Kadarating
lang ni Jojo sa kanilang tahanan mula sa kanyang paaralan. Pagod at hapung-hapo
mula sa mahabang lakarin.
"Ano'ng ulam 'Ma?"
"Me sardinas diyan, buksan mo na lang." Saglit siyang
napailing bago sumagot sa kanyang Mama.
"Sardinas lang!?" Gulat niyang tanong sa Ina.
"Kapal ng muka mo, buti nga may sardinas, e.
'Yung iba nga diyan walang nang makain. Saka high school ka pa lang, wala ka
pang trabaho. 'Wag kang magreklamo, ako nga hindi pa kumakain, kung magtitira
ka man, 'yon na lang ang sa'kin."
Nakasimangot niyang kinuha ang kutsilyo at sardinas. Yamot na
yamot habang binubuksan ang lata. Nang mabuksan na, ito'y kanyang nilagay sa
isang platito. Binudburan ng kaunting iodised salt.
Hinalo at may ulam na siya para sa hapunan.
Kumuha rin siya ng plato at ng kanin. Nang makaupo na, masama pa
rin ang kanyang loob sa ulam. Tumatak sa kanyang isip ang kanilang sagutan ng
Ina kanina.
'Tang'na kasi, pagod na pagod ka galing sa school,
tapos Sardinas lang ulam mo! Tang'na talaga." Naibulong
niya habang kumakain.
Nang nasa kalagitnaan na siya ng kanyang pagkain, nagbilin sa
kanya ang Ina.
"Mamayang alas-otso, itapon mo ang basura ha." At agad na nagtungo ang kanyang Ina sa
labas.
Natapos na ang kanyang pagkain. Kahit na gutom na gutom siya nagtira
pa rin siya para sa kanyang Ina, dahil sa sumbat na kanyang narinig kanina.
Wala rin siya sa wisyo kumain kaya wala siyang ganang kumain. Nabusog na lamang
siya sa sama ng loob.
Tiningnan niya ang orasan. 8:06 PM na. Kailangan na niyang
magtapos ng basura. Kahit hindi siya paalalahanan ng Ina, alam niya ang kanyang
responsibilidad. Sa kanya nakatoka ang pagtatapon ng basura.
Saglit na nagpahinga. Inilagay sa basurahan ang lata. Itinali
nang maigi ang basurahan at agad na lumabas para magtapon.
Habang nasa daan. Masama pa rin ang kanyang loob sa Ina at sa
ulam. Patuloy pa rin sa pagdaramdam.
Malapit na siya sa tambakan ng basura nang biglang may patakbong
sumalubong sa kanya. Si Rico. Anim na taong gulang. Walang salawal, marumi ang
damit at tumutulo ang uhog sa kaliwang butas ng ilong. Dugyot.
"Ako tapon basura mo." Nakangiting salubong ni Rico, sabay
singhot ng uhog.
" 'Di na, malapit na, e. Tsaka walang akong
pambayad sa'yo." Walang
emosyon ang tinig ni Jojo. Masama pa rin ang kanyang loob. Nagdaramdam.
"Wala bayad, libre." Singhot.
Biglang-bigla, inagaw ni Rico ang hawak na basura ni Jojo.
"Tang'na mo, kulet mo talaga, sinabi nang ako
na'ng magtatapon, e."
"Ko na nga, e." Nakangiti si Rico nang hinablot ang basura. Singhot.
Walang pakialam sa pinagsasabi ni Jojo.
Kinapa-kapa niya ang basura at naramdamang may lata. Lalo itong
napangiti na para bang nakakita ng kayamanan. Singhot.
Si Manang Jenny naman na nasa kanilang likuran ay napansin ang
nangyari.
"Kaya naman pala gustong kunin 'yun basura mo,
me lata, e." Nakangising
sabi ng Manang.
"Tempwe, baka unahan ako ibang mambabatura, aka
lakakal din 'to," tugon
ni Rico habang kinakapa ang basura.
Biglang-bigla, natulala na lang si Jojo mula sa kanyang
kinatatayuan. At nanumbalik sa kanyang alaala ang mga pahayag ng Ina bago siya
kumain ng hapunan kanina. Bigla niya rin naalala ang Ina kung ito ba'y kumain
na. At biglang tumulo ang luha sa kanyang kaliwang mata nang hindi niya
namamalayan. Agad siyang napailing sa nangyari.
"Si mama talaga."
No comments:
Post a Comment