gulang pa lang kahit dose na. Kahit anong laro sa baraha ay alam, lalo na kapag may taya.
“Ricky!” Sigaw ni Snake sabay taas ng bote. Senyas ng kamay.
“Teta lan.” Sabay kamot sa batok.
“Iuuntog ko ‘yang ulo mo! Lumapit ka dito!” Pasigaw na tawag ng Ama.
Sa takot ng bata’y agad na tumakbo palapit sa Ama.
“Ano nun?” Pagdadabog ni Cobra.
“Tangina mo!” Sabay ni Snake kay Cobra. “Nasaan mga kapatid mo?”
“Na ka mama ehh.”
“Nasaan ba ‘yang nanay mo?”
“Ean ko, nasa baay ‘ata”
“’Hanapin mo ‘yong ate mo. Magpatapon na kayo ng basura.” Isang ambang suntok ang ginawa ni Balong na siyang nakapagpararipas ng takbo ni Cobra.
Kapag gabi’y para kanila Abubot at Cobra ay oras na ng trabaho. Sila ang kumakatok sa mga bahay-bahay para magtanong kung sino ang magpapatapon ng basura. Mula sa labasan na mababango, malalaki at makukulay ‘gaya sa mga commercial ng pintura. Patungo sa pinakadulo ng looban na mula sa yero at kahoy, hanggang sa maging karton ang itsura ng haligi, dingding at bubong. Salamat na lang rin sa mga pulitiko at malaki ang pakinabang ng mga tarpauling kanilang pinamigay noong nakaraang eleksiyon. ‘Yong mga tao naman, sa sobrang awa, kahit wala talagang laman ang basura, ipapatapon para lang makatulong.
Patapon?”
Wala pa e.”
“’Te, patapon po?” Minsan, ‘yong mga nagpi-feeling mayaman sa amin. Pinapabayaan lang silang kumatok at magtanong. Ang masama pa, hinahayaan nilang tahulan ng mga alagang aso ang mga bata.
Mamaya na.”
Masyado pang maaga.”
Wala pang alas otso.”
Kahit maaga pa, nagpapa-reserve na sila sa mga tao na sila ang magtatapon ng basura, para hindi maunahan ng ibang mga bata.
Tapon?”
“’Te, patapon po?”
“’Te may basura kayo? Patapon?”
Pagsapit na ng mga bandang ala syite. Nagtatrabaho na sila (ni Abubot at Rico). At eksaktong tapos na rin ang oras ng pagwawala ni Ahas, ang punta na niya ngayon, sa tambakan ng basura dala-dala ang pamitpit ng lata. Pagsasama-samahin naman ang mga nakuhang basura at isasakay na sa ginawa nilang maliit na kariton. Ito ang pinakaoras ng kanilang trabaho. Naghahanap ng puwedeng pakinabangan. Hindi na nga nila alintana kung gaano kabaho ang mga basurang tinatambak ng mga tao na parang expired na durian. Basta sila, buong sigla nilang kinakapa ang mga ito upang makakita ng puwedeng gawing kalakal, gaya ng plastic, karton, lata, at mga sirang gamit na puwede pang remeyuhan. Inaabot sila doon ng hanggang alas dyes, kasi ‘yon ang oras na hahakutin na ng truck ang mga basura. At kapag tapos na, iipunin ang mga nakuhang kalakal, para maibenta kinabukasan. At ‘yon na ang panggastos nila sa maghapon.
NAKAPAGTATAKA LANG at hindi pa tumitigil sa pagwawala si Ahas. At hindi pa pumupunta sa may tambakan para simulan ang trabahong manguha ng makakalakal.
Ano? ‘Kala ko ba naawa kayo sa’kin,” pause – mga 10 secs. “Ako? Ako ang siga dito.” pause ulit. “Kung talagang matapang kayo, lumapit kayo dito.” Pause. “Dito sa harap ko, nang makita n’yong hinahanap n’yo.” Garalgal na paos na parang galing sa lumang radyo, na may lumang baterya. Tuloy-tuloy lang siya sa pagwawala pero dinadaan-daanan lang naman siya ng mga nakakakilala.
Nagkataon naman na may bagong taga-looban at hindi kilala kung sino siya. Sa sobrang takot ay nagpatawag ng Tanod.
Manong! ‘Yan sinasabi ko sa iyo.” Sabay turo ni ate (nasa 20-22 ang edad) kay Ahas.
Isang malaking “Ah” na kita ang ngalangala. “Wala yan, ganyan talaga ‘yan.”
Anong ganyan talaga ‘yan?” Lalong kinakabahan.
“’Wag kayong matakot d’yan.” Iling. Sabay tawa ng tanod.
Nakakasagabal manong!”
Tsk,” iling. “Sige, diretso lang kayo.” Ngiti.
Manong?” Gulat na gulat.
Ate, magtiwala ka.” Taas ng dalawang kilay. “Kilala namin yan, ganyan talaga yan. ‘Di yan nananakit. Mabait ‘yan.”
SALAMAT NA NGA LANG KAY ate Felly ngongo, mas kilala sa tawag na Ngongi. Si Ngogni na ang paborito kulay ay ang dilaw at itim. Nangingitim ang kanyang balat lalo na sa gawing kilikili at singit-singit, pero naninilaw ang mata at ang ngipin. Na ang buhok niya ay kulay kalawang pero hindi naman tininahan. Ngongi ang tukso sa kanya, para raw kasing naputukan ng Five Star ‘yong labi, kaibahan lang, sa kanya wala na raw dugo at sugat. Kaya kung magsalita, kailangan mo talagang ipaulit at ipadahan-dahan para maintindihan. Ito lang rin daw kasi ang nakapagpabago kay Ahas na dating magnanakaw at akyat-bahay. Sabi kasi ni Ngongi (dati), kung hindi raw siya magbabago sa ginagawa, hindi niya raw ito tatanggapin na asawa, kahit hindi naman talaga sila kasal at nag-aanuhan lang. Sa totoo lang, tutol ang mga magulang ni Ngongi sa kanilang dalawa. Maatim mo naman daw na may anak na kay kuya Amulong (si Nunoy nga ‘yon). Na isang lalaking maganda ang trabaho’t may posisyon sa munisipyo, na kahit lagas na ang buhok ay kita pa rin raw ang kakisigan at kagwapuhang (ayon sa mga magulang ni Ngongi) taglay nito. Isa pa, malaki raw ang maitutulong nito sa pagpapaaral sa limang kapatid ni Ngongi (at siya ang masigasig na tagalako), lalo pa’t hindi sumasapat ang kita sa pagtitinda ng meryendang banana que tuwing hapon. Tiyak rin daw na mababawasan ang limang page ng notebook na utang nila sa tindahan ni Aleng Lily. Ang suking tindahan ng mga mangungutang sa looban. Na masaya na kapag hindi siya binayaran ay nakakadakdak nang one to sawa na okey lang naman sa mga hindi makakabayad ng utang. Kaso, hindi raw maintindihan ng kanyang mga magulang kung bakit nito pinagpalit sa isang magnanakaw na wala raw pangarap sa buhay. Sagot ni Ngongi kapag sinusumbatan siya ng magulang, hindi raw niya ito type kahit pa nga may anak sila na si Nunoy. At saksakan daw ito ng pangit.
N’ung dati nagkaroon ng problema, kasi ipinagbawal na ang pagtatapon sa kalye (puwesto nina Ahas). Katwiran ng mga taga-barangay, doon na lang itapon sa kabilang hi-way, kasi raw parehas lang naman at nakakapagpasikip pa ng daloy ng trapiko. Dagdag pa’y isang tawid lang andon na ang pangalawang tapunan ng basura. At para makasigurado, ang dating puwesto nina Ahas lagi nang may nagbabantay na tanod para matiyak na walang magtatapon doon. Kaya nakipuwesto na lang sila sa ibang mga basurero sa kabilang hi-way. At dahil puwesto ‘yon ng matandang basurerong kita ang loob ng bibig kapag ngumingiti. Nagkaroon ng konting alitan sa pagitan nina Ahas. Hindi rin naman nakatiis ang matanda dahil nauunawaan niyang may pamilya si Ahas, kaya’t napagkasunduan nilang hatiin na lang ang puwesto. Sa kanan ang sa matanda at sa kaliwa nama’y kanila Ahas. Ang mga nakakakilala kay Ahas (sa kabilang hi-way - sa’min) sa looban at labasan ang nagtatapon sa kanyang puwesto. At vice versa. Pinagpapatong-patong ni Ahas ang mga basurang nakalagay sa sako para makagawa square. At sa gitna, doon ihahagis/ilalagay/itatambak (o kaya iaabot sa kanya) ang mga basura ng mga taong nakakakilala sa kanya.
Minsan, dahil nga hindi sapat ang kita sa pagbabasura. Dumidiskarte rin si Ngongi para magkaroon ng dagdag kita. Sa kanya kasi ipinaiikot at ipinalalako ang mga item na gustong ibenta ng mga tao. Kadalasan ang mga suki niya ay mga tagalabasan at masigasig siyang nagbabahay-bahay sa looban para maglako. Nilalagyan niya ng tubo at ‘yon na ‘yong pinaka-commission niya r’un. Minsan walang bumubili. Minsan mayroon. Minsan rin binabarat pa siya. Kung kaya minsan talaga para lang siyang tumulong sa nagpapabenta kahit walang kapalit. May mga mababait naman na binibigyan na lang sila ng ulam at soft drinks bilang tulong.
Si Felly na karga ang bunsong anak at kasunod na naglalakad ang ikatlo nilang anak. Nakitang may tanod na sumisita sa asawa sa pagwawala. Pati na rin ang babaeng nagrereklamo at hindi malaman kung anong gagawain, nag-aalala na baka sa susunod na araw ay magwala ulit ang inireklamo. Napailing na lang ito at agad na naglakad upang puntahan at lapitan ang asawa na mukhang walang makapipigil kundi siya lamang.
“Umingil ka na nyan,” sabay kindat sa asawang si Balong.
Nginisihan ni Ahas ang asawa. Sabay iling. Ilang segudo’y agad na binasag ang hawak na bote ng Red Horse. Pero wala pa rin s’yang nakuhang atensyon ninuman.
Kapag nakita mo ‘yong mga bata! Sabihin mo dumiretso sa tapunan ng basura. Sila ang mangalakal ngayon.” Tumango lang si Ngongi, hindi na hinintay pa ang sunod na sasabihin ng asawa. Agad na bumalik ulit sa kanilang bahay na sinundan naman ng tingin ni Ahas habang nakangiti’t kita ang naninilaw na ngipin.
Tyempo namang nakita niya ang dalawang anak na may mga dalang basura. Tinawag nito si Abubot at sinenyasan na lumapit gamit ang kamay na parang burker na nagtatawag ng pasahero sa isang pampasaherong jeep.
Pagtapos mo d’yan,” dinuduro ang ulo ng anak. “Puntahan mo ‘yong mama mo sa bahay. Kunin mo ‘yong kapatid mo at bantayan mo.” Alisto naman bata at ang sagot ay “opo” na may kasamang maraming pagtango.
At Ikaw,” binaling naman ang tingin Ricky na nasa likod ng ate. “Mangalakal ka muna pagkatapon niyo ng basura.” Habang tinatapik ang kanang balikat ng batang lalaki. Tumango lang si Ahas. At sabay na tinungo ng magkapatid ang tambakan ng basura.
GABI NA, kalma muna si Balong. Mamayang konti, mabubuhay si Ahas. Naghihintay na si Felly.


Friday, February 26, 2016

Mga Dapat Gawin Sa Paggawa Ng Term Paper : O Para Makalusot Sa Professor Mo


1.       dHa4mHi3Hha4nH a4n6 typographical error
2.       Damihan ,ang : maling ! paggamit sa … punctuation .marks ?
3.       Huwag i-justify
4.       Huwag maglagay ng reference na galing sa internet
a.       Cute kapag galing sa libro
b.      Cute rin kapag nag-interview lalo na kung kilalang tao
c.       Pero pinaka-cute sa lahat kapag imbento lang ‘yong  reference (galingan mo lang magpaliwanag).
5.       Kung sakaling pagpilitan mong kumuha sa internet ito ang mga dapat tandaan:
a.       Huwag piliin  ‘yong masyadong malalalim o luma ang lenggwahe.  Lalo na kung freshmen o sophomore ka, halata masyado.
b.      Kapag naghanap sa google ng gustong topic, huwag piliin ‘yong top suggested link.  Mas maganda, piliin ‘yong pinakadulo.
c.       Kapag na-Ctrl A, Ctrl C at Ctrl V na sa MS word, baguhin ang title.  Mula sa pinaka-hardcore na lenggwahe papunta sa pinakamababaw na salita.  Alam mo na.
d.      Tanggalin ang background color kapag nasa MS word, ‘wag kang  tanga ha!
e.      Huwag i-rearrange ‘yong laman.
6.       Huwag lagyan ng pangalan ang papel gamit na pasulat kamay.
7.       Kung sakaling parehas kayo ng gawa ng tropa mo:
a.       Dapat hindi magkasunod ‘yong  papel niyo kapag magpapasa, mas madaling mahuhuli.
b.      Baguhin nang konti ang format (Font style, size, spacing, margins at size ng bond paper), mag-effort kahit konti.
8.       Kapag ipapasa magpapasa, piliting isiksik sa ilalim ang papel.  Sa oras na basahin na ‘yong gawa ninyo, panigurado pagod na siya kapag sa ‘yong gawa mo na ‘yong uupuan.
9.       Kung non-sense ang topic, gumamit ng mga malalalim na salita para kunyaring aral at pinaghandaan.  Sample, imbes na nalilito gamitin ang nagugulumihanan, napagtanto imbes na naisip, etc.
10.   Kung sakaling maganda ang topic, ‘wag masyadong magmalalim.  Baka pagdudahan ka na gawa ng kung sinong sikat na writer ‘yang papel mo.
11.   Isingit ang statement na:  “BINABASA KAYA ‘TO NG PROFESSOR NAMIN, PURO NA LANG PASULAT AT PAPASA NG GANITO DI NAMAN BINABASA, SANA NAMAN PO NA-APPRECIATE NIYO ‘TONG PINAGHIHIRAPAN NAMIN.”  Isingit sa bandang katawan o wakas ng gawa.
12.   Alamin kung masipag o tamad magbasa ang professor.
a.       Kapag tamad, kumuha lang sa google.  5 – 10 minutes tapos na ‘yon, kasama na ‘yong pag-print.
b.      Kapag masipag, gawin at sundin ang payo mula 1 hanggang 12.  Repeat till fade.

Friday, September 18, 2015

Limang Tip Para Mawala Sa Lungsod Ang Trapik


KAPAG USAPIN NA NG trapik, hindi puwede’ng maarte o pabebe.  Halimbawa nito kapag rush hour, ‘wag nang choosy sa pagpili ng maluwang na sasakyan,  pa’no kung apat na oras ka nang naghihintay ng  sasakyang walang masyadong laman. Gutom ka na’t lahat-lahat, lata pa ang katawan sa sobrang pagod.  Badtrip ka pa kasi hindi mo napanuod ‘yong ALBUD kanina sa (depende kung saan ka pumapasok).  Sa kamalasan umulan pa, imbes na nakaupo ka na’t nagnanakaw ng tulog sa sinasakyan ayun mapapakanta ka na lang ng ganito:  Ito ako, basang-basa sa ulan.  Walang masisilungan, walang mga sasakyan.  Hustle ‘di ba?
Kaya meron akong mungkahi para maiwasan o mawala ang trapik.  Ito ang ilan.

1.      Last Politician Standing – Magkakaroon ng eleksiyon sa loob ng isang taon.  Kung sino ang may pinakamadaming boto sa bawat buwan ay siyang hihiranging mayor, congressman, senador, bise president at president.  At forever na silang nakaupo sa puwesto.  Halimbawa.  Pangalanan natin sina A at B bilang Pulitiko. Tuwing unang linggo ng buwan ang pangangampanya, sa ikatlong buwan ang boto at ikaapat na buwan ang pagbibilang ng boto. 
Ipagpalagay natin sa January nanalo si A, February si A . . .                            

Monthly Results of Election - Percentage
Month
A
B
Winner
1.       January
55%
45%
A
2.       February
10%
90%
B
3.       March
86%
14%
A
4.       April
31%
69%
B
5.       May
50%
50%
DRAW
6.       June
80%
20%
A
7.       July
21%
79%
B
8.       August
82%
18%
A
9.       September
44%
56%
B
10.   October
60%
40%
A
11.   November
50%
50%
DRAW
12.   December
54%
56%
B







DRAW

Kung sakaling magkaroon ng draw kagaya ng nasa itaas.  May isang laro para masukat ang pasensiya at katatagan ng pulitiko. 
Sa City Hall maglalagay ng sobrang laking screen para makita ng mga tao na hindi dinadaya ang eleksyion.  Simple lang ang rule.  Mananalo ang pulitikong may mataas na score sa Flappy Bird.  Best of 7 ang laban.
Nagtataka ka siguro kung anong connection nito sa Trapik.  Syempre, dahil buwan-buwan may eleksiyon buwan-buwan ding aayusin ang mga kalsada, kalye, drainage at tulay.  Andito na ‘yong Road Widening, papalawakin ang mga ito.  Kapag informal settler ka at natamaan ang cute mong barung-baro, wala kang magagawa kundi bumalik sa probinsiyang pinanggalingan mo.  Di ka na nila ililipat sa ibang lugar, kasi inaayos din ‘yon.  Wala kang lusot kaya mamundok ka na lang.

2.      Oplan-Balik-Probinsiya – Related ‘to sa tip 1.  Kung lahat ng nasa informal settler ay babalik sa probinsiya, ibig sabihin kokonti na lang ang tao sa Lungsod.  Wala ng commuter, jeepney/taxi/fx driver, estudyante, vendor, snatcher, hold-upper, bank rubber. 
‘Yong huling tatlo, yan kasi madalas ang ginagawang krimen ng mga tao, dala ng kahirapan.  Pero dahil bawal na ang mahirap sa lungsod, wala nang gagawa ng mga nabanggit.  Payapa at  masaya ang lahat.  Salamat talaga sa mga pulitiko.     

3.      Oil Price Hike – Big time na’ng mga tao sa lungsod.  Kaya maiisip ng pogi at maganda nating pulitiko na gawing P1000/ liter ang gasolina.  Lumalabas na kung magko-konsumo ka ng 50 liters sa isang araw ay kakailanganin mong magbayad P50,000 sa isang araw.  Sa isang buwan ay P1.5 million.  Sa isang taon naman ay P18,000,000 o P18 million.  Syempre dahil malawak at wala ng masyadong tao sa lungsod ay puwede nang gawing parang Need For SpeedFast and the Furious ang kalsada.  Isang dahilan para ma-inspire magmaneho ang mga nasa lungsod.
Ano naman kung tumaas ang presyo ng langis, magmamahal lang naman ang pagde-deliver ng mga gulay at karne.  Tataas ang presyo ng mga ito, magmamahal ang supply ng pagkain.  Pati kuryente at tubig sasali rin.  Kasunod nito ang E-VAT at TAX.  Malulungkot/magmumukmok/mananahimik/iiyak/masasaktan si mayaman.  Magpo-protesta kaso naisip niyang hindi ito gawain ng isang mayaman.  Kaya kasama ng mga mahihirap, pupunta na lang siyang probinsiya gamit ang sasakyan (isipin kung ilang litro ng gasolina ang maku-konsumo).  Pagdating sa destinasyon wala na siyang pera at pagkain.  Naubos lahat sa gasolina.  Eksaktong tumirik  ang kanyang sasakyan sa tapat ng isang magubat na bundok.  Maiisip niyang dito muna manirahan.

4.      Abolish Networking – Kung na-orient ka na ng mga ito, alam kong maiintindihan mo’ng sasabihin ko.  Isa ka ba sa mga nalibre ng kape sa Star Bucks o nagsawa sa kanin sa Mang Inasal.  At sa duloy tatanungin ka : “Brad, Open-Minded ka ba sa Business?  Gusto mo bang matulungan pamilya mo.  Sa simpleng bagay lang maisasalba mo na sila sa kahirapan.  Wala kang ibang gagawin kundi . . . .”
w35vtw95jybw5jy83jy8vwysersdjng82t986t9jseirgj q4tq wtv2ncu8tu2vc6t24v24862486
Ipapakita sa’yo sa isang clear book ang lahat ng mga ka-member niya na naninirahan na sa ibang bansa.  Nagkaroon ng condo unit at higit sa lahat, sa loob ng 2 buwan ay meron ng kotse/sasakyan. 
Kung wala kang pambayad or quote and unquote membership fee, puwede kang magsanla ng kahit anong gadget.  O kaya magbenta ng mga sabon, inumin, shampoo, toccino, longganisa, imbotido, hotdog, kakanin, bibingka, ice drop, tinapay at .  For more information, sumama lang kapag may nagyaya sa’yo sa daan na naghahanap sila ng encoder/researcher/writer.  Good luck sa pressure kapag pinalibutan ka ng niggas nila.
Balik tayo sa kotse.  Kung lahat ng member nila’y may kotse, at Pyramiding  (patanong na lang din sa kanila kung ano ibig sabihin nito) ang kanilang istilo. Ipagpalagay nating nagsimula sila noong 2009.  At ibig sabihin, andami ngang may kotse sa lungsod. 
Kaya magagalit si mahal at dakilang pulitiko.  Ayaw niyang may kahati sa negosyo este sa pangangalaga sa kapakanan ng kanyang nasasakupan.  Kaya bibilhin niya ang mga ito, kung ayaw naman pumayag.  Ipapapatay lahat ng miyembro ng networking na ito.  ‘Yong pagpapapatay niya pa e parang sa The Dictator na movie.
Dahil kanya na ang mga condo at kotse, dito niya ngayon papatirahin lahat ng kanyang kamag-anak at empleyado.  Para hindi na hustle at magastos sa gas, magpapatayo siya ng Mall sa tapat ng bahay/condo/mansion/kastilyo/ niya.  Solve.  Less Hustle.

5.      From Urban to Rural – mapapansin ng butihing pulitiko na wala ng tao sa lungsod.  Maiisip niyang nasa probinsiya na nga pala ang mga ito.  Pero hindi niya kailangan agad pumunta doon kasi puwede niyang kontakin ang ibang pulitikong nasa probinsiya kung saan ba nagtatago ang mga taong dating taga-lungsod.  Magkakasundo sila kasi nga’y lahat ng  tao ay namundok.  Pupuntahan nila ang mga ito – itong mga mahihirap, mayayaman na naubusan ng pera at dating miyembro ng networking.  Kaso hihirit ang mga nasa bundok.
“hoy, ‘wag na kayo dito”
“naparito kami para tumulong”  na lagi naman talaga nilang ginagawa
“ulol, kuwento niyo pa”

Hanggang sa magkagirian.  Pinipilit pumasok ng mga pulitiko(X) at patuloy silang pinagtatabuyan ng mga taga-bundok(Y). 
At dahil ayaw talagang makisama ng mga Y.  Ito’y mahahantong sa digmaan. Pero sila’y  Magkakasundo.  Mag-aaway.  Magtatampo.  May mari-realize.  Magbabago.  Masasaktan, Luluha at muling Tatanggapin (repeat).
Lilipat ang X na taga-lungsod sa probinsya para makipagtulugan sa mga X dito. 

Ang dating payapang probinsiya’y magiging kagaya ng dating imahe ng lungsod.  Dahil dalawa  X dito.  Kailangang may isang hirangin para sa kapakanan ng bawat mamamayan dito.  Magkakaroong ulit ng eleksiyon.  Ganoon pa rin ang systema.  At pakibasa na lang ulit ng Tip 1.  Vice-versa naman kasi dito na sa probinsya ang terrain ng laban.  Mapapalitan ang title ng:   LIMANG TIP PARA MAWALA SA PROBINSIYA ANG TRAPIK.  Then repeat sa Tip 1.  Repeat, repeat at repeat till fade.

Monday, February 2, 2015

Test Paper

Malapit na sa kanilang linya ang treasurer.  Hindi marunong ngumiti at walang pakialam sa mga paliwanag.  Kung magbabayad, magbayad, kung hindi  walang exam na makukuha.  Hindi niya na hinintay na makalapit pa ito sa kanya.  Isinabay niya ang kanyang bayad sa katabing kaklse.

“Dal’wa kami d’yan.”  Sabay turo kay Ambo nang iabot ang bente pesos na mamiso.  Napabuntong hininga ang nag-abot ng pera.

“Tae, tagpipiso ampota!”

“Aarte ka pa, bibigay mo din naman yan kay ser.”  sagot ng nag-abot ng bayad.

Nang lumagpas na kay Ambo ang masungit na treasurer, d’un lamang napayapa ang kanyang kalooban.
Kinakalikot ni Ambo ang kanyang tagyawat sa noo habang naghihintay na magsimula ang kanilang exam.  Ayaw niyang ipahalatang kinakabahan siya.  Ayaw niyang magpahalata . . .

Nasingil na lahat sa klase.  Inilapag ng treasurer ang nakolektang pera sa lamesa ng kanilang matandang professor na nakuha ang atensyon habang inaayos ang kanilang index card.

“. . . kumpleto na ser.”  Ipaliwanag ng treasurer kung ilan ang nagbayad pati ang nakolekta.  Ibinigay rin ang listahan dito.

Iniabot sa kausap ang nakasupot na test paper at test booklet.  Umikot ulit ang treasurer para ibigay sa mga nakapagbayad.

One seat-apart.  Nagsimula ang exam.  Kinakabahan ang iba.  Iniisip na baka lumagapak.  Nagtataka naman ang iba kung bakit ang mahal ng kanilang binayaran.  Binibilang ng kanilang professor ang pera.  Hindi mapanatag  si ambo.  Tingin nang tingin sa perang inaayos, natatakot.  Nananalanging ‘wag masita at ipahiya.  Nakita niyang may ibinukod na 3 pipisuhing barya.  Naghabulan ang mga daga sa dibdib.  Nangamatis ang mukha.  Yumoko.  Ayaw magpahalata.  Tumulo ang malamig na pawis, tumama sa test paper – sa logo ng kanilang school.  Nataranta ang utak ni Ambo nang basagin ng kanilang professor ang seryosong katahimikan sa klase.   Inayos ang salamin.  Tumayo at itinaas ang baryang ibinukod kanina.

“Sinong nagbayad netong lumang pera?”

Tuesday, December 9, 2014

10 dahilan kung bakit hindi nagsi-selfie ang tunay na mahihirap sa Pilipinas



SUSPETSA KO MAGKAKAGULO TAYO kung ano ba talaga ang kahulugan ng salitang mahirap.  ‘Yong iba kasi mapagpanggap na mahirap.  Oo madami akong kilalang ganito, ‘yong tipong mahirap daw sila kaya sa State U nag-aral, pero tignan mo naman ang gadget mas advance pa sa Pilipinas.  Meron ding mga nasa-informal settler na nagsasabing mahirap daw sila.  Pero tignan mo naman, may cable ang bahay, may wifi at syempre may computer/laptop (para saan nga naman ang wifi ‘no?).  Bahala na, siguro sa pag-alam natin sa mga dahilan kung bakit hindi nagsi-selfie ang tunay na mahirap sa Pilipinas ay baka malaman din natin kung ano ang depinisyon nito.

1.      Background - Ampanget nga namang mag-selfie sa bahay (o baka sa inuupahang bahay, puwede rin ‘yong literal na barung-barong, tipong konting ihip lang ng hangin giba na) kung ang background ay mukha nila Kapitan, Konsehal, Congressman o kaya Mayor.  Mga arbor na tarpaulin noong nakaraang election ang ginamit na trapal sa bahay.  May kalendaryo pang nakalagay - Family picture ni Mayor.  Nakangiti silang lahat.  Maligayang pasko daw.  Pusta ko, ‘yong iba d’yan hanggang picture na lang ang pagtingin kay Mayor, madami kasi hindi pa nila ‘to nakikita sa personal.  Hello, bawal kayang lumapit kay Mayor ang mahirap.  ‘Di ka puwedeng pumasok sa office niya, yari ka sa mga guard.  Bawal ang haggard at dugyot d’un, baka masabihan kang pasneya.  Kung makapasok ka man sa city hall, nag-out of town ito, hmp baka may appointment.  O kaya pinag-uusapan nila ni Congressman kung paano ba gagastusin ‘yong pork-barrel (ops, no comment), pahamak daw talaga ‘tong si tita Janet.  At saka kung mukha ng pulitiko ang background, isiping nangangandidato ka.  Baka mapatay ka pa ng kabilang partido.

2.      Walang salamin ang kubeta - Bawal din magtagal kasi kakatukin ka ng ibang taong gagamit ng kubetang ilang taon nang hindi nadadalaw ng taga-linis.  ‘Wag ka ring mag-ambisyon, wala ‘tong ilaw – iisipin mo ngang masuwerte pa ‘yong kulungan ng mga sisiw na 45 days.  ‘Yong iba nga, literal na sa lupa jumejerbaks, konting hukay, tutok at presto.  Anong ginhawa sa katawan.  Tabunan ng lupa.  Bukas ulit kapag tinawag ng kalikasan. 

3.      Busy – Walang time para pumorma at ipagkalat sa buong mundo na may bago kang ganito at ganyang gamit.  Priority kasing maka-survive sa isang araw.  ‘Yon ang malaking problema.

4.      Walang SNS (Social Networking Site – e.g. Facebook, Twitter, Instagram etc.) Account – Tignan mo ulit number 3.  Ikaw ba naman, imbes na ipambayad mo sa computer shop ‘yong pera, mas maganda sigurong ipanlaman na lang ng tiyan.  Busy para mabuhay kaya walang time gumawa ng account.  At sino ba naman ‘yong mag-a-accept sa mga friend request nila, aber?

5.      Pagkain – Ang awkward naman ‘atang pi-picture-an mo ‘yong pagkain mo, okay lang naman kung bongga, pero (hindi ko minamaliit ‘to ha, masarap ‘to lalo na kapag malamig) kung araw-araw ba namang tuyo, asin-tubig (kaning may kumbinasyon ng asin at tubig. Oo, tama ka, gagawing sabaw), kanin-adobo (kanin na nilagyan ng tuyo para may lasa).  Noodles na madaming sabaw, para nga naman makakain ang buong pamilya.  At syempre, paano na lang ‘yong wala talagang makain sa isang araw.  Ano na lang ang pi-picture-an nila na puwedeng gawing background.  At siyempre, ilang porsiyento ba ang mahihirap sa Pilipinas?  Sabihin nating 80% paano kung ‘yong mga ‘yon ay magkakaparehas ng kinakain, edi snob na ‘yong pinikturan mong pagkain.  Kasi common.  Meron na sila n’un.  Parang joke, boring na ‘yong inulit na banat.  Hindi mo masasabi na :  “p#$@ edi wow.”

6.      Cellphone and other gadget – tignan mo ulit ‘yong number 3 at 4.  Kung may cellphone man sila, panigurado walang SNS.  Ito ‘yong kapag nakita mong ginamit sa mga pampublikong lugar e ansarap pagtawanan.  Kasi nga super luma at bulok, puwedeng gawing kalso ng sasakyan.  Minsan nga pala sa isang pamilya walang may alam gumamit nito.  At minsan nakiki-text or tawag na lang sa kapit-bahay na meron nito, hindi para makipaglandian, kundi para i-text ‘yong mga bossing nila (kung construction worker, si foreman ang iti-text), sasabihin kung puwedeng bumale, ikaltas na lang sa susunod na suweldo ang binawas na pera at sana ma-extend sa trabaho.  Paano na lang daw ang pamilyang naghihikaos.  Bayani ‘no?

7.      Literacy rate – sabihin nating ‘yong mga taong ‘to, sila ‘yong nakatira sa ilalim ng tulay na malapit sa malaking kanal o kaya sa ilalim ng tulay sa Altura, Sta. Mesa, Manila, yong daanan ng PNR.  Tingin mo lahat ba sila nakapag-aral?  Kung oo man ang sagot.  Hanggang saan ang inabot nila?  ‘Yong iba kasing taga-informal settler ay galing sa mga probinsya, nagbakasakaling makakahanap ng ginhawa sa Maynila.  Kaso olats, kasi nga kapag walang diploma, walang trabaho.  Kung walang trabaho paano ka mabubuhay at sino ba ang magtyatyaga sa’yo, ‘di ba ‘yong kapwa mo rin walang trabaho o kaya galing probinsya.  Suwerte mo kapag nakatsamba ka at gumanda ang buhay, pero duda ako kung legal yan, hehe.  Balik tayo sa pinag-uusapan.  Kung hindi sila nakapag-aral, paano nila bibigyan ng kahulugan ang mga salita gaya na computer, internet, wifi, share, like, cover photo, follow, tweet and others alike.  ‘Wag kang pilosopo, oo walang subject na ganito.  Isipin mo n’ung panahon ba nila may ganito ng mga bagay?  Hello, tanungin mo ‘yong kamag-anak mong ipinanganak noong 70s.  Ikukuwento nila sa’yo ang buhay bago kumalat ang call center sa Pilipinas, haha, joke.  Basta ang una nilang banat ay ganito:  Noong araw . . .

8.      Ibang trip sa buhay – magkaiba ng problema ang taong sobrang hirap, medyo mahirap, sakto lang na mahirap, above average na mahirap, very good na mahirap at excellent na mahirap.  Tignan mo na lang ulit ‘yong number 5.  Problema ng excellent na mahirap kung paano i-edit ‘yong picture niya para gawing DP (Display Picture/Profile Picture para sa SNS).  Sa sakto lang na mahirap naman ay  kung sino ang pipiliin ni ganito at ganyan sa pinapanuod niyang telenobela kapag gabi, sama mo na ‘yong koreanobela.  Samantalang ‘yong sobrang hirap, problema ‘yong panlaman ng tiyan.  As I said, refer to number 5.

9.      History in-making – [1]Tignan mo na lang si Rizal, andami nating alaala sa kanya?  Immortal ‘ika nga, bukod sa panulat niya, andami niya ring picture.  E si Andres Bonifacio, isa lang.  Tas ‘yong kuha pa n’ung kinasal siya.  Kaya nga kapag araw ng kalayaan, napapatanong tayo, sino ba si Andres Bonifacio?  Si Rizal, siya ‘yong nasa piso ‘di ba?  Tapos pansin mo, walang kinilala ang mundo na mahirap, puwera na lang kung may naiambag kang matino.  Kaya ‘wag kang mag-ambisyon na sa bawat selfie mo ay kikilalanin ka ng kasaysayan.  Kung ikaw na medyo hindi mahirap ay etsapuwera, paano na lang ‘yong totally walang-wala?  Balik tayo, kay Rizal at Bonifacio.  Sila naman, kung bakit kilala natin, kasi sobrang laki ng ambag sa Pilipinas, paano na lang kung wala sila, baka raw andito pa rin ‘yong mga Kastila.  Angas nga ng gan’un, makikita natin in-person sila Mark at Pau Gasol.  Biro lang, hehe.  Paano ka ngang makakagawa ng kasaysayan sa mundo kung ang problema mo e ‘yong pangkain, (refer to number 5).  Wait, sino nga ba ‘yong pinagbabanggit ko mga tao?  Wait GMG ko muna.

10.  Yari! – Maangas sa America, ang krimen, literal na papatay.  For example, pagbabarilin mo ‘yong mga ka-schoolmate mo.  Angas ‘di ba?  O kaya pagpapatayin mo lahat ng tao sa bar.  Basta ang trip at kahulugan nila ng krimen ay pagpatay.  E dito sa Pilipinas, tingin ko mga militar at pulis lang ang may gan’ung trip – desaparecidos.  Tignan mo ulit ‘yong number 5 at 8.  Kung wala kang trabaho at mahirap ka, nag-apply naman kaso wala talaga.  Wala kang choice, kaysa naman makita mong dilat ang mata ng buo mong pamilya, pagkapit na lang sa patalim ang magiging resulta.  (Hindi ko nilalahat ha, hindi lahat ng mahirap ay ganito ang trip.  May ilan lang talaga akong kilala).  Kung kabilang ka sa informal settler, at notorious wanted ng bansa.  O kaya naman criminal, mula pandurukot hanggang bank rubber (dala nga kahirapan ng kaya napunta sa ganitong trabaho – self-employed at tax-free), madali kang makikilala ng authority kapag meron kang account sa SNS.  Konting tanong lang sa mga nagrereklamo, konting sketch.  E nagkataon ‘yong pagkaka-describe sa’yo ay saktong-sakto kung ano ‘yong DP mo, nagkataon pang selfie.  Yari!  Madali kang makakalaboso.  Kapag nahuli ka, yari ka sa mga pulis.  Kung hindi kukuryentehin ang bayag,  ipapainom sa’yo ‘yong nasa toilet bowl.  Manalangin kang medyo malinis at walang tae.  Kapag napag-tripan ka pa, andaming ipapatong sa’yong mga kaso, ikaw raw ‘yong suspect sa mga ganito at ganyang pagnanakaw.  Para nga naman resolba ang problema nila.  Sa’yo na lang ibibigay ang lahat.  Gumawa ka ng krimen na Pilipinas version,  ang gagawin nila sa’yo, krimen na American Version.  Tsk. Kawawang pamilya, kawawang mahirap.  Nag-selfie pa kasi, huli tuloy.  Yari!

Ilan lang yan sa tingin kung dahilan.  O paano, magbabahay-bahay muna kami.  Magpapatapon kami ng basura.  Sana hindi maunahan, sana hindi barat ‘yong magpapatapon.  Kahit makabente lang.


[1] Word of the Lourd – Picture- picture.  Short docu film.