Wednesday, March 26, 2014

Deadly Inspection

(Dagli)


Kapag ganitong umaga, tapos 7am ‘yong una mong klase, hasel talaga pumasok.  Kasi marami kang kasabay na pasahero sa jeep na nagmamadali rin, suwerte kung makasakay agad.  Tapos lalo kang panghihinaan ng loob kapag nakita mong sobrang haba ng pila sa gate, kung bakit kasi kailangan pang i-check lahat ng gamit mo at tignan kung ikaw talaga ‘yong nakalagay sa ‘yong ID.  Tanong ko lang, mukha bang mall ang school namin para tignan ang buo naming pagkatao kung me gagawin kaming masama?  Para talagang may feeding program sa sobrang haba ng pila papasok sa gate, in short block-buster, parang ‘yong C.R. ng girls, talagang pinipilahan. 

Malapit na ako n’on sa pinaka-entrance.  Siguro limang tao pa tapos ako na.  Naririnig ko ‘yong conversation ni ateng guard na mataba na kahawig ng isang Dugong at ng estudyante mukhang bully, kamukha kasi ni Damulag, ‘yong sa palabas na Doraemon.

“Pakulayan mo muna yang buhok mo ng itim.”  Sabay turo ni Dugong sa ulo ni Damulag.
“E, matagal nang ganito kulay nito, tapos pinapapasok ako!”  Panggagalaiti ni Damulag.  Hindi ‘ata nila alam na nakakaistorbo sila sa mga pumapasok.  Tumatrapik, andaming nali-late.  Ayaw ko naman lumipat sa kabilang entrance, hasel, iikot pa ako, baka lalo akong ma-late nito.  Kingina talaga.
“Hindi nga talaga p’wede ‘yan boy.”  Pagpipilit ni Dugong.  “Umalis ka na d’yan at marami pang papasok.  Istorbo ka!”  Sumenyas ng pagpapatabi gamit ang stick na pang-inspection.
“E ba’t, kahapon nga p’wede ‘yong ganito ha!  Ba’t ngayon?”
“May bibisita galing sa ibang school!”   Halatang inis na rin si Dugong sa kakulitan ni Damulag.  Patuloy rin kaming nadi-delay sa pila.  Tangina!  Walang nagawa si Damulag kundi tumabi. Ikaw ba naman mapahiya sa mga taong nasa likod mo.  Tapos umagang-umaga pa.  Palag ka pa?

Babae ‘yong pangatlong i-inspection-in.  Pota, panalo sa katawan men (ayon sa standard ng malibog kong mata).  Parang hindi siya nababagay na mag-aral dito sa school namin.  Kasi pang 1st world country ‘yong itsura niya.  Kahit nakatalikod nang bahagya, halatang lumuluwa ‘yong mala-papaya niyang joga kapag suma-side view ng kaunti.  Paano ba naman masyadong fitted ‘yong blouse niya.  Tapos naka-skirt pa.  Hindi ko lang masyadong maaninag ‘yong kabuuhan ng mukha niya, pero mukha siyang naka-make-up na pang-pageant.  Para tuloy siyang pokpok na pang-umaga. ‘Yong  buhok niya parang ‘yong sa Wendy’s, curly at may kaunting high lights na kulay pula.  Sa paningin ko isa siyang pornstar.

Syempre, matik na, alam namin na sisitahin siya ni Dugong.  Mapapahiya rin gaya ni Damulag.  Tapos n’ung turn na ni pornstar-like.  Hindi na chenek ‘yong bag o tinignan ‘yong ID niya.  O tinanong kung bakit may kulay ang buhok niya?  Siyempre nagulat kaming lahat.  At si Damulag na nasa gilid, lalong nanggagalaiti.  Namumula sa galit. 

Nang nakapasok na si pornstar-like.  Lumapit si Damulag kay Dugong at nagtanong.
“Bakit ‘yon hindi n’yo sinita?”  Baling nito kay Dugong, sabay turo kay papalayong pornstar-like.
“Sumusunod lang ako, ‘yon ‘yong utos sa’min ng nakatataas.”  Relax na relax ‘yong sagot niya.  “P’wede bang tumabi ka?”  At nagsimula na namang magngalit ang kalikasan.  Mukhang mag-aaway na naman ito.  Lalo akong kinakabahan na hindi makapasok sa 1st subject ko.  Sana talaga hindi pa ako saraduhan ng pinto ng professor namin.
“Ay potang ina, pareparehas lang kaming nagbabayad ng tuition fee ha!”
Umiling lang si Dugong na para bang hindi narinig ‘yong mura ni Damulag.  Tuloy pa rin siya sa pag-inspection sa mga bag at pagtingin sa ID.  Habang hinahatid ko naman ng tingin si pornstar-like papalayo, hanggang sa mawala sa aking paningin.  At napansin kong wala siyang pakialam sa nangyayaring bangayan sa gate, ni hindi nga man lang lumingon. 

“Pabukas po ng bag.”

Ako na pala ang susunod.

Sunday, March 9, 2014

Si Mama

(Tula)



Siyam na buwan mo akong dinala
Sa ‘yong sinapupunan
Tuwang-tuwa ka pa nga
Kapag may nararamdaman ka
Sa loob ng ‘yong tiyan
Sabi mo
“Sumisipa na naman s’ya”
Na-cute-an ka pa n’on

N’ung sinisilang mo na ako
Halos banggitin mo
Lahat ng mura sa mundo
Syempre
Si erpat ang sinisi mo

Galit na galit ka
N’ung nakita mo
Na tinusok ako ng karayom
Ng nurse na nagbantay sa’yo
“Sinasaktan nila anak ko!”

Nang nakauwi na tayo
Hindi mo na ako pinakawalan
Sa ‘yong bisig
Pinagdadamot mo ako
Inisip mong baka mapa’no ako

At syempre
Tuwang-tuwa ka
Sa unang salita
Na nabanggit ko
Inisip mong ikaw
Ang pinakamaganda
Pinakapinagpala
At pinakamasayang babae
Sa buong universe
N’ung una kong banggitin
Ang salitang

“Mama.”

Friday, March 7, 2014

Maikling Kasaysayan Ng Playlist Ng Mga Alala

(Personal Essay)


Kasama kong nakatambay n’un sa bahay ‘yong tropa kong si Mon-mon.  Classmate ko s’ya mula grade 3 hanggang 1st year high school.  Laging bida sa mga kuwentong barbero.  Masarap s’yang iuntog sa pader, wasakin ang mukha, silaban o ibaon sa lupa ng buhay, kotongan sa loob ng limang minuto, kasi siguradong manggigigil ka kapag ikaw ang nakursunadahan n’yang pag-tripan.  Anlakas tumawa na halos kita na ‘yong ngalangala kapag nang-aasar.  Namuumula ang mukha na parang inaalergy.  Tapos kapag hinabol mo, magaling umiwas, parang beteranong snatcher, at lalo ka lang maaasar.  S’ya talaga ‘yong clown sa’min, kung wala nga ‘tong gagong ‘to sa section namin, baka lagi kaming nasa misa.

At gaya ng dati, kung ano-ano na namang kagaguhan ang kinukuwento, kesyo na-virginan na raw n’ya si Micah, ‘yong chikas na taga-labasan at anak ng may-ari ng talyer.  Alam n’ya na raw   ang pakiramdam kapag gumamit ng damo, meron na raw s’yang friendster account.  At ‘yong hindi ko makakalimutan, gitarista’t bokalista raw s’ya sa banda n’ya.  ‘Yong huli ‘yong medyo pinaniwalaan ko.  Nagkataon naman na kagagaling lang ni ermat sa Quiapo dala ang regalong pekeng lumanog na gitara.  Sabi ko’y parinig n’ya sa’kin ‘yong mga na-compose nilang kanta.  Inabot ko kay gago ‘yong bago kong gitara’t pick,  s’ya ‘yong naka-virgin d’un.  Nakapustura na s’ya at handang kaskasin ang instrumento.  3 segundong awkward silence.  Ngumiti si gago. 

-_-

Tumatak sa isip ko ‘yong pag-strum n’ya pati na rin ang pagkanta.  Mula n’un sabi ko’y hindi pala ga’nun ka-cool tumugtog.  Ampangit pala ng gitara, nanghinayang tuloy ako sa perang pinambili ni ermat.  Hindi pala bagay lapatan ng musika ang pagkanta ng live.  Paano’y nang ginagamit ni gago ‘yong gitara, halos pumikit na s’ya sa pagtugtog, sinamahan pa n’ya ng pick ang pag-strum, parang yerong kalawangin tapos hinahampas gamit ang kapwa kalawanging yero ang tunog.  Kapag alam n’yang tinitignan ko kung paano s’ya mag-strum, lalo pa n’yang nilalakas, para nang mapapatid ‘yong string.  Nakakaawa ‘yong pick, parang mapuputol na.  Gusto ko ring buksan lahat ng butas sa bahay namin para lumabas ‘yong boses n’ya’t marinig ng kapit-bahay.  Para ma-appreciate nila ‘yong effort ni gago.  Literal na mas gusto ko pang marinig ‘yong malakas na hangin kapag me ulan, o kaya ‘yong kahol ng aso tuwing madaling araw.  Hindi ko tuloy alam kung dahil sa peke ‘yong gitara o iba lang ‘yong tuning ng tenga ko nang tumugtog si gago.  At d’un ko napatunayang mas bagay s’ya sa childrens party, para magpatawa’t magpasaya ng mga bata.  D’un n’ya na lang ikuwento ‘yong trip n’ya.  Mas madaling utuin at paniwalain ang mga tao d’un, kasi hindi pa nila alam kung ano ang totoo sa hindi, tama sa mali at pangit sa maganda.

***

Kung hindi pa nagdala ng gitara ‘yong classmate ko n’ung 2nd year high school ako.  Malamang  ay buwan ang bibilangin sa pagkakatiwangwang sa bahay ng gitara, hindi ako naaakit na kunin ‘to sa pinaglalagyan.  Walang ka-appeal-appeal sa paningin ko.
Kahawig ni Raymund Marasigan ‘yong classmate kong rakista, paitimin mo lang tapos gawin mong sarat/dapa/pango/bisaklat/durog ‘yong ilong.  Matangkad na payat, parang si Japeth Aguilar (o Chris Bosh sa NBA).  Hindi ko alam na marunong pa lang tumugtog ‘yon. 
Nang kumanta na s’ya’t tumipa, putres, kahit hindi gan’un kaganda ‘yong boses n’ya, nadala na lang ng talent n’ya.  Para akong nakapunta sa isang bar na may acoustic night.  Akala ko kaharap ko si Paolo Santos, para kong naririnig ‘yong lyrics na gawa ni Ely Buendia.  Panay love songs ang tinugtog n’ya (e.g. It might be you, Got to believe in magic at Parting Time).  Kaya ‘yong mga babae sa room namin napakanta na rin, may mga lumapit pa sa kanya para mas ma-feel ‘yong music.  Higit sa lahat, ‘yong muse sa klase namin, halos kiligin sa ginagawa n’ya.  Napailing ako’t napamura ng pabulong.  Pagkauwi ko sa bahay, bihis at kain, kihuna ko agad ‘yong gitara ko.  Ginaya ko ‘yong ginawa ng classmate ko.  ‘Yon ‘yong unang pagkakataong ginalaw ko ‘yong gitara mula sa pinaglalagyan nito.  Sobrang sakit, parang mapupunit at mawawasak ‘yong daliri ko kaliwang kamay.  Wala pang limang minuto umayaw na ako, naisip kong hindi ko ‘to porte.  Pero kapag naalala ko kung paano kinikilig ‘yong muse namin sa pagtugtog ng classmate ko, nanghihinayang ako’t napapangiwi.

***

Naisip kong bago ko pag-aralan ang chords, dapat malaman ko kung pa’no magtono.  N’ung  pipihitin ko na ‘yong key, tinandaan ko muna ‘yong pattern at kung ilang ikot ang kailangan.  Nagsimula ako sa number 6 papunta sa 1.  Nang binalik ko na ‘yong dating arrangement, chenek ko kung mali ‘yong kalkukasyon ko.  In short epic fail, nawala sa tono.

***

December n’un, pagkalabas ko sa bahay walang masyadong tao.  Tapos me nagigitara sa tapat ng chapel.  Nakilala kong si Orlando ‘yon.  Mas matanda sa’ken ng 6 na taon, pero ni minsan hindi ko s’ya tinawag na kuya.  Parang ispasol ‘yong kulay n’ya, mabuti.  Malalago ‘yong balahibo sa braso’t binti, ‘yong patilya n’ya parang kay FPJ.  At parang kay Nino Mulach pinaglihi ‘yong katawan n’ya.

“Marunong kang magtono ng gitara?”
“Meron kang gitara?”
“Oo.”
“Tara, labas mo jamming tayo.”
Excited akong bumalik sa’min.  Paglabas, dala ko na ‘yong gitara.
“Tono mo ha?”
Tumango lang s’ya.  Nagpalit kami ng gitara.  Pumwesto ako sa harap n’ya.  Inobserbahan ‘yong gitara ko.  Tinono.  Kinalabit at nagsimulang tumugtog. 
“Ganda ng tunog ng gitara mo ha.”
“Weh?”

Let It Be ‘yong una n’yang tinugtog.  Tapos 3 pang kanta ng The Beetles.  Nag-request ako kung alam n’ya ‘yong More Than Words.  Tumango’t tinugtog ‘yong sinabi ko.  Sunod, Before I Let You Go.  Natameme talaga ako, literal na nakanganga habang hawak ‘yong gitara n’yang parang original na Yamaha.  Sinundad ng kanta ng Parokya ni Edgar,  Rivermaya,  Siakol at Eraserheads etc etc.

Nangislap ‘yong mata ko, awkward man sabihin pero na-inlove ako sa kanya.  Nagtanong ako kung puwede n’ya ba akong turuan.  Ngumiti lang s’ya.  Sabi’y madali lang daw ang gitara basta gusto mo talaga.
Pagbalik ko sa’min, ginaya ko ‘yong ginawa n’ya kaso ni isang chords wala pa akong alam.  Dali-dali akong bumili ng songhits na may chord chart.  Ilang araw ko rin tinitigan ‘yon pero hindi mo ma-gets.  Pinag-aralan ko, at na-realize kong may appropriate pa lang pagdiin sa bawat chords at numbering para sa daliri.  Sakto na kalalabas pa lang ng Album na UltraElectroMagneticJam, ito ‘yong revival ng ilang kanta ng E-heads.  Tapos naalala ko agad si idol Orlando.  Kasi paborito n’ya yon.  Ang huling El Bimbo ang una kong sinubukan kasi basic talaga ‘yong chords.  kinabisa ko muna ‘yong lyrics para hindi mahirap kantahin, nga lang, ang hirap pagsabayin ng pagkanta at paggigitara kasi nakakailang kung ano ‘yong uunahin mo.  Dalawang lingo rin bago ko nakuha ‘yong kanta.  ‘Yon at ‘yon lang ang tinutugtog ko.  Walang sawa kahit naiimbiyerna na si ermat kasi paulit-ulit daw at ansama pa ng tunog (isama na natin ‘yong boses).

***

Kapag gabi, lagi kong inaabangan ‘yong pagtambay ni idol sa tapat ng chapel.  Matik na kapag and’un s’ya, kuha agad ng gitara.  Tapos jamming na.  Tinutugtog n’ya ‘yong mga bagong kanta ng OPM bands n’un.  Tulala pa rin ako’t nakanganga.  Wala akong masabi.  ‘Yong mga tropa n’yang matatanda’y naki-jam na rin.  Panay E-heads ang tugtugan.  Sila lang nagkakaintindihan kasi hindi ko pa masyadong kilala ‘yong bandang ‘yon.  Hinihintay kong may mag-request ng Ang Huling El Bimbo tapos titignan ko kung paano ‘yong pattern ng tamang pag-strum at paglipat ng chords. 

Minsan inaabot ‘yong jamming ng hanggang 11 ng gabi.  Pagkauwi ko, nagpa-practice talaga ako, mahina lang, baka makabulahaw ako sa kapit-bahay.  Ilang gabing naulit ‘yon.  Lagi kong inaabangan si idol sa tapat ng chapel.  Kahit ayaw n’ya’y binibigay ko sa kanya ang gitara.  At rock and roll na ang gabi.  May mga nakikitamabay na rin sa amin kahit hindi tropa, nakikikanta.  Minsan pa nga’y ‘yong mga nag-iinuman sa’mi’y tinatawag kami at doon na lang daw tumugtog si idol.  Hindi naman makatanggi kaya pati sa pagsa-shot hindi rin makaiwas. 

Medyo natututo na rin akong maggitara kahit paano.  Kabisado ko na ‘yong Ang huling El Bimbo.  Pero ni minsan hindi ko sinubukang tumugtog sa harap ni master, nakakahiya kasi magkalat.  Hanggang isang gabi’y naglakas ako ng loob sa kanya magpaturo.  Sabi n’ya’y magaling naman daw ako, gusto ko s’yang sapakin n’un at ipalo sa kanya ‘yong gitara. 
“Dali na master.”
“Anong master?”
“Idol kita e, magaling ka maggitara e.”
“Walang magaling sa’ting dalawa maggitara.  Kasi may alam ka na hindi ko alam, may alam ako na hindi mo alam.  Kaya walang magaling at bobo sa’tin dalawa.  Kwits lang tayo.”  Sabay abot sa’kin ‘yong gitara.  “Pakitaan mo nga ako.”  Ngumiti ako.  “Sige lang.”  Umiling s’ya’t ngumiti, pumusturang tutugtog.  Pumuwesto na ako sa tapat n’ya para makakuha ng malupitang chords.  Hindi pa natatapos ‘yong chorus ng kantang Akin Ka Na lang ng Itchyworms, huminto s’ya’t nagsalita.  “Darating din ‘yong araw na ikaw na ‘yong papalit sa’kin dito sa lugar natin.  Ikaw na ‘yong magiging sikat at tatawagin kapag me inuman.  Maraming hahanga sa’yo.  May mga magpapaturo sa’yo.  Darating din ‘yon.  Basta mag-practice ka lang nang mag-practice.  Kasi n’ung nagsimula akong maggitara hindi naman agad ganito.  Lahat ng bagay nadadaan sa tiyaga, basta gusto mo ‘yong ginagawa mo walang makakapigil sa’yo.  Nakikita ko kasi na seryoso ka.  Basta practice lang nang practice, ‘wag kang magsasawa.  Magiging magaling ka rin at ikaw na ‘yong tatawagin kong master.”

Hindi ko alam kung pampalubag loob lang ‘yong sinabi n’ya o ayaw n’ya lang talaga akong turuan.  Kahit paano lumaki ‘yong ulo ko.  Tumatak ‘yong sinabi n’yang practice lang nang practice. 
Pagkatapos ng jam, sinubukan kong alalahanin ‘yong mga kantang tinugtog n’ya pati na rin ‘yong chords.  At na-realize ko pumapangit ‘yong kanta kapag ako ang sisipra. 

***

Sumikat ‘yong isang channel dahil sa mga music video na me kasamang lyrics.  Marami rin itong inimbitahang sikat ng banda.  Konokober din nila ang mga concert.  Nagkaroon ng auditon para maging DJ.  Lumakas ang OPM band.  Nagkaroon ng maraming gig ang mga banda.  Dumami ang mga rakista.  Pumatok ang gitara.  Nagkaroon ng battle of the bands.    May mga bandang naggi-guest sa mga morning show.  Naging theme song ang kanilang kanta sa mga teleserye.  May mga bokalistang heart rob at naging artista, ang iba’y naging endorser ng mga produkto.  Maraming nabaliw sa banda.  Laging punuan sa mga music studio para tumugtog.  At bumalik daw ulit ang kasiglahan ng musikang pinoy gaya noong 90’s.     
 
‘Yong mga  hindi makatugtog ng musical instrument, bumili na lang ng mga gadget para anytime puwede nilang pakinggan ‘yong mga kantang trip nila.  Kasabay nito ang pagpasok ng mga RNB music galing kay Uncle Sam.  Uso pa rin ang music videos.  Napapasayaw na ang mga kabataan.  Napapa-ingles sa pagkanta.  Pumasok na rin sa bansa ‘yong mga female artist.  Mas kakaiba, mas patok, mastatangkilikin. 
         
***

Hindi ko na masyadong nakikita n’un si idol kapag lumalabas ako sa’min, ang balita’y nagtatrabaho sa may bandang Caloocan kaya bihira na lang makapunta sa’min, sa looban.   
‘Yong mga tambay sa’min, hindi na kailangan pa ng totoong live na performance,  kasi nag-uso na rin ‘yong maliliit na speaker na puwedeng lagyan ng SD memory card.  Gan’un pa rin naman, E-heads pa rin pinapatugtog, kaibahan nga lang, puwede nilang ulit-ulitin kung gusto nila nang hindi sila nakakaistorbo ng ibang tao para tumugtog pa sa harap nila.  Kapag totoma ang mga ‘to, gadget pa rin, kahit China phone lang palag na, malakas naman ‘yong tunog.  Hindi na kailangan ng saksakan, basta naka-full charge, ayos na.

***

‘Yong gitara kong regalo ni ermat sa’kin, wala na sa bahay.  Binigay ko na sa lolo kong magsasaka sa Cavite.  Tuwang-tuwa s’ya n’un n’ung inabot ko, laki ng ngiti.  Akala mo binahagi na sa kanya ‘yong lupang 10 years n’ya nang sinasaka.  Nabalitaan ko nga rin sa pinsan ko, minsan daw sa sobrang pagka-adik ni lolo sa gitara, tinatabi n’ya raw ito sa pagtulog.  Pagkauwi raw sa kanila’y hindi puwedeng hindi hahawakan ito. 
Nang bumisita kami ni ermat sa kanila n’ung nakaraan December, ‘yong gitara agad ‘yong hinanap ko.  Hindi ako natuwa sa aking nakita, kasi masyadong nalaspag sa pagkakagamit, para na kasing latang butas-butas at kalawangin, mukha na ring manipis tignan at kapag nabagsak, paniguradong wasak. (Sama mo pa ‘yong sentimental value kasi unang gitara ko ‘yon at regalo ni ermat),  medyo nabubura na ‘yong kulay sa fret.  Pero naisip kong mas ok na rin ‘yon kaysa naman masira nang hindi ginagamit. 

Gusto kong gamitin kasi naalala ko ‘yong unang kantang natutuhan ko.  Kihuna ko ito, lumabas sa kubo at pumuwesto ako sa ilalim ng punong mangga.  Nang nagdikit ‘yong daliri ko at ‘yong string, nakaamoy ako ng parang kalawang, nang kakaskasin ko, para nang alambreng sampayan sa tigas.  Naisip kong iba na nga talaga ‘yong tunog ng gitara ko.  Hindi ito ‘yong dating ginagamit ko.  Malabo na ‘atang matutugtog ko ‘yong Ang huling El Bimbo.  Bumalik ako sa kubo, sinabit ang gitara.  Kinuha ko sa bag ‘yong cellphone at earphone.  Balik ulit ang atensyon sa gitara.  Tinignan ito ng ilang segundo, hinipo, sabay iling, hinahanap ko sa playlist ‘yong unang kantang natutuhan ko.  Baka sakaling mag-play sa isip ko ‘yong mga alaala.

Wednesday, January 29, 2014

Gusto Kong Magkaroon Ng Maraming Lobo


(Tula)



Gusto kong magkaroon ng maraming lobo
Kasindami ng populasyon sa mundo
Tapos iba-ibang kulay
Parang rainbow
Isa-isa kong dodrowingan
Lalagyan ng smiley
Puwede rin ‘yong wacky
Kung kakayanin ko pa
Sabay-sabay ko ‘tong paliliparin
Sa himpapawid
Sana makikita ng mga tao
Na puro problema ng iba ang iniisip
Magugulat sila
Mapapaisip
Buti pa ‘yong lobo
Marunong ngumiti
Maalala nila
Mayroon pala silang puso
Isip
At kaluluwa
Pero hindi kayang magpangiti ng tao.

Sunday, November 10, 2013

O Sige 'Tol

(Dagli)


'Tol,tawa ako nang tawa sa’yo kapag naalala ko ‘tong sinaryo na ‘to.  Alam ko hindi mo matatandaan ‘yon kapag dumating ka na sa edad ko, o baka kapag kinuwento ko sa’yo matawa ka rin gaya ng tawa ko.  Alam mo ba ‘tol, apat na taon ka pa n’un, sobrang cute mo na trip na trip talaga kitang isama sa lahat ng pupuntahan ko, kasi ang kulit mo (literal)  at ang daldal. Anyway, ganito ‘yon.

Nagchi-check ako n’un ng mga papel sa lamesa.  Isipin mo‘tol, kung 70 kayo sa class room n’yo ngayon, i-times mo ‘yon sa 10 section.  Imagine, ga’no karaming papel ‘yong nakapila para masulatan ng grade.  Kapag natatapos ako mag-check sa isang section, pakiramdam ko sobrang  akong nahihilo, e hindi naman ako sumakay sa roller coaster.  At nakaupo lang ako, para nga rin akong nag-jogging sa Quezon City Circle ng mga 100 ikot (o higit pa).  ‘Yong likod ko, para akong nadaganan ng isang College Building sa U.P. Diliman. 

Lumabas n’un si Ermat, kasi may bibilhin.  Oo,nasalisihan ka, nilibang ka n’ya sa paglalaro mo ng paborito mong mga tren(kabisado mo ‘yong mga tauhan sa palabas na Thomas and Friends, pati na rin kung pa’no magsalita at higit sa lahat ‘yong facial expression ng mga ‘yon).  Magkasalo tayo sa paggamit ng lamesa, ngalang mas malaki ‘yong espasyong naku-consume mo. 

Bigla nang gumana ‘yong spider sense mo.  Nawala kasi sa aura mo si ermat (matindi ka ‘tol, kahit walang ingay na iniwan talagang alam mo kapag nawawala ang mga tao sa paligid mo, syempre lalo na kaming dalawa ni ermat).  Kinalabit mo ko.

“Kuya!”Nagtataka ‘yong mukha mo.
“Oh?”Istorbo ka n’un sa ginawa ko pero sinagot pa rin kita.
“Simama?” Straight ka na magsalita n’un. Kung itatabi ka sa mga ka-batch mong sanggol, wala silang kakainin kung paramihan lang ng bokabularyo ang pag-uusapan. Alam mo na nga ‘yong salitang Gagoka, PUTANGINAKA.  Tingin ko alam mo lang sabihin ‘yon pero hindi mo pa alam ‘yong meaning.  Nakikigaya ka kasi sa mga naririnig mo sapaligid.
“Lumabas e!”
“Tignan ko kung sa'n s’ya nagpunta?”  Ang kulitmo, hindi ka nauubusan ng dahilan.
“’Wag,dito ka lang.”  Nabuburyong na akongmakipag-diskusyon n’un sa’yo.
“Uwi agad ako.” Matindi na ‘yong kalabit mo, bumabaon na sa balat ko ‘yong kuko mo.
“’Wag!Ayoko! Wala akong kasama dito.”  Syemprejoke ko lang ‘yon sa’yo para hindi ka lumabas.
“Meron!May kasama ka!”  Buwisit ka na sa kakulitan ko.  Lalong bumabaon ‘yong kalabit mo na malapit na mapunta sa kalmot.
“Wala akong kasama dito”
“Meron nga.  Annnnnnnnnng kuuuuuulit!”Ini-emphasis mo talaga ‘yon.
“Wala nga, ikaw ang maaaaaaaaaaaakuuuuulettttttt”
“Meron nga sabi” Masakit na ‘yong pangangalabit mo. Tinuro mo ‘yong nag-iisang picture mo na sobrang bungisngis at kita na ‘yong ngalangala mo.  “Ayon oh, kasama mo si Jhonil”
Nangiti ako sa sinabi mo.  Pero hindi pa rin ako nagpatalo.  “’Wag, ayoko, dito ka lang.  Picture lang yan e.  Hindi naman yan totoo e.”
“Hindiiiii.  Ang kulit mo! May kasama ka nga!”
“Wala nga”
“Meron!”
“Wala!”
“Meron nga.”  Hinawakan mo ‘yong pisngi ko.  At itinapat sa’yo.  “Kasama mo si Papa Jesus.  Hindi ka iiwan n’un.”
Pakiramdam ko n’un nakapagpahinga ako nang matagal sa pag-che-check ko ng mga papel.  In short nawala ‘yong pagod ko.
Nginitian kita na may halong tuwa.  Alam ko namang halata mo ‘yon kasi kita ‘yong gums ko.
“Oh,sige uwi agad ha”  Hinawakan ko ‘yong ulo mo.  Niyakap kita.  Hinalikan mo ako sa kaliwang pisngi.
“Uwi agad ako” Habang inaayos mo na sa labas ‘yong tsinelas mo.
“O sige”
“O si---------ge“ Tumatakbo ka na n’un palabas habang nagsasalita.  Unti-unting humihina ang kaninang malalakas na tunog ng tsinelas mo.

Sunday, September 29, 2013

Ngiti at "Salamat"

(Dagli)


MASAKIT SA BALAT ang tama ng sikat ng araw, lalo na kapag ganitong tanghaling-tapat.  Kahit katatapos mo lang maligo, lalabas atlalabastalaga ang mumunting pawis mula sa 'yong noo, sa ilalim ng magkabilangtengapati na rin sa pisngi. 

Naghihintay ako ng masasakyang jeep papuntang Stop N Shopsa Nuevede Febrero st.  Habang nakatingin sa aking bandang kanan, nakitako angisang matandang lalaki.  Ewan, nawala ang atensyon ko sapaghihintay ngmasasakyan, kahit may jeep na huminto sa harap ko sa kanyalamang akonaka-focus.   Sinusundan pa ng tingin ang matanda.na maypagkabansot, naparang si Bentong ('yong sa ABS-CBN) pati na rin ang kanyangkulay.  Siguronga ayaw n'yang ipakita ang mga karanasang pinagdaanan,kaya para hindi malamankung asar na ba siya sa buhay, tinatakpan n'ya ang ulong sombrerong kulay asul. Kaso halata pa rin ang paglalagas ng putingbuhok.  T-shirt na dilawna may mukha ng isang pulitiko ang suot, halostastas na rin ang dulo ng kanyangkulay abong pantalon na galing 'ata sadonasyon.  Kuntento na rin sa pudpodnang ramboong tsinelas na halossumasayad na ang sakong ng kaliwang paa samainit na semento.  Sa kanangkamay bitbit ang Hello Kitty na paper bag, atdahil sa pagkausli ng mga lamannito, halatang mga kalakal na plastic anglaman.  Sa kanyang kaliwa naman,tatlong plastic na bago at halatang galingsa palengke, tumagos sa akingpaningin ang laman nito, halos mga gulay angnakita ko: kalabasa, sayote, okra,talong, isama mo na rin ang luya, sibuyas,kamatis, bawang (yan lang 'yongnaabot ng paningin ko).

Kapag hinahakbang n'ya ang kanyang kanang paa,umaangatang kaliwa nitong balikat, vice-versa.  Mukha ring nakangiti angkanyangmga mata kahit hindi nakikisama sa kanyang nararamdaman ang labi. 

Lumagpas na nga s'ya sa harap ko, pero tinitignan ko pa rins'ya nangayo’y nasa aking kaliwa na.  Akala ko nga’y kilala n'ya ‘yongtatlongmatatanda sa tindahang pinuntahan niya, akala ko rin papasok s'ya samayeskinita pero umupo s'ya sa tapat ng tindahan, nginitian ang mga taongmalapitd’un (akala ko talaga mga tropa niya ‘yon), kaso walang pumansin sapagbatin'ya.  Nagtinginan lang ang mga taong dinatnan n'ya at halatanggulat saginawang  ng matanda.

Nang makita kong kinakausap na s'ya ng mga tao (napinagkamalankong tropa n'ya kasi mukha na ring may edad at mukhangmagkaka-batch sila),d’un ko na inalis ang aking tingin.  Sasakay na kasiako ng jeep. Para sa jeep.

Nang huminto sa aking harap ang jeep, sa harap akopumuwesto. Tapos bumalik ulit ang aking tingin sa matanda (na kita sakinapupuwestuhan ko).

Umandar ang jeep, hindi pa kami nakakalagpas sa lugar kungnasaanang matanda, pumara ang isa sa mga kasama nito (na nakakaduda talagakung tropan'ya ba 'yon o hindi).  Sumenyas ito sa matanda na naghuhudyatna sumakayna ito.  Dahil sa may edad na, sobrang bagal talagamaglakad. Papalapit na ito sa jeep, lumapit sa driver, ngumiti, napangitirin ako kahithindi ‘yon para sa akin.  Lakad ulit papunta sa bukana ngjeep. Matagal at ganoon pa rin ang kanyang lakad ('yong parang pang-robot)

“Ay naku! Antagal naman maglakad nito, bawal tumambaydito. Baka mahuli ako.” Sabi ngbagitong driver na mukhang kaskaseroat halatang handang makipagpatayan kungsakali mang may manghu-holpad sakanya.  Tinitignan ko rin ang matandagamit ang salamin sa loob ng jeep(ito 'yong tinitignan ng mga driver kung saanpupuwesto ang pasahero). Inuna n'ya ang mga dala tapos humakbang na siya,halatang hirap.

“Konting bilis po!” Hindi na nakatiis ang bagitongdriver at humarap na ito samga pasahero para sitahin ang matanda.  Umusogang mga pasahero upang agadna makasakay ang matanda.  Nang makaupo na ito,nakahinga ako ngmaluwag.  Tango at paulit-ulit na salamat ang makikita sapagbigkas nglabi ng matanda
Umandar na ang jeep pero nakatingin pa rin ako samatanda. Bawat taong tumitingin sa kanya nginingitian n'ya.  Tapostatango siya naakala mo may pinag-uusapan talaga.

Inabot n'ya ang P8 na pamasahe, nginitian ang nag-abot.

Nasa Acacia lane na kami nang nag-para ang mga pasaherongmalapitsa matanda.  Huminto ang jeep.  Bumaba ang matanda (mabagalpa rin),kinuha ang mga dalahin.  Nasa kanya ang atensyon ng mga tao sajeep. Nang mahawakan niya na ang mga dalahin, tumingin siya sa salamin sataas ngjeep.  Ngumiti.  At kahit walang boses na maririnig, mababasasapagbuka ng kanyang labi ang salitang salamat.

Sunday, August 4, 2013

Rush Hour

(Maiklung Kuwento)


MAGSISIMULA ANG mahabang pila sa pag-inspection ng mga guard sa bag mo pati sa sarili mo.  Hiwalay ang lalaki sa babae, pero kapag ganitong pagod, nagmamadali at mainit ang ulo ng mga tao, malabo na itong masunod.  Kapag nakalagpas ka na, magpapatintero kayo ng mga kapwa mo pasahero paakyat sa bilihan ng ticket.  Mas maraming natataranta kapag naririnig nila ang tunog ng paparating ng tren.  Hingal at pawisan kang pipila para magtiis at makabili  sa cashier ng ticket (suwerte kung meron kang sariling stored value LRT-card).  Mabuburyong ka kapag matagal magka-intidihan ang cashier at pasaheong bibili ng ticket.  Pipila ka ulit para ipasok ang ticket at kapag narinig mo ulit ang tunog ng paparating na tren, mas matinding taranta na ang mararamdaman mo.  Magmamadali kang umakyat, sa hagdan na ang daan mo at hindi na sa escalator.  At pag-akyat mo, makikita mong papasara na ang pinto ng tren.  May mga magbabalak pa rin pumasok kaso puno na talaga, pagpuwesto mo, marami kang kasamang naghihintay sa yellow lane.  Iba-ibang kasarian, katayuan, damit at amoy.

Wala pang limang minuto, dumating na ang hinihintay.  Hindi pa man nakakahinto ang tren, nag-unahan na ang mga tao. 

Napaabante ako nang hindi ko namamalayan, kamuntik pang madama, mabuti’t siksikan at hindi natuluyan.  Pakiramdam ko may tumulak sa akin mula sa likod.  Mahirap lumingon kapag ganitong labasan at pasukan ng mga pasahero sa tren. 

Nang makapasok na sa loob, hinahap ko ang hinayupak.  Alam ko mukha siyang si Vandolf, na parang si James Harden.  Magubat kasi ‘yong bibig at baba.  Proud din siguro sa mabalahibo n’yang dibdib, maputi rin kasi kaya halata.  Kung bakit kasi nagsando pa, mukha tuloy s’yang gorilla.  Tapos ‘yong kasama n’ya naman, tingin ko idol nito si Rizal kasi hawig sila ng sombrero.  Sayang lang talaga, kung papalitan ‘yong kulay pulang checkered n’ya ng amerikana, pati ‘yong skinny n’ya ng slacks, at ‘yong chuck taylor n’ya ng black shoes.  Alam ko sila ‘yong kumakain ng El Bonito’s Pizza kanina, nakita ko sila habang nakapila ako sa cashier.

Saan kaya nakalagay ‘yong cell phone nitong gorillang ‘to?  Kapag nakalapit pa ako sa’yo at nakahanap ng pagkakataon, ipapalako ko na sa amin ‘yong cell phone mo. 

NEXT STATION V. MAPA.  ‘WAG PO TAYONG MAGTULAKAN. IWASAN PO ANG SUMANDAL SA PINTO AT MAG-INGAT NA RIN SA MANDURUKOT

Nang umandar ang tren, dagling napaurong ang mga pasahero.  Nagkaroon ng pagbabago sa puwesto.  At katabi ko na ang magkaibigan. 

 “D-------ude! D---o yo--u saw ma pic-----tu---re at instagram?” Si Rizal look-a-like ‘yong bumabanat.  Kahit magkakapalit na sila ng mukha at hininga ng kaibigan  tuloy pa rin ang kuwentuhan.
“W-------h---a-----t?” Tanong ni Gorilla.  Nakapostura, at hindi alintana ang siksikan sa loob.  Na halos kakailanganin mong tumingala para lang makahinga nang maayos
Ma pic-----ture wid Chris-----tine Rey-----es in Boracay.”   Hirap magsalita at hindi na maidiresto ang sasabihin dahil sa siksikan sa loob at hirap sa paghinga.
“O------Ya-----h, ya-----h.  Yo---u pos---ted it at face-----book, I am right?”
“Yah-yah.” Tatango-tango.  Walang pakialam kahit nasasandalan na siya sa kanyang likod ng estudyanteng lalaki.
Mukhang bigtime ‘tong mabibiktima ko.  Umiingles.  Dikit pa ng konti kay Gorilla at kapag nagkaroon konting tulakan dito, akin na ang gadget mo.  Sige lang sa kuwentuhan, andaming puwedeng itulak ako pa ang napili mo.
“H------ow ma-----ny we-----re your fel-----lower on twit-----ter?” Pambasag na tanong ni Gorilla.
“H------ow ma-----ny?” Napapatingala si Rizal look-a-like na akala mo nagbibilang ng tupa para makatulog.  “I don’t remember, maybe 700 plus.”
“Oh! Poor, yo-----u kne------w how ma-----ny I’ve got-----ten?”
“Ho------w?”
“O-----ne hun-----dredth  plus fel-----lower,” nakakapa at malapit ko nang madukot ang cellphone ni Gorilla nang nag-ring at nag-vibrate ito.  Naputol ang kanilang kuwentuhan ni Rizal-look-alike.  Naputol din ang balak ko. “Wa-----it du-----de.”  Natatarantang kinapa ang bulsa ng pantalon.  Kapkap sa kaliwan, likod, kanan.  Dukot.  Nagtataka siguro dahil mabilis nakuha ang cellphone.  Iniwas ko ang aking mukha.  Angat ng  cellphone. Ano kayang brand n’un?
O---h ma?-----O---po-----Kas---ama ko si Jo----seph-----Pu---punta kaming Tri---noma-----Wala lang, tambay lang ‘dun-----hin---di kami manchi-chicks d’un ma-----dito kami sa LRT-----Opo, nila----gay ko ‘yong suk---li sa taas ng T.V.-----And’un ‘yon ma, wa---lang makik---ialam n’un-----Opo-----Sige po-----Sige ma-----Ingat ka rin-----Opo mama.

Nang natapos ang pag-uusap ng mag-ina, sinulyapan ko si Gorilla.  Nakangiti habang tinitignan ang screen ng kanyang Nokia 3230  Umiling ako’t napatingin sa mga gusaling nadaraanan ng tren.

PAPARATING NA SA V. MAPA STATION

Wednesday, May 29, 2013

Nothing Is Sacred Anymore: Paano Mo Ipakikilala Ang Ayaw Magpakilala?


(Non)Fiction:

HINDI KO TALAGA ALAM kung ano ‘yong magandang diskarte para makausap ang manunulat na si Ave Perez Jacob. Kahit madalas ko siyang makita sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay nahihiya pa rin akong lapitan siya. Ewan, ang laki ng takot ko na lapitang ang isang bigating manunulat. Baka kasi kung magpadalos-dalos ako sa aking mga galaw at hindi pinagplanuhan kung paano ba lalapitan ang tinitingalang si Ave Perez Jacob inisip ko na baka mabulyawan ako. Kahit matanda na si Ka Ave, halata pa rin sa itsura niya ang pagiging nakakatakot. Kung sa bagay, marami ring naikuwento sa amin si Ka Roger (Rogelio L. Ordonez) tungkol sa mga napagsamahan nila noong kalakasan pa nila. Tandang-tanda ko pa, sabi ni Ka Roger, n’ung minsang may nakaaway si Ka Ave, ay inuntog ang ulo sa pader. Wala raw nakapagpaawat doon kundi ang kanyang matalik na kaibigang si Ka Roger. Kaya kung titignan mo, bakas pa rin sa itsura ni Ka Ave ang pagkakaroon ng katangiang nakakatakot.
Inisip ko rin kung ano ba ang mga magandang tanong na maaaring ibato sa kanya. ‘Yong tanong na hindi siya mao-offend. O kaya hindi niya ako pagdidilatan ng mata. Mahirap, masama magalit ang matanda. Baka makatikim pa ako ng mura na makakapagpahiya sa aking sarili. Naalala ko ang isang kuwento dati. Narinig ko lang ‘to sa mga solid na tao na taga-PUP at ganito ang kuwento.
Noong kalakasan daw ni Ka Ave sa pagtuturo. Talagang kung makapagmura siya, tagos hanggang buto at ramdam mo talaga ang sakit kahit hindi ikaw pinatutunguhan ng mura. Tapos sa klase ni Ka Ave, may isa siyang estudyanteng galling ata sa konserbatibong pamilya at hindi sanay makarinig ng mga mura. Kaya ang ginawa ng batang ‘to e isinumbong sa kanyang nanay. Ginawa naman ng nanay, sumugod sa PUP ay talagang nagreklamo sa Presidente noon na si Dr. Prudente. As in diretso sila sa office of the president. Nang andon na sila, ganito na raw ang nangyari.
Nanay : Sir, ito po kasing anak ko. Inirereklamo ang isa niyang propesor.
Dr. Prudente : Oh bakit misis, anong problema?
Nanay: Nagmumura raw sa loob ng klase.
Dr. Prudente: Oh! (Nagulat) sino naman ‘yon misis?
Nanay: (Binulungan ang anak) Ano nga pangalan ‘nung propesor mo na ‘yon?
Estudyante : Ave Perez Jacop po mama.
Nanay: Aver Perez Jacob daw po ang pangalan sir?
Dr. Prudente: Ah! Si Ka Ave. Kilala ko yan. Kung hindi yan nagmumura sa klase, baka hindi si Ave Perez Jacob yan. 

Hindi talaga ganyan ‘yong saktong mga linya, pero ganyan ‘yong thought kung titignan.
Balik tayo sa mga kuwento ni Ka Roger. Natatandaan ko ‘yong kuwento niya. Basta ‘yong mga joke niya tungkol sa PUP at sa UP. Na mas mataas daw ang standard ng PUP kaysa sa UP. Kasi nga raw sa UP kilala sina Ka Ave, Ka Efren (Efren Abueg – Isa sa mga manunulat sa librong Mga Agos sa Disyerto), tapos ‘yong ibang mga manunulat at magagaling na tao sa PUP. Samantalang sa PUP raw, hindi raw kilala ang mga taong ito. Ni hindi nga raw masyadong napapansin. Kaya mataas daw talaga ang standard ng PUP. Hanggang sa napunta nga ang kuwento ni Ka Roger kay Jun Cruz  Reyes o Amang sa mga batang manunulat na kinikilala siya. Sa PUP raw Instructor lang siya. Hanggang nang lumipat siya sa UP e propesor na ang ranggo. Hindi lang ‘yon, nakapagtapos pa ng Doctoral Degree. So mataas daw talaga ang standard ng ating sintang Paaralan – PUP.
Ito na ‘yong tsismis. Sabi ni Ka Roger. Masama raw ang loob ni Amang kay Ka Ave. Kasi nga raw hindi nito kinilala ang nauna bilang manunulat. Ayaw ni Ka Ave sa istilo ng pagsulat ni Amang. Problema raw ni Ka Roger, parehas niyang kaibigan ang dalawa. Kaya pakiramdam nito’y naiipit siya. Sabi na lang ni Ka Roger, kanya-kanya naming style yan. Kaya walang pakilamanan.
Ayon din kay Ka Roger. Mayroong dalawang anak si Ka Ave. ‘Yon lang daw ang gusto niya, ang magkaroon ng anak. Hindi niya raw talaga kinikilala na mayroon siyang asawa. Talagang anak lang. Tapos ito raw si Ka Ave, madalas daw pagsamantalahan ng mga tibak sa PUP. Dahil matanda, mas madali raw mauto. Madalas daw kasi na mangutang ang mga tibak sa kanya. Dahil mahal daw ni Ka Ave ang masa, lagi raw pinapautang. Ang masama raw, kakapit lang sa kanya kapag may kailangan. Ang nakakalungkot, hindi raw binabayaran ng mga tibak ang utang. Sabi na lang ni Ka Roger na kawawa raw ang kanyang kaibigan.
Anyway. Nang ginagawa ko ‘tong papel na ‘to. Hindi ko talaga alam kung paano kontakin si Ka Ave. Una, summer, wala sa sintang paaralan si Ka Ave, kasi wala siyang subject load, hindi ko tuloy alam kung kanino ibibigay ang letter na humihingi ng pahintulot para makausap siya. Kaya ang ginawa ko, iniwan ko na lang ang letter sa kanyang opisina sa may FREE – PUP (Front for the Recognition of Employees and Educators of the Polytechnic University of the Philippines). Kaso walang nangyari. Kaya sa sobrang pagkadesperado kong makausap siya. Hinihingi ko mismo sa kanyang kaibigang si Ka Roger ang kanyang contact number pati tirahan, par asana personal na iabot ang letter. Binigay naman ni Ka Roger ang cellphone number (pati landline). Kaso ito talaga ang mahirap, kahit nasa kamay ko na ang kanyang number para siya makontak. Andon pa rin ‘yong takot ko sa manunulat na i-approach ito. Lalo na sabi rin ng aming propesor na huwag kontakin ang iintervihin sa cellphone. Impormal daw kasi, saka nakakhiya, kasi hindi pangkaraniwang tao ang kakausapin namin. Magmumukha lang daw kaming walang galang. Lalo pa raw sa kaso ko, kasi nga nakakatakot si Ka Ave. Hanggang sa wala na talagang pagpipilian, at tineks ko na si Ka Ave. Bulong ako nang bulong na sana mag-reply. At pinagpala nga naman talaga. Nc agreply. Kaya tuloy na ang interview sa kanya kinabukasan.
Sunod na araw, pumunta na ako sa office ni Ka Ave. Hindi ko  talaga alam, pero takot na takot pa rin akong kausapin si Ka Ave. Hindi ko talaga alam ang magandang entrada. Ang nakakatuwa pa nito. Imbes na siya ang interviehin ko, e ako ang tinanong. At ganito ang naganap.
Ako : Good Afternoon sir
Ka Ave : Oh!
Ako: Sir ako po ‘yong nag-text sa inyo kahapon. ‘Yong mag-iinterview po.
Ka Ave: Para saan mo naman gagamitin?
Ako: Sa Masteral po naming sir
Ka Ave : Summer? Anong kinukuha mo?
Ako: Master of Arts in Filipino po sir.
Ka Ave : Saang school yan?
Ako: Dito po sir, sa may PUP Graduate School.
Ka Ave: Anong subject yan?
Ako: Research Seminar 1 po sir?
Ka Ave: Para saan ‘yon, bakit ako ang napili mo?
Ako: Sir para po ‘to sa pagpapataas ng standard ng PUP. Dapat po kasing kilalanin ‘yong mga taong dakila na nagbigay karangalan sa PUP.
Ka Ave : Oh! Paano mo naman nalaman na magaling ako? Sino nagsabi sa’yo?
Ako: Sir nabasa kop o ‘yong mga gawa ninyo. Saka sir, nakasulat pangalan niyo sa history. Astig din sir ‘yong mga gawa niyong kuwento.
Ka Ave : Sino bang propesor mo diyan?
Ako: Si Sir Jun Cruz Reyes po
Nahirapan talaga akong kausapin si Ka Ave. Natatakot pa rin talaga ako na mabulyawan. Kaya kailangan kong mambola para kahit paano ay ma-build ang relationship namin at hindi siya mailang sumagot sa mga tanong ko. At ito ngayon ang matutunghayan mo. Medyo inayos ko na ‘yong construction ng mga grammar. Pero sinigurado ko na andon pa rin ang thought pati na rin ang diwa ni Ka Ave. Una nga niyang banat ay tungkol sa mga propesor na nagtuturo sa Graduate School-PUP.
Ka Ave: “Si Abueg nagtuturo rin d’un (sa GS-PUP). Kaso peke ‘yon. Alam mo ang isang manunulat pinapraktis niya ang kanyang itinuturo. Parang kagaya ng pari. Hindi pwedeng sermon ka lang nang sermon paano kung ‘yong pare pala kantutero? ‘Yong ibang mga writer diyan wala akong paggalang. Unang-una ‘di naman dapat silang lahat paniwalaan kasi peke, as in plastic. Diyan sa graduate school, may mga nagtuturo d’un na bobo. Kaya dumarami ang mga bobo sa Pilipinas dahil bobo ang nagtuturo. Pero kahit paano meron paisa-isang matino d’un. Halimbawa siguro sa mathematics, kung may doctoral degree talaga sa mathematics o kaya physics kumbaga hind inborn ‘yong mga ganon, kapag genius talaga mataas ang IQ, pero ‘yong mga nakikilala kong nagtuturo diyan (GS-PUP) sa graduate school mga bobo. Kasi dapat ‘yong kaalaman mo ipararating mo sa mga estudyante mo kaso wala ka ngang alam kaya wala kang maibabahagi sa kanila. O bakit ba kayo nagma-masteral?”
Ako : “Para tumaas ang rate sir”
Ka Ave : “May natututunan ka naman ba?”
Ako : “Sa iba meron sa iba wala”
Ka Ave: “Nagsasayang lang kayo ng oras diyan. Kaso ganyan talaga ang kalakaran sa lipunan natin. Andaming may PhD dito (sa PUP) kaso lima ang singko, kapag nag-usap kayo ng mga  common sense na bagay hindi mo makausap ng matino.”
“Halimbawa si Jun Cruz Reyes nagkaroon na ng  PhD yan. Pero itanong mo sa kanya kung ba’t siya naghabol ng PhD, para ma-promote, para tumaas ang sweldo.”
“Alam mo ang manunulat hindi kinakailangan mag-PhD. ‘Yong mga magagaling na manunulat sa mundo at sa Pilipinas walang PhD. Kilala mo si Nick Juaquin? Ang galing n’un magsulat sa ingles kahit walang PhD. Sila Ernest Hemmingway, sa world literature, may PhD ba ‘yon? Kaso ang kalakaran dito, kapag ang pangalan mo may PhD, akala matalino ka na pero tinatago nila sa titi ng PhD ‘yong kabobohan nila. Maraming ganyan dito, hindi ko na sa’yo sasabihin ‘yong mga pangalan. ‘Yong vice president dito nagtuturo rin d’un sa graduate school, malaki ng suweldo kaso hindi marunong magsulat ng matinong ingles. Nagsusulat ng libro, pero kung sino-sino pinapagawa’t pinasusulat para makuha ang mga datos. Matataas ang katungkulan ng mga unggoy na yan at yumayaman.”
“Ang edukasyon dapat hindi ka diyan yumaman kasi EDUCATION yan, hindi negosyo. Pero rito sa PUP negosyo ang edukasyon , individually and as institution. Dito nga sa PUP maraming malalaki ang sweldo, ayon nga gumagawa ng mga libro tapos kung sino-sino pinapakuha nila at kung saan-saan nila kinukuha ‘yong mga datos. Tawag d’un plageirism, pangongopya. Pagkapos sapilitang binibenta sa mga estudyante.”
“Alam na alam mo halimbawa sa mga subject na ethics na hindi niya kayang magturo ng n’un. Kapag sinabing ethics  values yan, bueaty, good etc etc. Kaso ‘yong buhay ng mga yan mga plunderer at magnanakaw. Kasi ninanakawan ‘yong mga estudyante, kinokotongan. Oh, kunyari kapag hindi mo binili ‘yong libro ko bagsak ka, hindi ba may mga ganyan dito?”
Ako : “Oo sir, marami. Nung undergrad pa lang kami sir. Sir hindi ba kayo nagbenta ng libro?”
Ka Ave: “Ito (turo sa kanyang librong Isang Pagdiriwang ng Sandaang Taong Sosyo-Politikal na Pakikibaka ng PUP –Mga Piraso ng Kasaysayan at Edukasyon, 1904-2004), yang mga libro na yan ako mismo ang gumawa niyan. Pero hindi ko binebenta yang mga yan. Kapag may mga estudyante akong matalino binibigyan ko na lang. Thank you na lang ýong kapalit.  Pero ýong iba (tao), sila nagbebenta ng libro ko, pero ako mismo, hindi ko binenta ang libro ko.  Pwera na lang kung may pupunta dito. Tapos sasabihing: ‘Sir hindi ko po mabasa yang libro niyo.’ Kaya sasabhin ko: ‘Sa iyo na lang o kaya pahihiram ko sa iyo, basahin mong mabuti.  Ayang libro ko na yan, kasaysayan  ng PUP yan, ako ang nagsulat niyan.”
“Noong panahon ni Dr. Prudente, maraming nag-aambisyon dito na sila ang magsulat ng kasaysayan ng PUP, pero sabi ni Dr. Prudente, dahil bilib sa akin ang mama, ako nagsulat ng kasaysayan ng PUP. Ito (turo ulit sa nabanggit na aklat). ako mismo mag-isa ang gumawa niyan. Mayroon lang akong isang secretary at katulong sa research at natapos ko. Kaso ‘yong isang president dito pagkatapos ni Dr. Prudente, nagsalin. Sinabutahe nila ‘yong libro ko. Alam mo kasi, lumabas itong PUP noong 1904. Hindi pa PUP ito noon. Ang tawag pa dito ay Manila Business School. Wala pang sariling building ang paligid nito. Umuupa lang ng kapikapirasong building. Oh! ako ang pinagawa ni Dr. Prudente ng libro. Siguro bilib  sa akin ‘yong matanda kaya sa akin pinagawa.”
“Si Dr. Prudente, sa lahat ng naging presidente dito, siya ang pinakamatinong tao. ‘Yong mga sumunod, kahit na ‘yong mga narito ngayon, ambobo ng mga yan, pero may power. Oh, kunyari bobo ka pero kaibigan ka niya, pero pagtuturuin ka sa graduate school.  Malaki ang sweldo. Kasi palakasan system.”
“Ako kilala ako ng mga yan, kilala ako ni Jun Cruz Reyes, kilala ako ni Ordonez, kilala ako ni Abueg , pati ‘yong iba. May mga nagtatanong kung bakitt hindi raw ako nagtuturo sa graduate school? Sabi ko, bayaan niyo na sila, baka masama pa ako sa mga bobo. Hindi naman lahat, pero alam mo na may paisa-isang matino diyan. Alam mo yan ang nakapagtataka, sa kabila ng pangyayari, supposedly thePUP is the biggest state university in the Philippines. Sa kabila ng lahat ng kabobohan, kasinungalingan, dishonesty ng mga opisyal, mga magnanakaw ang karamihan diyan, yumayaman  dahil sa kung ano-anong kadahilanan. “
“Sa kultura ng kabobohan, dishonesty etc etc, may mga estudyante na nag-i-excel  sa kanikanilang larangan.  Tingin ko hindi utang sa mga teacher ‘yon, kundi utang sa mismong mga estudyante. Sariling sikap.”
“Kapag may mga rally-rally sa PUP, minumura ko ‘yong mga gago diyan. ‘Yong mga nagtuturo sa graduate school, anong tinuturo nila? Nagtuturo sila about honesty, values etc etc. Ang kaso mga magnanakaw itong mga putang inang ito. Kaya sinasabi nga, sa PUP, nothing sacred anymore, panay baboy na. Pero syempre sa ibang isolated area,  bibilib ka, kasi hindi nangloloko, hindi ginagatasan ang mga estudyante, nagsasabi ng totoo.”
“Alam mo mahirap magsabi ng totoo. Yan ang hindi kayang ituro sa mga estudyante isama mo na ang honesty, at pati mga values. Kahit na anong galing mo. Kahit na anong yaman mo,  kung hind ka honest pangit tignan. Sasabihin ng iba don ‘Ang galing nito, mayaman to. Swerte! Siguro anak siya ni Jesus. Anak siya ng Diyos.”
“Sa lipunan natin, ‘yong mga magnanakaw, durugista at liar, sila pa ang nagmamana ng mundo. Sila ang yumayaman, sila ang nakalagay sa katungkulan. Ang maganda lang kahit paano, dahil hindi ka masyadong nawawalan ng pag-asa sa mundo, may pa isa-isa pa ring matino,  mga saving graces kumbaga.”
“Pero masasabi mo sa panahon ngayon. Halimabwa mga administrator, kahit paano may mga matitino diyan sigurado. Ibig sabihin, ‘yong culture of corruption, impurity etc. sila pa ‘yong mga pinapalakpakan, sila ang makapangyarihan, sila ang dapat mong sundin, kasi kung hindi, mawawalan ka ng trabaho. Paano kapag nawalan ka ng trabaho saan ka kukuha ng pera, kung may pamilya ka saan ka kukuha ng papakain sa kanika?  Magiging sunod-sunuran ka na lang. ‘Yong mga faculty members dito marami yang mga katarantaduhan dito. Ayon nga tinuro na ang kabobohan sa estudyante tapos ginagatasan pa sila. Marami diyan, sa test paper pa lang ay binebentahan ang mga estudyante. Ako never kong ginawa ‘yon kapag nagpapa-exam ako. Basta ang importante mayroon kang masusulat. Pero marami diyan, ini-encode pa ‘yong mga question tapos ibebenta sa mga estudyante. O kaya naman papagawin ka halimabwa ng mga thesis o kaya ng mga bagay para makapasa ka. E hindi mo kayang magsulat kasi bobo ka e, wala kang natututunan kay tarantado mas bobo sa iyo techer mo e, ang gagawin ngayon, pupunta sa claro m recto,  papagawa ka tapos kung saan-saan kukunin ‘yon. O kaya hihingan ka ng teacher mo ng 20k.”
Ako : “Sir may ganon talaga?”
Ka Ave: “Oo, para makapasa ka.”
Ako: “Malaki ‘yon sir ha!”
Ka Ave: “Maliit pa ‘yon. Maraming paraan para magkakuwarta ka. Kaya kapag nakita mo akala mo mabuti ang puso kaya sabi ko nga sa iyo, nothing sacred anymore here.”
Ako: “Tungkol sa pagsulat ninyo sir, talaga bang dapat naghihimagsik?”
Ka Ave: “Hindi naman rebolusyon lagi, pinapakita ko lang ang buhay na alam ko. Ako hindi nabuhay sa forbes park, hindi ako namuhay na mayaman. Kaya karamihan sa mga tauhan ko ay ‘yong masa, mga simpleng tao, mahihirap pero honest, marangal.”
“Sa ganitong klase ng lipunan natin, hindi ka yayaman kung matino ka, ang gagawin mo na lang manloloko, manglalamang. Sa origin of materialism , pinanganak ang tao noong unang panahon na hubo’t hubad. Bakit ‘yong iba nagkaron ng mga lupa? Ano nangyari? Kasi nararanasan natin ‘yong pyudalism, capitalism dito sa ating lipunan. ‘Yong mga kokonti sila ‘yong mga nagiging hari, sila ‘yong yumayaman, iniisip nila kung panao pa sila yayaman.”
“Noong unang panahon pareparehas tayo. ‘Yong lupa para sa lahat yan e. Parang hangin. Lahat tayo kailangan ng hangin, hindi naman yan ganito, na O akin ang hangin na ito, o ‘wag kang pupunta dito akin itong hangin na ito. O ‘yong sikat ng araw para sa lahat yan hindi ba? ‘Yong tubig para rin sa lahat yan, o bakit dumating ang panahon na, ‘yong mga tarantado, ‘yong mga cojuanco, nagkaron sila ng hacienda luisita? Marami  silang bahay dito sa Pilipinas pati sa abroad, marami rin silang kotse.  O bakit sa kanila lang?”
“Kaya nga sabi ng mga aktibista, ang Pilipinas ay kontrolado ng 60 families. Including the economy and the politics.  Tignan mo noong nakaraang eleksyon, bakit si Teddy Casino hindi nanalo? Pumupunta rin yan dito (sa FREE-PUP), kilala niya ako. Matalino rin, left handed yan, kaliwete. Kapag kaliwete ka kasi ang point of view mo is the masses. Pero bakit ganoon, anong nangyari? Kasi may mga taong tuso. ‘Yong pagiging tuso nila nakapabay sa pagsasamantala. Bakit ang mga lupa napunta sa mga mayayaman, dati lahat ng lupa sa Pilipinas pagmamay-ari ng mga katutubong Pilipino. Nang dumating ang mga kastila , dala nila ang bible. Bakit noong bandang huli ang mga malalaking haciendero, ‘yong mga hacienda, bakit nasa mga pare ang mga lupa? Kasi ginamit nila ang religion.”
“Ang mga Amerikano, ginamit nila ang edukasyon, ang ingles, para tayo masakop.”
“Kaya ngayon, ang simbahang katoliko ang isa sa mga biggest land owner. Hindi lang ‘yon, may mga corporasyon pa yan e. Marami silang ginagawang estampita, bible. May mga negosyo yan, may mga bangko sila, mga real estate. Lahat ng klase ng negosyo mayroon ang simbahan.”
“Hindi ba ang role nila sa buhay is to save souls? Pero maraming katarantaduhan ang simbahan. Hindi lang sa Pilipinas, may mga huling statistics ,maraming mga pare at madre , all over the globe ay umaalis sa pagpapare at pagmamadre. Ano ang unang unang dahilan? KALIBUGAN! Hinahanap-hanap nila ang tawag ng laman kasi biological ‘yon e , at isa pa ‘yong mga nagsisimba, pakonti nang pakonti.”
“Kasi kasalanan din ng mga pare, kung ano-ano pa ang kanilang pinakialaman. In other words maraming bagay sa mundo na hindi parehas. Ang mga isinusulat ko ‘yong totoong nangyayari sa buhay kaya nga sabi ko sa mga estudyante ko, hindi baleng mahirap basta marangal, pero ngaun, hindi bale nang hindi marangal basta may kuwarta. Hindi mo naman daw makakain ang honesty at integrity. Hindi mo rin makakain ang prinsipyo kaya sa kultura natin baliktad. ‘Yong mga nagmamana ng yaman ay mga magnanakaw, mga mandurugas, ‘yong mga sinungaling.
Para sa akin kasi, ang obra ay para sa mga manggagawa, at saka ‘yong mga istorya ko, walang mayaman, kung may mayaman man doon, malamang kontrabida ‘yon.”
“Ang manunulat dapat ginagawa ‘yong mga bagay na totoo. Huwag ka nang mag imbento, para makasulat ka ng makatutuhanan at kapanipaniwala. Para maintindihan ng mga mambabasa ang gawa mo.”
“Alam mo yang si Efren Abueg, maraming kabobohan yan. Ang mga nobela niya, ang mga tauhan ay mga mayayaman, mga pangalan ng mga sosyal. Tapos humahawak pa siya ng panitikang mapanghimagsik, anong alam niya doon?”
Ako: “Si sir Ordonez po ‘yong may hawak ng subject na ‘yon.”
Ka Ave: “Si Abueg din may subject na ganon. Sumali-sali siya ng konti sa mga kilusan, sa mga progresibo, pero hindi naman talaga ganoon ‘yon e. sumabit lang. Atleast si Ordonez kahit paano talagang sumasama, pero mas nauna ako sa kanya.”
“Hanggang ngayon, ‘yong mga manggagawa, mga magsasaka, ‘yon ang tunay na mga tao kaya nga sinasabi ko sa mga estudyante ko, huwag niyong LA LANG LANGIN ang inyong mga magulang kahit ‘yong tatay mo kunyari taxi driver o driver ng tricycle o ang nanay mo nagtitinda sa palengke. Anong gusto niyo, nanay niyo jeuteng girl, ang tatay niyo drug lord, ang tatay niyo plunderer kagaya ni Erap? Na nabola niya ang mga tao? Pero hindi ko rin naman sinasabing si Lim e walang kasalanan.”
“Kaya itong bayan natin, aping-api ito kasi maraming naniniwala sa mga leader na peke.”
“Tignan mo ngayon ‘yong mga manggagawa natin sa Taiwan dinuduro tayo. Kakaning itik tayo.”

“Noong 50’s ‘yong mga Taiwanese  ang nagpupunta rito para pumasok na domestic helper, mga yaya ng mga mayayaman. Yaya sila ng mga instik na may kaya dito. Kaso ngayon nabaliktad, ang Taiwan ngayon ay asensado, economically at militarily. Kaya kawawang-kawawa tayo, inaapi ang mga kababayan natin doon. ‘Yong iba pinapalo sa ulo ng baseball bat, dinidiscriminate.”
“Pangunahin kasi diyan kung bakit tayo api. Dahil mga leader natin. Mga inutil. Sa kasaysayan natin, una palang kay Aguinaldo. Binenta ang rebolusyon. Si Aguinaldo masamang Pilipino ‘yon pero siya ang pinapalakpakan at may mga naniniwala pa rin sa kanya.”
Ako : “Yong sa style po ba ninyo ng pagsulat?”
Ka Ave: “Kanya-kanyang style yan, basta ang importante maintindihan ka ng mga mambabasa mo, hindi naman kinakailangang gumamit ka ng mga malalalim na tagalong o kaya malalim na ingles. Simple lang, ‘yong madaling maunawaan ng mambabasa mo.”
“Kanya kanyang style yan e, halimbawa si Jun Cruz Reyes, ang gulo ng sentences niya, hindi niya alam gamitin ang NG na maiksi at NANG na mahaba. May PhD pa, may mga seminar-seminar – workshop pa yan na makikita ang pangalan niya. Nag-aambisyon ata yang mag-national artist.”
Ako: “Sir si Rio Alma?”
Ka Ave: "Peke rin ‘yong kumag na ‘yon. Kaya naging national artist yan kasi nilakad niya ‘yong sarili niya. Magpapapirma siya tapos siya ang naglalakad ng sarili niya.”
“Ang manunulat din dapat simple lang. ‘Yong naiintindihan agad. Halimbawa, binabasa mo si Ernest Hemmingway. Hindi mo kinakailangang konsultahin pa ang dictionary, kasi bihirang-bihira lang gumamit ng dictionary world yan. Simple abc-English ang ginagamit niya. Kaya magagaling na manunulat ang mga ‘yon. Simply and  easily understood. Tignan mo ‘yong kay Jun Cruz Reyes. Lumpen ‘yong istilo niya. Kung sa bagay, kanya-kanyang style yan.”
Ako: “Sir bakitt walang gitling ‘yong mga akda niyo?”
Ka Ave: “Sinadya ko ‘yon. ‘Yong doon sa kuwento na Lagablag Sa Utak Ni Damian Rosa. ‘Yong dire-diretso doon ay extreme of consciousness ‘yon ng tauhan. Lasi lasing siya.”
Ako: “Doon pos a kuwentong Elias at Plaridel. Pagdating ni Elias, natupad ba niya ang kanyang plano?”
Ka Ave: “Rebolusyon ‘yon! Sa akin, sa utak ko, panalo ang rebolusyon pero sa real world, malayo talaga sa katotohanan, mahina ang rebolusyon.”
“Sa panahon namin mas masigla kami, araw-araw magkakasama kami, nakikipaghabulan. Kasi malaking isyu talaga ang paggawa, syempre marami ang nag-strike pero ‘yong manggagawa mismo, watak-watak sila, paunti nang paunti ‘yong mga nakikipaglaban, lalo nang lumalakas ang kapitalismo ngayon.”
“Noong panahon ni Marcos 40 million lang tayo pero ngayon, dumoble nasa mahigit 97 million na tayo. Lalo nang dumami ang walang hanapbuhay, ang mga puta, may asawa, walang asawa, dalaga ay puta na rin. Ganyan na ang buhay, kapit sa patalim. Marami sa ating ang underemployed, may trabaho nga pero hindi sapat ang kita. Halimbawaa ‘yong mga nagbebenta ng sigarilyo, nagtitinda ng banana cue.”
“Tapos paano pa ‘yong mga newly graduate, taon-taon may nagtatapos, parami nang parami ang mga malilibog, anak nang anak.”
Ako: “Sir, bakit mas pinili niyo ang magturo dito sa PUP kaysa sa iba?”
Ka Ave: “Gusto ko rin naman magturo sa iba, pero iba sa PUP. Unang-una malaya dito, makakapagmura ka dito. Hindi katulad ng La Salle at Ateneo kailangan disente ka, hindi ka nagmumura.”
“Maganda dito sa PUP kasi everything is equal. Pero kung kukunin ka lang para magturo tapos bibigyan ka ng maraming load, ang panget din n’un kasi sa pagtuturo, basa ka nang basa para marami kang makukuhang impormasyon, pero pinahihirapan mo lang sarili mo, dahil hindi naman lahat ‘yon, maabsorb at maituturo mo nang tama.”
“Meron nga dito, hindi naman nagbabasa pero ang daming natuturo. Kaya kapag pinagre-report ko mga estudyante ko, pinapagawa ko sila ng listahan ng mga tao sa buong mundo kung sino na ang nakakuha ng novel prize. Dito sa Pilipinas wala pang nakakakuha ng novel prize, ewan ko ah…. pero ang sabi nila si Ave Perez Jacob, bibigyan daw ng novel prize, tawanan sila ngayon (mga estudyante ni Ka Ave)”
“Kung ikaw ang magtuturo, okey na ‘yong 3 o 4 na load, mabubuhay ka na n’un. Pero sa mga guro na overload na, sa sobrang dami ng kailangang basahin, hindi na makakain, hindi maipasa ang mga requirements sa oras.  Pero sa panahon ngayon bihira na ang bata, ang basa ng basa dito. Marami ang nagtuturo ng literature pero walang alam, bobo!!”
“Katulad ng sinulat ko na sa Lagablab sa utak ni Damian Rosa, karamihan ng sinusulat ko ay autobiographical. Akala  ng iba, na magagaling sumusulat sa Ingles, nang mabasa nila ‘yong sa amin, sinabi na ito ang tunay na kuwento na Filipino writer. Kaya nagkaroon ng Agos sa Disyerto. Sa akin nagmula ang pangalan na Disyerto, dahil sinabi ko na ang Panitikan ay isang Disyerto  kaya inilagay nila ‘yon tapos dinagdag lang ang agos, ang leader nila dun si Efren Abueg.  Filipino is our language of creative writing. Naghanap ako ng tunay na manunulat sa lenggwaheng Filipino, dalawa lang ang napili ko si Amando V. Hernandez at si Lazaro Francisco.”
“Magaling na writer si Abueg pero nasaan na siya ngayon? Si Almario, peke, marami siyang nagawa pero plagiarism kaya dapat ‘yong mga manunulat na ‘yon, inilalagay sa ilalim ng lupa.”
“Kapag writer ka dapat ‘yong sinusulat mo, naranasan mo sa totoong buhay. May mga style na totoo sa sarili mo. May mga naunulat na binebenta nila ang panulat nila, mga puta, pinagkakakitaan! Halimbawa ‘yong sa politiko, babayaran ka nila para magsulat tungkol sa kanila pero itatago ang baho mo. Puro positibo o magaganda ang ilalagay. Yan ‘yong mga ghost writer, imbes na pangalan mo ang ilalagay, pangalan ng iba, kumbaga sila ang may pagkakakilanlan, masahol pa sa puta ang ginagawa nila!”


Pansin naman natin kung paano magsalita ang isang Ave Perez Jacob. Isa lang ang natitiyak ko kung bakit ganyan siya magsalita. At ito ay mula sa isang pahayag mula sa sanaysay ni Ka Roger na Pagbabagong –bihis sa Wika at Panitikan. Sa kanyang aklat na Saan Papunta Ang Mga Putok?

“Sa larangan naman ng maikling katha, pagpasok din ng 1950, masasabing naunang naghimagsik si Ave Perez Jacob. Bagaman manakanaka siyang sumusulat, ang kanyang mga kuwento’y malinaw na sumira sa mga makalumang porma at estilo, gayundin sa tema, ng mga mailing kathang sinulat ng sinundang henerasyon ng kababakasan ng mga paksa ng nakalulunod na luha ng kapighatian, ng nakpaninidig-balahibong paglalambingan at pag-iibigan at ng kung ano-anong kahangalan tungkol sa daigdig ng kababalaghan. Ang kanyang mga diyalogo ay natural na natural, makatotohanang-makatotohanan, hindi mga dayalogong pamilya-milya ang layo sa realidad. Ang kanyang estilo ay masasabibng nagwasak sa binubulok na estilo ng pagkukuwento – na maaaring naunawaan niya sa mga banyang manunulat gaya ng mga Hemingway, Steinbeck, Kafra, Joyce, Gorky at iba pa. Ang kanyang mga paksa ay mismong buhay-Pilipino – ang kalupitan ng sosyedad laban sa maliliit sa lipunang ito ng mga diyos-diyusan.”