Thursday, August 11, 2011

Donya Victorina

(Tula)


Naglipana
mga Donya Victorina
sa'ming bansa,
sa Mindanaw
sa Bisayas
at higit sa lahat sa Luson,
kung saan naroon ang Kamaynilaan
kung saan naroon ang sentro ng kalakalan
at kung saan diniklara ang magiging Wikang Pambansa.

Nangangarap pa rin
mga Donya Victorinang makapangasawa
ng isang Kastilang tutulong
upang sila'y makilala't maging tanyag
pansinin
pag-usapan
at papurihan ng lahat
hindi lamang sa barungbarong ng mga maralita
pati na rin sa palasyo ng uring mapagsamantala,
at kapag naisakatuparan na ito
kanyang kakausapin
mga kilalang tao sa mundo
gamit wikang pangmatalino
at pangangalandakang marunong siyang magsalita ng Espanyol.

Subalit dila mo'y baluktot
hindi ka sanay sa Wikang Kastila
at halata ang pinagmulan mong lahi,
oh Donya Victorina
huwag kang maarte,
kahit gaano pa karami
ilagay na pulbos sa iyong mukha
o isabit na palamuti sa leeg at tainga
kahit gaano pa kaganda ang ilagay
na ginintuang pulseras sa mga kamay
at kahit gaano pa kagarbo iyong kasuotan,
mababakas pa rin
tunay mong katangian.

Oh Donya Victorina
mapalad ka
mabuti't hindi kayo nagpang-abot
ni Pilosopong Tasyo,
makakatikim ka lang
mga salitang maaanghang
na magpapainit na iyong ulo
at magpapataas ng iyong dugo,
tuluyan kang maiinis
sa paratang na ganito:
"Tama na!
Tigilan na ang iyong kahibangan Donya Victorina,
Bakit hindi na lang tanggapin
na ikaw,
oo ikaw nga Donya Victorina
ay isang tunay na Pilipino."

1 comment:

Decalogue(mga pahina ng aking basura) said...

Donya Victorina .. mapagpanggap na donyang nag boboses espanyolita astig!
saan yung Mindanaw? at Luson... astig,
kala ko simpleng MAYNILA na lang ang gagamitin kaysa Kamaynilaan?
sabi ang wika ng masa -Filipino
ang sa mayaman - English
ang sa mas mayayaman -British english at espanyol
ang sa pinakamayaman - mandarin etch.
... astig ka ka-Jhonley Cubacub ! more! more! more!