Sunday, August 4, 2013

Rush Hour

(Maiklung Kuwento)


MAGSISIMULA ANG mahabang pila sa pag-inspection ng mga guard sa bag mo pati sa sarili mo.  Hiwalay ang lalaki sa babae, pero kapag ganitong pagod, nagmamadali at mainit ang ulo ng mga tao, malabo na itong masunod.  Kapag nakalagpas ka na, magpapatintero kayo ng mga kapwa mo pasahero paakyat sa bilihan ng ticket.  Mas maraming natataranta kapag naririnig nila ang tunog ng paparating ng tren.  Hingal at pawisan kang pipila para magtiis at makabili  sa cashier ng ticket (suwerte kung meron kang sariling stored value LRT-card).  Mabuburyong ka kapag matagal magka-intidihan ang cashier at pasaheong bibili ng ticket.  Pipila ka ulit para ipasok ang ticket at kapag narinig mo ulit ang tunog ng paparating na tren, mas matinding taranta na ang mararamdaman mo.  Magmamadali kang umakyat, sa hagdan na ang daan mo at hindi na sa escalator.  At pag-akyat mo, makikita mong papasara na ang pinto ng tren.  May mga magbabalak pa rin pumasok kaso puno na talaga, pagpuwesto mo, marami kang kasamang naghihintay sa yellow lane.  Iba-ibang kasarian, katayuan, damit at amoy.

Wala pang limang minuto, dumating na ang hinihintay.  Hindi pa man nakakahinto ang tren, nag-unahan na ang mga tao. 

Napaabante ako nang hindi ko namamalayan, kamuntik pang madama, mabuti’t siksikan at hindi natuluyan.  Pakiramdam ko may tumulak sa akin mula sa likod.  Mahirap lumingon kapag ganitong labasan at pasukan ng mga pasahero sa tren. 

Nang makapasok na sa loob, hinahap ko ang hinayupak.  Alam ko mukha siyang si Vandolf, na parang si James Harden.  Magubat kasi ‘yong bibig at baba.  Proud din siguro sa mabalahibo n’yang dibdib, maputi rin kasi kaya halata.  Kung bakit kasi nagsando pa, mukha tuloy s’yang gorilla.  Tapos ‘yong kasama n’ya naman, tingin ko idol nito si Rizal kasi hawig sila ng sombrero.  Sayang lang talaga, kung papalitan ‘yong kulay pulang checkered n’ya ng amerikana, pati ‘yong skinny n’ya ng slacks, at ‘yong chuck taylor n’ya ng black shoes.  Alam ko sila ‘yong kumakain ng El Bonito’s Pizza kanina, nakita ko sila habang nakapila ako sa cashier.

Saan kaya nakalagay ‘yong cell phone nitong gorillang ‘to?  Kapag nakalapit pa ako sa’yo at nakahanap ng pagkakataon, ipapalako ko na sa amin ‘yong cell phone mo. 

NEXT STATION V. MAPA.  ‘WAG PO TAYONG MAGTULAKAN. IWASAN PO ANG SUMANDAL SA PINTO AT MAG-INGAT NA RIN SA MANDURUKOT

Nang umandar ang tren, dagling napaurong ang mga pasahero.  Nagkaroon ng pagbabago sa puwesto.  At katabi ko na ang magkaibigan. 

 “D-------ude! D---o yo--u saw ma pic-----tu---re at instagram?” Si Rizal look-a-like ‘yong bumabanat.  Kahit magkakapalit na sila ng mukha at hininga ng kaibigan  tuloy pa rin ang kuwentuhan.
“W-------h---a-----t?” Tanong ni Gorilla.  Nakapostura, at hindi alintana ang siksikan sa loob.  Na halos kakailanganin mong tumingala para lang makahinga nang maayos
Ma pic-----ture wid Chris-----tine Rey-----es in Boracay.”   Hirap magsalita at hindi na maidiresto ang sasabihin dahil sa siksikan sa loob at hirap sa paghinga.
“O------Ya-----h, ya-----h.  Yo---u pos---ted it at face-----book, I am right?”
“Yah-yah.” Tatango-tango.  Walang pakialam kahit nasasandalan na siya sa kanyang likod ng estudyanteng lalaki.
Mukhang bigtime ‘tong mabibiktima ko.  Umiingles.  Dikit pa ng konti kay Gorilla at kapag nagkaroon konting tulakan dito, akin na ang gadget mo.  Sige lang sa kuwentuhan, andaming puwedeng itulak ako pa ang napili mo.
“H------ow ma-----ny we-----re your fel-----lower on twit-----ter?” Pambasag na tanong ni Gorilla.
“H------ow ma-----ny?” Napapatingala si Rizal look-a-like na akala mo nagbibilang ng tupa para makatulog.  “I don’t remember, maybe 700 plus.”
“Oh! Poor, yo-----u kne------w how ma-----ny I’ve got-----ten?”
“Ho------w?”
“O-----ne hun-----dredth  plus fel-----lower,” nakakapa at malapit ko nang madukot ang cellphone ni Gorilla nang nag-ring at nag-vibrate ito.  Naputol ang kanilang kuwentuhan ni Rizal-look-alike.  Naputol din ang balak ko. “Wa-----it du-----de.”  Natatarantang kinapa ang bulsa ng pantalon.  Kapkap sa kaliwan, likod, kanan.  Dukot.  Nagtataka siguro dahil mabilis nakuha ang cellphone.  Iniwas ko ang aking mukha.  Angat ng  cellphone. Ano kayang brand n’un?
O---h ma?-----O---po-----Kas---ama ko si Jo----seph-----Pu---punta kaming Tri---noma-----Wala lang, tambay lang ‘dun-----hin---di kami manchi-chicks d’un ma-----dito kami sa LRT-----Opo, nila----gay ko ‘yong suk---li sa taas ng T.V.-----And’un ‘yon ma, wa---lang makik---ialam n’un-----Opo-----Sige po-----Sige ma-----Ingat ka rin-----Opo mama.

Nang natapos ang pag-uusap ng mag-ina, sinulyapan ko si Gorilla.  Nakangiti habang tinitignan ang screen ng kanyang Nokia 3230  Umiling ako’t napatingin sa mga gusaling nadaraanan ng tren.

PAPARATING NA SA V. MAPA STATION

No comments: