Wednesday, May 29, 2013

Nothing Is Sacred Anymore: Paano Mo Ipakikilala Ang Ayaw Magpakilala?


(Non)Fiction:

HINDI KO TALAGA ALAM kung ano ‘yong magandang diskarte para makausap ang manunulat na si Ave Perez Jacob. Kahit madalas ko siyang makita sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay nahihiya pa rin akong lapitan siya. Ewan, ang laki ng takot ko na lapitang ang isang bigating manunulat. Baka kasi kung magpadalos-dalos ako sa aking mga galaw at hindi pinagplanuhan kung paano ba lalapitan ang tinitingalang si Ave Perez Jacob inisip ko na baka mabulyawan ako. Kahit matanda na si Ka Ave, halata pa rin sa itsura niya ang pagiging nakakatakot. Kung sa bagay, marami ring naikuwento sa amin si Ka Roger (Rogelio L. Ordonez) tungkol sa mga napagsamahan nila noong kalakasan pa nila. Tandang-tanda ko pa, sabi ni Ka Roger, n’ung minsang may nakaaway si Ka Ave, ay inuntog ang ulo sa pader. Wala raw nakapagpaawat doon kundi ang kanyang matalik na kaibigang si Ka Roger. Kaya kung titignan mo, bakas pa rin sa itsura ni Ka Ave ang pagkakaroon ng katangiang nakakatakot.
Inisip ko rin kung ano ba ang mga magandang tanong na maaaring ibato sa kanya. ‘Yong tanong na hindi siya mao-offend. O kaya hindi niya ako pagdidilatan ng mata. Mahirap, masama magalit ang matanda. Baka makatikim pa ako ng mura na makakapagpahiya sa aking sarili. Naalala ko ang isang kuwento dati. Narinig ko lang ‘to sa mga solid na tao na taga-PUP at ganito ang kuwento.
Noong kalakasan daw ni Ka Ave sa pagtuturo. Talagang kung makapagmura siya, tagos hanggang buto at ramdam mo talaga ang sakit kahit hindi ikaw pinatutunguhan ng mura. Tapos sa klase ni Ka Ave, may isa siyang estudyanteng galling ata sa konserbatibong pamilya at hindi sanay makarinig ng mga mura. Kaya ang ginawa ng batang ‘to e isinumbong sa kanyang nanay. Ginawa naman ng nanay, sumugod sa PUP ay talagang nagreklamo sa Presidente noon na si Dr. Prudente. As in diretso sila sa office of the president. Nang andon na sila, ganito na raw ang nangyari.
Nanay : Sir, ito po kasing anak ko. Inirereklamo ang isa niyang propesor.
Dr. Prudente : Oh bakit misis, anong problema?
Nanay: Nagmumura raw sa loob ng klase.
Dr. Prudente: Oh! (Nagulat) sino naman ‘yon misis?
Nanay: (Binulungan ang anak) Ano nga pangalan ‘nung propesor mo na ‘yon?
Estudyante : Ave Perez Jacop po mama.
Nanay: Aver Perez Jacob daw po ang pangalan sir?
Dr. Prudente: Ah! Si Ka Ave. Kilala ko yan. Kung hindi yan nagmumura sa klase, baka hindi si Ave Perez Jacob yan. 

Hindi talaga ganyan ‘yong saktong mga linya, pero ganyan ‘yong thought kung titignan.
Balik tayo sa mga kuwento ni Ka Roger. Natatandaan ko ‘yong kuwento niya. Basta ‘yong mga joke niya tungkol sa PUP at sa UP. Na mas mataas daw ang standard ng PUP kaysa sa UP. Kasi nga raw sa UP kilala sina Ka Ave, Ka Efren (Efren Abueg – Isa sa mga manunulat sa librong Mga Agos sa Disyerto), tapos ‘yong ibang mga manunulat at magagaling na tao sa PUP. Samantalang sa PUP raw, hindi raw kilala ang mga taong ito. Ni hindi nga raw masyadong napapansin. Kaya mataas daw talaga ang standard ng PUP. Hanggang sa napunta nga ang kuwento ni Ka Roger kay Jun Cruz  Reyes o Amang sa mga batang manunulat na kinikilala siya. Sa PUP raw Instructor lang siya. Hanggang nang lumipat siya sa UP e propesor na ang ranggo. Hindi lang ‘yon, nakapagtapos pa ng Doctoral Degree. So mataas daw talaga ang standard ng ating sintang Paaralan – PUP.
Ito na ‘yong tsismis. Sabi ni Ka Roger. Masama raw ang loob ni Amang kay Ka Ave. Kasi nga raw hindi nito kinilala ang nauna bilang manunulat. Ayaw ni Ka Ave sa istilo ng pagsulat ni Amang. Problema raw ni Ka Roger, parehas niyang kaibigan ang dalawa. Kaya pakiramdam nito’y naiipit siya. Sabi na lang ni Ka Roger, kanya-kanya naming style yan. Kaya walang pakilamanan.
Ayon din kay Ka Roger. Mayroong dalawang anak si Ka Ave. ‘Yon lang daw ang gusto niya, ang magkaroon ng anak. Hindi niya raw talaga kinikilala na mayroon siyang asawa. Talagang anak lang. Tapos ito raw si Ka Ave, madalas daw pagsamantalahan ng mga tibak sa PUP. Dahil matanda, mas madali raw mauto. Madalas daw kasi na mangutang ang mga tibak sa kanya. Dahil mahal daw ni Ka Ave ang masa, lagi raw pinapautang. Ang masama raw, kakapit lang sa kanya kapag may kailangan. Ang nakakalungkot, hindi raw binabayaran ng mga tibak ang utang. Sabi na lang ni Ka Roger na kawawa raw ang kanyang kaibigan.
Anyway. Nang ginagawa ko ‘tong papel na ‘to. Hindi ko talaga alam kung paano kontakin si Ka Ave. Una, summer, wala sa sintang paaralan si Ka Ave, kasi wala siyang subject load, hindi ko tuloy alam kung kanino ibibigay ang letter na humihingi ng pahintulot para makausap siya. Kaya ang ginawa ko, iniwan ko na lang ang letter sa kanyang opisina sa may FREE – PUP (Front for the Recognition of Employees and Educators of the Polytechnic University of the Philippines). Kaso walang nangyari. Kaya sa sobrang pagkadesperado kong makausap siya. Hinihingi ko mismo sa kanyang kaibigang si Ka Roger ang kanyang contact number pati tirahan, par asana personal na iabot ang letter. Binigay naman ni Ka Roger ang cellphone number (pati landline). Kaso ito talaga ang mahirap, kahit nasa kamay ko na ang kanyang number para siya makontak. Andon pa rin ‘yong takot ko sa manunulat na i-approach ito. Lalo na sabi rin ng aming propesor na huwag kontakin ang iintervihin sa cellphone. Impormal daw kasi, saka nakakhiya, kasi hindi pangkaraniwang tao ang kakausapin namin. Magmumukha lang daw kaming walang galang. Lalo pa raw sa kaso ko, kasi nga nakakatakot si Ka Ave. Hanggang sa wala na talagang pagpipilian, at tineks ko na si Ka Ave. Bulong ako nang bulong na sana mag-reply. At pinagpala nga naman talaga. Nc agreply. Kaya tuloy na ang interview sa kanya kinabukasan.
Sunod na araw, pumunta na ako sa office ni Ka Ave. Hindi ko  talaga alam, pero takot na takot pa rin akong kausapin si Ka Ave. Hindi ko talaga alam ang magandang entrada. Ang nakakatuwa pa nito. Imbes na siya ang interviehin ko, e ako ang tinanong. At ganito ang naganap.
Ako : Good Afternoon sir
Ka Ave : Oh!
Ako: Sir ako po ‘yong nag-text sa inyo kahapon. ‘Yong mag-iinterview po.
Ka Ave: Para saan mo naman gagamitin?
Ako: Sa Masteral po naming sir
Ka Ave : Summer? Anong kinukuha mo?
Ako: Master of Arts in Filipino po sir.
Ka Ave : Saang school yan?
Ako: Dito po sir, sa may PUP Graduate School.
Ka Ave: Anong subject yan?
Ako: Research Seminar 1 po sir?
Ka Ave: Para saan ‘yon, bakit ako ang napili mo?
Ako: Sir para po ‘to sa pagpapataas ng standard ng PUP. Dapat po kasing kilalanin ‘yong mga taong dakila na nagbigay karangalan sa PUP.
Ka Ave : Oh! Paano mo naman nalaman na magaling ako? Sino nagsabi sa’yo?
Ako: Sir nabasa kop o ‘yong mga gawa ninyo. Saka sir, nakasulat pangalan niyo sa history. Astig din sir ‘yong mga gawa niyong kuwento.
Ka Ave : Sino bang propesor mo diyan?
Ako: Si Sir Jun Cruz Reyes po
Nahirapan talaga akong kausapin si Ka Ave. Natatakot pa rin talaga ako na mabulyawan. Kaya kailangan kong mambola para kahit paano ay ma-build ang relationship namin at hindi siya mailang sumagot sa mga tanong ko. At ito ngayon ang matutunghayan mo. Medyo inayos ko na ‘yong construction ng mga grammar. Pero sinigurado ko na andon pa rin ang thought pati na rin ang diwa ni Ka Ave. Una nga niyang banat ay tungkol sa mga propesor na nagtuturo sa Graduate School-PUP.
Ka Ave: “Si Abueg nagtuturo rin d’un (sa GS-PUP). Kaso peke ‘yon. Alam mo ang isang manunulat pinapraktis niya ang kanyang itinuturo. Parang kagaya ng pari. Hindi pwedeng sermon ka lang nang sermon paano kung ‘yong pare pala kantutero? ‘Yong ibang mga writer diyan wala akong paggalang. Unang-una ‘di naman dapat silang lahat paniwalaan kasi peke, as in plastic. Diyan sa graduate school, may mga nagtuturo d’un na bobo. Kaya dumarami ang mga bobo sa Pilipinas dahil bobo ang nagtuturo. Pero kahit paano meron paisa-isang matino d’un. Halimbawa siguro sa mathematics, kung may doctoral degree talaga sa mathematics o kaya physics kumbaga hind inborn ‘yong mga ganon, kapag genius talaga mataas ang IQ, pero ‘yong mga nakikilala kong nagtuturo diyan (GS-PUP) sa graduate school mga bobo. Kasi dapat ‘yong kaalaman mo ipararating mo sa mga estudyante mo kaso wala ka ngang alam kaya wala kang maibabahagi sa kanila. O bakit ba kayo nagma-masteral?”
Ako : “Para tumaas ang rate sir”
Ka Ave : “May natututunan ka naman ba?”
Ako : “Sa iba meron sa iba wala”
Ka Ave: “Nagsasayang lang kayo ng oras diyan. Kaso ganyan talaga ang kalakaran sa lipunan natin. Andaming may PhD dito (sa PUP) kaso lima ang singko, kapag nag-usap kayo ng mga  common sense na bagay hindi mo makausap ng matino.”
“Halimbawa si Jun Cruz Reyes nagkaroon na ng  PhD yan. Pero itanong mo sa kanya kung ba’t siya naghabol ng PhD, para ma-promote, para tumaas ang sweldo.”
“Alam mo ang manunulat hindi kinakailangan mag-PhD. ‘Yong mga magagaling na manunulat sa mundo at sa Pilipinas walang PhD. Kilala mo si Nick Juaquin? Ang galing n’un magsulat sa ingles kahit walang PhD. Sila Ernest Hemmingway, sa world literature, may PhD ba ‘yon? Kaso ang kalakaran dito, kapag ang pangalan mo may PhD, akala matalino ka na pero tinatago nila sa titi ng PhD ‘yong kabobohan nila. Maraming ganyan dito, hindi ko na sa’yo sasabihin ‘yong mga pangalan. ‘Yong vice president dito nagtuturo rin d’un sa graduate school, malaki ng suweldo kaso hindi marunong magsulat ng matinong ingles. Nagsusulat ng libro, pero kung sino-sino pinapagawa’t pinasusulat para makuha ang mga datos. Matataas ang katungkulan ng mga unggoy na yan at yumayaman.”
“Ang edukasyon dapat hindi ka diyan yumaman kasi EDUCATION yan, hindi negosyo. Pero rito sa PUP negosyo ang edukasyon , individually and as institution. Dito nga sa PUP maraming malalaki ang sweldo, ayon nga gumagawa ng mga libro tapos kung sino-sino pinapakuha nila at kung saan-saan nila kinukuha ‘yong mga datos. Tawag d’un plageirism, pangongopya. Pagkapos sapilitang binibenta sa mga estudyante.”
“Alam na alam mo halimbawa sa mga subject na ethics na hindi niya kayang magturo ng n’un. Kapag sinabing ethics  values yan, bueaty, good etc etc. Kaso ‘yong buhay ng mga yan mga plunderer at magnanakaw. Kasi ninanakawan ‘yong mga estudyante, kinokotongan. Oh, kunyari kapag hindi mo binili ‘yong libro ko bagsak ka, hindi ba may mga ganyan dito?”
Ako : “Oo sir, marami. Nung undergrad pa lang kami sir. Sir hindi ba kayo nagbenta ng libro?”
Ka Ave: “Ito (turo sa kanyang librong Isang Pagdiriwang ng Sandaang Taong Sosyo-Politikal na Pakikibaka ng PUP –Mga Piraso ng Kasaysayan at Edukasyon, 1904-2004), yang mga libro na yan ako mismo ang gumawa niyan. Pero hindi ko binebenta yang mga yan. Kapag may mga estudyante akong matalino binibigyan ko na lang. Thank you na lang ýong kapalit.  Pero ýong iba (tao), sila nagbebenta ng libro ko, pero ako mismo, hindi ko binenta ang libro ko.  Pwera na lang kung may pupunta dito. Tapos sasabihing: ‘Sir hindi ko po mabasa yang libro niyo.’ Kaya sasabhin ko: ‘Sa iyo na lang o kaya pahihiram ko sa iyo, basahin mong mabuti.  Ayang libro ko na yan, kasaysayan  ng PUP yan, ako ang nagsulat niyan.”
“Noong panahon ni Dr. Prudente, maraming nag-aambisyon dito na sila ang magsulat ng kasaysayan ng PUP, pero sabi ni Dr. Prudente, dahil bilib sa akin ang mama, ako nagsulat ng kasaysayan ng PUP. Ito (turo ulit sa nabanggit na aklat). ako mismo mag-isa ang gumawa niyan. Mayroon lang akong isang secretary at katulong sa research at natapos ko. Kaso ‘yong isang president dito pagkatapos ni Dr. Prudente, nagsalin. Sinabutahe nila ‘yong libro ko. Alam mo kasi, lumabas itong PUP noong 1904. Hindi pa PUP ito noon. Ang tawag pa dito ay Manila Business School. Wala pang sariling building ang paligid nito. Umuupa lang ng kapikapirasong building. Oh! ako ang pinagawa ni Dr. Prudente ng libro. Siguro bilib  sa akin ‘yong matanda kaya sa akin pinagawa.”
“Si Dr. Prudente, sa lahat ng naging presidente dito, siya ang pinakamatinong tao. ‘Yong mga sumunod, kahit na ‘yong mga narito ngayon, ambobo ng mga yan, pero may power. Oh, kunyari bobo ka pero kaibigan ka niya, pero pagtuturuin ka sa graduate school.  Malaki ang sweldo. Kasi palakasan system.”
“Ako kilala ako ng mga yan, kilala ako ni Jun Cruz Reyes, kilala ako ni Ordonez, kilala ako ni Abueg , pati ‘yong iba. May mga nagtatanong kung bakitt hindi raw ako nagtuturo sa graduate school? Sabi ko, bayaan niyo na sila, baka masama pa ako sa mga bobo. Hindi naman lahat, pero alam mo na may paisa-isang matino diyan. Alam mo yan ang nakapagtataka, sa kabila ng pangyayari, supposedly thePUP is the biggest state university in the Philippines. Sa kabila ng lahat ng kabobohan, kasinungalingan, dishonesty ng mga opisyal, mga magnanakaw ang karamihan diyan, yumayaman  dahil sa kung ano-anong kadahilanan. “
“Sa kultura ng kabobohan, dishonesty etc etc, may mga estudyante na nag-i-excel  sa kanikanilang larangan.  Tingin ko hindi utang sa mga teacher ‘yon, kundi utang sa mismong mga estudyante. Sariling sikap.”
“Kapag may mga rally-rally sa PUP, minumura ko ‘yong mga gago diyan. ‘Yong mga nagtuturo sa graduate school, anong tinuturo nila? Nagtuturo sila about honesty, values etc etc. Ang kaso mga magnanakaw itong mga putang inang ito. Kaya sinasabi nga, sa PUP, nothing sacred anymore, panay baboy na. Pero syempre sa ibang isolated area,  bibilib ka, kasi hindi nangloloko, hindi ginagatasan ang mga estudyante, nagsasabi ng totoo.”
“Alam mo mahirap magsabi ng totoo. Yan ang hindi kayang ituro sa mga estudyante isama mo na ang honesty, at pati mga values. Kahit na anong galing mo. Kahit na anong yaman mo,  kung hind ka honest pangit tignan. Sasabihin ng iba don ‘Ang galing nito, mayaman to. Swerte! Siguro anak siya ni Jesus. Anak siya ng Diyos.”
“Sa lipunan natin, ‘yong mga magnanakaw, durugista at liar, sila pa ang nagmamana ng mundo. Sila ang yumayaman, sila ang nakalagay sa katungkulan. Ang maganda lang kahit paano, dahil hindi ka masyadong nawawalan ng pag-asa sa mundo, may pa isa-isa pa ring matino,  mga saving graces kumbaga.”
“Pero masasabi mo sa panahon ngayon. Halimabwa mga administrator, kahit paano may mga matitino diyan sigurado. Ibig sabihin, ‘yong culture of corruption, impurity etc. sila pa ‘yong mga pinapalakpakan, sila ang makapangyarihan, sila ang dapat mong sundin, kasi kung hindi, mawawalan ka ng trabaho. Paano kapag nawalan ka ng trabaho saan ka kukuha ng pera, kung may pamilya ka saan ka kukuha ng papakain sa kanika?  Magiging sunod-sunuran ka na lang. ‘Yong mga faculty members dito marami yang mga katarantaduhan dito. Ayon nga tinuro na ang kabobohan sa estudyante tapos ginagatasan pa sila. Marami diyan, sa test paper pa lang ay binebentahan ang mga estudyante. Ako never kong ginawa ‘yon kapag nagpapa-exam ako. Basta ang importante mayroon kang masusulat. Pero marami diyan, ini-encode pa ‘yong mga question tapos ibebenta sa mga estudyante. O kaya naman papagawin ka halimabwa ng mga thesis o kaya ng mga bagay para makapasa ka. E hindi mo kayang magsulat kasi bobo ka e, wala kang natututunan kay tarantado mas bobo sa iyo techer mo e, ang gagawin ngayon, pupunta sa claro m recto,  papagawa ka tapos kung saan-saan kukunin ‘yon. O kaya hihingan ka ng teacher mo ng 20k.”
Ako : “Sir may ganon talaga?”
Ka Ave: “Oo, para makapasa ka.”
Ako: “Malaki ‘yon sir ha!”
Ka Ave: “Maliit pa ‘yon. Maraming paraan para magkakuwarta ka. Kaya kapag nakita mo akala mo mabuti ang puso kaya sabi ko nga sa iyo, nothing sacred anymore here.”
Ako: “Tungkol sa pagsulat ninyo sir, talaga bang dapat naghihimagsik?”
Ka Ave: “Hindi naman rebolusyon lagi, pinapakita ko lang ang buhay na alam ko. Ako hindi nabuhay sa forbes park, hindi ako namuhay na mayaman. Kaya karamihan sa mga tauhan ko ay ‘yong masa, mga simpleng tao, mahihirap pero honest, marangal.”
“Sa ganitong klase ng lipunan natin, hindi ka yayaman kung matino ka, ang gagawin mo na lang manloloko, manglalamang. Sa origin of materialism , pinanganak ang tao noong unang panahon na hubo’t hubad. Bakit ‘yong iba nagkaron ng mga lupa? Ano nangyari? Kasi nararanasan natin ‘yong pyudalism, capitalism dito sa ating lipunan. ‘Yong mga kokonti sila ‘yong mga nagiging hari, sila ‘yong yumayaman, iniisip nila kung panao pa sila yayaman.”
“Noong unang panahon pareparehas tayo. ‘Yong lupa para sa lahat yan e. Parang hangin. Lahat tayo kailangan ng hangin, hindi naman yan ganito, na O akin ang hangin na ito, o ‘wag kang pupunta dito akin itong hangin na ito. O ‘yong sikat ng araw para sa lahat yan hindi ba? ‘Yong tubig para rin sa lahat yan, o bakit dumating ang panahon na, ‘yong mga tarantado, ‘yong mga cojuanco, nagkaron sila ng hacienda luisita? Marami  silang bahay dito sa Pilipinas pati sa abroad, marami rin silang kotse.  O bakit sa kanila lang?”
“Kaya nga sabi ng mga aktibista, ang Pilipinas ay kontrolado ng 60 families. Including the economy and the politics.  Tignan mo noong nakaraang eleksyon, bakit si Teddy Casino hindi nanalo? Pumupunta rin yan dito (sa FREE-PUP), kilala niya ako. Matalino rin, left handed yan, kaliwete. Kapag kaliwete ka kasi ang point of view mo is the masses. Pero bakit ganoon, anong nangyari? Kasi may mga taong tuso. ‘Yong pagiging tuso nila nakapabay sa pagsasamantala. Bakit ang mga lupa napunta sa mga mayayaman, dati lahat ng lupa sa Pilipinas pagmamay-ari ng mga katutubong Pilipino. Nang dumating ang mga kastila , dala nila ang bible. Bakit noong bandang huli ang mga malalaking haciendero, ‘yong mga hacienda, bakit nasa mga pare ang mga lupa? Kasi ginamit nila ang religion.”
“Ang mga Amerikano, ginamit nila ang edukasyon, ang ingles, para tayo masakop.”
“Kaya ngayon, ang simbahang katoliko ang isa sa mga biggest land owner. Hindi lang ‘yon, may mga corporasyon pa yan e. Marami silang ginagawang estampita, bible. May mga negosyo yan, may mga bangko sila, mga real estate. Lahat ng klase ng negosyo mayroon ang simbahan.”
“Hindi ba ang role nila sa buhay is to save souls? Pero maraming katarantaduhan ang simbahan. Hindi lang sa Pilipinas, may mga huling statistics ,maraming mga pare at madre , all over the globe ay umaalis sa pagpapare at pagmamadre. Ano ang unang unang dahilan? KALIBUGAN! Hinahanap-hanap nila ang tawag ng laman kasi biological ‘yon e , at isa pa ‘yong mga nagsisimba, pakonti nang pakonti.”
“Kasi kasalanan din ng mga pare, kung ano-ano pa ang kanilang pinakialaman. In other words maraming bagay sa mundo na hindi parehas. Ang mga isinusulat ko ‘yong totoong nangyayari sa buhay kaya nga sabi ko sa mga estudyante ko, hindi baleng mahirap basta marangal, pero ngaun, hindi bale nang hindi marangal basta may kuwarta. Hindi mo naman daw makakain ang honesty at integrity. Hindi mo rin makakain ang prinsipyo kaya sa kultura natin baliktad. ‘Yong mga nagmamana ng yaman ay mga magnanakaw, mga mandurugas, ‘yong mga sinungaling.
Para sa akin kasi, ang obra ay para sa mga manggagawa, at saka ‘yong mga istorya ko, walang mayaman, kung may mayaman man doon, malamang kontrabida ‘yon.”
“Ang manunulat dapat ginagawa ‘yong mga bagay na totoo. Huwag ka nang mag imbento, para makasulat ka ng makatutuhanan at kapanipaniwala. Para maintindihan ng mga mambabasa ang gawa mo.”
“Alam mo yang si Efren Abueg, maraming kabobohan yan. Ang mga nobela niya, ang mga tauhan ay mga mayayaman, mga pangalan ng mga sosyal. Tapos humahawak pa siya ng panitikang mapanghimagsik, anong alam niya doon?”
Ako: “Si sir Ordonez po ‘yong may hawak ng subject na ‘yon.”
Ka Ave: “Si Abueg din may subject na ganon. Sumali-sali siya ng konti sa mga kilusan, sa mga progresibo, pero hindi naman talaga ganoon ‘yon e. sumabit lang. Atleast si Ordonez kahit paano talagang sumasama, pero mas nauna ako sa kanya.”
“Hanggang ngayon, ‘yong mga manggagawa, mga magsasaka, ‘yon ang tunay na mga tao kaya nga sinasabi ko sa mga estudyante ko, huwag niyong LA LANG LANGIN ang inyong mga magulang kahit ‘yong tatay mo kunyari taxi driver o driver ng tricycle o ang nanay mo nagtitinda sa palengke. Anong gusto niyo, nanay niyo jeuteng girl, ang tatay niyo drug lord, ang tatay niyo plunderer kagaya ni Erap? Na nabola niya ang mga tao? Pero hindi ko rin naman sinasabing si Lim e walang kasalanan.”
“Kaya itong bayan natin, aping-api ito kasi maraming naniniwala sa mga leader na peke.”
“Tignan mo ngayon ‘yong mga manggagawa natin sa Taiwan dinuduro tayo. Kakaning itik tayo.”

“Noong 50’s ‘yong mga Taiwanese  ang nagpupunta rito para pumasok na domestic helper, mga yaya ng mga mayayaman. Yaya sila ng mga instik na may kaya dito. Kaso ngayon nabaliktad, ang Taiwan ngayon ay asensado, economically at militarily. Kaya kawawang-kawawa tayo, inaapi ang mga kababayan natin doon. ‘Yong iba pinapalo sa ulo ng baseball bat, dinidiscriminate.”
“Pangunahin kasi diyan kung bakit tayo api. Dahil mga leader natin. Mga inutil. Sa kasaysayan natin, una palang kay Aguinaldo. Binenta ang rebolusyon. Si Aguinaldo masamang Pilipino ‘yon pero siya ang pinapalakpakan at may mga naniniwala pa rin sa kanya.”
Ako : “Yong sa style po ba ninyo ng pagsulat?”
Ka Ave: “Kanya-kanyang style yan, basta ang importante maintindihan ka ng mga mambabasa mo, hindi naman kinakailangang gumamit ka ng mga malalalim na tagalong o kaya malalim na ingles. Simple lang, ‘yong madaling maunawaan ng mambabasa mo.”
“Kanya kanyang style yan e, halimbawa si Jun Cruz Reyes, ang gulo ng sentences niya, hindi niya alam gamitin ang NG na maiksi at NANG na mahaba. May PhD pa, may mga seminar-seminar – workshop pa yan na makikita ang pangalan niya. Nag-aambisyon ata yang mag-national artist.”
Ako: “Sir si Rio Alma?”
Ka Ave: "Peke rin ‘yong kumag na ‘yon. Kaya naging national artist yan kasi nilakad niya ‘yong sarili niya. Magpapapirma siya tapos siya ang naglalakad ng sarili niya.”
“Ang manunulat din dapat simple lang. ‘Yong naiintindihan agad. Halimbawa, binabasa mo si Ernest Hemmingway. Hindi mo kinakailangang konsultahin pa ang dictionary, kasi bihirang-bihira lang gumamit ng dictionary world yan. Simple abc-English ang ginagamit niya. Kaya magagaling na manunulat ang mga ‘yon. Simply and  easily understood. Tignan mo ‘yong kay Jun Cruz Reyes. Lumpen ‘yong istilo niya. Kung sa bagay, kanya-kanyang style yan.”
Ako: “Sir bakitt walang gitling ‘yong mga akda niyo?”
Ka Ave: “Sinadya ko ‘yon. ‘Yong doon sa kuwento na Lagablag Sa Utak Ni Damian Rosa. ‘Yong dire-diretso doon ay extreme of consciousness ‘yon ng tauhan. Lasi lasing siya.”
Ako: “Doon pos a kuwentong Elias at Plaridel. Pagdating ni Elias, natupad ba niya ang kanyang plano?”
Ka Ave: “Rebolusyon ‘yon! Sa akin, sa utak ko, panalo ang rebolusyon pero sa real world, malayo talaga sa katotohanan, mahina ang rebolusyon.”
“Sa panahon namin mas masigla kami, araw-araw magkakasama kami, nakikipaghabulan. Kasi malaking isyu talaga ang paggawa, syempre marami ang nag-strike pero ‘yong manggagawa mismo, watak-watak sila, paunti nang paunti ‘yong mga nakikipaglaban, lalo nang lumalakas ang kapitalismo ngayon.”
“Noong panahon ni Marcos 40 million lang tayo pero ngayon, dumoble nasa mahigit 97 million na tayo. Lalo nang dumami ang walang hanapbuhay, ang mga puta, may asawa, walang asawa, dalaga ay puta na rin. Ganyan na ang buhay, kapit sa patalim. Marami sa ating ang underemployed, may trabaho nga pero hindi sapat ang kita. Halimbawaa ‘yong mga nagbebenta ng sigarilyo, nagtitinda ng banana cue.”
“Tapos paano pa ‘yong mga newly graduate, taon-taon may nagtatapos, parami nang parami ang mga malilibog, anak nang anak.”
Ako: “Sir, bakit mas pinili niyo ang magturo dito sa PUP kaysa sa iba?”
Ka Ave: “Gusto ko rin naman magturo sa iba, pero iba sa PUP. Unang-una malaya dito, makakapagmura ka dito. Hindi katulad ng La Salle at Ateneo kailangan disente ka, hindi ka nagmumura.”
“Maganda dito sa PUP kasi everything is equal. Pero kung kukunin ka lang para magturo tapos bibigyan ka ng maraming load, ang panget din n’un kasi sa pagtuturo, basa ka nang basa para marami kang makukuhang impormasyon, pero pinahihirapan mo lang sarili mo, dahil hindi naman lahat ‘yon, maabsorb at maituturo mo nang tama.”
“Meron nga dito, hindi naman nagbabasa pero ang daming natuturo. Kaya kapag pinagre-report ko mga estudyante ko, pinapagawa ko sila ng listahan ng mga tao sa buong mundo kung sino na ang nakakuha ng novel prize. Dito sa Pilipinas wala pang nakakakuha ng novel prize, ewan ko ah…. pero ang sabi nila si Ave Perez Jacob, bibigyan daw ng novel prize, tawanan sila ngayon (mga estudyante ni Ka Ave)”
“Kung ikaw ang magtuturo, okey na ‘yong 3 o 4 na load, mabubuhay ka na n’un. Pero sa mga guro na overload na, sa sobrang dami ng kailangang basahin, hindi na makakain, hindi maipasa ang mga requirements sa oras.  Pero sa panahon ngayon bihira na ang bata, ang basa ng basa dito. Marami ang nagtuturo ng literature pero walang alam, bobo!!”
“Katulad ng sinulat ko na sa Lagablab sa utak ni Damian Rosa, karamihan ng sinusulat ko ay autobiographical. Akala  ng iba, na magagaling sumusulat sa Ingles, nang mabasa nila ‘yong sa amin, sinabi na ito ang tunay na kuwento na Filipino writer. Kaya nagkaroon ng Agos sa Disyerto. Sa akin nagmula ang pangalan na Disyerto, dahil sinabi ko na ang Panitikan ay isang Disyerto  kaya inilagay nila ‘yon tapos dinagdag lang ang agos, ang leader nila dun si Efren Abueg.  Filipino is our language of creative writing. Naghanap ako ng tunay na manunulat sa lenggwaheng Filipino, dalawa lang ang napili ko si Amando V. Hernandez at si Lazaro Francisco.”
“Magaling na writer si Abueg pero nasaan na siya ngayon? Si Almario, peke, marami siyang nagawa pero plagiarism kaya dapat ‘yong mga manunulat na ‘yon, inilalagay sa ilalim ng lupa.”
“Kapag writer ka dapat ‘yong sinusulat mo, naranasan mo sa totoong buhay. May mga style na totoo sa sarili mo. May mga naunulat na binebenta nila ang panulat nila, mga puta, pinagkakakitaan! Halimbawa ‘yong sa politiko, babayaran ka nila para magsulat tungkol sa kanila pero itatago ang baho mo. Puro positibo o magaganda ang ilalagay. Yan ‘yong mga ghost writer, imbes na pangalan mo ang ilalagay, pangalan ng iba, kumbaga sila ang may pagkakakilanlan, masahol pa sa puta ang ginagawa nila!”


Pansin naman natin kung paano magsalita ang isang Ave Perez Jacob. Isa lang ang natitiyak ko kung bakit ganyan siya magsalita. At ito ay mula sa isang pahayag mula sa sanaysay ni Ka Roger na Pagbabagong –bihis sa Wika at Panitikan. Sa kanyang aklat na Saan Papunta Ang Mga Putok?

“Sa larangan naman ng maikling katha, pagpasok din ng 1950, masasabing naunang naghimagsik si Ave Perez Jacob. Bagaman manakanaka siyang sumusulat, ang kanyang mga kuwento’y malinaw na sumira sa mga makalumang porma at estilo, gayundin sa tema, ng mga mailing kathang sinulat ng sinundang henerasyon ng kababakasan ng mga paksa ng nakalulunod na luha ng kapighatian, ng nakpaninidig-balahibong paglalambingan at pag-iibigan at ng kung ano-anong kahangalan tungkol sa daigdig ng kababalaghan. Ang kanyang mga diyalogo ay natural na natural, makatotohanang-makatotohanan, hindi mga dayalogong pamilya-milya ang layo sa realidad. Ang kanyang estilo ay masasabibng nagwasak sa binubulok na estilo ng pagkukuwento – na maaaring naunawaan niya sa mga banyang manunulat gaya ng mga Hemingway, Steinbeck, Kafra, Joyce, Gorky at iba pa. Ang kanyang mga paksa ay mismong buhay-Pilipino – ang kalupitan ng sosyedad laban sa maliliit sa lipunang ito ng mga diyos-diyusan.”


1 comment:

Unknown said...

Had the opportunity to be his student. Always encouraging us to challenge the norm. One of my favorite professors back then.