Monday, December 17, 2012

Tayo nang mag-Simbang Gabi

(Maikling kuwento)


MATEO          22:36-40 

Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.


Ilang beses ko na ring ginagawa ‘to kasama ang mga kaibigan, siguro mga 5 taon na rin. N’ung dati ayaw kong sumama sa kanila sa tuwing inaaya ako. Pero dahil ako lang ang hindi makasabay sa kanilang kuwentuhan kapag magkakasama ang tropa kapag kanilang pinag-uusapan ang naganap sa nagdaang Simbang Gabi, sinubukan ko na rin sumama.

Katoliko ako pero hindi naman ako madalas magsimba. Para naman kasing paulit-ulit lang ‘yong sermon ng pari. Sinabi na niya n’ung nakaraang taon, tapos sasabihin pa rin niya sa susunod (na taon). Hindi man sakto ang petsa, pero natatandaan ko na ang ilan sa mga sinasabi niya’y nasabi na n’ya rati. Tandang-tanda ko pa n’ung bata pa ako—mga nasa elementarya. Lagi akong dinadala ni ermat sa Simbahan tuwing Linggo, parang naging routine na rin namin(niya) iyon. Nagtataka lang ako, bakit may mga rebulto don ‘saka mga larawan ng mga taong hindi ko kilala. Lahing Banyaga ang itsura. Matatangos ang kanilang ilong, mapalalaki man o babae. Kakaiba rin ang kulay ng mata, may pagka-asul. Mapuputi rin ang kanilang kulay. Ang mga lalaki’y may makakapal ng bigote’t balbas, nakasuot ng robe at saldalyas habang nakatungtong sa maliit na ulap na nasa gilip ng Simbahan.

May nakikita rin ako r’un na larawan ng pagkakasunod-sunod kung paano naganap ang pagpapapako kay Hesus sa Krus. Teka bigla kong naalala. Sabi nga di’ba sa isa sa mga Sampung utos ng Diyos, kung hindi ako nagkakamali, ikalawang utos ‘yon.

Exodo 20:3-5
“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.”
“Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay siningil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Tapos biglang ganoon, ano ngayon aking paniniwalaan, ang Bibliya o ang Simbahang nakikita kong sumasalungat sa nakasulat sa Bibliya?

Pinagtataka ko rin kung magkano ang kinikita ng Simbahan tuwing linggo o sa mga araw na mayroong misa. Kasi sa tuwing malapit nang matapos ang sermon ni Father, laging may umiikot na mga manong at manang o ‘di kaya’y mga Sakristan, minsan nama’y mga Madre. Tapos ipinapaikot nila ‘yong lalagyanan ng pera. Tapos may mag-aabang sa kabilang dulo ng upuan para abutin ito at ipasa naman sa susunod na upuan. Pero alam ko namang iaalay ang lahat ng iyon sa Dakilang Manlilikha, kaya’y sigurado akong magiging maganda ang kahihinatnan ng mga salaping donasyon sa Simbahan.

Dati nang may magpunta sa aming isang grupo. May dala silang Sto. Niño. Mga pito hanggang siyam na tao, ang isang lalaki’y may dalang gitara. Hindi sila kumatok sa pinto, biglang-bigla na lang may kumalabit ng gitara at nagsimula ang kanilang awitan. Hindi ko masyadong maintindihan ang kanta nasa loob kasi ako ng bahay at nanunuod ng telebisyon at parang wala sa tono ang mga kumakanta. Mga ilang minuto pa lang ang nakalilipas habang sila’y kumakanta, agad-agad kong binuksan ang pinto upang tignan sila. Nang lumabas na ako, tuloy pa rin sila sa pag-awit. Tinitignan ko lang sila. Hanggang sa matapos ang kanilang pag-awit, ‘yong tatlong babae na nasa harapan ko, biglang nagsabi na “Donasyon lang para sa Sto. Niño.” At biglang inangat pa nang bahadya ang Sto. Niño upang makita ko nang lubusan ang kabuuan nito. Napaisip ako at sabi ko’y “saglit lang po.” Akma akong pumasok sa bahay at iniwan muna sila sa labas.

Mga ilang minuto dahil na rin sa pagmamadali, nagawa ko na ang kailangan ko’t may maibibigay na rin ako sa kanila. “Pasensya na po sa paghihintay, hindi ko po kasi inaasahang darating kayo.” Agad kong inabot ang Sandwhich na gawa ko sa babaing nasa harapan. Nginitian ko, nang bigla siyang sumimangot. Nagtaka ako. “Wala pong lason ‘yan, branded ang palaman n’yan.” Papasok ako n’on upang ipakita ang lalagyanan ng palaman sa Sandwhich, nang bigla akong hinawakan sa kamay ng babaing inabutan ko ng sandwhich at pinigilan akong pumasok. “Maraming salamat na lang Hijo. ‘Di namin kailangan ‘yan, gusto nami’y donasyon.” Nagtaka ako, hindi naman masama ang ibibigay ko, para rin ito sa Sto. Niño, dahil bata pa ito, naisip kong bigyan ng Sandwhich. Hanggang ang isa sa kanila’y biglang sumenyas upang lumipat na sa kabilang bahay upang doon naman ituloy ang panghihingi ng donasyon. Medyo masama ang loob ko, pinaghirapan ko ang paggawa ng sandwhich tapos kahit kurot man lang mula rito’y hindi nila ginawa. Hanggang sa pumasok na lang ako sa loob ng bahay at pinagpatuloy ang panonoud ng palabas sa Telebisyon.

Tinanong ko rin dati si ermat kung ano ‘yong kinakain niya at para saan ‘yon? Ang sabi niya’y Oscha raw iyon. Para raw mabawasan ang kasalanan ng tao. Dagdag pa niya’y hindi raw nginunguya iyon, hayaan lang daw matunaw ito sa dila. Kapag mabilis daw matunaw, ibig sabihi’y makasalanan at kapag matagal matunaw hindi raw masyadong makasalanan. Ano ‘yon may bias, lahat naman ‘ata ng tao makasalanan , e. Tapos may mga lebel pa pala ng makasalanan. Naalala ko tuloy ang isang talata sa Bibliya. At ganito ang nilalaman n’un.
                                                                                                                                    
Juan 8 : 1-11
Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat. Si Hesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa’y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya’t umupo siya at nagsimula siyang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Ihinarap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Hesus, “ Guro, ang babaing ito’y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” itinanong nila ito upang subukin siya at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
Patuloy sila sa pagtatanong kaya’t tumayo si Hesus at nagsalita. “ Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
Nang marinig nila iyon, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Hesus. Tumayo si Hesus at tinanong ang babae. “ Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”
“Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.
Sinabi ni Hesus, “ Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”

Nagtataka lang talaga ako, lahat naman ng tao makasalanan, e. Bakit kailangan pang gawin ng ibang mga Pilipino ang pagpapapako sa krus sa tuwing Mahal na Araw. ‘Yong iba naman sinasaktan ‘yong sarili. Sabi nila para raw mabawasan ang kasalanan. Ang gulo talaga nila. Hindi ko alam kung tama ba ‘yong ginagawa nila sa sarili o hindi. Sabi nga sa isang talata sa Bibliya.

Juan 3: 16
Oo, gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa daigdig kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang lahat ng mga sumasampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi bagkus magkamit ng buhay na walang hanggan.
Kung may nagsakripisyo na pala sa atin para tayo’y maligtas, bakit kailangan pang saktan ang kanilang sarili? Hindi ko talaga makuha ang gusto nilang sabihin. Kung sa bagay, kanya-kanyang trip sa buhay ‘yan.

Pasado alas kuwatro y medya na n’un nang makarating kami ng tropa sa Simbahan. At sakto lang, mukhang matatapos na rin ang sermon ni Father.

Maraming mga tao, mayroon kasama ang pamilya, ang iba nama’y sumakay pa ng tricycle upang makaabot sa sermon. Hindi rin mawawala ang mga vendor. May nagtitinda ng pop corn, ng mani, mayroon din doon na puwede kang magpatimpla ng kape. Puwede kang pumili ng brand ng kape na gusto mo. May taho na rin umagang-umaga, mayroon ding isang tindahan ng Burger, mayroon din ng para sa Siomai at Siopao na may gulaman pa. mayroon ding lugawan at gotohan. Kumpleto, parang palengke ang dating. Kulang na lang pati nagtitinda ng gulay at prutas pati na rin ng mga karne’t isda’y isama. Para hindi na pupunta pa sa pamilihan. Pagkatapos magsimba, mamili na agad, upang diretso na sa bahay, hindi masasayang ang oras at nang makapaghanda na ng agahan.

Mayroon din namang mga magkasintahan na nagpunta ro’n. Magkahawak kamay habang tinutungo ang loob ng simbahan. Mayroon ding grupo ng mga lalaking malalaki ang damit, mga nakaputi, malaki rin ang short na maong, lagpas tuhod. At parang may balabal sa ulo. Mayroon din namang mga bata na gising na nang ganoong oras. Mukhang hindi kasama ng mga nagsisimba. Marahil nakatira ito malapit sa Simbahan. Mayroong mga batang nag-iiyakan habang karga-karga ng kanilang ina. Mga batang pinapagalitan at pinapalo ng ina kapag maingay at hindi tumutigil sa kakaiyak.

Ang simbahan sa malayo’y parang isang Kastilyo. Malayo pa lang ay tanaw mo na ang isang tarp na may nakasulat na malalaking letra.

Tanging kay…
            Hesu Kristo
                        …manalig at manampalataya…

At sa kanan nito’y makikita ang mukha ni Hesus na nakapikit at makikita ang kanyang mga kamay sa posisyong panalangin. Nakatagilid ang puwesto nito.

Makulay tignan sa labas. Punung-puno ng mga palamuti sa bubong na sinasabayan ng magandang tanawin ng madilim na bahagi na iyon. Mga Christmas Light. At sa itaas ng pintuan ng simbaha’y naroon ang isang maliit na bahay-sabsaban. Makikita ang isang sanggol na pinaliligiran ng isang lalaki, isang babae, sa gilid nito’y naroon ang ilang mga kawal. 3 lalaki na magagara ang kasuotan at mga hayop na waring pinagmamasdan din ang sanggol na kanilang pinaliligiran.

At gaya ng nakagawian. Puwesto sa labas. Malapit sa Parking Lot. Hindi talaga namin trip pumasok sa loob ng Simbahan kapag ganito. ‘Saka may speaker naman sa labas, kaya rinig pa rin namin ang sermon ni Father. Dukot ng cell phone. Ganon din ang mga tropa ko, 7 kami lahat-lahat. ‘Yong isa naming tropa si Ferdi, pagdating namin sa Simbahan—sa labas, biglang nawala, pupuntahan lang daw ‘yong ka-text n’ya. ‘Yong isa naman, si Alvin, siya ang nagpapunta sa chikas niya. Bale 5 na lang kaming magkakasama. Pasimple sa pagyoyosi. Tamang kuwentuhan, Tamang tingin sa mga chikas na magsisimba rin, at kapag may isang grupo rin at puro babae, matik na, ito talaga ang gagawin namin kapag Simbang Gabi, ang makipagkaibigan sa ibang grupo—siyempre hindi sa lalaki, kundi babae.

“’pag dumating na ‘yong ka-clan ko, papakilala ko kayo, para hindi boring, para me kasabay tayo kapag magsisimbang gabi” Si Mark iyon, ang tropa naming hindi malaman ang trip na genre, mahilig sa mga masisikip-maliliit-itim na damit-pantalon—parang baston, tapos nakasuot ng kulay kahel—orange na rubber shoes na pang-Bassketball na alanganing tumatawa na at gusto nang tawanan ang kapalaran sa buhay ng pobreng sapatosHabang suot-suot ang sumbrerong two colors. Laging ganoon ang pormahan n’un kahit bibili lang sa kanto sa may sa’min, poporma pa rin. Ang dyahe mo dude. Kahit mukhang tanga ang kanyang pormahan, wala kang masasabi sa mukha nito. Makinis, na medyo maputi, may pagkamatangos ang ilong. May biloy sa magkabilang pisngi, kaya marami rin ‘tong nagiging syota—na galing karamihan sa clan. Patay na matangkad, pero sakto lang para sa itsura niya.

“Tang’na pre, baka naman mga hipon ‘yang sinasabi mo ha, tang’na ‘wag mo kaming i-good time pre.” Si Vergel. Ang reklamador sa lahat. Wala pa nga’y kung ano-ano na ang pinagsasasabi. Pero kapag nakita o nakaharap na niya ang totoo, bigla na lang natatameme ang loko.

Parating na raw sila,e. Saan na kaya ‘yon?” Habang hawak ni Mark ang cellphone at tumitingin sa daan. Waring hinihintay ang tinatawag na mga ka-clan.
Drawing, tang’na, pinaasa lang tayo.” Si Vergel na nangangantiyam.
Tang’na mo, manahimik ka na d’yan, puro ka reklamo,e.” Medyo nababanas na si Mark, hindi namin alam kung sa pang-aasar ba ni Vergel o dahil wala pa ang mga hinihintay na ka-clan.

Biglang tumakbo si Mark palayo sa’min at may sinalubong na mga babae.

“Pauline!” sabay lapit si loko sa babae. Hinihingal.  Nagtinginan kaming apat habang kinakausap ni Mark ‘yong si Pauline. At ‘yong isa naming kasama kanina na pinapunta ang kanyang chikas, iniwan muna namin, may sarili na siyang mundo, kaya gagawa na rin kami ng sarili naming mundo.

Tinawag kami ni Mark. Sakto! 5 rin sila. Ito ang exciting kapag Simbang gabi.’Yong may makikilala kang kagaya rin ng trip niyo—‘yong hindi rin naman talaga ang pagsisimba ang habol kung bakit pumupunta sa Simbahan tuwing Simbang Gabi.

“’Yan ‘yong sinasabi ko sa’yong mga tropa ko.” Tinignan lang kami ni Pauline. Sabay tingin din sa kanyang mga kasamang mga babae, nagkangitian ang mga ito.

Maganda ang suot ni Pauline—para sa’min. Naka-skirt na itim. Naka-tsinelas na kulay itim at naka-t-shirt na kulay puti na may nakasulat na Boss Balita? May pagkamaitim ang kanyang labi, namumungay ang kanyang mga mata. Medyo mapayat ang mukha at ang buhok niya’y maikli lang, hanggang leeg.

Kaming mga asong ulol, lapit agad sa mga babae, kanya-kanyang partner. Nagpakilala kami sa isa’t isa. Akala mo orientation sa klase at kailangan makilala ng propesor ang bawat mag-aaral.

Medyo mahiyain ako sa simula, pero kapag ok na at nakuha ko na ang trip ng babae, alam na, matik na, mangungulit na talaga.

Habang nagi-getting to know each other kami. Naririnig pa rin namin ang sermon ni Father mula sa loob ng Simbahan. Salamat na lang talaga sa mga malalaking speaker na nasa labas ng Simbahan. Nang saglit na nawala ang ilaw sa loob at labas ng Simbahan. Tanging ang mic lamang na gamit ni Father sa loob ng Simbahan ang gumagana.  Nagulat kami’t nagtaka sa mga salitang lumabas mula sa speaker.

PUTANG ’NA, BAKIT NAWALA ANG ILAW!?

Thursday, August 9, 2012

Cell phone

(Dagli)


Nakakunot ang kanyang noo habang binibilang ang perang hawak.

“Ba’t parang kulang ‘to hindi naman ito ‘yung sinabi sa’kin kanina ni Amboy.” Pagtataka niyang tanong.

“Putang’na talaga oh!” Pabuntong-hininga niyang ekspresyon. “Ayos lang kahit kulang naibigay sa akin, ang mahalaga may pera na naman ako. Kakausapin ko na lang ‘yang si Amboy sa susunod na Linggo, at nang mapagsabihan na rin. Putang’na nyan.” Naisip niya rin nang mga sandaling iyon kung paano niya paghahati-hatiin ang perang hawak at kung magkano’t kanino mapupunta ang ilan sa mga ito.

“Itong limanlibo para kay Mark na nasa Antipolo. Magkano naman kaya’ng bibigay ko kay Cedrick? Pwede na siguro ang pitung-libo, tutal magaling naman s’ya, e. At itong natitirang labing-‘sang libo, pa’no ko ‘to hahatiin? Magkano ang kay Paulo at kay Kenneth? Bahala na! Manghihingi na lang naman ’yung mga ‘yon kapag kelangan nila ng pera. Magsasabi na lang ‘yun kapag me gustong bilhin. Madali naman akong kausap, basta’t ibigay lang din nila kung ano'ng kelangan ko.” Sabay tingin sa bintana. Ngiti. Iling.

Habang umaandar ang taksing kanyang sinasakyan. Biglang-bigla, tumunog at nanginig ang kanyang cell phone mula sa kanyang bag. Agad niyang binuksan ang bag upang kunin ito.

“Sino kaya ‘tong nag-text?” tanong niya habang kinukuha ang cell phone sa bag.

“Ay tang’na! Number lang, sino kaya ‘to?” Pagtataka niyang tanong habang tinitingnan ang cell phone.


Father, pwde po b kaung mgbinyag s linggo, pra po s bunso k? Pg-usapan po ntin i2 s wed, ittxt k nlng po ult kau. Ako po ung kninang kumuha ng # nyo pgktpos ng misa. Thx father. God Bless. -Lilybeth po Father J


Friday, June 8, 2012

Lata

(Maikling-maikling kuwento o Dagli?)


Kadarating lang ni Jojo sa kanilang tahanan mula sa kanyang paaralan. Pagod at hapung-hapo mula sa mahabang lakarin.

"Ano'ng ulam 'Ma?"

"Me sardinas diyan, buksan mo na lang." Saglit siyang napailing bago sumagot sa kanyang Mama.

"Sardinas lang!?" Gulat niyang tanong sa Ina.

"Kapal ng muka mo, buti nga may sardinas, e. 'Yung iba nga diyan walang nang makain. Saka high school ka pa lang, wala ka pang trabaho. 'Wag kang magreklamo, ako nga hindi pa kumakain, kung magtitira ka man, 'yon na lang ang sa'kin."

Nakasimangot niyang kinuha ang kutsilyo at sardinas. Yamot na yamot habang binubuksan ang lata. Nang mabuksan na, ito'y kanyang nilagay sa isang platito. Binudburan ng kaunting iodised salt. Hinalo at may ulam na siya para sa hapunan.

Kumuha rin siya ng plato at ng kanin. Nang makaupo na, masama pa rin ang kanyang loob sa ulam. Tumatak sa kanyang isip ang kanilang sagutan ng Ina kanina.

'Tang'na kasi, pagod na pagod ka galing sa school, tapos Sardinas lang ulam mo! Tang'na talaga." Naibulong niya habang kumakain.

Nang nasa kalagitnaan na siya ng kanyang pagkain, nagbilin sa kanya ang Ina.
"Mamayang alas-otso, itapon mo ang basura ha." At agad na nagtungo ang kanyang Ina sa labas.

Natapos na ang kanyang pagkain. Kahit na gutom na gutom siya nagtira pa rin siya para sa kanyang Ina, dahil sa sumbat na kanyang narinig kanina. Wala rin siya sa wisyo kumain kaya wala siyang ganang kumain. Nabusog na lamang siya sa sama ng loob.

Tiningnan niya ang orasan. 8:06 PM na. Kailangan na niyang magtapos ng basura. Kahit hindi siya paalalahanan ng Ina, alam niya ang kanyang responsibilidad. Sa kanya nakatoka ang pagtatapon ng basura.

Saglit na nagpahinga. Inilagay sa basurahan ang lata. Itinali nang maigi ang basurahan at agad na lumabas para magtapon.

Habang nasa daan. Masama pa rin ang kanyang loob sa Ina at sa ulam. Patuloy pa rin sa pagdaramdam.

Malapit na siya sa tambakan ng basura nang biglang may patakbong sumalubong sa kanya. Si Rico. Anim na taong gulang. Walang salawal, marumi ang damit at tumutulo ang uhog sa kaliwang butas ng ilong. Dugyot.

"Ako tapon basura mo." Nakangiting salubong ni Rico, sabay singhot ng uhog.
" 'Di na, malapit na, e. Tsaka walang akong pambayad sa'yo." Walang emosyon ang tinig ni Jojo. Masama pa rin ang kanyang loob. Nagdaramdam.
"Wala bayad, libre." Singhot.
Biglang-bigla, inagaw ni Rico ang hawak na basura ni Jojo.
"Tang'na mo, kulet mo talaga, sinabi nang ako na'ng magtatapon, e."
"Ko na nga, e." Nakangiti si Rico nang hinablot ang basura. Singhot. Walang pakialam sa pinagsasabi ni Jojo.

Kinapa-kapa niya ang basura at naramdamang may lata. Lalo itong napangiti na para bang nakakita ng kayamanan. Singhot.

Si Manang Jenny naman na nasa kanilang likuran ay napansin ang nangyari.

"Kaya naman pala gustong kunin 'yun basura mo, me lata, e." Nakangising sabi ng Manang.
"Tempwe, baka unahan ako ibang mambabatura, aka lakakal din 'to," tugon ni Rico habang kinakapa ang basura.

Biglang-bigla, natulala na lang si Jojo mula sa kanyang kinatatayuan. At nanumbalik sa kanyang alaala ang mga pahayag ng Ina bago siya kumain ng hapunan kanina. Bigla niya rin naalala ang Ina kung ito ba'y kumain na. At biglang tumulo ang luha sa kanyang kaliwang mata nang hindi niya namamalayan. Agad siyang napailing sa nangyari.

"Si mama talaga."

Tuesday, March 6, 2012

Regalo

(Maikling kuwento)


"Kailangan ba talaga may regalo?" Tanong ko kay Beth.

"Hindi naman, pero 18th birthday ko yun, pero ayos lang naman kahit wala, pero... sige, ikaw ang bahala, basta pumunta ka ha, kasama ka sa 18 roses." Tugon sa akin ni Beth.

"Kahit naman ata wala akong dalang regalo, e makakakain pa rin ako ng handa sa debut mo, e di'ba?"

"Oo na nga e, ang kulit mo, basta hindi puwedeng wala ka don." Yamot na tugon niya sa akin. Sabay abot ng kanyang Invitation Card.

"Huwag kang mawawala ha!" Aywan, pero ang tono na iyon ni Beth ay parang nakukulitan na. Nakukulitan na rin naman ako sa kanya e, ilang beses na niya akong tineteks para sa kanyang debut, sinabi ko na ngang 'Oo, pupunta ako.' Pero kahit naman siguro wala ako doon, e matutuloy at matutuloy pa rin ang kanyang debut.

"Oo nga, ang kulit mo e, sinabi na ngang pupunta ako." Inapiran ko na lang siya bilang pagbibigay wakas sa'ming usapan.


Isang linggo na lang bago ang debut ni Beth, problema nga naman talaga oh! Wala pa akong pangregalo. Oo nga't sinabi ko sa kanya na hindi ako magbibigay ng regalo, pero biro lamang iyon. Nakakahiya naman kasi kung wala akong maibibigay. Pakiramdam ko manliliit ako kaya wala akong choice. Talagang bibili at bibili ako.

Hindi naman required kung magbibigay ako ng regalo o hindi, pero heto't nag-iisip ako ng puwedeng maibigay kay Beth. Tanong ko pa rin, kailangan ba mamahalin iyong regalo o puwede na iyong mumurahin? Tang'na kasi, ba't ba binabagabag ako ng aking konsensya na magbigay ng regalo. Bahala na kung magkano magkasya sa budget, basta ang mahalaga, matapos lang itong debut, hindi ko na problema ang pangregalo, ang susuotin at ang schedule. Basta matapos lang ito ayos na. Nakakahiya naman kasing hindi ako pupunta, e 18th birthday niya pa naman iyon, pinakaimportanteng birthday niya sa mundo. Kasi dito raw sila magiging malaya. Malaya? Saan banda, sa pagkakaroon ng relasyon? Hindi rin, kahit nga mag-asawa na, minsan, ayaw pa rin pakawalan ng magulang. Kasi mamimiss daw ito. Buti na nga lang at babae si Beth, kung magkataon man na siya'y magkaroon ng asawa (kung lang naman), siya ang aalis sa kanilang tahanan, doon siya sa bahay ng lalaki at ang mga magulang ng lalaki ang mamumuroblema sa kanila. At ang mga magulang naman ni Beth, aywan, mukhang labis na mangungulila. Kaya ako, kung lang naman, kung magkakaroon ng asawa, ayaw kong tumira sa'king mga magulang. Nakakahiya. Tanda ko na tapos doon pa rin ako mamamalagi sa kanila. Kaya dapat bago ako mag-asawa ay may sapat na akong trabaho at ipon. Para may mapagmalaki naman ako sa'king mga magulang at sa'king sarili. At saka ano na lang sasabihin sa'kin ng mga magulang ng aking mapapangasawa? Baka puro panlalait lang ang aking matanggap. Mas nakakahiya.


Masakit na ulo ko kaiisip kung ano bang puwedeng mairegalo kay Beth. Anak ng Baka kasi, hindi ko naman siya masyadong ka-close, kaya hindi ko alam kung ano ba ang kanyang taste. Ni hindi ko nga alam kung anong paboritong kulay niya. Tamang usap lang kasi kami dati sa room noong kami'y nasa 3rd year highschool. At ngayon, ipinagtataka ko kung bakit ako ang isa sa kanyang mga napili para sa kanyang 18 roses, hindi naman kami close. Hmmmm, tama, hindi naman pala kami close, e ba't reregaluhan ko pa siya? Ay... Tang'na, oo nga pala, pang-18th birthday pala iyon. Isasayaw ko pa siya. Tapos paano kung pagpasok ko doon sa venue ay wala akong mailagay na regalo sa table o kung saan man nakalagay ang mga regalo. Ano iyon, kain lang talaga hanap ko? Tang'na talaga, ba't ba may konsensiyang bumubulong sa'kin na 'magbigay naman daw ako ng regalo. Nakakahiya.'


Lumipas ang dalawang araw. Wala pa rin akong naibibiling pangregalo para kay Beth. Wala talaga akong maisip, at short na ang pera ko. Nagastos ko kasi nagutom ako sa school. Bahala na! Bahala na kung ano bang maibibigay ko kay Beth. Hindi niya naman papansinin kung anong regalo ko, hindi naman kami close e.


Nang naroon na ako sa debut party. Namangha talaga ako, hindi ko alam kung anong lugar iyon. Limot ko na at tanging kalye lamang ang aking natatandaan. Sobrang ganda ng venue, andaming mga palamuti, makulay, dami rin picture ni Beth na nagkalat. Pagpasok pa lang sa venue, mga naggagandahan at naggaguwapuhang mga tao ang agad na bumati sa'kin gayun na rin sa ibang mga panauhin. "Good evening sir." Masasabi ko, isa na ata iyon sa mga bonggang party na aking napuntahan. Aywan. Parang hindi ako makapaniwalang ang pamilya nina Beth ay makakapag-afford ng ganto. Samantalang noong classmate ko siya sa high school, hindi naman siya halatang sosyal. Tamang tao lang din siya kung tutuusin, Pero ngayon, para bang kamag-anak nila si Bill Gates.

Tanging regalo at pamasahe lang ang aking dala. Pero nang kainan na, hindi ako nagpaawat. Wala akong pakialam sa ibang tao kung pansinin man nila ang pagkain ko, hindi ko naman sila ikagagawapo, ang punto roon, bayad iyon kaya dapat sulitin.

Matapos ang kainan, doon naman nagsimula ang para sa 18 roses. Isasayaw ko na si Beth. At nang siya ay akin nang isinasayaw, aywan ko ba, pero parang may kakaiba. Para siyang anghel sa ganda. Parang kumikunang ang kanyang kabuuan. Para bang ayaw kong padapuin kahit na lamok sa kanyang balat. Para siyang sagradong babae at isang karangalan na siya'y aking maisayaw. Ibang-iba talaga ang kanyang aura nang mga sandaling iyon.

Matapos ko siyang maisayaw, agad ko nang inilagay sa lamesa ang aking regalo. Sinadya ko talaga iyon upang hindi mapansin ng mga tao na akin pala ang regalong iyon. Sapagkat ang kanilang attention ay na kay Beth.


'tol, keln k pdng mkuha 2k k?
nid lng tol,
thx'


Nang aking mabasa ang text message na iyon ni Ivan, bigla akong nanghina at natulala. Naalala ko, pera pala ni Ivan ang pinambili ko ng regalo para kay Beth. Limang araw na rin pala ang nakalilipas matapos ang debut ni Beth. At ang sabi ko kay Ivan na babayaran ko rin ang aking utang pagkalipas ng anim na araw. At marahil, tapos na ang oras na iyon kaya't sinisingil na ako ni Ivan.

'ge tol, pnta ko jn tom s inyo,’

Reply ko sa kanya. Pero ang totoo, mga isang linggo pa bago magpadala ng pera si ermat mula sa probinsiya. Sana may sobra. Minsan kasi sakto, talagang pang isang buwan lang.

'ge tol,slmat
kta kts nlng'


Tang'na. Yari kang bata ka! Mukhang wala akong mukhang maihaharap kay Ivan bukas. Bahala na! Papakiusapan ko na lang siya. Maiintindihan niya naman ako, e. Tropa ko naman siya e.


Papasok ako noon sa school. Pasakay ng jeep at sa hindi inaasaang pagkakataon, nagkasabay kami ni Beth.

"Uy! Salamat sa regalo mo ha." Bati niya sa'kin nang may kasiyahan. Damang-dama ko ang kanyang pagpapasalamat at tuwa sa aking ibinigay na regalo sa kanya. "Mukhang mamahalin binigay mo sa akin, magkano bili mo?"

"Wala ka na doon." Tugon ko sa kanya.

"Pero ang ganda talaga masyado, mukhang mamahalin." Nakangiti niyang sagot sa'kin.

"Magbibigay ba naman ako ng mumurahin?" Pagmamayabang ko.

"Wala lang, akala ko kasi hindi ka magbibigay ng regalo, sabi mo kasi dati na hindi ka magbibigay, di'ba?"

"Siyempre biro lang iyon, mahirap na kasi, baka mag-expect ka masyado kapag sinabi kong magbibigay ako ng regalo. Atleast doon, na-surprise kita." Muli kong pagmamayabang sa kanya habang nakangisi.”

"Kamusta na pala?" Tanong ko sa kanya.

"Ganda ng debut mo ha, pang-bigtime."

"Speaking of, ayon nga, andaming utang ni Papa ngayon dahil sa debut ko, nahiya nga ako e, andaming naniningil kay Papa sa bahay. Kinulang kasi ang kanyang ipon, kaya nangutang sa iba." Nakasimangot niyang sagot sa'kin na may kasamang pag-iling.

"Ah, kaya pala nag-jeep ka na lang ngayon. Nagtataka kasi ako, madalas doon ka sa may kanto sumasakay ng tricycle pauwi sa bahay niyo. Tapos ngayon jeep na lang ang sinasakyan mo."

"Oo e, buti na lang at nagkasabay tayo dito sa jeep. May kasabay na ako pauwi, hindi na boring." Tugon niya sa akin habang nakangiti.

Monday, January 9, 2012

Wala na nga ba?

(Tula)


wala na
wala na'ng mga mulat
sa aming bansa
hindi ko na makita
mga protesta sa Mendiola
wala na rin mga dagundong
ng martsa mula sa mga manggagawa't magsasaka
na nakapagpapasikip ng daloy ng trapiko
sa kahabaan ng Avenida't Legarda

wala na
wala na akong makita
ni isa mang Aktibistang
nanghihikayat na sumama sa kilos protesta
wala na'ng mga sigaw sa kalsada
na tinutukan ng media
hindi ko na makita
mga bandilang pula
na winawagayway nang buong sigla.

wala na'ng mga kuta
ang CPP-NPA-NDF
na tinaguriang terorista
ng mga Amerikanong Imperyalista,
sa bundok man o sa lungsod
wala ka nang makikita
na lumalaban sa katiwalian
ng uring mapagsamantala

wala na,
wala na talagang mga mandirigma ng bansa
na nakikipaglaban para sa kalayaan

wala na talaga
wala na ang lahat,
nawala sila hindi dahil sa takot
kundi pinapatay,
sinilid ang iba sa drum
sinementuhan at hinulog sa gitna ng karagatan
iba'y pinaglaruan, pinahiraan
bago lagutan.

ganyan talaga dito sa Perlas ng Silangan
mula sa panahon ni Aguinaldo
hanggang kay Aquino
at maging hanggang sa hinaharap.

subalit mawala man ang kanilang katawan,
kami'y nagpupulong
naghahanda sa isang labanan
itataya ang buhay
laban sa rehimen ni Gloria,
rehimeng nagpahirap at nagpabalik sa panahon ng Batas Militar
kami'y lulusob mula sa kanayunan
bitbit ang bolo
patungo sa Malakanyang
kami naman ang maniningil,
nawala man ang isandaang mandirigma
kapalit nito'y tatlundaan
na nag-iinit ang dugo
handang pumatay kung kinakailangan
upang makamit ang tunay na kalayaan.

Thursday, August 25, 2011

Sariling Wika

(Malayang Sanaysay)
--pasintabi sa mga matatalino


Noong bata ako, pinagtatakahan ko kung bakit ang katumbas ng Filipinong salita na araw-araw ay everyday sa Ingles. Bakit hindi gawin day-day sa Ingles ang katumbas ng salitang araw-araw o di kaya naman gawin bawat araw ang katumbas ng salitang Ingles na everyday. At dahil utak-kolonyal, mas trip kong gamitin ang wikang banyaga--Ingles, sapagkat sa'king sarili'y kapag marunong kang magsalita ng Ingles, matalino ka.

Kaya nang ako'y makatungtong sa kolehiyo at mapadpad sa kursong Bachelor of Arts in Filipinology, lagi akong nayayamot. Unang-una, ayaw ko sa kurso, ang baho kasi e, may Filipino pa na salita sa buong pangalan ng kurso. Ikalawa, nakababagot pag-aralan ang wika, lalo na ang wikang Filipino, kasi binabanggit at nagagamit mo na sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, tapos pag-aaralan pa. Sobrang boring talaga! At ikatlo, anong trabaho ang aking makukuha kapag naka-graduate na ako rito? Kaya tuwing klase namin, lagi lang akong nakatingin sa aming propesor pero ang isipa'y naglalakbay sa kung saan. At may kung anong katanungan ang laging umaalingawngaw sa aking isipan.BAKIT BA KASI NANDITO AKO? DAPAT ABEnglish, PARA MATALINO.

Lumipas ang ilang panahon at dahil na rin bugbog kami sa wikang Filipino, nasanay na ako sa aking kurso, no choice kasi, ika nga. At medyo naaakit na ako, pero hindi dahil sa mga aralin, kundi dahil sa mga magagaling na dalubguro. Nakatutuwa kasi silang magturo, kaya ginaganahan na rin akong makinig. Dahil sa pakikinig na iyon, tumalim ang aking isipan sa ilang mga aralin sa Filipino. At korny man sabihin, pero INLOVE na ata ako.

Kumilos si Kupido at ako'y napaibig sa Wikang Pambansa, kanyang pinana ang aking bulag na kaisipan at paniniwala tungkol sa'ting wika. Aking naging inspirasyon ang ilang mga dalubguro sa aming kagawaran, dahil sa sila'y magagaling magturo at lubos at wagas ang kanilang pagmamahal sa'ting wika.

Klase namin noon, at ang naging paksa ay "Ang pagiging malikhain ng Wikang Filipino." Naging halimbawa rito ang salitang araw-araw na katumbas sa Ingles ay everyday. Sabi ng aming propesor, tanging ang wikang Filipino lamang ang may ganoong katangian, na sa pamamagitan ng pag-uulit ng salitang-ugat ay nagkakaroon ng bagong kahulugan. Bakit daw sa Ingles hindi puwedeng day-day, samantalang sa’ting wika'y puwede ang araw-araw? Sabi na lang sa amin ng aming propesor,"Malikhain naman ang wikang Ingles, pero mas malikhain pa rin ang wikang Filipino." At nang mga oras na iyon, biglang-bigla aking naalala ang katanungan noong bata ako. Tanong kung bakit hindi puwede ang bawat araw na katumbas sa Ingles ay everyday o di kaya naman ang day-day na ang katumbas sa Filipino ay araw-araw. Sa pagkakataong iyon, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan tuluyan nang nahulog ang aking loob sa'ting wikang pambansa--Filipino. At nagkaroon ako ng interes na makilala nang lubusan ang ating wika.

Gumana ang malikot kong isipan. Naitanong ko sa sarili. Kung hahagisan ko kaya ng ipis iyong mga Pilipinong nagsasalita ng wikang Ingles(iyong tipong nandidiri sa wika ng kanilang lahi--Pilipino), isigaw kaya nila ang salitang cockroach? O baka bumalik ang natural na wika ng kanilang lahi, at sabihin ay IPIS! Hindi kaya naman ay murahin ko sila, sabihin ko: PUTANG INA MO! Murahin din kaya nila ako gaya ng salitang aking ginamit? Marahil kung hindi man nila ako murahin gaya ngpagmumura ko, baka ang itugon na lang nila sa'kin ay ganito: MOTHER FUCKER! At kung magkaganoon man, sasabihin ko sa kanya(sa minura ko) na: "naiintindihan mo naman pala ako, ba't nagpapakahirap ka pang pilipitin ang iyong dila sa pagsasalita ng wikang banyaga?" Tapos tatanungin ko siya: "Masarap bang magmura gamit ang wikang banyaga? Hindi ko kasi madama ang iyong galit at inis sa murang iyon e." Naitanong ko rin sa sarili, ano ba ang mas mahirap sabihin, I LOVE YOU o MAHAL KITA? Para sa akin, mas mahirap sabihin ang salitang 'MAHAL KITA,' unang-una mas mabigat ang dating ng kahulugan nito. At saka nakakapanginig balahibo kapag binibitawan ko ang mga salitang iyon(naks, kala mo talaga totoo). Hindi ko alam, pero kapag I LOVE YOU lang, e walang dating kasi normal na sabihin iyong salitang iyon, kumbaga 'common na' hindi gaya ng 'MAHAL KITA' na mas romantiko ang dating at mas totoo.

Sabi nila(sabi ko rin dati) na kapag nagsasalita ka ng Ingles matalino ka, pero bakit sa Pilipinas, madaming nagsasalita ng Ingles pero walang pag-unlad sa ekonomiya, politika at iba pa na may kaugnayan sa bansa? Hindi gaya ng ilang mga bansa sa Asya gaya ng Hapon, Tsina at Korea na hindi tinangkilik ang wikang Ingles, mas mauunlad ang mga bansang ito sa teknolohiya, sa ekonomiya, sa politika at iba pa. Paano ba naman, nasa elementarya pa lang, ginagamit na bilang wikang panturo sa mga asignaturang gaya ng Matematika at Siyensiya ang wikang Ingles, natural hindi maiintindihan iyon ng mga bata sapagkat bago pa lamang sa kanilang pandinig ang wikang iyon--Ingles. Dagdag pa, ang mga lektura ay mula sa mga kanluraning bansa, ibig sabihin iba iyong kultura roon at dito sa Pilipinas, kaya ang mangyayari'y kakabisaduhin na lang ng mga estudyante ang mga aralin para lang pumasa sa mga asignaturang iyon. At kapag nauntog ang mga ito, wala na ang mga minimorya, hindi kasi nag-isip ng husto ang estudyante, kumbaga hindi lumabas ang kanyang pagiging malikhain, kaya kapag nauntog nga siya, ayon, balik ulit sa dati--Gunggong.

Ayos lang naman na pag-aralan ang wikang Ingles. Hanggang doon lang, pero iyong gagawin bilang wikang panturo, naku! isang malaking kaululan iyon. Dapat kasi may sarili dulog sa pagtuturo ang mga guro sa mga asignaturang kanilang hawak, gaya ng Matematika at Siyensiya. Dapat kasi hindi na lang pinagpipilitan ng pamahalaan iyong ganon e, kaya wala rin magawa iyong mga guro at saka baka iyon din kasi ang paraan ng pagtuturo sa kanila noong sila'y mga estudyante pa lamang. Hindi rin naman nakapagtataka, kasi mukhang utak-kolonyal ang pamahalaan, ayon nauto ni Uncle Sam. Bunga nito'y ang pagiging mangmang ng mga Pilipino, masakit man sabihin pero mukhang sa lahay ng aspeto. Nakalulungkot talaga.

Ako bilang Pilipino, ayos lang na magkamali sa paggamit ng wikang banyaga. Tutal narito naman ako sa aking sariling bansa. Huwag lang magkamali sa paggamit ng wikang pambansa--Filipino. Sapagkat habang nag-uusap ang dalawang Pilipino at ang isa rito'y ginagamit ang wikang Ingles at maling-mali pa ang paggamit nito, patuloy lang niyang iwinawagayway ang pagkabobo ng mga Pilipino. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating sariling wika, mamumulat at tatalino ang mga Pilipino. Bago palayain ang kaisipan ng tao, simulan muna ito sa pagpapalaya sa wika, ang wikang Pilipino--Sariling Wika.

Thursday, August 11, 2011

Donya Victorina

(Tula)


Naglipana
mga Donya Victorina
sa'ming bansa,
sa Mindanaw
sa Bisayas
at higit sa lahat sa Luson,
kung saan naroon ang Kamaynilaan
kung saan naroon ang sentro ng kalakalan
at kung saan diniklara ang magiging Wikang Pambansa.

Nangangarap pa rin
mga Donya Victorinang makapangasawa
ng isang Kastilang tutulong
upang sila'y makilala't maging tanyag
pansinin
pag-usapan
at papurihan ng lahat
hindi lamang sa barungbarong ng mga maralita
pati na rin sa palasyo ng uring mapagsamantala,
at kapag naisakatuparan na ito
kanyang kakausapin
mga kilalang tao sa mundo
gamit wikang pangmatalino
at pangangalandakang marunong siyang magsalita ng Espanyol.

Subalit dila mo'y baluktot
hindi ka sanay sa Wikang Kastila
at halata ang pinagmulan mong lahi,
oh Donya Victorina
huwag kang maarte,
kahit gaano pa karami
ilagay na pulbos sa iyong mukha
o isabit na palamuti sa leeg at tainga
kahit gaano pa kaganda ang ilagay
na ginintuang pulseras sa mga kamay
at kahit gaano pa kagarbo iyong kasuotan,
mababakas pa rin
tunay mong katangian.

Oh Donya Victorina
mapalad ka
mabuti't hindi kayo nagpang-abot
ni Pilosopong Tasyo,
makakatikim ka lang
mga salitang maaanghang
na magpapainit na iyong ulo
at magpapataas ng iyong dugo,
tuluyan kang maiinis
sa paratang na ganito:
"Tama na!
Tigilan na ang iyong kahibangan Donya Victorina,
Bakit hindi na lang tanggapin
na ikaw,
oo ikaw nga Donya Victorina
ay isang tunay na Pilipino."

Wednesday, July 27, 2011

Ilusyon

(Maikling kuwento)


Ilang minuto na rin akong nakatayo. Nabuburyong, nagngingitngit at naiinis. Ayaw na ayaw ko talagang naghihintay. Para sa akin ito ang pinakamasakit at pinakamahirap gawin. Hindi lang mental pati na rin emosyonal. Masakit maghintay lalo na kapag wala ka naman talagang hinihintay, pero mas masakit kapag pinaasa kang maghihintay. At ang inaasahan mong dapat na darating ay hindi pala sisipot. Sana sinabi agad ng maaga nang hindi na nakaabala at nang sa ganoon ay hindi ka naghihintay.

"Leche! Tagal ng jip," narinig ko sa isang matandang babae na naghihintay rin ng jip. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na may mga jip naman, iyon nga lang iba ang ruta. Alam naman ng lahat na matrapik kaya gaya ng dapat asahan, matagal talaga ang jip na hinihintay. At saka matanda na siya, hindi ba niya alam, na hindi pa siya pinapanganak ay may trapik na. Kaso ayaw kong madagdagan ang inis ng matandang babae. Inis na rin ako at ayaw kong mahawa at makahawa ng inis.

Hindi ko lubos maisip kung bakit waiting shed ang tawag sa waiting shed na aking kinalalagyan ngayon sampu ng mga taong naghihintay rin ng mga sasakyan patungo sa kani-kanilang pupuntahan. Gayong walang bubong ang waiting shed na ito, at tanging mahabang kahoy na upuan lamang ang natira, okupado pa ni Aleng Mercy na nagtitinda ng mga kendi't sigarilyo. Marahil kinalakal na ang mga bakal dito ng mga taong may matinding pangangailangan. Kaya ang tawag ko rito ay waiting lang, walang shed.

Bago ako umalis ng bahay. Saglit ko munang pinagmasdan ang kalangitan. Maaliwalas ang panahon at maliwanag ang kalangitan kaya't tinanong ko si Inang kung uulan ba? Sabi na lang ni Inang na hindi siya manghuhula, kaya't hindi niya alam kung uulan ba o hindi. Dagdag pa niya, tinatamad na naman daw akong magdala ng payong. Kung gusto ko raw makaiwas sa sakit, magdala ako ng payong, pero kung trip ko raw magpakyut, huwag na raw akong magdala. Nasa akin daw ang desisyon. Marahil ay sawang-sawa na si Inang sa ganoon kong pag-uugali, sapagkat kahit anong pilit niyang ipadala sa akin ang payong, hindi ko pa rin dinadala ito. At gaya ng inaasahan, hindi ko nga dinala ang payong. Pabigat kasi sa bag at saka nagmumukha akong bakla kapag may hawak na payong.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nawala si haring araw, dumilim ang kalangitan, pumatak ang ambon, kumulog at bumuhos ang ulan. Ang mga tao na noo'y naglalakad ay agad-agad na nagtakbuhan upang makahanap ng masisilungan. Ang mga tindero't tindera sa mga bangketa'y agad nagligpit ng kani-kanilang paninda. At ako, walang payong. Kaya ginawa kong pantakip ang aking backpack, ipinatong ko ito sa aking ulo upang ako'y maproteksyunan sa ulan. Hindi man ganoon kainam, pero ayos na ito. Mahalaga huwag lang mabasa ang aking ulo, upang makaiwas sa sakit.

Palibhasa ang ibang mga naghihintay ay may kanya-kanyang payong. Ako ang bukod tanging walang dalang payong. Bunga nito, medyo nababasa ako sa ulan. Bahala na kung mabasa, kasalanan ko rin naman ito, dahil na rin mismo sa pagiging tamad.

Hindi ko na rin alintana ang pagbuhos ng ulan, ang mahalaga'y makasakay ako ng jip papuntang eskwelahan sa lalong madaling panahon.

Nang mga sandaling nababasa ako sa ulan, may nagbahagi sa akin ng payong. Hindi ko alam kung saan siya galing, ang mahalaga hindi na ako masyadong mababasa.

Noong una'y hindi ko siya nililingon, sapagkat sa isip ko, baka pinagtitripan lang ako,subalit hindi ako nakatiis. Saglit akong sumulyap sa aking kaliwa kung nasaan man naroroon ang taong nagbahagi sa akin ng payong. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa.

Naka-heels, naka-skirt, naka-sleeveless at suot ang kanyang itim na jacket. Nakasabit sa kaliwa niyang balikat ang kanyang shoulder bag na kulay berde.

Maputi, makinis ang kutis, mahaba ang binti't hita, balingkinitan ang katawan, malusog ang dibdib, mahaba ang buhok abot hanggang likod, matangos ang ilong, mahaba ang pilikmata, bilugan ang dalawang maitim na mata, may dalawang biloy sa pisngi at may mapupulang labing nag-iimbita para halikan.

Hindi ko na inalis ang aking tingin, nahumaling na ako sa kanyang itsura. Nang mapansin niyang tinititigan ko ang kanyang kabuuhan. Dagli niyang sinipat ang aking mukha, sabay ngiti. Alam kong pagpapakipot ang mensahe ng ngiting iyon. Muli ko siyang nginitian at kanya niya akong kinindatan. Bigla akong nakadama ng kaba mula sa aking dibdib, ako'y napalunok ng laway at napakagat sa aking labi, nangalog ang aking baba at mabilis na tumibok ang aking puso.

Sa matinding pagkatulala, hindi ko napansin na siya'y pasakay na ng jip. Kung hindi pa niya sinabing 'bye,' marahil hindi pa ako magigising sa katotohanang ako'y kanya nang lilisanin.

At muli, naiwan akong nakatayo't nag-iisang nababasa sa ulan.

Isa lang ang hiling ko ng mga sandaling iyon, habang pinagmamasdan ko ang papalayong jip na kanyang sinasakyan.

SANA TUNAY KA NA LANG NA BABAE!

Friday, July 15, 2011

Masdan

(Tula)

magtungo ka
sa pinakamataas na palapag
ng iyong kastilyo
at dumungaw sa bintana
ikaw na pinagpala sa kayamanan sa mundo,
at masdan
totoong buhay sa lipunan.

sipatin
mga batang dugyot
na natutulog sa lansangan
at inaabot ng sikat ng araw,
o di kaya'y ang matandang babaeng gula-gulanit
ang suot na damit
at nangangamoy anghit
na matyagang naghihintay ng limos
sa mga hagdan ng tulay
para sa ikatatagal
ng kanilang buhay,
titigan mo rin
lalaking napanot
sa kahihintay sa lupang dapat sa kanya'y ibibigay
ng Kapitalista,
huwag ka munang magtaas ng kilay
sa mga manggagawang gumagawa ng kilos protesta
sa kalye ng Mendiola
tandaan mong mayroon silang pamilyang paghahandugan
ng kanilang kakarampot na sahod.

at sana
ikaw na pinagpala ng Diyos ni Abraham
ilagay ang sariling katayuan
sa mga bagay na iyong napagmasdan.

Wednesday, June 8, 2011

Ang Pangako

(Maikling Kuwento)


Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
-Colosas 3:20


Nang gabing iyon habang aking hinuhugasan ang aming pinagkainan ni Inay. Para bang may kung anong gumugulo sa aking isipan. Tulala at para bang ayaw kong dumating ang bukas. Marahil kung kaya kong patigilin ang oras, matagal ko na sana itong ginawa nang hindi na humantong pa sa sitwasyong ito. Ayaw ko man sabihin, pero hindi ko maiwasan.

BUKAS NA ANG ALIS KO PAPUNTANG MAYNILA

Ang mga pahayag na iyon ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan. Waring orasyon ng isang sumpa na habang tumatagal sa aking tainga ay mas lalong nagpapasakit at nagpapabigat sa aking kalooban.

"Tagal mong maghugas ah." Pasigaw na tinig ni Inay mula sa aming mumunting tahanan. "Bilis-bilisan mo diyan at pumasok ka agad dito sa bahay. May iuutos pa ako sa iyo."

Hindi ko alam ang dahilan, pero parang kangina pa galit na galit sa akin si Inay. Wala naman akong ginagawang masama, lahat ng kanyang inutos ay aking sinunod. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip ang dahilan, lalo lang tuloy bumigat ang aking nararamdaman. Pakiramdam ko'y gustung-gusto talaga akong umalis ni Inay.

"Opo, Inay!" malumanay ang aking boses sa tugon na iyon.

Saglit kong tinitigan ang mga bulang nasa loob ng batya, at para bang sumasabay sa aking nararamdaman ang mga bulang unti-unting lumilisan. At ilang sandali'y aking nang itinapon ang tubig na nasa batya at nilagyan ng panibagong tubig para sa pambanlaw sa mga kasangkapan.

At sa hindi inaasahang pagkakataon. Nabitawan ko ang plato sa aking kamay. Narininig ni Inay ang pagbagsak ng plato at dali-dali siyang nagtungo sa aking kinalalagyan.

"Oh ano nangyari sa'yo?" tanong ni Inay. Bakas sa kanyang mukha ang matinding pag-alala.

"Ay Inay, nabitawan ko lang po". Nakaupo at nakayuko ako, ayaw kong humarap kay Inay sa kahihiyan at katangahan. Nang mga oras din na iyon, inihanda ko na ang aking sarili para sa sermon na sasabihin sa akin. Subalit ang inaasahang sermon ay hindi nangyari, bagkus naramdaman ko ang kanyang pag-aalala sa akin.

"Nasaktan ka ba?" nag-aalala ang tinig na iyon. "Mag-iingat ka sa susunod ah. Oh sya, linisin mo na lang ang mga bubog diyan."

Hindi ko mapigilan ang sarili. At nang makapasok si Inay sa loob at tuluyang lisanin ang labas. Tumulo ang mga luha sa aking mata. Ngumiti ako pagkat mahigit sa isang linggo na akong hindi kinikibo ni Inay, minsan ay kanya niya pa akong sinusungitan sa tuwing siya'y aking kakausapain sa hindi malamang dahilan. Kaya nang marinig ko ang boses ni Inay sa tonong nag-aalala ay hindi ko mapigilang mapaluha sa saya.

Marahil ayaw din ni Inay na ako'y umalis. Naisip ko, iyon ang paraan ni Inay upang ipakita ang pangungulila sa akin, gayong hindi pa naman ako lubusang nakaaalis sa aming tahanan at sa lalawigang aking kinalakhan.

Nang malinis ko na ang bubog, agad akong nagtungo sa loob bitbit ang batya na kinalalagyan ng mga kasangkapan sa pagkain.

"Pagkatapos mong itaob yang mga plato, ayusin mo na'ng mga gagamitin mo para bukas." ang tinig na iyon ay kumurot sa aking puso. Hindi ko maiwasang lumuha at humagulgol.

"Inay ayaw kong umalis, gusto ko kasama lang kita." patakbo akong nagtungo sa kinauupuan ni Inay sa polding bed at niyakap siya ng mahigpit. Naramdaman ko ang kanyang butuhang katawan sa ginawa kong pagyakap. Ang kanyang tugon ay isang ngiti mula sa kanyang mukhang kakikitaan ng katandaan sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.

"Ayaw ko din naming umalis ka eh." nakangiti si Inay at ilang saglit ay tumulo ang luha sa kanyang bilugang mga mata.

Kanyang inalis ang aking kamay na nakapulupot sa kanyang katawan at ako'y itinayo sa pagkakaluhod. Iniupo niya ako sa kanyang dalawang tuhod. Iyon ang unang pagkakataon na muling ginawa iyon ni Inay mula noong ako'y nasa ika-pitong taong gulang.

"Alam mo Jasmine, hindi habang buhay kasama mo ako. Darating din ang araw na magkakaroon ka ng sarili mong pamilya. Kaya nga mula nang ika'y pumasok sa paaralan, natutong magbasa at magsulat e sinanay na kitang tumayo sa sarili mong mga paa. Nang sa ganon pagdating ng tamang panahon ay matuto kang harapin ang tunay na buhay dito sa mundong ibabaw kahit hindi mo na ako kasama."

Ilang beses nang sinabi sa akin iyon ni Inay. Pero nang mga oras na iyon, pakiramdam ko'y bumalik sa aking alaala kung kailan niya unang sinabi ang mga katagang iyon. Para bang nanumbalik ako sa pagkabata kung kailan ay puro pangaral ang lagi kong naririnig sa bibig ni Inay.

"Gusto kong matupad ang mga pangarap ko sa iyo. Alam mo naman na mula pagkabata mo'y hindi lang ang pagiging Ina ang naging papel ko sa iyo, ako rin ang nagsilbi bilang iyong Ama. Pagkat nilisan niya tayo nang ako'y nagbubuntis sa iyo. Ayaw kong magaya ka sa akin na greyd por lang ang natapos, kaya ito hirap maghanap ng trabaho. Kaya nga pinagtiyagaan ko ang pagtitinda ng gulay, mapalaki ka lang at mabigyan ng maayos na buhay. Hindi ko ikakahiya ang trabaho na ito pagkat ito ang tumulong sa atin. At sa pagpasok mo sa kolehiyo sa Maynila, magtatrabaho ako ng maayos, sisipagan ko pa ng husto para may maipadala ako sa iyo buwan-buwan, pambayad sa upa sa dorm at alawans mo na rin." Tulala si Inay nang sinasabi ang mga salitang iyon. At biglang-bigla ay nabaling ang kanyang tingin sa akin. Inalis nya ako sa aking pagkakaupo sa kanyang hita at kanyang sinipat ang drower sa lamesa. Kanyang nilapitan at binuksan. Pagbalik ay kanya nang tangan-tangan ang isang puting sobre, sabay abot sa akin.

"Inay! Ang laking halaga po nito ah, saan po galing ito?" pagtataka kong tugon.
"Ipon ko yan sa pagtitinda ng gulay. Mula nang tumuntong ka sa hayskul ay sinimulan ko nang mag-ipon para sa iyong kinabukasan."
"Eh Inay, kayamanan na po natin ito eh!"
"Tatanggapin mo ba o hindi? Bukas ko pa sana ibibigay yan sa iyo, kaso di ko mapigilan. Pagkasyahin mo yan sa loob ng kalahating taon, anak." Nakangiti si Inay sa akin. Ang mga ngiting iyon ay nagbigay sa akin ng inspirasyon at sigla para mag-aral ng mabuti.

"Huwag kang mag-alala Inay, akong bahala sa iyo, mag-aaplay ako ng iskolarship don sa Pamantasang papasukan ko, para menos gastos na rin po Inay." Bigla akong napayakap ng mahigpit kay Inay, gusto kong ipakita ang aking pagmamahal sa mga yakap na iyon. "Mahal po kita Inay." At bigla kong hinalikan si Inay sa kanyang pisngi.
"Mahal din kita anak ko, ako lang sasabihan mo ng ganon ah, at ako lang din dapat bibigyan mo ng ganong matamis na halik, okey? Huwag na huwag mong ibibigay yan sa lalaking hindi karapat-dapat tumanggap niyan. At tandaan mo, kapag nasa Maynila ka na. HUWAG KANG MAGBOBOYFREND." Nagkasabay kami ni Inay na sabihin ang huling katagang iyon at biglang kaming nagkatinginan sa isa’t isa kaakibat ang sabay na pagtawa.

"Sabi na eh, yun yung sasabihin mo Inay, kaya sinabayan na kita."
"Buti naman at alam mo, sana hindi mo lang basta alam, sana'y gawin mo din." Nakangiti si Inay habang ako'y kanyang pinapangaralan.

Nang ako'y nag-aayos ng mga gamit. Hindi ko malaman ang nararamdaman. Halo-halong emosyon ang nangingibabaw sa akin. Kinakabahan at natatakot pa rin ako, kahit sinanay na ako ni Inay na tumayo sa aking sariling mga paa, eh iba pa rin ang pakiramdam ng mga oras na iyon. Para bang gusto ko na lang umatras at itigil ang plano para bukas. Subalit naalala ko ang mga ngiti kangina sa akin ni Inay, ngiting dulot ay pag-asa. Oo, dapat ipagpatuloy ang paglalakbay, kailangan kong maiahon si Inay sa kahirapan. Kailangan kong matupad ang aking pangarap at kailangan kong mapasaya si Inay.

Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi kakaisip sa mga mangyayari sa akin ngayon. Halo-halong emosyon pa rin ang nangingibabaw sa akin. Hindi ko na nga rin alam kung paano at anong oras ako nakatulog. Basta ang alam ko ngayon, simula na ng aking paglalakbay at pagtupad sa aming mga pangarap ni Inay.

Gagayahin ko ang aking aydol at pinakamamahal na guro ng aking buhay, si Inay. Ipapakita ko sa mundo na hindi ako basta-bastang babae, ipapakita ko na kaya rin gumawa ng kasaysayan ng mga babae. At ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya upang makabawi sa lahat ng tulong na ibinigay ni Inay kahit hindi niya hinihingi ang mga kapalit na iyon.



Bago ako umalis ay nagkausap muna kami ni Inay. Niyakap niya ako at ganoon din ako sa kanya. Pinabaunan niya ako ng mga halik at yakap. Nag-iwan din siya ng mga pangaral at tagubilid na tanging sa kanya ko lamang maririnig. At bago kami tuluyang maghiwalay ay nag-iyakan muna kami sa aming tahanan.

"Tandaan mo Jasmine lahat ng sinabi ko sa iyo. Lahat yan ay totoo, kaya maniwala ka sa akin. Gawin mo lahat ng aking tagubilin, sundin mo ang lahat ng iyon, pagkat ito'y makakabuti para sa iyo. Lahat ng ginawa ko ay para sa iyo. Para sa ikabubuti ng buhay mo. Mag-iingat ka. Mahal kita anak ko."

Monday, May 16, 2011

Respeto

(Maikling Kuwento)


Sana nakauwi nang ligtas ang aking mahal. Kahit minsan sinasaktan niya ako e ayos lang sa akin, basta makita kong masaya siya, masaya na rin ako. Ayos lang sa akin kahit lagi ko siyang hinahatid at sinusundo sa kanilang iskul, ang mahalaga kahit sa kaunting oras na iyon nakasama ko siya. Ayos lang din sa akin kahit hindi niya ako ipakilala sa kanyang mga kaibigan o sa kanyang parents, basta para sa akin siya lang kilala ko sa aking buhay. Siya lang ang aking nag-iisang mahal, kahit minsan nararamdaman kong niloloko niya ako, ayos lang sa akin ang lahat, basta lahat gagawin ko para lang sa kanya. Handa akong ibigay at ialay ang lahat, pati ang aking buhay, basta mapasaya ko siya. Kahit hindi niya ako pinapansin kapag minsang magkasama kami sa aming pamamasyal, ayos lang sa akin iyon. Kahit pisikal niya akong sinasaktan, ayos lang sa akin, kahit batukan at suntukin niya ako sa kaliwang braso, sa harap ng madaming tao o kaya sa mall na tuwing magkasama kami, ayos lang sa akin ang lahat.

Kahit minsan umaabsent ako sa work makasama ko lang siya e ayos lang, kahit kunin niya ang kalahati ng aking sweldo tuwing kinsenas at katapusan ay ayos lang sa akin. Hindi ko iniinda ang lahat ng iyon. Kahit na ano pang sabihin sa akin ng mga tao, hindi ko sila pakikinggan. Basta mahal ko siya at walang pwedeng humadlang sa amin.

Mag-aapat na buwan na rin mula ng maging kami. Pero pakiramdam ko parang kahapon lang nangyari ang lahat ng iyon. Sariwa pa rin ang mga alaalang nagbigay kulay sa aking buhay. Dahil sa kanya, naging makulay ang mundo kong matamlay. Siya ang aking inspirasyon sa lahat ng bagay.

"Ay! Tama na muna itong pagiging sentimental ko, nariyan na pala yung tren ng MRT."

"Aray!" nasambit ko habang pumapasok sa loob ng tren ng MRT. Medyo nagulat lang ako ng kaunti sa eksenang iyon, pero sanay na ako sa ganito, yung tulakan, pisikalan, para bang naka-box out sa bassketball. Minsan kapag nakatayo ako sa harap ng pinto ng tren ng MRT, hindi na lang ako gumagalaw, sumasabay na lang ako sa agos na gawa ng mga taong kasabay kong papasok sa tren. Minsan naman kapag alam kong papasok na sa tren, pumipikit na lang ako, at sa aking pagdilat, nasa loob na ako ng tren.

At ito na nga, gaya ng aking inaasahan. Siksikan sa loob ng tren, yung tipong ulo mo na lang ang maigagalaw sa sobrang siksikan sa loob. Sa aking harapan, yakap-yakap ko ang aking bag, na para bang siya ang aking kasintahan at ayaw kong iwanan. Mahirap na baka may magtangka pang mandukot sa aking bag, kahit wala naman masyadong pakikinabangan dito, nag-iingat pa rin ako. Mahirap na talaga.

Metropolis Santolan Station. Paparating na sa Metropolis Santolan Station.

Haynaku! Laging ganito tuwing weekend, lalo na kapag uwian galing sa trabaho. Kapag rush-hour, hindi rin mahulugan ng karayon sa MRT sa dami ng taong sumasakay at bumababa sa higanteng metal na uod na ito.

Buti naman kahit papaano nabawasan ng kahit limang tao dito sa loob ng tren. At dahil may mga lumabas, natural may mga papasok din. Dahil napunta ako malapit sa pinto ng tren, makikita at madidikitan ko ang papasok na pasahero ng tren. Buti na lang at isa lang ang papasok. Bakla pa. Ayos lang sa akin kahit katabi ko siya, wala naman kaso sa akin yun e.

Ortigas Station. Paparating na sa Ortigas Station.

Nagsara na nga ang pinto ng tren ng MRT at nagsimula na naman itong tumakbo. Ang katabi kong bakla, tingin nang tingin sa akin. Yung tingin na nakaka-insulto, may pangiti-ngiti pang nalalaman. Marahil gustung-gusto niya ang kanyang puwesto. Sa harap ko ba naman nakapuwesto e, pero hindi kami masyadong magkaharap, medyo nakatagilid siya sa akin pakaliwa, habang ako nama'y nakaharap sa pinto ng tren at pinagmamasdan ang mga tanawing aming nadaraanan. Kitang-kita sa itaas ang mga sasakyang tila naghahabulan at naghahabol sa oras. Makikita rin dito ang mga establisyimento na pagmamay-ari ng mga negosyante.

"Tsk!" ba't ba tingin nang tingin tong bakla na ito sa akin. Nakaka-insulto talaga, tapos sinasadya niyang idikit ang kanyang braso sa aking katawan habang siya'y nakangisi. Leche to ah, bastusan ba gusto nito? Hindi na ako ginalang ah. Kakainsulto talaga ang ginagawa niya. Ano bang meron sa akin? Maputi, katamtamang taas at medyo singkit lang naman ako. Marahil dahil nakasaydbyu siya kaya hindi makaamoy. Pero oks lang sakin, iniintindi ko na lang siya. Tao rin naman yan e, may damdamin din. Tao lang rin yan na kagaya ng mga lalaki't babae na nagkakaroon ng pagnanasa sa kanilang kasalungat ng kasarian.

At saka baka hindi naman sinasadya ng bakla na ito na tsansingan ako. Pero oks lang yun, wala sa akin ang ginagawa niya, basta ako wala akong ginagawang masama.

Shaw Boulevard Station. Paparating na sa Shaw Boulevard Station.

Hindi ko namalayang baba na pala ako dito sa estasyon na ito, madaming bumababa at madami rin sumasakay rito, at ito nga isa ako sa mga bababa. Kasabay ko rin palang sa pagbaba ang bakla na nakatabi ko kanina sa loob ng tren.

Habang naglalakad ako papunta sa terminal ng jeep na may rutang Libertad-Kalentong. Hindi pa rin mawala sa aking isip ang aking kasintahan. Nag-aalala ako kung nakauwi ba siya ng ligtas sa kanila. Hindi man lang kasi nagtetext sa akin, hindi nagpaparamdam, kaya ganon na lang katindi ang aking pag-aalala. Hanggang sa makapasok ako sa jeep na aking sasakyan, tulala at tuliro pa rin ako.

"Magtext ka na kasi nang hindi ako mag-alala sa iyo!" naibulong ko sa aking sarili.

Nakapuwesto ako sa likod ng drayber ng jeep. Wala lang, gusto ko lang talagang pumwesto rito. Gusto ko kasing makita ang mga daraanan namin. At saka gusto ko na ako yung taga-abot ng bayad ng mga pasahero papunta sa drayber. Pakiramdam ko kasi ang sarap ng ganoon, ang saya ng gawain na iyon, na kahit sa simpleng pagsasabi lang nila ng "Salamat" sa tuwing iaabot ko ang kanilang mga bayad, para bang tumataba ang aking puso sa simpleng salitang iyon.

"Doon ka sa kabila bakla!" sabi ng isang bakla sa kapwa niya bakla na kasasakay pa lamang sa jeep.
"Oo na! Kailangan pang ipamukha na bakante sa kabila?" tugon ng isang bakla habang ito'y nakangiti sa kasama.

Katabi ko ang unang bakla habang ang kanyang kasama ay aming kaharap. Nakayuko ako habang ang kaliwa kong braso ay nakapatong sa sandalan ng drayber. Hinihintay ko pa rin kasi ang text ng aking mahal. At sa tingin ko hindi babalik ang ngiti sa aking mga labi hangga't wala akong natatanggap na text mula sa kanya.

Kahit walang laman yung text niya. Kahit space lang o kahit blangko. Basta magtext lang siya, kasi lalong tumitindi ang aking pag-aalala e.

"Bakla peram nga ako ng isa mong pamaypay!" init na init ang mukha ng katabi kong bakla habang nanghihiram ng pamaypay sa kanyang kasama.
"Nasa bag mo teh, ulyanin ka? Diyan mo nilagay kanina yung pamaypay ko!" tugon ng nasa harap naming bakla.

Tiningnan ng katabi kong bakla ang kanyang bag at nakita nga ang berdeng pamaypay.

"Ay! Sorry sister, nandito pala," nakangiting tugon sa kasama niyang bakla.
"Sabi sa iyo e!" sabay kurot sa tuhod ng baklang nasa harap namin sa katabi kong bakla. At hindi nila napansin na kanina pa nila ako nasasanggi sa kanilang paglalandian.

Hindi man ako nakatingin sa kanila pero alam ko ang mga galaw na kanilang ginagawa. Kahit hindi ko sila tignan, naririnig ko naman sila. Narinig ko rin ang sinabi ng kaharap naming bakla.

"Ang kyut!"
"Ng ano?" tugon ng katabi kong bakla sa kanyang kasama.

Hindi ko man nakita na itinuro ako ng baklang nasa aming harapan, pero ramdam ko naman na ako ang tinutukoy nito na cute. Sa pagkakataong iyon, muli na naman akong na-insulto at naalala ko ang aking nakatabi kanina sa MRT. Pero mas naaasar ako dito sa mga baklang ito. Kasi sila sinasadya nilang pagtripan ako. Yung isa kong katabing bakla, pinapaypayan ako, hindi ko man tignan pero ramdam ko ang hanging dumadampi sa aking balat. Ramdam ko na ako ang kanyang pinapaypayan at hindi ang kanyang sarili. Sa isip ko: Hindi ba kayo makahalata? Badtrip na ako tapos dadagdagan niyo pa. Hindi ba kayo makaamoy? Manhid ba kayo? Hindi ba ninyo nakikita?

Pero kagaya ng reaksyon ko sa naunang bakla kanina sa MRT, iintindihan ko na lang sila, wala naman sa akin ang kanilang ginagawa. Hindi ko sila masisisi, yun ang kanilang gusto e, at saka wala rin silang nalalaman tungkol sa akin. Marahil tinitignan nila ako sa aking pisikal na kaanyuan at pagiging tahimik.

Iyon marahil ang kanilang tinitingnan na basehan para ako'y bastusin, pero kung alam lang nila, tiyak na magugulat sila.

Nabasag ang aking katahimikan nang manginig ang aking selpown sa bulsa ng aking pantalon. May nagtext, at nang tignan ko, numero lang, marahil hindi nakaseyb ang numeor na ito o kaya naman baka nakitext na naman ang aking mahal. Kung ano man ang laman ng mensahe na iyon ay bahala na. Pero sana ang aking mahal ang nagtext para matanggal na ang lumbay na kanina ko pa dala-dala sa aking puso't isipan.

Nang tignan ko ang laman ng text, hindi nga ako nagkamali, ang aking mahal ang nagtext. Mabilis na tumibok ang aking puso. Nang mga sandaling iyon lalo ko siyang namiss. At bigla akong napangiti at napaluha ng kaunti.

Rico, kkauwi qo lng,
d2 n aqo s hauz...
michael i2, nktx lng aqo...
i luv u =>>

Friday, May 6, 2011

Ikaw na Manunulat

(Tula)

Ikaw na mayroong ikatlong mata
ikaw na nagmamahal sa mga letra
ikaw na mapili sa mga salita
ikaw na kasiping ng pluma
ikaw na manunulat
ikaw na mapanuri
ikaw na mulat
ikaw na gising sa katotohanan
ikaw na makata
ikaw na kritiko ng buhay.

Sana'y huwag kang padikta sa iilan
sumulat ka para sa masa
at para sa bayan
huwag kang papasilaw sa kinang pera
huwag kang gumaya
sa mga nagpapanggap na maka-bayan
na dahil lang sa pera
pinagpalit kanilang paninindigan
huwag ka nang makisali
sa paglikha ng mga pantasya
na naglalayo sa reyalidad ng buhay
ikaw na makata
ang dapat manguna
sa pagbuo ng isang lipunang makatao
malaya
at progresibo.

Patuloy mong pagyamanin
ating wika
at literatura
pausbungin ating kultura,
maglakbay ka
ikaw na makata.

Tuesday, May 3, 2011

Ang Init

(Tula)

kahit hindi nakikita
ramdam ang presensiya
bawat segundo
katumbas pawis na gamunggo
na nagmumula sa iba't ibang parte ng katawan
inakalang madadaan sa ligo
subalit ang paraan ay panandalian lang
kaya't mas nais na magbabad sa banyo
nang hindi na muli tayong magtagpo
ngunit wala pa rin magawa
hindi kita matakasan
bawat galaw
bawat kilos
kapalit dagat na pawis
na lumulunod sa akin
at tuluyang nagpapainit
sa ulong inis na inis.

Thursday, April 28, 2011

Samahang Makulay

(Tula)

ang ating samahan
ay gaya ng bituin sa kalangitan
na sa sobrang ningning
sa dilim ay kumukutitap
tayo'y sabay nagkikislapan
sa gabing malamig
at puno ng lumbay
nag-aawitan mga puno't halaman
sa pagwawagayway ng ating kaningningan
liwanag nating taglay
sa bawat isa'y isang gabay
sana'y hindi na matapos ang gabi
nang tayo'y hindi maglaho
sapagkat ang gabi ang ating mundo
at ang sikat ng araw
simula ng ating hiwalayan.

Tuesday, April 19, 2011

Isang Umagang Malamig

(Tula)

isang umagang malamig
nakita kong nagkakape si Ama
namumungay ang mata
ilong ay namumula
at dinadalahit ng ubo
butuhang katawan nito.

napasuntok ako
sa kinahihigaan
nang kami'y magkatinginan,
ngumiti siya
tumango ako
patuloy siyang humigop
ng kapeng nasa baso.

ilang saglit
tumindig si Ama
pagkat kape ubos na;
inilagay sa lababo
ginamit na baso at kapares na suro.

sa balikat tinapik ako
muling dinalahit ng ubo
at kay ina ay nagpaalam:
papasok na ako.

Saturday, April 9, 2011

Gunting

(Maikling Kuwento)


Mahigit sa isang buwan na rin mula nang magbukas ang klase sa Nueve de Febrero Elementary School. Tila unang araw pa rin ng pasukan sa mga estudyanteng pumapasok. Para bang hindi natatapos ang kanilang pananabik sa pagsisimula ng klase. Sabik silang makilala pa ang iba nilang kamag-aral.

Ang ilan ay hinahatid pa ng kani-kanilang mga magulang subalit madami sa kanila ay walang naghahatid. Ang iba ay nakasakay pa sa tricycle, iba naman ay naglalakad.

Tuwing unang lunes ng buwan ay flag ceremony na para bang isang ritwal na kanilang ginagawa. Inaawit ang pambansang awit gayon na rin ang awit ng kanilang lungsod, nanunumpa at nagdarasal. Malimit mayroon nagpapakitang gilas sa entablado na labis na kinamamanghaan ng mga estudyante. At matapos ang ritwal na ito, magsisimula nang magsipasok ang mga estudyante sa kani-kanilang silid-aralan.

Nakahanay, magkahiwalay ang lalaki sa babae, sa huli ang matatangkad at sa unahan ang maliliit. Magkakasunod din na aakyat ang mga estudyante ayon sa kanilang baytang at kinabibilangang numero. Lagi una ang babae sa lalaki sa pila. At sa dulo nito ay ang kanilang tagapayo. Nakaayos na magtutungo ang mga ito sa kanilang silid-aralan upang simulan ang klase. Ang ibang mga estudyante ay hindi maiwasang pag-usapan ang nangyari sa kanilang natunghayan kanina noong flag ceremony. At hindi naman nag-aatubili ang kanilang tagapayo na sitahin ang mga ito. May ilan na inaantok, ilan naman ay tila nahihiya pa rin sa klase. Ang iba ay hindi umiimik, at kung ikaw ang kanilang tagapayo at sinubukan mo silang kausapin o tanungin, tanging ngiti lamang ang kanilang maitutugon. Ngiti habang inilalayo ang mukha sa kausap. Ang ilan naman ay pabibo kung kausapin, para bang tumutula kung sila'y nagsasalita.

Einstein-6. Ito ang hawak na klase ni Mrs. Florentino na nasa ikatlong baytang at ikaanim na pangkat. Madami sa klaseng ito ang mga kababaihan, at tila ba nauubos ang populasyon ng mga kalalakihan.

Isa sa mga estudyante ni Mrs. Florentino ay si Jonathan. Maliit at maitim ang nasabing bata. Nasa 9 na taong gulang. Payat ang kanyang pangangatawan, sarat ang ilong at may kahabaan ang kanyang baba, malamlam ang mata na waring may tinatago na kung ano; at tila isang kalbaryo ang pagbubuhat sa kanyang napakalaking bag na punong-puno ng mga libro at notebook na ginagamit sa kanilang klase. Tahimik at mailap si Jonathan sa mga taong hindi niya kilala gayon na rin sa mga taong gustong kumausap sa kanya. Tipid kung magsalita at mahiyain kung humarap sa tao, wari’y isang makahiya ang kanyang pagkailap.

Isang umaga sa kanilang silid-aralan. Tahimik na hinihintay ng mga estudyante si Mrs. Florentino. At lumipas ang mahigit sa sampung minuto ng nakatakdang oras ng kanilang klase ay dumating na nga si Mrs. Florentino na kanilang tagapayo at guro sa ilang mga asignatura sa klase.

Tumindig ang buong klase nang makita nila si Mrs. Florentino na papasok sa kanilang silid-aralan.

"Good morning Mrs. Florentino."

Dire-diretso ang guro sa pagpasok, tanging pagtango lamang ang itinugon nito, at isang kumpas ng kamay paibaba na naghuhudyat ng pagpapaupo sa buong klase.
Sinusundan nila ng tingin si Mrs. Florentino. Gulat ang ilan at waring nagtatanong sa mga katabi kung sino ang kasama ng tagapayo.

"Okey klas, may bago kayong kamag-aral." Matiim ang tingin ni Mrs. Florentino sa kanyang mga estudyante habang nagsasalita, waring nagbabanta na maging mabait sa bagong kamag-aral. "Ang pangalan niya ay Augosto Guerero, galing siya sa private school. Sana klas ituring ninyo siyang kapatid. Maging mabait kayo sa kanya at ipakita ninyong disiplinado at magagaling din ang mga estudyante sa public school. Okey ba yun?" May katabaan, maputi at matangkad ang nasabing bagong kamag-aral, may katangusan ang ilong. Kalbo ang kanyang ulo, ang kanyang mga mata ay alanganing singkit at alanganing bilog.

"Yes ma'am." Sabay-sabay ang buong klase sa pagsang-ayon sa sinabi ng kanilang tagapayo.

Lumipas nga ang ilang araw, nagkaroon ng bagong kaibigan si Agosto. Mabait kasi siya. Subalit kalaunan ang inaakala nilang mabait na pag-uugali ay nagbunga ng pang-aabuso. Malimit niyang sinusuntok sa braso ang ilang mga kamag-aral na lalaki. Ang mga babae naman ay hindi nakaliligtas sa kanyang malikot na pag-iisip. Minsan ay nilalagyan niya ng babol gam ang upuan at kapag tuluyan nang naupuan, agad itong hahalakhak. Nagawa niya na rin ang magdikit ng papel sa likod ng isang babae na may pahayag na “pangit ako.”

Wala naman magawa ang kanyang mga kamag-aral mapalalaki man o mapababae, pagkat takot sila kay Augosto.

Isang umaga iyon. Reses. Nang magpang-abot si Augosto at Jonathan. Sinuntok ni Augosto si Jonathan sa kanang braso. Inaakala ni Augosto, hindi papalag si Jonathan sapagkat tahimik lang ito at walang imik sa klase. Subalit ang kanyang inaakala kay Jonathan ay mali pala. Isang sapak sa mukha ang natikman ni Augosto, nayanig ang mistisuhing bata sa sapak na natanggap kay Jonathan. Isa naman dagok sa sikmura ang itinugon ni Augosto. Sa pagkakataong iyon, halos maisuka ni Jonathan ang kanyang kinain. Namilipit at waring mapapaluha. Pigil ang pagluha, nanginginig ang kanyang mga labi na para bang gigil maghiganti. Hawak ang kanyang tiyan habang baluktot na nakatayo.

"Kala ko papalag ka e." Kinakapa ni Augosto ang parte kung saan siya nasuntok ni Jonathan.

Nang mga sandaling iyon, wala sa kanilang kuwarto si Mrs. Florentino, takot namang tumawag ang kanilang mga kamag-aral sa guro. Takot sila na baka sila ang pagbuntunan ng galit ni Augosto.

Habang papabalik si Augosto sa kanyang upuan, sinusundan ito ng tingin ni Jonathan. Nanlilisik ang mga matang iyon waring gustong maghiganti. Nanginginig ang kanyang kalamnan waring sasabog sa galit.

Subalit nawala ang galit na ito ni Jonathan nang biglang siyang lapitan ng kanyang pinsan na si Micah. Hinihimas ang likod ng batang lalaki na para bang binibigyan ito ng atensyon at simpatya sa nangyari.

"Hayaan mo na lang yan si Augosto, huwag mo na lang patulan, huwag kang gaganti, isusumbong ko yan kay kuya, para banatan sa labas."
"H--huwag, huwag mong gagawin yun, huwag kang magsumbong sa kuya mo. Hayaan mo na lang siya. Mamamatay rin yan." Nang sandaling ito, nakangiti na si Jonathan, para bang walang natamong suntok. Para bang masaya sa kanyang buhay. Sabay ngiti sa kanyang pinsan.

Klase nila iyon sa M.S.E.P. Gagawa sila ng isang collage. Pinagdala sila ng kanilang guro ng mga bagay na kanilang kakailanganin sa paggawa ng collage. Mga larawan, bond paper, color pen, paste at gunting.

Masayang gumagawa ang buong klase ng kani-kanilang gawain. Subalit nang magtungo sa labas ang kanilang tagapayo ay hindi na sila nasubaybayan nito. Biglang-bigla ay nagsimula na naman ang kapilyuhan ni Augosto. Sinusulatan niya ang uniporme ng ilang mga kamag-aral, ang ilan ay umiiyak, ang ilan naman ay parang manhid na sa ginagawa ni Augosto. Hindi nakaligtas si Micah sa pagmamalupit ni Augosto, hindi naman talaga dapat siya pagtitripan nito subalit nagalit ito sa kanyang ginawa, sa pagbibigay simpatya kay Jonathan sa nangyari kanina.

Sinulatan ang blusa ni Micah, nilagyan ng pandikit ang kanyang buhok at ginupit ang dulong bahagi ng palda. Agad na humagulgol ang batang babae. Napansin ito ni Jonathan. Nanginig ang buo niyang katawan. Naalala niya ang kanyang mga nakitang pagmamalupit ni Augosto sa ibang kamag-aral. Naalala niya rin ang ginawa nito sa kanyang panununtok, sa kanya ang pagbibigay atensyon ni Micah kangina sa nangyari sa kanya. Ang mga alaalang ito ay naglalaro sa kanyang isipan. Bigla-bigla ay nanginig ang kanyang katawan, namula at tila sobrang init gaya ng isang apoy sa gasera na kapag napabayaang patayin ay manunupok ng isang tahanan, uubos ng isang sambayanan at mag-iiwan ng isang malungkot na alaala.

Hindi nag-atubili ang kanyang katawan at isipan. Agad niyang kinuha ang gunting. Tumindig at dahan-dahang lumapit kay Augosto, hindi napansin ni Augosto na papalapit si Jonathan sapagkat ito ay nakatalikod at pinagtatawanan ang umiiyak na si Micah.

Hawak ni Jonathan ang gunting sa kanang kamay, nanginginig ito, nakausli ang matulis na bahagi nito sa kamay ni Jonathan. Nanlilisik ang kanyang mga mata, nais maghiganti. Pulang-pula ang kabuuan ni Jonathan. Ang dating tahimik na bata, ngayon ay gustong sumabog, waring isang bomba na mamiminsala ng buhay.

Sa isang kisap mata, biglang-bigla ay sinaksak ni Jonathan ng hawak na gunting sa kanang bahagi ng leeg si Augosto.