Saturday, January 29, 2011

Si Jen o si Grace?

(Maikling Kuwento)


Mula nang magkaroon ng trabaho si Jillian, kalahating taon na ang nakalilipas. Madalang na silang magkita ni Grace. Huling nagkita ang dalawa sa kanilang meeting-place kung tawagin. Sa Seaside ng MOA (Mall of Asia). Kung saan sila'y unang nagkita at nagkakilala. Sa pamamagitan ng pakikipag-textmate na tinatawag.

Apat na buwan na rin ang nakalilipas nang huling magkita ang dalawa. Bago tuluyang nagpaalam sa isa’t isa, binigyan muna ni Jillian si Grace ng isang Libro: Ligo na U, Lapit na me, ni Eros Atalia. Upang ‘di umano'y mapagkwentuhan nila kapag sila'y nagkitang muli sa Seaside.

wer n u?

Text ni Jillian kay Grace.


w8,lapet n q,sn kn?

Reply ni Grace.


Bsta d2 lng aq, s tpat ng Sam's ska Tender Juicy, nka blue aq n t-shrt.

Tugon naman ni Jillian.

Mahigit 20 minuto ang lumipas nang magkita ang dalawa. Nakaharap noon si Jillian sa dagat habang kanyang pinagmamasdan ang mga alon na tila nagkakasundo sa kanilang kinalalagyan.


"Tagal mo.” Malambing at nakangiting tugon ni Jillian kay Grace, "Namiss kita ha".


"Namiss din kita." Nakangiting tugon ni Grace habang pinagmamasdan ang mukha ni Jillian.

At ang mga titig na iyon, para bang nagbibigay ng isang mensaheng hindi mababatid kung hindi sasabihin at ipagtatapat.


"Nabasa mo na ‘ yong Libro?"
"Oo, tapos na, tapos ko nang basahin ‘yon, nakakatawa nga, e"
"Lalo na si Intoy!”
Masiglang sagot ni Jillian.
"Pero ang nakapagtataka ‘ron, sinong nakabuntis kay Jen, hindi naman si Intoy na lagi n’yang kasama?" Parang may gustong malaman ang tanong na iyon ni Jillian sa kanyang kaharap. Waring naghahanap ng isang kasagutan at katotohanan.


"’Saka s’an s'ya napunta ‘nong nawala s'ya bigla?
"Makikita pa kaya s’ya ni Intoy?"

Mga katanungang labis na nagpakulot sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang karagatan na waring tinutuya ang kanyang katauhan ng mga along nagmumula dito. Mga katanungang nagbigay sa kanya ng misteryo kung ano ang magiging solusyon sa mga ito.


Nang marinig ni Grace ang pangalan ni Jen- isa sa mga pangunahing tauhan sa kwentong pinababasa sa kanya ni Jillian. Bigla itong napayuko, waring nalugmok sa kanyang kinatatayuan. At bakas sa kanyang mukha ang pag-aalaala sa hindi maipaliwanag na dahilan. Parang gustong sumabog ng kanyang damdamin habang katabi ang kasintahan.

"Oh ba't bigla kang natahimik, hindi mo ‘ata binasa, kaya hindi ka maka-relate." Pagtatakang tanong ni Jillian. At biglang-bigla, hinawakan nito ang kamay ng kasintahan. Parang isang halaman na pinupunan ang pangangailangan sa tulong ng sikat ng araw. At sabay nilang pinagmasdan ang mga alon sa dagat ng Manila Bay. Mga alon na waring nagrerebolusyon sa kanilang kinalalagyan. Gustong kumawala, gustong tumakas. Waring nagbabadya ng isang delubyo.


"Wala ‘yon,wala wala." Mahinang tugon ni Grace. Walang emosyong pinakita sa kanyang mukha. Para bang may itinatago pero may nais ding ipalabas. "Sige lang, kuwento ka pa"

"Ba't ako lang magkukwento,ikaw naman"

Hindi pa natatapos magsalita si Jillian nang bigla’ng may naisip na tanong si Grace, na tila ba hinugot sa kung saan. At ang mga alon, para bang binigyan siya ng hudyat ng mga ito upang magsalita. Mga alon na nagbibigay lakas sa kanya upang masabi ang nararamdaman.

"Kung ikaw si Intoy, anong magiging reaksyon mo sa nangyari kay Jen?"
"Ako!?"
Gulat na gulat na tugon ni Jillian sa kasintahan. Parang isang paslit na tinanong kung ano ang kanyang katayuan sa buhay.

"Hindi ko alam, baka mabaliw ako n’on"
"’Saka, ano’ng karapatan ko r’on kay Jen, ‘di ko naman syota ‘yon, e. Ang mahalaga, tiba-tiba ako." Nakatawang sagot ni Jillian, nagbibiro ang mga ngiti na ibinato sa kasintahan. Sabay akbay sa kasintahan at halik sa pisngi nito.

Nagbuntong hininga si Grace, para bang nagkaroon ng pag-asa sa ginawa. At pinagmasdan muli ang kalagayan ng mga alon. Napangiti siya at biglang natuon ang pansin sa kasintahan.

"Hmm, may sasabihin ako sa'yo." Paunang salita Grace.
"Ano naman ‘yon?" Para bang nagulat si Jillian
"Ako si Jen sa kwento"

Friday, January 21, 2011

Kumunoy

(Maikling Kuwento)


Kagagaling lang ni Mang Gusting sa pagtitinda ng mga sigarilyo at kendi sa isang hindi kalayuang kalsada sa kanilang lugar.

Bitbit niya sa kaliwang kamay ang isang tila maliit na lamesang patungan ng kanyang paninda, at nakasabit naman sa kanyang kanang balikat ang sisidlan ng mga ito.

Tila makulimlim ang hapong iyon kay Mang Gusting, gayong mainit pa, at nakangiti ang araw sa mga tao.Habang siya'y papasok sa kanilang lugar, sa looban kung tawagin ng mga tagaroon, nang sari-saring mga ingay ang kanyang naririnig, mga imaheng nais niyang hindi na muling makita: mga batang naglalaro, mga tambay sa kanto, mga rugby boy, panakanaka, mga nagtutulak ng droga, mga nagsusugal, nagtotong-it at nagkakarakrus; mga tsismosang na wala nang ginawa kundi ang magpalipas ng oras sa pakikipagkwentuhan sa mga kapwa tsismosa, ingay ng mga tugtugan sa bawat tahanan na kanyang nadaraanan.

Sa paglalakad ni Mang Gusting, tila ba hindi siya nasasabik na mamahinga, hindi dahil wala siyang kinita sa maghapong pagtitinda, kundi dahil sa mga bagay ng kanyang naiisip, na marahil ay hindi maganda.

Tulala at nakatuon lamang ang kanyang paningin sa baba ng sementadong daan patungo sa kanyang tahanan; ilang linggo na ring ganito si Mang Gusting, minsan ay hindi na rin siya kumakain ng hapunan, pagkat sanay na marahil ang kanyang sikmura sa araw-araw na gawaing ito.

Subalit ang araw na ito ang pinakamalungkot sa lahat ng malungkot na kanyang pag-uwi sa kanyang tahanan.May kung anong binubulong si Mang Gusting habang naglalakad,

“kalayo"
“kalayo”
“kalayo"

...tulala pa rin nang makarating siya sa kanyang tahanan, na tanging isang tao lamang ang kasya, marahil inilaan ang ispasyong ito para sa kanya, para gawing isang munting tahanan.

Singhaba lamang ng pinto ang loob at ang taas ng kanyang tahanan.

Talagang nakalaan lang para sa kanya.

Ano bang silbi ng malaking tahanan, gayong wala naman nakakaalala sa akin, minsan ay kanyang naiwika.

Sa loob ng kanyang tahanan, ay isang maliit na gitara, ang bubungad kapag binuksan ang pinto. Nakalagay sa dulo ang ilang mga kagamitan na kanyang pinahahalagahan. Nakalagay sa isang maliit na kahon na sing laki ng lalagyanan ng sapatos.

Pagkabukas niya ng pinto, agad niyang ibinaba ang mga bitbit na gamit, umupo sa pintuan, at tulala ulit na tila ba may iniisip. Ilang oras din siyang ganito, at nang mapagod, ay napasandal at naramdaman sa likod ang kanyang gitara.

Tinitigan niya ito, at saglit na nagtungo sa loob, may kung ano siyang kinuha sa loob ng tahanan. Isang litrato, na kasama ang buo niyang pamilya, bago siya lisanin ng mga ito, tinitigan, pagkaraan ay iniharap sa ibabaw ng apoy ng gasera ang kaninang hawak niyang litrato.

Walang ekspresyon sa kanyang butuhang mukha, ni hindi tumulo ang luha sa kanyang bilugang mata; habang nasusunog ito. Nang tuluyan ng masunog at maging abo ang litrato. Kanya nang kinuha ang gitara at tumugtog ng ilang mga awiting paborito niya.

Inabot ng madaling araw ang pagtugtog niya ng gitara, tanging siya na lamang ang gising sa mga oras na iyon.

Kahol ng aso at ingay na lang ng mga pusa at maririnig kasabay ng pagtipa niya sa kanyang gitara.

Tuluyan nang pumasok si Mang Gusting sa kanyang tahanan at doon nagpatuloy ng pagkanta na nilapatan ng tunog ng gitara. Napasandal siya at itinuon ang mukha sa bubong ng kanyang tahanan, nakita niya ang mga ipis na malayang naghahabulan at tumatambay dito.

Matapos ang ilang sandali, natuon ang kanyang paningin sa gaserang nakasindi. At walang ano-ano, kanyang sinipa.

Napunta ito sa kahon na sinlaki ng kahon na lalagyanan ng sapatos. Dinilaan ng apoy ang karton na ito, at nasiyahan si Mang Gusting sa nakita.

Ang maliit na apoy mula sa gasera ay unti-unting nilamon ang karton at ilan pang mga nasa loob nito.

Patuloy ang pagkalabit ni Mang Gusting sa kuwerdas ng gitara, kaakibat ang isang tila paghele sa isang bata...

“Hmmmm...."
"hmmmmmmmmm......”

Unti-unting umakyat ang apoy sa kanyang tahanan, patungo sa bubong. At patuloy pa rin siya sa kanyang pagtipa sa gitara. Nakangiti at tila masaya ang ekspresyon ng kanyang mukha habang tumutugtog ng gitara. Nakapikit at nakasandal.

Sa paglaki ng apoy sa loob ng kanyang tahanan ay unti-unti namang naglalaho ang tunog ng gitara at ng malambing niyang tinig. Hindi naglaon lumaki nang lumaki ang apoy at tuluyan nang nilamon ang loob at labas ng kanyang tahanan.

At dahil iskwater ang lugar, mabilis na kumalat ang apoy. Wari’y isang lugar iyon na binagsakan ng bilog at malaking apoy mula sa kalawakan.

Tuesday, January 11, 2011

Bakit Ganito ang Ganyan?

(Tula)

Hindi ko na muling babalikan
mga gunitang
kumukurot sa kalamnan,
mga alaalang
pumapaso sa isipan.
Nang hindi na manumbalik
pait sa bawat tamis
na dumating sa kamusmusan.

Mga sandali
na namighati sa kawalang malay,
mga lumipas na pagdurusa
sa kaginhawaan,
ay hindi na muling babalikan
gaya ng yapak
sa buhanginan
na nabubura
sa bawat kampay ng alon
na dumidila sa pampang ng pagkamulat.

Ang bawat ngiti
ng sikat ng araw,
ay hindi na muling magniningning
ang salaming inihain
ng mga mapaglarong kapalaran
na hindi na muling mamalasin
na bumalik sa kahapong nagdaan.

Mga bagay na nilikha
para sa mga dahilang hindi matanggap
ng kaloobang pagod
sa pag-intindi
sa mga hinanaing ng utak
na hindi mawari
ang dapat gawin.

Hanggang kailan,
maglalaro ang isip
sa baga ng apoy,
gayong tuyo na ang pang-unawa
sa lamig na dulot ng umaga sa Disyembre.
Hanggang kailan matatapos ang pagsagot
sa mga tanong
na hindi mabigyanng lunas
sa lumalalang pagkabigo ng isipan.

Higanteng Bakal na Metal

(Tula)

Sa oras ng iyong pagdating
ako ay aalisto
maghahanda,
at mag-aabang
sa pagbukas ng [mga] sugat
sa iyong tagiliran.

At dahil kaunting oras
ang inilaan
sa pagtahak sa iyong balumbalunan
ako ay magkakandarapa,
sisiksik,
manghahawi,
at manunulak kung kinakailangan,
matunton lang ang iyong kalooban.

Hahamakin ang lahat,
huwag lang hindi maunahan
sa pagpasok,
sa mailap mong mga sugat
na kapag bumubuka
ay may inilalabas at ipinapasok
na hindi malaman
kung natutuwa
o nabubugnot sa mga pangyayari.

Sa oras na iyong pagdating
ako ay aalisto,
paghahandaan
ang mga kapwa ko mikrobyo
na lalabas sa iyong [mga] tagiliran.
At kapag dumating na ang pagkakataon,
ako,[kami] ay susuot sa iyo
upang mapalitan
ang hirap na aming ibinigay
sa paghihintay sa iyo.

Walang sasayanging pagkakataon,
mga hakbang ay titigasan,
mga dugo ay papagalawin
at ang pwersa ay lalakasan
nang hindi mabuwag
ang hanay na kinabibilangan.

Matira matibay ang labanan,
pagkat bawal ang mahina,
bawal ang lampa
at bawal ang maarte
kapag nakaharap na
sa tarangkahan ng iyong tagiliran.

Sunday, November 21, 2010

Maria Clara at Urduja

(walang kwentang sanaysay)

Ang tao ay bahagi sa lipunan, hindi magiging lipunan ang isang lipunan, kung wala ang isa sa mga mahahalagang sangkap na ito,ang tao. Pagkat sa tao nagmumula ang lahat ng mga kaganapang nangyayari sa isang lipunan. Ang tao ang siyang nagdidikta kung ano ang magiging batayan ng lipunan.Kung mataas ba o mababa, kung maganda ba o mapangit ang isang bagay, etc.
Kung titignan natin ang kasaysayan, ang mga lalaki ang siyang makapangyarihan kesa sa babae, mas nadodomina ng mga ito ang kababaihan, sa ilang mga larangan.
Kung titignan naman natin ang Nobela ni Rizal na Noli Me Tangere‘, si Maria Clara ang nagrerepresenta sa Babaeng Pilipino, na isang mahinhin at mayuming tao. At sa karakter na ito, nais wasakin o bigyang diin ni Rizal na ang mga Babaeng Pilipino ay pangtahanan lamang, walang silbi at ang tanging gawain lang ay magsayang ng oras sa loob ng tahanan. Pero paano mangyayaring ito ang representasyon ng mga Babaeng Pilipino, gayong kasamang nakipaglaban para sa kalayaan ng bayan ang mga kababaihan, gaya nina Teodora Alonzo,Espiridonia Bonifacio, Urduja at iba pang mga Babaeng Pilipinong nakipaglaban para sa kalayaan ng bayan.
Masasabi kayang walang kwenta sa lipunan ang mga babae gayong tao rin sila, gaya ng mga lalaki na bahagi rin ng lipunang kanilang ginagalawan. Hindi ba’t hindi magiging nilalang ang isang bata o tao kung wala ang babaeng magluluwal dito.
Katuwang ng mga lalaki ang babae sa ilang mga larangan, gaya ng sa Politika, Ekonomiya at iba pang mga Kategorya. Pagkat totoo ngang kaya na rin gawin ng mga kababaihan ang ilang mga gawain na dati ay lalaki lang ang mayroong kakayahan. Kung titignan natin, sa Pilipinas unang nagkaroon ng Babaeng Pangulo sa Asya. Hindi ba’t Pilipino lang ang nakapagtala ng gayong kasaysayan sa Asya o pati marahil sa buong mundo.
“Walang nabubuhay para sa sarili lang”, ayon sa isang awitin. Sa madaling sabi, hindi mabubuhay ang isang tao kung wala siyang katuwang o katulong para mabuhay. Hindi makakasurbayb ang lalaki kung walang babae, at hindi rin makakasurbayb ang babae kung walang lalaki, vice versa ang usapan,kaya nga’t nauso ang tawag na “Babaero”, pagkat laging naghahanap ang lalaki ng makakatuwang sa buhay, kahit minsan ay mali na ito. Pero ni minsan ay hindi pa masyadong tumatak sa aking isipan ang katawagang “Lalakero”. Mukhang may deskriminasyon sa mga lalaki ito.
Na sa iyo ang desisyon kung ano ang magiging dating sa iyo ng mga sinabi ko.

Sana

(Tula)

Sana ,
Bumalik ka na
Ama,
Nang hindi na mag-alala
Si Inang nangungulila

Sana,
Bumalik ka na
Ama,
Nang kaming lahat
Ay mapanatag na

Sana,
Bumalik ka na
Ama,
Nang tayong magpapamilya
Muling magsalo at magsama.

Sana,
Bumalik ka na
Ama,
Pagkat tatlong araw na
Mula nang ikaw ay huling nakita.

Sana ,
Hindi totoo
Ama,
Ang kutob kong ikaw ay pinadukot
Ng mga Asendero’t Panginoong may lupa.

Sana,
Magbalik ka na
Ama,
Nang kami ay hindi mangamba
Sa balitang may mga nawawala.

At Sana,
Hindi ikaw
Ama,
Ang natagpuan nilang bangkay
Sa may gilid ng Sapa.

Friday, October 29, 2010

Ay

(Tula)

Naglalakad,
Patungo sa pupuntahan
Nakatuon,
Mga pangdama
Sa daang daraanan.

Nang biglang tumunog
At manginig
Ang bulsa ng pantalon.

”May nagtext!”

Pinasok,
Kamay sa bulsa
Kumapa,
Dinukot ang Fone

Sa text ay nagreply,
Nagreply
Nireplayan
Nagreplay ng walang humpay.

Paningin,
Nakatuon sa Fone
Habang naglalakad.
Kasabay,
Ilang mga ngiti dulot ng Fone.

Nang biglang madulas
At napamura,
“SHIT!!!”
Dahil natapakan
Malambot at mamasa-masang
Tae ng Aso.

Tuesday, September 28, 2010

Tanong ng Masa

(Tula)

Tinanong ng madla
Ang isang mama:

`Nasaan ang lupa
Na pangako ng iyong ina
Sa mga magsasaka,
Nang siya ay nangangampanya?’


Tugon niya,
Isang ngisi at iling na nakakabalisa,
Panibagong hamon
Para sa mga Pilipinong maralita`t makamasa

May pagbabago bang makikita?
May hustisya bang matatamasa?
At may magagawa kaya,
Ang mamang nanumpa
Noong ika-30 ng Hunyo,
Sa harap ng sambayanag Pilipino?
Na anak ng Asendero.

Tuesday, September 7, 2010

Naisip na kaya?

(Tula)

Juan,
Naisip mo ba,
Kung bakit nag-iisip
Ang iyong pag-iisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Kung bakit naitanong ko sa iyo
Ang aking naiisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Kung bakit kita pinapaisip
Sa aking naisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Na pwede ko rin maisip
Ang iyong naiisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Na pwede mo rin maisip
Ang aking naiisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Na gawain ng ating pag-iisip
Ang mag-isip?

Juan,
Naisip mo ba,
Ang naiisip ng iba,
Pwede mo rin maisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Kung ang iyong isip,
Napapagod sa pag-iisip?

Juan,
Naisip mo ba,
Kung bakit "JUAN"
Ang tawag ko sa iyo ?

Sunday, September 5, 2010

Larawan ng Kahapon

(Tula)

Minuni-muni ang kahapon
At binalikan
Mga alaalang nagbigay paalala
Sa nagdaang panahon.

Ginunita,
Mga pangyayari
Na noon nakatuon
At naganap sa isang pagkakataon.

Ang mga ito ay sumariwa,
At umalingawngaw
Sa aking balintataw.

At muli kong binalik
Ang larawan
Sa dati nitong lalagyan,
-Photo Album

Hanay ng mga Langgam

(Tula)

Magkakahanay na naglalakad
Sa tuyong daang tinatahak.
Iisa ang misyong nais makamtan
makabalik sa kampo
bitbit mga pagkaing makukuha
sa mahabang paglalakbay.

Nagsasalungatan
Ang dalawang linya,
isa paalis
at isa naman pabalik.

Sa isang hanay
mga nakapila
walang bitbit ano man,
sa kabilang hanay naman
isang katerba ang dala,
at hanggang ngayon,
hindi ko pa rin alam
kung saan ito mapupunta.

Monday, August 2, 2010

Wikang Hinihika

(Tula)

Wika ko hindi ko magamit
Wika nila gamit na gamit,
Sa Wika ko ako`y nililimitahan
Sa Wika nila, walang angalan.

Wika ko may ilang kakulangan
Wika nila`y walang hangganan,
Sa Wika ko, ako`y Immoral
Sa Wika nila, lahat ay Normal.

Wika ko hindi umuunlad
Wika nila ginagamit sa aking Komunidad,
Sa Wika ko marami ang bawal
Sa Wika nila, pag-unlad ay di matagal.

Wika ko:“May mali ba?”
Bakit pa nilikha ang mga salita
Kung pati sarili kong Bansa
Inaabanduna ang aking Wika?

Thursday, July 22, 2010

Digmaan sa Isipan

(Tula)

Wala akong pakialam,wala kang pakialam
Hindi ba ganito ang nakaugalian?
Nasaan ba,nasaan ba,nasaan ba?
Nasaan ba ang iyong karunungan
O ito ay isa ng kalokohan
Na lubos mong pinag-uukulan?

Bakit ganon, bakit ganyan?
Isa ka bang timang at mangmang
Wala ka bang nararamdaman sa iyong kapaligiran?

Puno ng kasakiman ang puso at isipan
Hindi mo na ba ito masosolusyunan?
Wala na bang ibang paraan
O dapat nang gawin ang kinakailangan
“Hiwalayan?”

Friday, July 9, 2010

Sugatang Ipis

(Tula)

Sa mundong ginagalawan,ako`y hindi malaya
Mga mata`y maiinit at nais akong burahin
Dita sa lugar na dugyo`t
Puno ng kalupitan.
Na saan ba ang hustisyang nais makamtan?
Makikita ba ito sa kalangitan
O sa lipunang ATING ginagalawan?

Sa mundong ginagalawan,ako`y hindi malaya
Kagaya ng sa Showbiz na puno ng kontrobersiyang walang katuturan
Masama`t mabuting balita`y kanilang pinararaya
Sa mga telebisyon at peryodikong basura,
Subalit katotohana`y hindi pinakikita
Sa sistemang bulok gaya ng kanilang pagmumukha
Na tila wala ng pag-asa kung hindi magkakaisa.

Sa mundong ginagalawan,ako`y hindi malaya
Maigi pa ang mga aso sa lansanga`y pinagpala
Inaalagaan at tinuturing na Kapwa
Ng mga taong Indio at Dukha.
Pagmamahal ay binibigay na puno ng pag-asa`t tuwa
Pinauulanan ng mga swerte`t biyaya
Ang mga kinaiinggitan kong mga asong pinagpala.

Sa mundong ginagalawan,ako`y hindi malaya
Na nais ng lahat na ako ay mapuksa.
Kasalanan ko ba na ako`y ganito?
Ginusto ko ba na ako`y malikha
Dito sa mundong walang alam gawin kundi ang manira
Gamit ang kanilang lakas at pera
Gagawin ang lahat wag lang ako Makita.

Sa mundong ginagalawan,ako`y hindi malaya
Mga mahal sa buhay ngayon ay wala na
Na tila pinagkaitan ng karapatang mabuhay
Dito sa mundong hindi ko Makita ang kulay.
Na kapag kami ay nakita,tumataas ang dugo at kilay
Gumagawa ng paraan para kami ay humandusay
Dito sa mundong ATING ginagalawan.

Sa mundong ginagalawan ako`y lilisan dala ang mapait na nakaraan,
Marahil ay dumating na ang kalupitan
Ng mga galit sa aming kultura`t lipunan
Dito sa aking lupang sinilangan.
Makakapiling ko na marahil ang mga mahal sa buhay
Na noo`y pinagkaitan ding mabuhay
Sa mundong inyong ginagalawan na hindi Makita ang KALAYAAN.