(Dagli)
Gustung-gustong maggitara ni Denmark nang gabing iyon. Hindi nais ng kanyang katawan subalit nais naman ng kanyang isipan. Para bang may bumubulong sa kanya upang gawin ang dikta ng isipan. Pasado alas-onse na, tahimik at para bang siya na lang ang gising sa kanilang lugar.
Wala kang maririnig maliban sa kahol ng mga aso, ingay ng mga pusa sa kanilang bubong at ilang mga naglalako ng balot at penoy sa iskinitang iyon. Namumungay ang dalawang mata ni Denmark habang kasiping ang gitara ng mga sandaling iyon. Ang mga kuwerdas ng gitarang kanyang kinakalabit ay waring inaawitan ang kanyang nararamdaman, bawat kuwerdas ay may kanya-kanyang tunog na sumasabay sa kanyang nararamdaman.
Sabay ng pagkalabit. Nagsimula ang kanyang pag-awit na garalgal ang tinig, para bang may itinatago ang mga tinig na iyon at ang kanyang gitara lamang ang nakakaunawa sa mga ito.
Mahinang tinig kasabay ang mahinang pagtugtog sa gitara ang umaalingawngaw sa kanilang bahay. Mahina ang kanyang pagtugtog ngunit madiin ang pagtipa sa mga nota, gigil na isinasagawa ang pagkalabit sa mga kuwerdas. Na nagbibigay pakiramdam na siya ay nasa beerhouse.
Pakiramdam niya'y perpekto ang kanyang isinasagawa sapagkat umaayon na ang kanyang katawan sa nais ng isipan. Unti-unting lumalakas ang kanyang tinig kasabay ang pagkalabit sa kuwerdas, pakiramdam niya nang mga oras na iyon, ang kanyang tinig, ang tunog ng gitara ay umaayon sa kanyang nararamdaman na habang tumatagal ay lalong bumibigat at nag-iiwan ng matinding emosyon. Ang kanyang namumungay na mga mata ay nais maglabas ng luha subalit ayaw niyang ilabas ang mga ito. Habang pinipigilan niya ang paglabas ng luha sa mga mata, biglang-bigla ay napatid ang isang kuwerdas ng gitara, huminto siya sa kanyang pag-awit at sa pagkalabit sa instrumento.
Saglit siyang napatingin sa naputol na kuwerdas at biglang napapikit. Sa pagdilat ay pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata patungo sa kuwerdas ng gitara.
No comments:
Post a Comment