Thursday, August 25, 2011
Sariling Wika
--pasintabi sa mga matatalino
Noong bata ako, pinagtatakahan ko kung bakit ang katumbas ng Filipinong salita na araw-araw ay everyday sa Ingles. Bakit hindi gawin day-day sa Ingles ang katumbas ng salitang araw-araw o di kaya naman gawin bawat araw ang katumbas ng salitang Ingles na everyday. At dahil utak-kolonyal, mas trip kong gamitin ang wikang banyaga--Ingles, sapagkat sa'king sarili'y kapag marunong kang magsalita ng Ingles, matalino ka.
Kaya nang ako'y makatungtong sa kolehiyo at mapadpad sa kursong Bachelor of Arts in Filipinology, lagi akong nayayamot. Unang-una, ayaw ko sa kurso, ang baho kasi e, may Filipino pa na salita sa buong pangalan ng kurso. Ikalawa, nakababagot pag-aralan ang wika, lalo na ang wikang Filipino, kasi binabanggit at nagagamit mo na sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, tapos pag-aaralan pa. Sobrang boring talaga! At ikatlo, anong trabaho ang aking makukuha kapag naka-graduate na ako rito? Kaya tuwing klase namin, lagi lang akong nakatingin sa aming propesor pero ang isipa'y naglalakbay sa kung saan. At may kung anong katanungan ang laging umaalingawngaw sa aking isipan.BAKIT BA KASI NANDITO AKO? DAPAT ABEnglish, PARA MATALINO.
Lumipas ang ilang panahon at dahil na rin bugbog kami sa wikang Filipino, nasanay na ako sa aking kurso, no choice kasi, ika nga. At medyo naaakit na ako, pero hindi dahil sa mga aralin, kundi dahil sa mga magagaling na dalubguro. Nakatutuwa kasi silang magturo, kaya ginaganahan na rin akong makinig. Dahil sa pakikinig na iyon, tumalim ang aking isipan sa ilang mga aralin sa Filipino. At korny man sabihin, pero INLOVE na ata ako.
Kumilos si Kupido at ako'y napaibig sa Wikang Pambansa, kanyang pinana ang aking bulag na kaisipan at paniniwala tungkol sa'ting wika. Aking naging inspirasyon ang ilang mga dalubguro sa aming kagawaran, dahil sa sila'y magagaling magturo at lubos at wagas ang kanilang pagmamahal sa'ting wika.
Klase namin noon, at ang naging paksa ay "Ang pagiging malikhain ng Wikang Filipino." Naging halimbawa rito ang salitang araw-araw na katumbas sa Ingles ay everyday. Sabi ng aming propesor, tanging ang wikang Filipino lamang ang may ganoong katangian, na sa pamamagitan ng pag-uulit ng salitang-ugat ay nagkakaroon ng bagong kahulugan. Bakit daw sa Ingles hindi puwedeng day-day, samantalang sa’ting wika'y puwede ang araw-araw? Sabi na lang sa amin ng aming propesor,"Malikhain naman ang wikang Ingles, pero mas malikhain pa rin ang wikang Filipino." At nang mga oras na iyon, biglang-bigla aking naalala ang katanungan noong bata ako. Tanong kung bakit hindi puwede ang bawat araw na katumbas sa Ingles ay everyday o di kaya naman ang day-day na ang katumbas sa Filipino ay araw-araw. Sa pagkakataong iyon, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan tuluyan nang nahulog ang aking loob sa'ting wikang pambansa--Filipino. At nagkaroon ako ng interes na makilala nang lubusan ang ating wika.
Gumana ang malikot kong isipan. Naitanong ko sa sarili. Kung hahagisan ko kaya ng ipis iyong mga Pilipinong nagsasalita ng wikang Ingles(iyong tipong nandidiri sa wika ng kanilang lahi--Pilipino), isigaw kaya nila ang salitang cockroach? O baka bumalik ang natural na wika ng kanilang lahi, at sabihin ay IPIS! Hindi kaya naman ay murahin ko sila, sabihin ko: PUTANG INA MO! Murahin din kaya nila ako gaya ng salitang aking ginamit? Marahil kung hindi man nila ako murahin gaya ngpagmumura ko, baka ang itugon na lang nila sa'kin ay ganito: MOTHER FUCKER! At kung magkaganoon man, sasabihin ko sa kanya(sa minura ko) na: "naiintindihan mo naman pala ako, ba't nagpapakahirap ka pang pilipitin ang iyong dila sa pagsasalita ng wikang banyaga?" Tapos tatanungin ko siya: "Masarap bang magmura gamit ang wikang banyaga? Hindi ko kasi madama ang iyong galit at inis sa murang iyon e." Naitanong ko rin sa sarili, ano ba ang mas mahirap sabihin, I LOVE YOU o MAHAL KITA? Para sa akin, mas mahirap sabihin ang salitang 'MAHAL KITA,' unang-una mas mabigat ang dating ng kahulugan nito. At saka nakakapanginig balahibo kapag binibitawan ko ang mga salitang iyon(naks, kala mo talaga totoo). Hindi ko alam, pero kapag I LOVE YOU lang, e walang dating kasi normal na sabihin iyong salitang iyon, kumbaga 'common na' hindi gaya ng 'MAHAL KITA' na mas romantiko ang dating at mas totoo.
Sabi nila(sabi ko rin dati) na kapag nagsasalita ka ng Ingles matalino ka, pero bakit sa Pilipinas, madaming nagsasalita ng Ingles pero walang pag-unlad sa ekonomiya, politika at iba pa na may kaugnayan sa bansa? Hindi gaya ng ilang mga bansa sa Asya gaya ng Hapon, Tsina at Korea na hindi tinangkilik ang wikang Ingles, mas mauunlad ang mga bansang ito sa teknolohiya, sa ekonomiya, sa politika at iba pa. Paano ba naman, nasa elementarya pa lang, ginagamit na bilang wikang panturo sa mga asignaturang gaya ng Matematika at Siyensiya ang wikang Ingles, natural hindi maiintindihan iyon ng mga bata sapagkat bago pa lamang sa kanilang pandinig ang wikang iyon--Ingles. Dagdag pa, ang mga lektura ay mula sa mga kanluraning bansa, ibig sabihin iba iyong kultura roon at dito sa Pilipinas, kaya ang mangyayari'y kakabisaduhin na lang ng mga estudyante ang mga aralin para lang pumasa sa mga asignaturang iyon. At kapag nauntog ang mga ito, wala na ang mga minimorya, hindi kasi nag-isip ng husto ang estudyante, kumbaga hindi lumabas ang kanyang pagiging malikhain, kaya kapag nauntog nga siya, ayon, balik ulit sa dati--Gunggong.
Ayos lang naman na pag-aralan ang wikang Ingles. Hanggang doon lang, pero iyong gagawin bilang wikang panturo, naku! isang malaking kaululan iyon. Dapat kasi may sarili dulog sa pagtuturo ang mga guro sa mga asignaturang kanilang hawak, gaya ng Matematika at Siyensiya. Dapat kasi hindi na lang pinagpipilitan ng pamahalaan iyong ganon e, kaya wala rin magawa iyong mga guro at saka baka iyon din kasi ang paraan ng pagtuturo sa kanila noong sila'y mga estudyante pa lamang. Hindi rin naman nakapagtataka, kasi mukhang utak-kolonyal ang pamahalaan, ayon nauto ni Uncle Sam. Bunga nito'y ang pagiging mangmang ng mga Pilipino, masakit man sabihin pero mukhang sa lahay ng aspeto. Nakalulungkot talaga.
Ako bilang Pilipino, ayos lang na magkamali sa paggamit ng wikang banyaga. Tutal narito naman ako sa aking sariling bansa. Huwag lang magkamali sa paggamit ng wikang pambansa--Filipino. Sapagkat habang nag-uusap ang dalawang Pilipino at ang isa rito'y ginagamit ang wikang Ingles at maling-mali pa ang paggamit nito, patuloy lang niyang iwinawagayway ang pagkabobo ng mga Pilipino. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating sariling wika, mamumulat at tatalino ang mga Pilipino. Bago palayain ang kaisipan ng tao, simulan muna ito sa pagpapalaya sa wika, ang wikang Pilipino--Sariling Wika.
Thursday, August 11, 2011
Donya Victorina
Naglipana
mga Donya Victorina
sa'ming bansa,
sa Mindanaw
sa Bisayas
at higit sa lahat sa Luson,
kung saan naroon ang Kamaynilaan
kung saan naroon ang sentro ng kalakalan
at kung saan diniklara ang magiging Wikang Pambansa.
Nangangarap pa rin
mga Donya Victorinang makapangasawa
ng isang Kastilang tutulong
upang sila'y makilala't maging tanyag
pansinin
pag-usapan
at papurihan ng lahat
hindi lamang sa barungbarong ng mga maralita
pati na rin sa palasyo ng uring mapagsamantala,
at kapag naisakatuparan na ito
kanyang kakausapin
mga kilalang tao sa mundo
gamit wikang pangmatalino
at pangangalandakang marunong siyang magsalita ng Espanyol.
Subalit dila mo'y baluktot
hindi ka sanay sa Wikang Kastila
at halata ang pinagmulan mong lahi,
oh Donya Victorina
huwag kang maarte,
kahit gaano pa karami
ilagay na pulbos sa iyong mukha
o isabit na palamuti sa leeg at tainga
kahit gaano pa kaganda ang ilagay
na ginintuang pulseras sa mga kamay
at kahit gaano pa kagarbo iyong kasuotan,
mababakas pa rin
tunay mong katangian.
Oh Donya Victorina
mapalad ka
mabuti't hindi kayo nagpang-abot
ni Pilosopong Tasyo,
makakatikim ka lang
mga salitang maaanghang
na magpapainit na iyong ulo
at magpapataas ng iyong dugo,
tuluyan kang maiinis
sa paratang na ganito:
"Tama na!
Tigilan na ang iyong kahibangan Donya Victorina,
Bakit hindi na lang tanggapin
na ikaw,
oo ikaw nga Donya Victorina
ay isang tunay na Pilipino."
Wednesday, July 27, 2011
Ilusyon
Ilang minuto na rin akong nakatayo. Nabuburyong, nagngingitngit at naiinis. Ayaw na ayaw ko talagang naghihintay. Para sa akin ito ang pinakamasakit at pinakamahirap gawin. Hindi lang mental pati na rin emosyonal. Masakit maghintay lalo na kapag wala ka naman talagang hinihintay, pero mas masakit kapag pinaasa kang maghihintay. At ang inaasahan mong dapat na darating ay hindi pala sisipot. Sana sinabi agad ng maaga nang hindi na nakaabala at nang sa ganoon ay hindi ka naghihintay.
"Leche! Tagal ng jip," narinig ko sa isang matandang babae na naghihintay rin ng jip. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na may mga jip naman, iyon nga lang iba ang ruta. Alam naman ng lahat na matrapik kaya gaya ng dapat asahan, matagal talaga ang jip na hinihintay. At saka matanda na siya, hindi ba niya alam, na hindi pa siya pinapanganak ay may trapik na. Kaso ayaw kong madagdagan ang inis ng matandang babae. Inis na rin ako at ayaw kong mahawa at makahawa ng inis.
Hindi ko lubos maisip kung bakit waiting shed ang tawag sa waiting shed na aking kinalalagyan ngayon sampu ng mga taong naghihintay rin ng mga sasakyan patungo sa kani-kanilang pupuntahan. Gayong walang bubong ang waiting shed na ito, at tanging mahabang kahoy na upuan lamang ang natira, okupado pa ni Aleng Mercy na nagtitinda ng mga kendi't sigarilyo. Marahil kinalakal na ang mga bakal dito ng mga taong may matinding pangangailangan. Kaya ang tawag ko rito ay waiting lang, walang shed.
Bago ako umalis ng bahay. Saglit ko munang pinagmasdan ang kalangitan. Maaliwalas ang panahon at maliwanag ang kalangitan kaya't tinanong ko si Inang kung uulan ba? Sabi na lang ni Inang na hindi siya manghuhula, kaya't hindi niya alam kung uulan ba o hindi. Dagdag pa niya, tinatamad na naman daw akong magdala ng payong. Kung gusto ko raw makaiwas sa sakit, magdala ako ng payong, pero kung trip ko raw magpakyut, huwag na raw akong magdala. Nasa akin daw ang desisyon. Marahil ay sawang-sawa na si Inang sa ganoon kong pag-uugali, sapagkat kahit anong pilit niyang ipadala sa akin ang payong, hindi ko pa rin dinadala ito. At gaya ng inaasahan, hindi ko nga dinala ang payong. Pabigat kasi sa bag at saka nagmumukha akong bakla kapag may hawak na payong.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nawala si haring araw, dumilim ang kalangitan, pumatak ang ambon, kumulog at bumuhos ang ulan. Ang mga tao na noo'y naglalakad ay agad-agad na nagtakbuhan upang makahanap ng masisilungan. Ang mga tindero't tindera sa mga bangketa'y agad nagligpit ng kani-kanilang paninda. At ako, walang payong. Kaya ginawa kong pantakip ang aking backpack, ipinatong ko ito sa aking ulo upang ako'y maproteksyunan sa ulan. Hindi man ganoon kainam, pero ayos na ito. Mahalaga huwag lang mabasa ang aking ulo, upang makaiwas sa sakit.
Palibhasa ang ibang mga naghihintay ay may kanya-kanyang payong. Ako ang bukod tanging walang dalang payong. Bunga nito, medyo nababasa ako sa ulan. Bahala na kung mabasa, kasalanan ko rin naman ito, dahil na rin mismo sa pagiging tamad.
Hindi ko na rin alintana ang pagbuhos ng ulan, ang mahalaga'y makasakay ako ng jip papuntang eskwelahan sa lalong madaling panahon.
Nang mga sandaling nababasa ako sa ulan, may nagbahagi sa akin ng payong. Hindi ko alam kung saan siya galing, ang mahalaga hindi na ako masyadong mababasa.
Noong una'y hindi ko siya nililingon, sapagkat sa isip ko, baka pinagtitripan lang ako,subalit hindi ako nakatiis. Saglit akong sumulyap sa aking kaliwa kung nasaan man naroroon ang taong nagbahagi sa akin ng payong. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa.
Naka-heels, naka-skirt, naka-sleeveless at suot ang kanyang itim na jacket. Nakasabit sa kaliwa niyang balikat ang kanyang shoulder bag na kulay berde.
Maputi, makinis ang kutis, mahaba ang binti't hita, balingkinitan ang katawan, malusog ang dibdib, mahaba ang buhok abot hanggang likod, matangos ang ilong, mahaba ang pilikmata, bilugan ang dalawang maitim na mata, may dalawang biloy sa pisngi at may mapupulang labing nag-iimbita para halikan.
Hindi ko na inalis ang aking tingin, nahumaling na ako sa kanyang itsura. Nang mapansin niyang tinititigan ko ang kanyang kabuuhan. Dagli niyang sinipat ang aking mukha, sabay ngiti. Alam kong pagpapakipot ang mensahe ng ngiting iyon. Muli ko siyang nginitian at kanya niya akong kinindatan. Bigla akong nakadama ng kaba mula sa aking dibdib, ako'y napalunok ng laway at napakagat sa aking labi, nangalog ang aking baba at mabilis na tumibok ang aking puso.
Sa matinding pagkatulala, hindi ko napansin na siya'y pasakay na ng jip. Kung hindi pa niya sinabing 'bye,' marahil hindi pa ako magigising sa katotohanang ako'y kanya nang lilisanin.
At muli, naiwan akong nakatayo't nag-iisang nababasa sa ulan.
Isa lang ang hiling ko ng mga sandaling iyon, habang pinagmamasdan ko ang papalayong jip na kanyang sinasakyan.
SANA TUNAY KA NA LANG NA BABAE!
Friday, July 15, 2011
Masdan
magtungo ka
sa pinakamataas na palapag
ng iyong kastilyo
at dumungaw sa bintana
ikaw na pinagpala sa kayamanan sa mundo,
at masdan
totoong buhay sa lipunan.
sipatin
mga batang dugyot
na natutulog sa lansangan
at inaabot ng sikat ng araw,
o di kaya'y ang matandang babaeng gula-gulanit
ang suot na damit
at nangangamoy anghit
na matyagang naghihintay ng limos
sa mga hagdan ng tulay
para sa ikatatagal
ng kanilang buhay,
titigan mo rin
lalaking napanot
sa kahihintay sa lupang dapat sa kanya'y ibibigay
ng Kapitalista,
huwag ka munang magtaas ng kilay
sa mga manggagawang gumagawa ng kilos protesta
sa kalye ng Mendiola
tandaan mong mayroon silang pamilyang paghahandugan
ng kanilang kakarampot na sahod.
at sana
ikaw na pinagpala ng Diyos ni Abraham
ilagay ang sariling katayuan
sa mga bagay na iyong napagmasdan.
Wednesday, June 8, 2011
Ang Pangako
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
-Colosas 3:20
Nang gabing iyon habang aking hinuhugasan ang aming pinagkainan ni Inay. Para bang may kung anong gumugulo sa aking isipan. Tulala at para bang ayaw kong dumating ang bukas. Marahil kung kaya kong patigilin ang oras, matagal ko na sana itong ginawa nang hindi na humantong pa sa sitwasyong ito. Ayaw ko man sabihin, pero hindi ko maiwasan.
BUKAS NA ANG ALIS KO PAPUNTANG MAYNILA
Ang mga pahayag na iyon ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan. Waring orasyon ng isang sumpa na habang tumatagal sa aking tainga ay mas lalong nagpapasakit at nagpapabigat sa aking kalooban.
"Tagal mong maghugas ah." Pasigaw na tinig ni Inay mula sa aming mumunting tahanan. "Bilis-bilisan mo diyan at pumasok ka agad dito sa bahay. May iuutos pa ako sa iyo."
Hindi ko alam ang dahilan, pero parang kangina pa galit na galit sa akin si Inay. Wala naman akong ginagawang masama, lahat ng kanyang inutos ay aking sinunod. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip ang dahilan, lalo lang tuloy bumigat ang aking nararamdaman. Pakiramdam ko'y gustung-gusto talaga akong umalis ni Inay.
"Opo, Inay!" malumanay ang aking boses sa tugon na iyon.
Saglit kong tinitigan ang mga bulang nasa loob ng batya, at para bang sumasabay sa aking nararamdaman ang mga bulang unti-unting lumilisan. At ilang sandali'y aking nang itinapon ang tubig na nasa batya at nilagyan ng panibagong tubig para sa pambanlaw sa mga kasangkapan.
At sa hindi inaasahang pagkakataon. Nabitawan ko ang plato sa aking kamay. Narininig ni Inay ang pagbagsak ng plato at dali-dali siyang nagtungo sa aking kinalalagyan.
"Oh ano nangyari sa'yo?" tanong ni Inay. Bakas sa kanyang mukha ang matinding pag-alala.
"Ay Inay, nabitawan ko lang po". Nakaupo at nakayuko ako, ayaw kong humarap kay Inay sa kahihiyan at katangahan. Nang mga oras din na iyon, inihanda ko na ang aking sarili para sa sermon na sasabihin sa akin. Subalit ang inaasahang sermon ay hindi nangyari, bagkus naramdaman ko ang kanyang pag-aalala sa akin.
"Nasaktan ka ba?" nag-aalala ang tinig na iyon. "Mag-iingat ka sa susunod ah. Oh sya, linisin mo na lang ang mga bubog diyan."
Hindi ko mapigilan ang sarili. At nang makapasok si Inay sa loob at tuluyang lisanin ang labas. Tumulo ang mga luha sa aking mata. Ngumiti ako pagkat mahigit sa isang linggo na akong hindi kinikibo ni Inay, minsan ay kanya niya pa akong sinusungitan sa tuwing siya'y aking kakausapain sa hindi malamang dahilan. Kaya nang marinig ko ang boses ni Inay sa tonong nag-aalala ay hindi ko mapigilang mapaluha sa saya.
Marahil ayaw din ni Inay na ako'y umalis. Naisip ko, iyon ang paraan ni Inay upang ipakita ang pangungulila sa akin, gayong hindi pa naman ako lubusang nakaaalis sa aming tahanan at sa lalawigang aking kinalakhan.
Nang malinis ko na ang bubog, agad akong nagtungo sa loob bitbit ang batya na kinalalagyan ng mga kasangkapan sa pagkain.
"Pagkatapos mong itaob yang mga plato, ayusin mo na'ng mga gagamitin mo para bukas." ang tinig na iyon ay kumurot sa aking puso. Hindi ko maiwasang lumuha at humagulgol.
"Inay ayaw kong umalis, gusto ko kasama lang kita." patakbo akong nagtungo sa kinauupuan ni Inay sa polding bed at niyakap siya ng mahigpit. Naramdaman ko ang kanyang butuhang katawan sa ginawa kong pagyakap. Ang kanyang tugon ay isang ngiti mula sa kanyang mukhang kakikitaan ng katandaan sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.
"Ayaw ko din naming umalis ka eh." nakangiti si Inay at ilang saglit ay tumulo ang luha sa kanyang bilugang mga mata.
Kanyang inalis ang aking kamay na nakapulupot sa kanyang katawan at ako'y itinayo sa pagkakaluhod. Iniupo niya ako sa kanyang dalawang tuhod. Iyon ang unang pagkakataon na muling ginawa iyon ni Inay mula noong ako'y nasa ika-pitong taong gulang.
"Alam mo Jasmine, hindi habang buhay kasama mo ako. Darating din ang araw na magkakaroon ka ng sarili mong pamilya. Kaya nga mula nang ika'y pumasok sa paaralan, natutong magbasa at magsulat e sinanay na kitang tumayo sa sarili mong mga paa. Nang sa ganon pagdating ng tamang panahon ay matuto kang harapin ang tunay na buhay dito sa mundong ibabaw kahit hindi mo na ako kasama."
Ilang beses nang sinabi sa akin iyon ni Inay. Pero nang mga oras na iyon, pakiramdam ko'y bumalik sa aking alaala kung kailan niya unang sinabi ang mga katagang iyon. Para bang nanumbalik ako sa pagkabata kung kailan ay puro pangaral ang lagi kong naririnig sa bibig ni Inay.
"Gusto kong matupad ang mga pangarap ko sa iyo. Alam mo naman na mula pagkabata mo'y hindi lang ang pagiging Ina ang naging papel ko sa iyo, ako rin ang nagsilbi bilang iyong Ama. Pagkat nilisan niya tayo nang ako'y nagbubuntis sa iyo. Ayaw kong magaya ka sa akin na greyd por lang ang natapos, kaya ito hirap maghanap ng trabaho. Kaya nga pinagtiyagaan ko ang pagtitinda ng gulay, mapalaki ka lang at mabigyan ng maayos na buhay. Hindi ko ikakahiya ang trabaho na ito pagkat ito ang tumulong sa atin. At sa pagpasok mo sa kolehiyo sa Maynila, magtatrabaho ako ng maayos, sisipagan ko pa ng husto para may maipadala ako sa iyo buwan-buwan, pambayad sa upa sa dorm at alawans mo na rin." Tulala si Inay nang sinasabi ang mga salitang iyon. At biglang-bigla ay nabaling ang kanyang tingin sa akin. Inalis nya ako sa aking pagkakaupo sa kanyang hita at kanyang sinipat ang drower sa lamesa. Kanyang nilapitan at binuksan. Pagbalik ay kanya nang tangan-tangan ang isang puting sobre, sabay abot sa akin.
"Inay! Ang laking halaga po nito ah, saan po galing ito?" pagtataka kong tugon.
"Ipon ko yan sa pagtitinda ng gulay. Mula nang tumuntong ka sa hayskul ay sinimulan ko nang mag-ipon para sa iyong kinabukasan."
"Eh Inay, kayamanan na po natin ito eh!"
"Tatanggapin mo ba o hindi? Bukas ko pa sana ibibigay yan sa iyo, kaso di ko mapigilan. Pagkasyahin mo yan sa loob ng kalahating taon, anak." Nakangiti si Inay sa akin. Ang mga ngiting iyon ay nagbigay sa akin ng inspirasyon at sigla para mag-aral ng mabuti.
"Huwag kang mag-alala Inay, akong bahala sa iyo, mag-aaplay ako ng iskolarship don sa Pamantasang papasukan ko, para menos gastos na rin po Inay." Bigla akong napayakap ng mahigpit kay Inay, gusto kong ipakita ang aking pagmamahal sa mga yakap na iyon. "Mahal po kita Inay." At bigla kong hinalikan si Inay sa kanyang pisngi.
"Mahal din kita anak ko, ako lang sasabihan mo ng ganon ah, at ako lang din dapat bibigyan mo ng ganong matamis na halik, okey? Huwag na huwag mong ibibigay yan sa lalaking hindi karapat-dapat tumanggap niyan. At tandaan mo, kapag nasa Maynila ka na. HUWAG KANG MAGBOBOYFREND." Nagkasabay kami ni Inay na sabihin ang huling katagang iyon at biglang kaming nagkatinginan sa isa’t isa kaakibat ang sabay na pagtawa.
"Sabi na eh, yun yung sasabihin mo Inay, kaya sinabayan na kita."
"Buti naman at alam mo, sana hindi mo lang basta alam, sana'y gawin mo din." Nakangiti si Inay habang ako'y kanyang pinapangaralan.
Nang ako'y nag-aayos ng mga gamit. Hindi ko malaman ang nararamdaman. Halo-halong emosyon ang nangingibabaw sa akin. Kinakabahan at natatakot pa rin ako, kahit sinanay na ako ni Inay na tumayo sa aking sariling mga paa, eh iba pa rin ang pakiramdam ng mga oras na iyon. Para bang gusto ko na lang umatras at itigil ang plano para bukas. Subalit naalala ko ang mga ngiti kangina sa akin ni Inay, ngiting dulot ay pag-asa. Oo, dapat ipagpatuloy ang paglalakbay, kailangan kong maiahon si Inay sa kahirapan. Kailangan kong matupad ang aking pangarap at kailangan kong mapasaya si Inay.
Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi kakaisip sa mga mangyayari sa akin ngayon. Halo-halong emosyon pa rin ang nangingibabaw sa akin. Hindi ko na nga rin alam kung paano at anong oras ako nakatulog. Basta ang alam ko ngayon, simula na ng aking paglalakbay at pagtupad sa aming mga pangarap ni Inay.
Gagayahin ko ang aking aydol at pinakamamahal na guro ng aking buhay, si Inay. Ipapakita ko sa mundo na hindi ako basta-bastang babae, ipapakita ko na kaya rin gumawa ng kasaysayan ng mga babae. At ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya upang makabawi sa lahat ng tulong na ibinigay ni Inay kahit hindi niya hinihingi ang mga kapalit na iyon.
Bago ako umalis ay nagkausap muna kami ni Inay. Niyakap niya ako at ganoon din ako sa kanya. Pinabaunan niya ako ng mga halik at yakap. Nag-iwan din siya ng mga pangaral at tagubilid na tanging sa kanya ko lamang maririnig. At bago kami tuluyang maghiwalay ay nag-iyakan muna kami sa aming tahanan.
"Tandaan mo Jasmine lahat ng sinabi ko sa iyo. Lahat yan ay totoo, kaya maniwala ka sa akin. Gawin mo lahat ng aking tagubilin, sundin mo ang lahat ng iyon, pagkat ito'y makakabuti para sa iyo. Lahat ng ginawa ko ay para sa iyo. Para sa ikabubuti ng buhay mo. Mag-iingat ka. Mahal kita anak ko."
Monday, May 16, 2011
Respeto
Sana nakauwi nang ligtas ang aking mahal. Kahit minsan sinasaktan niya ako e ayos lang sa akin, basta makita kong masaya siya, masaya na rin ako. Ayos lang sa akin kahit lagi ko siyang hinahatid at sinusundo sa kanilang iskul, ang mahalaga kahit sa kaunting oras na iyon nakasama ko siya. Ayos lang din sa akin kahit hindi niya ako ipakilala sa kanyang mga kaibigan o sa kanyang parents, basta para sa akin siya lang kilala ko sa aking buhay. Siya lang ang aking nag-iisang mahal, kahit minsan nararamdaman kong niloloko niya ako, ayos lang sa akin ang lahat, basta lahat gagawin ko para lang sa kanya. Handa akong ibigay at ialay ang lahat, pati ang aking buhay, basta mapasaya ko siya. Kahit hindi niya ako pinapansin kapag minsang magkasama kami sa aming pamamasyal, ayos lang sa akin iyon. Kahit pisikal niya akong sinasaktan, ayos lang sa akin, kahit batukan at suntukin niya ako sa kaliwang braso, sa harap ng madaming tao o kaya sa mall na tuwing magkasama kami, ayos lang sa akin ang lahat.
Kahit minsan umaabsent ako sa work makasama ko lang siya e ayos lang, kahit kunin niya ang kalahati ng aking sweldo tuwing kinsenas at katapusan ay ayos lang sa akin. Hindi ko iniinda ang lahat ng iyon. Kahit na ano pang sabihin sa akin ng mga tao, hindi ko sila pakikinggan. Basta mahal ko siya at walang pwedeng humadlang sa amin.
Mag-aapat na buwan na rin mula ng maging kami. Pero pakiramdam ko parang kahapon lang nangyari ang lahat ng iyon. Sariwa pa rin ang mga alaalang nagbigay kulay sa aking buhay. Dahil sa kanya, naging makulay ang mundo kong matamlay. Siya ang aking inspirasyon sa lahat ng bagay.
"Ay! Tama na muna itong pagiging sentimental ko, nariyan na pala yung tren ng MRT."
"Aray!" nasambit ko habang pumapasok sa loob ng tren ng MRT. Medyo nagulat lang ako ng kaunti sa eksenang iyon, pero sanay na ako sa ganito, yung tulakan, pisikalan, para bang naka-box out sa bassketball. Minsan kapag nakatayo ako sa harap ng pinto ng tren ng MRT, hindi na lang ako gumagalaw, sumasabay na lang ako sa agos na gawa ng mga taong kasabay kong papasok sa tren. Minsan naman kapag alam kong papasok na sa tren, pumipikit na lang ako, at sa aking pagdilat, nasa loob na ako ng tren.
At ito na nga, gaya ng aking inaasahan. Siksikan sa loob ng tren, yung tipong ulo mo na lang ang maigagalaw sa sobrang siksikan sa loob. Sa aking harapan, yakap-yakap ko ang aking bag, na para bang siya ang aking kasintahan at ayaw kong iwanan. Mahirap na baka may magtangka pang mandukot sa aking bag, kahit wala naman masyadong pakikinabangan dito, nag-iingat pa rin ako. Mahirap na talaga.
Metropolis Santolan Station. Paparating na sa Metropolis Santolan Station.
Haynaku! Laging ganito tuwing weekend, lalo na kapag uwian galing sa trabaho. Kapag rush-hour, hindi rin mahulugan ng karayon sa MRT sa dami ng taong sumasakay at bumababa sa higanteng metal na uod na ito.
Buti naman kahit papaano nabawasan ng kahit limang tao dito sa loob ng tren. At dahil may mga lumabas, natural may mga papasok din. Dahil napunta ako malapit sa pinto ng tren, makikita at madidikitan ko ang papasok na pasahero ng tren. Buti na lang at isa lang ang papasok. Bakla pa. Ayos lang sa akin kahit katabi ko siya, wala naman kaso sa akin yun e.
Ortigas Station. Paparating na sa Ortigas Station.
Nagsara na nga ang pinto ng tren ng MRT at nagsimula na naman itong tumakbo. Ang katabi kong bakla, tingin nang tingin sa akin. Yung tingin na nakaka-insulto, may pangiti-ngiti pang nalalaman. Marahil gustung-gusto niya ang kanyang puwesto. Sa harap ko ba naman nakapuwesto e, pero hindi kami masyadong magkaharap, medyo nakatagilid siya sa akin pakaliwa, habang ako nama'y nakaharap sa pinto ng tren at pinagmamasdan ang mga tanawing aming nadaraanan. Kitang-kita sa itaas ang mga sasakyang tila naghahabulan at naghahabol sa oras. Makikita rin dito ang mga establisyimento na pagmamay-ari ng mga negosyante.
"Tsk!" ba't ba tingin nang tingin tong bakla na ito sa akin. Nakaka-insulto talaga, tapos sinasadya niyang idikit ang kanyang braso sa aking katawan habang siya'y nakangisi. Leche to ah, bastusan ba gusto nito? Hindi na ako ginalang ah. Kakainsulto talaga ang ginagawa niya. Ano bang meron sa akin? Maputi, katamtamang taas at medyo singkit lang naman ako. Marahil dahil nakasaydbyu siya kaya hindi makaamoy. Pero oks lang sakin, iniintindi ko na lang siya. Tao rin naman yan e, may damdamin din. Tao lang rin yan na kagaya ng mga lalaki't babae na nagkakaroon ng pagnanasa sa kanilang kasalungat ng kasarian.
At saka baka hindi naman sinasadya ng bakla na ito na tsansingan ako. Pero oks lang yun, wala sa akin ang ginagawa niya, basta ako wala akong ginagawang masama.
Shaw Boulevard Station. Paparating na sa Shaw Boulevard Station.
Hindi ko namalayang baba na pala ako dito sa estasyon na ito, madaming bumababa at madami rin sumasakay rito, at ito nga isa ako sa mga bababa. Kasabay ko rin palang sa pagbaba ang bakla na nakatabi ko kanina sa loob ng tren.
Habang naglalakad ako papunta sa terminal ng jeep na may rutang Libertad-Kalentong. Hindi pa rin mawala sa aking isip ang aking kasintahan. Nag-aalala ako kung nakauwi ba siya ng ligtas sa kanila. Hindi man lang kasi nagtetext sa akin, hindi nagpaparamdam, kaya ganon na lang katindi ang aking pag-aalala. Hanggang sa makapasok ako sa jeep na aking sasakyan, tulala at tuliro pa rin ako.
"Magtext ka na kasi nang hindi ako mag-alala sa iyo!" naibulong ko sa aking sarili.
Nakapuwesto ako sa likod ng drayber ng jeep. Wala lang, gusto ko lang talagang pumwesto rito. Gusto ko kasing makita ang mga daraanan namin. At saka gusto ko na ako yung taga-abot ng bayad ng mga pasahero papunta sa drayber. Pakiramdam ko kasi ang sarap ng ganoon, ang saya ng gawain na iyon, na kahit sa simpleng pagsasabi lang nila ng "Salamat" sa tuwing iaabot ko ang kanilang mga bayad, para bang tumataba ang aking puso sa simpleng salitang iyon.
"Doon ka sa kabila bakla!" sabi ng isang bakla sa kapwa niya bakla na kasasakay pa lamang sa jeep.
"Oo na! Kailangan pang ipamukha na bakante sa kabila?" tugon ng isang bakla habang ito'y nakangiti sa kasama.
Katabi ko ang unang bakla habang ang kanyang kasama ay aming kaharap. Nakayuko ako habang ang kaliwa kong braso ay nakapatong sa sandalan ng drayber. Hinihintay ko pa rin kasi ang text ng aking mahal. At sa tingin ko hindi babalik ang ngiti sa aking mga labi hangga't wala akong natatanggap na text mula sa kanya.
Kahit walang laman yung text niya. Kahit space lang o kahit blangko. Basta magtext lang siya, kasi lalong tumitindi ang aking pag-aalala e.
"Bakla peram nga ako ng isa mong pamaypay!" init na init ang mukha ng katabi kong bakla habang nanghihiram ng pamaypay sa kanyang kasama.
"Nasa bag mo teh, ulyanin ka? Diyan mo nilagay kanina yung pamaypay ko!" tugon ng nasa harap naming bakla.
Tiningnan ng katabi kong bakla ang kanyang bag at nakita nga ang berdeng pamaypay.
"Ay! Sorry sister, nandito pala," nakangiting tugon sa kasama niyang bakla.
"Sabi sa iyo e!" sabay kurot sa tuhod ng baklang nasa harap namin sa katabi kong bakla. At hindi nila napansin na kanina pa nila ako nasasanggi sa kanilang paglalandian.
Hindi man ako nakatingin sa kanila pero alam ko ang mga galaw na kanilang ginagawa. Kahit hindi ko sila tignan, naririnig ko naman sila. Narinig ko rin ang sinabi ng kaharap naming bakla.
"Ang kyut!"
"Ng ano?" tugon ng katabi kong bakla sa kanyang kasama.
Hindi ko man nakita na itinuro ako ng baklang nasa aming harapan, pero ramdam ko naman na ako ang tinutukoy nito na cute. Sa pagkakataong iyon, muli na naman akong na-insulto at naalala ko ang aking nakatabi kanina sa MRT. Pero mas naaasar ako dito sa mga baklang ito. Kasi sila sinasadya nilang pagtripan ako. Yung isa kong katabing bakla, pinapaypayan ako, hindi ko man tignan pero ramdam ko ang hanging dumadampi sa aking balat. Ramdam ko na ako ang kanyang pinapaypayan at hindi ang kanyang sarili. Sa isip ko: Hindi ba kayo makahalata? Badtrip na ako tapos dadagdagan niyo pa. Hindi ba kayo makaamoy? Manhid ba kayo? Hindi ba ninyo nakikita?
Pero kagaya ng reaksyon ko sa naunang bakla kanina sa MRT, iintindihan ko na lang sila, wala naman sa akin ang kanilang ginagawa. Hindi ko sila masisisi, yun ang kanilang gusto e, at saka wala rin silang nalalaman tungkol sa akin. Marahil tinitignan nila ako sa aking pisikal na kaanyuan at pagiging tahimik.
Iyon marahil ang kanilang tinitingnan na basehan para ako'y bastusin, pero kung alam lang nila, tiyak na magugulat sila.
Nabasag ang aking katahimikan nang manginig ang aking selpown sa bulsa ng aking pantalon. May nagtext, at nang tignan ko, numero lang, marahil hindi nakaseyb ang numeor na ito o kaya naman baka nakitext na naman ang aking mahal. Kung ano man ang laman ng mensahe na iyon ay bahala na. Pero sana ang aking mahal ang nagtext para matanggal na ang lumbay na kanina ko pa dala-dala sa aking puso't isipan.
Nang tignan ko ang laman ng text, hindi nga ako nagkamali, ang aking mahal ang nagtext. Mabilis na tumibok ang aking puso. Nang mga sandaling iyon lalo ko siyang namiss. At bigla akong napangiti at napaluha ng kaunti.
Rico, kkauwi qo lng,
d2 n aqo s hauz...
michael i2, nktx lng aqo...
i luv u =>>
Friday, May 6, 2011
Ikaw na Manunulat
Ikaw na mayroong ikatlong mata
ikaw na nagmamahal sa mga letra
ikaw na mapili sa mga salita
ikaw na kasiping ng pluma
ikaw na manunulat
ikaw na mapanuri
ikaw na mulat
ikaw na gising sa katotohanan
ikaw na makata
ikaw na kritiko ng buhay.
Sana'y huwag kang padikta sa iilan
sumulat ka para sa masa
at para sa bayan
huwag kang papasilaw sa kinang pera
huwag kang gumaya
sa mga nagpapanggap na maka-bayan
na dahil lang sa pera
pinagpalit kanilang paninindigan
huwag ka nang makisali
sa paglikha ng mga pantasya
na naglalayo sa reyalidad ng buhay
ikaw na makata
ang dapat manguna
sa pagbuo ng isang lipunang makatao
malaya
at progresibo.
Patuloy mong pagyamanin
ating wika
at literatura
pausbungin ating kultura,
maglakbay ka
ikaw na makata.
Tuesday, May 3, 2011
Ang Init
kahit hindi nakikita
ramdam ang presensiya
bawat segundo
katumbas pawis na gamunggo
na nagmumula sa iba't ibang parte ng katawan
inakalang madadaan sa ligo
subalit ang paraan ay panandalian lang
kaya't mas nais na magbabad sa banyo
nang hindi na muli tayong magtagpo
ngunit wala pa rin magawa
hindi kita matakasan
bawat galaw
bawat kilos
kapalit dagat na pawis
na lumulunod sa akin
at tuluyang nagpapainit
sa ulong inis na inis.
Thursday, April 28, 2011
Samahang Makulay
ang ating samahan
ay gaya ng bituin sa kalangitan
na sa sobrang ningning
sa dilim ay kumukutitap
tayo'y sabay nagkikislapan
sa gabing malamig
at puno ng lumbay
nag-aawitan mga puno't halaman
sa pagwawagayway ng ating kaningningan
liwanag nating taglay
sa bawat isa'y isang gabay
sana'y hindi na matapos ang gabi
nang tayo'y hindi maglaho
sapagkat ang gabi ang ating mundo
at ang sikat ng araw
simula ng ating hiwalayan.
Tuesday, April 19, 2011
Isang Umagang Malamig
isang umagang malamig
nakita kong nagkakape si Ama
namumungay ang mata
ilong ay namumula
at dinadalahit ng ubo
butuhang katawan nito.
napasuntok ako
sa kinahihigaan
nang kami'y magkatinginan,
ngumiti siya
tumango ako
patuloy siyang humigop
ng kapeng nasa baso.
ilang saglit
tumindig si Ama
pagkat kape ubos na;
inilagay sa lababo
ginamit na baso at kapares na suro.
sa balikat tinapik ako
muling dinalahit ng ubo
at kay ina ay nagpaalam:
papasok na ako.
Saturday, April 9, 2011
Gunting
Mahigit sa isang buwan na rin mula nang magbukas ang klase sa Nueve de Febrero Elementary School. Tila unang araw pa rin ng pasukan sa mga estudyanteng pumapasok. Para bang hindi natatapos ang kanilang pananabik sa pagsisimula ng klase. Sabik silang makilala pa ang iba nilang kamag-aral.
Ang ilan ay hinahatid pa ng kani-kanilang mga magulang subalit madami sa kanila ay walang naghahatid. Ang iba ay nakasakay pa sa tricycle, iba naman ay naglalakad.
Tuwing unang lunes ng buwan ay flag ceremony na para bang isang ritwal na kanilang ginagawa. Inaawit ang pambansang awit gayon na rin ang awit ng kanilang lungsod, nanunumpa at nagdarasal. Malimit mayroon nagpapakitang gilas sa entablado na labis na kinamamanghaan ng mga estudyante. At matapos ang ritwal na ito, magsisimula nang magsipasok ang mga estudyante sa kani-kanilang silid-aralan.
Nakahanay, magkahiwalay ang lalaki sa babae, sa huli ang matatangkad at sa unahan ang maliliit. Magkakasunod din na aakyat ang mga estudyante ayon sa kanilang baytang at kinabibilangang numero. Lagi una ang babae sa lalaki sa pila. At sa dulo nito ay ang kanilang tagapayo. Nakaayos na magtutungo ang mga ito sa kanilang silid-aralan upang simulan ang klase. Ang ibang mga estudyante ay hindi maiwasang pag-usapan ang nangyari sa kanilang natunghayan kanina noong flag ceremony. At hindi naman nag-aatubili ang kanilang tagapayo na sitahin ang mga ito. May ilan na inaantok, ilan naman ay tila nahihiya pa rin sa klase. Ang iba ay hindi umiimik, at kung ikaw ang kanilang tagapayo at sinubukan mo silang kausapin o tanungin, tanging ngiti lamang ang kanilang maitutugon. Ngiti habang inilalayo ang mukha sa kausap. Ang ilan naman ay pabibo kung kausapin, para bang tumutula kung sila'y nagsasalita.
Einstein-6. Ito ang hawak na klase ni Mrs. Florentino na nasa ikatlong baytang at ikaanim na pangkat. Madami sa klaseng ito ang mga kababaihan, at tila ba nauubos ang populasyon ng mga kalalakihan.
Isa sa mga estudyante ni Mrs. Florentino ay si Jonathan. Maliit at maitim ang nasabing bata. Nasa 9 na taong gulang. Payat ang kanyang pangangatawan, sarat ang ilong at may kahabaan ang kanyang baba, malamlam ang mata na waring may tinatago na kung ano; at tila isang kalbaryo ang pagbubuhat sa kanyang napakalaking bag na punong-puno ng mga libro at notebook na ginagamit sa kanilang klase. Tahimik at mailap si Jonathan sa mga taong hindi niya kilala gayon na rin sa mga taong gustong kumausap sa kanya. Tipid kung magsalita at mahiyain kung humarap sa tao, wari’y isang makahiya ang kanyang pagkailap.
Isang umaga sa kanilang silid-aralan. Tahimik na hinihintay ng mga estudyante si Mrs. Florentino. At lumipas ang mahigit sa sampung minuto ng nakatakdang oras ng kanilang klase ay dumating na nga si Mrs. Florentino na kanilang tagapayo at guro sa ilang mga asignatura sa klase.
Tumindig ang buong klase nang makita nila si Mrs. Florentino na papasok sa kanilang silid-aralan.
"Good morning Mrs. Florentino."
Dire-diretso ang guro sa pagpasok, tanging pagtango lamang ang itinugon nito, at isang kumpas ng kamay paibaba na naghuhudyat ng pagpapaupo sa buong klase.
Sinusundan nila ng tingin si Mrs. Florentino. Gulat ang ilan at waring nagtatanong sa mga katabi kung sino ang kasama ng tagapayo.
"Okey klas, may bago kayong kamag-aral." Matiim ang tingin ni Mrs. Florentino sa kanyang mga estudyante habang nagsasalita, waring nagbabanta na maging mabait sa bagong kamag-aral. "Ang pangalan niya ay Augosto Guerero, galing siya sa private school. Sana klas ituring ninyo siyang kapatid. Maging mabait kayo sa kanya at ipakita ninyong disiplinado at magagaling din ang mga estudyante sa public school. Okey ba yun?" May katabaan, maputi at matangkad ang nasabing bagong kamag-aral, may katangusan ang ilong. Kalbo ang kanyang ulo, ang kanyang mga mata ay alanganing singkit at alanganing bilog.
"Yes ma'am." Sabay-sabay ang buong klase sa pagsang-ayon sa sinabi ng kanilang tagapayo.
Lumipas nga ang ilang araw, nagkaroon ng bagong kaibigan si Agosto. Mabait kasi siya. Subalit kalaunan ang inaakala nilang mabait na pag-uugali ay nagbunga ng pang-aabuso. Malimit niyang sinusuntok sa braso ang ilang mga kamag-aral na lalaki. Ang mga babae naman ay hindi nakaliligtas sa kanyang malikot na pag-iisip. Minsan ay nilalagyan niya ng babol gam ang upuan at kapag tuluyan nang naupuan, agad itong hahalakhak. Nagawa niya na rin ang magdikit ng papel sa likod ng isang babae na may pahayag na “pangit ako.”
Wala naman magawa ang kanyang mga kamag-aral mapalalaki man o mapababae, pagkat takot sila kay Augosto.
Isang umaga iyon. Reses. Nang magpang-abot si Augosto at Jonathan. Sinuntok ni Augosto si Jonathan sa kanang braso. Inaakala ni Augosto, hindi papalag si Jonathan sapagkat tahimik lang ito at walang imik sa klase. Subalit ang kanyang inaakala kay Jonathan ay mali pala. Isang sapak sa mukha ang natikman ni Augosto, nayanig ang mistisuhing bata sa sapak na natanggap kay Jonathan. Isa naman dagok sa sikmura ang itinugon ni Augosto. Sa pagkakataong iyon, halos maisuka ni Jonathan ang kanyang kinain. Namilipit at waring mapapaluha. Pigil ang pagluha, nanginginig ang kanyang mga labi na para bang gigil maghiganti. Hawak ang kanyang tiyan habang baluktot na nakatayo.
"Kala ko papalag ka e." Kinakapa ni Augosto ang parte kung saan siya nasuntok ni Jonathan.
Nang mga sandaling iyon, wala sa kanilang kuwarto si Mrs. Florentino, takot namang tumawag ang kanilang mga kamag-aral sa guro. Takot sila na baka sila ang pagbuntunan ng galit ni Augosto.
Habang papabalik si Augosto sa kanyang upuan, sinusundan ito ng tingin ni Jonathan. Nanlilisik ang mga matang iyon waring gustong maghiganti. Nanginginig ang kanyang kalamnan waring sasabog sa galit.
Subalit nawala ang galit na ito ni Jonathan nang biglang siyang lapitan ng kanyang pinsan na si Micah. Hinihimas ang likod ng batang lalaki na para bang binibigyan ito ng atensyon at simpatya sa nangyari.
"Hayaan mo na lang yan si Augosto, huwag mo na lang patulan, huwag kang gaganti, isusumbong ko yan kay kuya, para banatan sa labas."
"H--huwag, huwag mong gagawin yun, huwag kang magsumbong sa kuya mo. Hayaan mo na lang siya. Mamamatay rin yan." Nang sandaling ito, nakangiti na si Jonathan, para bang walang natamong suntok. Para bang masaya sa kanyang buhay. Sabay ngiti sa kanyang pinsan.
Klase nila iyon sa M.S.E.P. Gagawa sila ng isang collage. Pinagdala sila ng kanilang guro ng mga bagay na kanilang kakailanganin sa paggawa ng collage. Mga larawan, bond paper, color pen, paste at gunting.
Masayang gumagawa ang buong klase ng kani-kanilang gawain. Subalit nang magtungo sa labas ang kanilang tagapayo ay hindi na sila nasubaybayan nito. Biglang-bigla ay nagsimula na naman ang kapilyuhan ni Augosto. Sinusulatan niya ang uniporme ng ilang mga kamag-aral, ang ilan ay umiiyak, ang ilan naman ay parang manhid na sa ginagawa ni Augosto. Hindi nakaligtas si Micah sa pagmamalupit ni Augosto, hindi naman talaga dapat siya pagtitripan nito subalit nagalit ito sa kanyang ginawa, sa pagbibigay simpatya kay Jonathan sa nangyari kanina.
Sinulatan ang blusa ni Micah, nilagyan ng pandikit ang kanyang buhok at ginupit ang dulong bahagi ng palda. Agad na humagulgol ang batang babae. Napansin ito ni Jonathan. Nanginig ang buo niyang katawan. Naalala niya ang kanyang mga nakitang pagmamalupit ni Augosto sa ibang kamag-aral. Naalala niya rin ang ginawa nito sa kanyang panununtok, sa kanya ang pagbibigay atensyon ni Micah kangina sa nangyari sa kanya. Ang mga alaalang ito ay naglalaro sa kanyang isipan. Bigla-bigla ay nanginig ang kanyang katawan, namula at tila sobrang init gaya ng isang apoy sa gasera na kapag napabayaang patayin ay manunupok ng isang tahanan, uubos ng isang sambayanan at mag-iiwan ng isang malungkot na alaala.
Hindi nag-atubili ang kanyang katawan at isipan. Agad niyang kinuha ang gunting. Tumindig at dahan-dahang lumapit kay Augosto, hindi napansin ni Augosto na papalapit si Jonathan sapagkat ito ay nakatalikod at pinagtatawanan ang umiiyak na si Micah.
Hawak ni Jonathan ang gunting sa kanang kamay, nanginginig ito, nakausli ang matulis na bahagi nito sa kamay ni Jonathan. Nanlilisik ang kanyang mga mata, nais maghiganti. Pulang-pula ang kabuuan ni Jonathan. Ang dating tahimik na bata, ngayon ay gustong sumabog, waring isang bomba na mamiminsala ng buhay.
Sa isang kisap mata, biglang-bigla ay sinaksak ni Jonathan ng hawak na gunting sa kanang bahagi ng leeg si Augosto.
Tuesday, April 5, 2011
Kuwerdas
Gustung-gustong maggitara ni Denmark nang gabing iyon. Hindi nais ng kanyang katawan subalit nais naman ng kanyang isipan. Para bang may bumubulong sa kanya upang gawin ang dikta ng isipan. Pasado alas-onse na, tahimik at para bang siya na lang ang gising sa kanilang lugar.
Wala kang maririnig maliban sa kahol ng mga aso, ingay ng mga pusa sa kanilang bubong at ilang mga naglalako ng balot at penoy sa iskinitang iyon. Namumungay ang dalawang mata ni Denmark habang kasiping ang gitara ng mga sandaling iyon. Ang mga kuwerdas ng gitarang kanyang kinakalabit ay waring inaawitan ang kanyang nararamdaman, bawat kuwerdas ay may kanya-kanyang tunog na sumasabay sa kanyang nararamdaman.
Sabay ng pagkalabit. Nagsimula ang kanyang pag-awit na garalgal ang tinig, para bang may itinatago ang mga tinig na iyon at ang kanyang gitara lamang ang nakakaunawa sa mga ito.
Mahinang tinig kasabay ang mahinang pagtugtog sa gitara ang umaalingawngaw sa kanilang bahay. Mahina ang kanyang pagtugtog ngunit madiin ang pagtipa sa mga nota, gigil na isinasagawa ang pagkalabit sa mga kuwerdas. Na nagbibigay pakiramdam na siya ay nasa beerhouse.
Pakiramdam niya'y perpekto ang kanyang isinasagawa sapagkat umaayon na ang kanyang katawan sa nais ng isipan. Unti-unting lumalakas ang kanyang tinig kasabay ang pagkalabit sa kuwerdas, pakiramdam niya nang mga oras na iyon, ang kanyang tinig, ang tunog ng gitara ay umaayon sa kanyang nararamdaman na habang tumatagal ay lalong bumibigat at nag-iiwan ng matinding emosyon. Ang kanyang namumungay na mga mata ay nais maglabas ng luha subalit ayaw niyang ilabas ang mga ito. Habang pinipigilan niya ang paglabas ng luha sa mga mata, biglang-bigla ay napatid ang isang kuwerdas ng gitara, huminto siya sa kanyang pag-awit at sa pagkalabit sa instrumento.
Saglit siyang napatingin sa naputol na kuwerdas at biglang napapikit. Sa pagdilat ay pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata patungo sa kuwerdas ng gitara.
Thursday, March 31, 2011
Ligaw - Tingin
Hindi naman talaga dapat accountancy ‘yong kukunin kong course. Sina ermat at erpat lang ang nagpumilit na ‘to ‘yong kunin ko. Paano ba naman kasi, masyado silang frustrated kay ate. Kaya sa’kin na lang pinasa. Kainis nga, dapat talaga tourism ako; kasi matangkad at medyo may itsura naman ako, kaya’t hindi imposibleng matanggap agad ako d’un. Kaso wala akong magagawa, ‘yon ang gusto nila.
First day of school n’un. Excited akong pumasok, gumising pa nga ako ng maaga para lang hindi ma-late sa klase. Tapos nang nakarating na ako sa classroom namin, wala pa palang klase. ‘Yong iba kong mga classmate nakatambay pa sa Hallway, magkakatabi lang sila. ‘Yong ilan nakatingin sa kung saan-saan, mayroon ding feeling close sa iba at ‘yong ibang lalaki, pasikat sa mga babae (‘yong tipong nilalakasan ‘yong pakukuwento at kantsaw sa tropa). Samu’t saring mga mukha, bakas na bakas na hindi pa rin naaalis ang kultura ng pagiging high school.
Nang dumaan ako sa harap ng mga nakatambay sa Hallway papasok sa room, parang wala lang ako sa kanila, parang normal lang. Kung sa bagay hindi naman ako kawalan kung dumaan man ako sa harap nila, basta sila tuloy sa ginagawa.
Nang nasa pintuan na ako, nakita ko na mas marami pa lang mga tao sa loob, tahimik sila, parang nagpapakiramdaman sa isa’t isa. ‘Yong ilan pa nga’y hindi umiimik, parang walang kasama. Feeling nila mundo lang nila ang tumatakbo.
Tulad noon, kahoy pa rin ang mga upuan, dalawa pa rin ang electric fan na minsan alanganing hindi gumagana, sirang mga jalosi, wakwak na pinto at kung anu-ano pang mga kakulangan sa facility.
Tumayo nga ako’t lumabas sa room at kunyaring may itatapon sa basurahan pero wala naman talaga. Nang pabalik na ako, pasimpleng tingin ang ginagawa ko (parang sa mga mandurukot sa jeep – eye contact sa mga kasamahan nila), ‘yong hindi talaga halata. Tiyempong pagtingin ko ulit, saktong nagkakatinginan kami at na-realize ko na mas maganda pala s’ya kapag nakaharap. Tapos hindi ko alam ang gagawin n’un, kaya para hindi halatang nang-i-stalker ako, tumingin ako sa kisama ng room. Ang angas! Kahit saglit lang ‘yong salpukan ng aming mga mata feeling ko ang guwapo ko. Umupo na nga ako at kung anu-ano ang aking iniisip nang time na ‘yon. Siguro crush ako nito, kasi napatingin din siya sa’kin. Kung magkakaroon lang ako ng pagkakataon, susunggaban ko talaga agad ‘yon. Kaso ayokong magpadalus-dalos, mahirap na, baka mayari ako sa bandang huli. Pakiramdam ko matatapos ‘yong araw na kinikilig ako, kasi hindi ako maka move-on sa titigang ‘yon. Salamat na nga lang sa aktibiting ginawa namin sa klase, dahil d’un napag-alaman ko na Faith pala ang kanyang pangalan. Angas talaga, naa-amaze ako, pangalan pa lang panalo na, talagang hindi mawawala ang Faith ko sa kanya.
Dumami ang aking naging ka-close at isa na nga rito si Faith, medyo may pag-aalangan sa tuwing babatiin ko s’ya, pero lagi kaming nagngingitian kapag magkaharap, parang walang malisya ‘yong ginagawa naming titigan (para sa’kin). Minsan nga, naiisip kong magtapat ng nararamdaman para sa kanya, pero ayoko, baka maging awkward tapos mag-iba ‘yong pagtingin n’ya sa’kin (‘yong maiilang s’ya) at hindi na n’ya ako muling tititigan. Siguro ‘saka na lang pag dating ng tamang panahon. Sa ngayon, susulitin ko muna na nagtitigan kami, masarap kasi sa pakiramdam e. may something na hindi ko maipaliwanag.
Miyerkules n’un at CWTS namin. Kaonti pa lang kami sa room, mabibilang pa sa mga daliri. Tapos bago ako pumasok sa room nand’un na si Faith. Wala s’yang katabi (pagkakataon na ‘to). Super trip ko s’yang titigan, kaso bigo ako, nagbabasa kasi s’ya ng libro ni Bob Ong na ABNKKBSNPLAKO. Bahala na, pasok na sa room kahit kinakabahan ako. ‘Yong feeling na naiihi ka tapos nauutot, at nag-aalangan kang umihi kasi natatakot kang imbes na hangin, igit ang lumabas ang puwet mo. Tapos pagpapawisan ka ng butil-butil. Papakalmahin mo ang sarili, kaso wala nang magagawa kasi basa na (ng igit) ‘yong brief mo.
Tumayo ako para makalapit sa kanya. Habang papalapit, tinititigan ko pa rin s’ya. Dapat focus. Hindi mawala ‘yong feeling ko. Lalo akong nai-excite, lalo akong nanginginig at lalo akong napapamahal sa pagtitig sa kanya.
Tumabi nga ako sa kanya, medyo kinakabahan pero kailangan kasi lalaki ako. Ayokong bansagang torpe. Napalingon lang s’ya sa’kin tapos balik ulit ang kanyang attendtion sa librong binabasa. Walang anu-ano, ako na ang dumamovs.
“Ahmmm…. Faith, ahmmm. May sasabihin ako sa’yo.” Kagat labi akong kinakabahan.
“Oh?” ‘Yong walang emosyon na pagpapakita na wala s’yang pakialam.
“Ahmm… ayon nga. Ahmmm, crush kasi kita.” Feeling ko sumisikip ‘yong dibdib ko. Pero masarap pala sa pakiramdam kapag nagtapat ka ng nararamdaman. ‘Yong nagpakatotoo ka lang sa buhay mo.
“Sus,” parang nagsusuri ‘yong mga sagot na ‘yon, taas kilay at nakangisi. “Iba na lang pagtripan mo, huwag ako.” Nananantsa talaga.
“Bahala ka d’yan ,wala akong pakialam kung maniniwala ka man o hindi, basta ang mahalaga nasabi ko na sa’yo.” Taas kilay ako, parang walang nararamdamang kaba sa sarili. Tapos umalis na ako sa tabi niya. At dala-dala ko ‘yong bigat at katotohanang matatapos na rin ang aking maliligayang araw, pakiramdam ko hindi na ulit kamin magtitinginan. Pakiramdam ko wala na talaga.
Isang mainit na hapon ‘yon. Uwian na’t wala ng klase. Nagkataong nakasabay ko palabas ng gate ‘yong isa sa mga malapit na kaibigan ni Faith sa klase. Batian. Kuwentuhan. Kamustahan. Hanggang napunta nga ‘yong topic namin sa mga crush sa aming klase. Si Joy ang nag-start sa pagkukuwento. D’un ko na rin nalaman na crush ako nitong si Joy. At tingin ko pagkakataon ko na, sinamantala ko ‘to, nabanggit ko ang crush ko sa aming klase. Kinuwento ko kay Joy kung paano nagsimula ang kahibangan ko kay Faith. Natatawa s’ya sa mga kuwento ko, parang hindi makapaniwala na magagawa ko ‘yon, lalo na raw ang pag amin ko kay Faith na crush ko ito. Tapos nagtanong ako sa kanya kung ano bang type o ideal man ni Faith. Napangisi lang s’ya at napailing, parang bigo ako sa mission kong makilala nang lubusan si Faith.
Awkward silence. Dead air. Huminga nang malalim si Joy na parang may kinuhang lakas.
"Alam mo Loie, mabibigo ka lang kay Faith." Taas kilay habang patango-tango sa’kin. "Magigng Komplikado ‘yan, atsaka mahihirapan ka lang friend."
"Bakit may bf na ba si Faith? Tingin ko naman wala." Mahangin ang aking pagkakasabi, na akala mo’y alam talaga ang lahat ng nangyayari.
"Ano bang religion mo?" Matalas ang tingin n’ya sa’kin na akala mo’y hinuhusgahan ang buo kong pagkatao .
"Sarado katoliko!" Sa aroganteng tono.
"Olats ka talaga, hindi ka puwedeng mahalin ni Faith at malabong maging kayo." Nangangaral ang tono ni Joy, akala mo isang pari. "INC si Faith, at mataas ang kanyang standard pagdating sa mga ganyang bagay. Kaya kung ako sa iyo, tigilan mo na ‘yang ilusyon mo." Nakangiti si Joy. ‘Yong pang-asar. Pakiramdam ko’y pinagtatawanan n’ya ako. Pati si Faith, nginignisihan ako kung nasaan man s’ya ngaon.
‘Yong ngiti ni Joy. Nakakabasag talaga ng momentum. Pakiramdam ko saglit na huminto ‘yong takbo ng mundo ko. Tumingin ako sa langit kahit nakasisilaw at masakit sa balat ang sikat ng araw. At bigla kong naibulong na may kasamg pag-iling, “Ba’t gan’un?”
Monday, March 28, 2011
Daga
Sa isang tambakan ng mga basura sa kalye ng Martinez ay mayroong nagtitipon na mga lalaking walang saplot pang-itaas at marahil ay nagbabantay at nag-aabang sa pagdating ng mga basurang magmumula sa mga taong nakatira sa lugar na iyon. Kalakal boys ang bansag sa kanila. Sapagkat sa tuwing sasapit ang ala-sais ng hapon ay hindi sila magkandaugaga sa mga basurang dumarating. Sa tuwing may basurang iaabot sa kanila, hindi sila nag-aatubiling pisilin ang mga ito, para bang may nais maramdaman sa pagkakapisil at kung maramdaman man ay agad nila itong bubuksan. Sabik na hahalughugin ang laman at magiliw na uungkatin ang loob. Hindi nila alintana ang mga dumi at baho na nakapaloob sa mga basura, ang mahalaga ay makakita sila ng mga bagay na maari nilang ibenta kinabukasan.
Isang gabi habang naghahalughog ng kalakal si Rommel sa basurahan ay napansin niyang may kung anong gumagalaw sa isang plastik. Bigla niyang tinawag ang iba pang mga kalakal boys upang tignan ang kanyang napansin.
“Uy, me gumagalaw sa loob ng plastik ohh.” Gulat habang tinatawag ni Rommel ang ilang kasamahan.
Nang makita ng isa sa mga matatandang kalakal boys ang nasabing gumagalaw na plastik. Bigla itong napatawa ng malakas na para bang inaasar ang pagiging inosente ni Rommel. Sa pagkakataong iyon, kumuha ito ng daspan at pinagpapalo ang plastik.
“Tangeks, malaking daga lang yung nasa loob niyan.” Nakangisi ang tugon ng matandang kalakal boys kay Rommel. “kupal ka, kala ko kung ano na yang nangyayari, daga lang umiyak ka na.”
Pinagpapalo ang dagang nasa loob ng plastik hanggang sa ito ay hindi na gumalaw. Matapos ang karumal-dumal na pangyayaring ito, kanilang binuksan ang plastik upang tignan ang kalagayan ng nasabing Daga. Gamit ang daspan, pinilit na kuhain ang daga mula sa plastik. Habang kinukuha ang daga bigla itong pumalag, gustong pang gumalaw subalit nasa daspan na siya ng mga kalakal boys.
“Pumapalag ka pa, ang lalakas na nga ng palo ko sa iyo.” Umiiling ang matandang kalakal boys habang hawak ang daspan kung saan naroon ang sugatang daga na nais pang lumaban.
Hindi alintana ng mga sasakyang dumaraan sa harap tambakan ang nangyayari. Para bang wala lang sa kanila ang pagpupulong na iyon ng mga kalakal boys. Kasabay nito ang pagkindat ng mga neon lights sa posteng nagsisilbing pangunahing gabay ng mga motorista.
Biglang-bigla. Nagtungo ang matandang kalakal boys sa gitna ng kalsada. Parang isang siga sa kantong walang pakialam sa mga sasakyang dumaraan. Hawak ang daspan na kinalalagyan ng dagang pumapalag. Habang ang ilan pang mga kalakal boys ay nagtatawanan sa sinapit ng daga.
“Iiwan kita dito sa gitna ng kalsada, peste ka, baka ikaw yung sumisira ng gamit ko sa bahay, kung hindi man ikaw yun, baka mga kapatid mo yun, pero wala akong pakialam, dito na matatapos ang buhay mo.” Nakatingin ang matandang kalakal boys sa dagang nasa daspan. At bigla nitong tinaktak ang hawak upang mahulog ang daga patungo sa kalsada.
Naiwan ngang mag-isa ang daga sa kalsada. At inaasar ito ng mga kalakal boys habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan. Atras-abante ang deskate ng pobreng daga upang iwasan ang mga sasakyan, ninanais pa nitong makarating sa basurahan bago man lamang siya pumanaw subalit wala na yata talagang pag-asa, duguan ang kanyang likuran sa natamong palo mula sa matandang kalakal boys.
Habang nagsisigawan ang mga kalakal boys ay biglang may dumaan na dambuhalang trak sa kanilang harapan. Nagkaroon ng katahimikan sa mga oras na iyon sa pag-aabang sa sinapit ng pobreng daga. Hindi nila nakita kung ano ang nangyari sa daga nang dumaan ang trak. At nang makalagpas nga ang trak, buhay pa rin ang daga. Hindi ito natamaan ng gulong na wawakas sana sa buhay nito.
Nagpatuloy ang sigawan at lalong lumalakas. Mas tumitindi ang kanilang emosyon upang asarin ang pobreng daga. Inaasar nila ang daga na hindi na ito makararating pa sa basurahang pinagmulan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon may dumaang tricycle na hindi nila aasahang kikitil sa buhay ng daga. Nagulungan ang daga ng gulong, para bang natapos na ang kanyang paghihirap nang mangyari ito. Pinilit pang lumaban ng daga, subalit huli na ang lahat. Naigalaw pa nito ang kanang paa, subalit wala na talagang pag-asa. Nilapitan ng isa sa mga kalakal boys ang nakahandusay na daga.
”Wala na, deds na.” Nakangisi habang inaasar sa tingin ang nakahandusay na pobreng daga.
Bumulwak ang dugo sa bibig ng daga. Bumulwak nang bumulwak. Hanggang sa patuloy nang nadurog ang katawan ng daga sa mga sasakyang dumaraan. Tumalsik ang ilang parte ng katawan ng daga sa kalsada, subalit hindi na binigyang pansin ito ng mga kalakal boys. Hanggang sa mabaon sa limot ang pangyayaring iyon. At nagpatuloy nang muli ang buhay ng mga kalakal boys, ang pagdaan ng mga sasakyan, ang paghahatid ng mga tao ng basura sa tambakan at ang pagkindat ng neon lights sa bahaging iyon.
Friday, March 25, 2011
Sinta
Hindi ang maalindog
mong katawan,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay maaagnas.
Hindi ang makinis
mong balat,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay mapupuno ng gasgas.
Hindi ang kumikinang
mong mga buhok,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay isa-isang malalagas.
Hindi ang matangos
mong ilong,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay aatras ang ungos.
Hindi ang palangiti
mong mga labi,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay mangungulubot.
Kundi ang nangungusap
mong mga mata
Na nagbibigay paalala
sa gunita ng kahapon.
Matang nagsasabi
ng katotohanan
matang nagpapainit sa kalooban
matang gumigising sa isipan
matang nang-aakit sa katawan
at matang tumititig sa aking katauhan.
Wednesday, March 23, 2011
Salamin
Balisang-balisa na si Chester habang siya'y nagluluto ng pagkain para sa kanyang i-aalmusal at babaunin sa trabaho.
Sinlamig ng madaling araw ang kanyang nararamdaman.
Nang makaluto, agad na naligo ang binata.
Kasabay ng pagdampi ng tubig sa kanyang balat ay bigla niyang naalala ang inaanod na mga sandali't pangyayayri na nilumot ng panahon at kinalimutan ng kahapon. Matapos maligo ay nagbihis. At kumain.
Sa bawat pagsubong nagaganap umaalingawngaw ang mga larawan ng kahapon hanggang sa mabusog sa sama ng loob.
Matapos ang kanyang pagkain. Saglit na nagpahinga. Inihanda ang mga dadalhing gamit at ang baon. Nagtungo sa lababo. Kinuha ang sipilyo. At para bang hinang-hinang pinisil ang lalagyan ng tutpeyst upang ilagay sa hawak na sipilyo. Gigil na kinuskos ang ngipin. Galit at para bang gustong matanggal ang lahat ng mga ito. Subalit hindi pa rin ito naging lunas at mas lalo lang nagpabigat sa kanyang kalooban.
Matapos pagdiskitahan ang ngipin. Sinimulan niya nang maghugas ng pinagkainan. Nakita niya ang mga mumong umaagos sa lababo. Kanyang pinagmasdan ang mga ito. Gusto niyang tumawa nang tumawa habang nakikita ang mga mumong inaagos. Tulalang pinagmamasdan. Nakangisi ang mga labi na para bang nanlilinlang. At nagulat na lang ang binata nang siya'y mapatingin sa salamin sa lababo.
Kasabay ang walang tigil na pagbulwak ng tubig sa gripo at ang pagkaanod ng mga mumo.
Monday, March 21, 2011
Hindi na lang ako matutulog
Hindi na lang ako
matutulog,
kung sa bawat
pagbaba
ng talukap ng mga mata
ay siya namang
pagtaas ng kilay
ng mga dambuhalang Kapitalista.
Hindi na lang ako matutulog,
kung sa bawat hilik,
kapalit
isang katotohanang
hindi na muling
makatutulog
kaming mga maralita.
Hindi na lang ako matutulog
pagkat alam ko
isang umaga
ang mamahaling likido
ay dadagok
sa sikmura
at sasampal sa aming mukha.
Saturday, March 19, 2011
Salitang nakamamatay
matagal ko na sanang hinugot
mga salitang
kikitil sa iyong buhay
hihiwa sa iyong kalamnan
bibiyak sa iyong katawan
at dudurog sa iyong utak.
Pagkat ayoko nang marinig
tinig,
na nagpapabigat sa kalooban
nagpapagulo sa isipan
at nangwawasak sa katauhan.
huwag sanang magkasundo
aking puso't isipan
at tuluyang masira
bait na aking iniingatan.
hilingin mo
na huwag ako magkaroon ng lakas
pagkat hindi maaawa
mga salitang lalabas
sa aking dila.
na kahit takpan ang tainga
patuloy pa rin maninira
hanggang sa ikaw
tuluyang mawala.
Thursday, March 10, 2011
Ikaw ang Manlilikha
ikaw,
ang manlilikha
na nagbigay buhay
sa bawat isa
ikaw,
ang nagbigay kaisipan
sa aming nilalagnat
na isipan
ikaw,
ang nagturo
upang humarap sa pagsubok
ng may dangal
ikaw,
ang sagot at makakasagot
sa mga tanong
na kumukubli sa isipan
ikaw,
naging inspirasyon
ng buong mundo
sa tuwing may sakuna
at ikaw,
dahilan ng lahat ng ito
pagkat ikaw ang nag-iisang manlilikha
at ikaw ay ikaw
Saturday, February 26, 2011
Ang Pagsasalsal
Pumili ng lugar
na kumportable
at makakapag-isip nang mabuti
manahimik
pumikit kung kinakailangan
nang mabigyang atensyon ang nais ilarawan
mag-isip
mag-isip nang maayos
ituon ang pansin ng isipan
sa mga bagay
buksan ang kamalayan
palawakin ang imahinasyon
hayaang maglakbay
nang maakor dulo ng tagumpay
huwag pansinin
mga bagay na makakasira
sa pag-iisip
ituon ang pansin
ituon ang pansin
ituon ang pansin
ng isipan
at kapag nag-init na
hayaang lumabas
katas ng tagumpay
sa mahabang pag-iisip.
Saturday, January 29, 2011
Si Jen o si Grace?
(Maikling Kuwento)
Mula nang magkaroon ng trabaho si Jillian, kalahating taon na ang nakalilipas. Madalang na silang magkita ni Grace. Huling nagkita ang dalawa sa kanilang meeting-place kung tawagin. Sa Seaside ng MOA (Mall of Asia). Kung saan sila'y unang nagkita at nagkakilala. Sa pamamagitan ng pakikipag-textmate na tinatawag.
Apat na buwan na rin ang nakalilipas nang huling magkita ang dalawa. Bago tuluyang nagpaalam sa isa’t isa, binigyan muna ni Jillian si Grace ng isang Libro: Ligo na U, Lapit na me, ni Eros Atalia. Upang ‘di umano'y mapagkwentuhan nila kapag sila'y nagkitang muli sa Seaside.
wer n u?
Text ni Jillian kay Grace.
w8,lapet n q,sn kn?
Reply ni Grace.
Bsta d2 lng aq, s tpat ng Sam's ska Tender Juicy, nka blue aq n t-shrt.
Tugon naman ni Jillian.
Mahigit 20 minuto ang lumipas nang magkita ang dalawa. Nakaharap noon si Jillian sa dagat habang kanyang pinagmamasdan ang mga alon na tila nagkakasundo sa kanilang kinalalagyan.
"Tagal mo.” Malambing at nakangiting tugon ni Jillian kay Grace, "Namiss kita ha".
"Namiss din kita." Nakangiting tugon ni Grace habang pinagmamasdan ang mukha ni Jillian.
At ang mga titig na iyon, para bang nagbibigay ng isang mensaheng hindi mababatid kung hindi sasabihin at ipagtatapat.
"Nabasa mo na ‘ yong Libro?"
"Oo, tapos na, tapos ko nang basahin ‘yon, nakakatawa nga, e"
"Lalo na si Intoy!” Masiglang sagot ni Jillian.
"Pero ang nakapagtataka ‘ron, sinong nakabuntis kay Jen, hindi naman si Intoy na lagi n’yang kasama?" Parang may gustong malaman ang tanong na iyon ni Jillian sa kanyang kaharap. Waring naghahanap ng isang kasagutan at katotohanan.
"’Saka s’an s'ya napunta ‘nong nawala s'ya bigla?
"Makikita pa kaya s’ya ni Intoy?"
Mga katanungang labis na nagpakulot sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang karagatan na waring tinutuya ang kanyang katauhan ng mga along nagmumula dito. Mga katanungang nagbigay sa kanya ng misteryo kung ano ang magiging solusyon sa mga ito.
Nang marinig ni Grace ang pangalan ni Jen- isa sa mga pangunahing tauhan sa kwentong pinababasa sa kanya ni Jillian. Bigla itong napayuko, waring nalugmok sa kanyang kinatatayuan. At bakas sa kanyang mukha ang pag-aalaala sa hindi maipaliwanag na dahilan. Parang gustong sumabog ng kanyang damdamin habang katabi ang kasintahan.
"Oh ba't bigla kang natahimik, hindi mo ‘ata binasa, kaya hindi ka maka-relate." Pagtatakang tanong ni Jillian. At biglang-bigla, hinawakan nito ang kamay ng kasintahan. Parang isang halaman na pinupunan ang pangangailangan sa tulong ng sikat ng araw. At sabay nilang pinagmasdan ang mga alon sa dagat ng Manila Bay. Mga alon na waring nagrerebolusyon sa kanilang kinalalagyan. Gustong kumawala, gustong tumakas. Waring nagbabadya ng isang delubyo.
"Wala ‘yon,wala wala." Mahinang tugon ni Grace. Walang emosyong pinakita sa kanyang mukha. Para bang may itinatago pero may nais ding ipalabas. "Sige lang, kuwento ka pa"
"Ba't ako lang magkukwento,ikaw naman"
Hindi pa natatapos magsalita si Jillian nang bigla’ng may naisip na tanong si Grace, na tila ba hinugot sa kung saan. At ang mga alon, para bang binigyan siya ng hudyat ng mga ito upang magsalita. Mga alon na nagbibigay lakas sa kanya upang masabi ang nararamdaman.
"Kung ikaw si Intoy, anong magiging reaksyon mo sa nangyari kay Jen?"
"Ako!?" Gulat na gulat na tugon ni Jillian sa kasintahan. Parang isang paslit na tinanong kung ano ang kanyang katayuan sa buhay.
"Hindi ko alam, baka mabaliw ako n’on"
"’Saka, ano’ng karapatan ko r’on kay Jen, ‘di ko naman syota ‘yon, e. Ang mahalaga, tiba-tiba ako." Nakatawang sagot ni Jillian, nagbibiro ang mga ngiti na ibinato sa kasintahan. Sabay akbay sa kasintahan at halik sa pisngi nito.
Nagbuntong hininga si Grace, para bang nagkaroon ng pag-asa sa ginawa. At pinagmasdan muli ang kalagayan ng mga alon. Napangiti siya at biglang natuon ang pansin sa kasintahan.
"Hmm, may sasabihin ako sa'yo." Paunang salita Grace.
"Ano naman ‘yon?" Para bang nagulat si Jillian
"Ako si Jen sa kwento"