Tuesday, February 12, 2013

Kung Bakit Walang Emoterong Propesor : Pag-ibig Lang Ba Ang Puwedeng I-Drama?


(Maikling kuwento)


Nakakainip ang ganitong buhay ayyyyyyy…

Di nakakaaliw ang ganitong buhay aayyyyyy…


Gumagabi na…

Ako’y uuwi na…

Tapos na ang saya…



“Aray! Amputek! Ansakit, badtrip naman oh, bakit ngayon ka pa naputol?Tapos ‘yong number 6 pa, ang mahal pa naman nitong bass. Taragis na yan! Lecheng string. Tapos na talaga ang saya, hindi man lang pinatapos ‘yong kanta, may bonus pa akong mahabang pantal sa braso. Badtrip talaga! Minsan na nga lang mag-emote with matching gitara, mapuputulan pa.”


“Baho ng daliri ko ha,amoy kalawang?”


“Maaayos pa kaya ‘to? Mukhang malabo na ha. Sa bandang gitna pa naputol e. Anong oras na ba? Gabi na masyado e. Bukas pa kaya ‘yong binibilhan ko ng string?”


“Lalabas ba ako o hindi? Bibili o hindi? Teka? Badtrip, hirap mag-desisyon. Ay magkano ba ‘yon? Pangit kasi kapag bumili ako ng string na isa lang e, mas maganda kapag isang set. Para isang set din na maganda ‘yong tunog ng gitara. Hindi ‘yong parang tunog-lata.”


“P22 ata ‘yon e. Ay putcha. P50 na lang pala pera ko, kapag bumili ako ng string ngayon, masu-short ang budget ko para bukas. Badtrip! Ayaw ko nang mangutang ng pera kay ermat, putcha nakakahiya na masyado e.”

“Badtrip kasi talaga e, bakit kung kailan mo kailangan ‘saka naman wala. Taragis na yan oh. ‘Ba’t kasi antagal ng suweldo? Sundin ko na lang kaya ‘yong payo ni ermat na lumipat ako sa private next sem para mataas ‘yong suweldo, para me pambayad kami sa utang. Hindi ‘yong ganito, imbes na makatulong nakakaperwisyo pa. Nakakainip talaga ang ganitong buhay. Shit!”



Akala ‘ata nila’y ganoon kadaling magturo. Hindi kasi nila naiisip na kailangan din naming maghanda kung anong ituturo, kailangan naming magbasa. Pero minsan hindi na magawa ito, hindi dahil sa walang oras kundi walang librong babasahin, kasi kahit ‘yong university hindi makapag-provide ng librong gagamitin namin. Hindi ko na nga mabasa ‘yong mga kailangan ko, kaya ano pa bang aasahan, edi hindi ko na rin mababasa ‘yong mga gusto ko, puwera na lang kung may magpapahiram sa akin. Kung sa library naman, anong aasahan din doon, sa labas lang mukhang maganda, pero pagpasok, naku, mas pipiliin mo na lang na lumabas at du'n tumambay sa linear park kahit masama ang amoy na dala ng ilog Pasig, ayos na 'yon kaysa sa loob. Kung may mahanap ka man doon na libro, asahan mong luma at sobrang lutong na ng mga papel na parang  sintanda na rin ng mga prop ko dati nu'ng college ako, kaya't wala ring pakinabang ang mga libro. Kaya kapag napapadaan ako sa Book Sale, nagtsatsaga talaga akong maghanap ng magandang libro. Kahit ilang oras ako doon hindi ako titigil hangga’t walang nakukuhang matino. Mahal kasi sa National Bookstore tapos ang hirap pang dumiskarte kung gusto mong magbasa kasi may plastic ‘yong libro at may umaalialigid pang empleyadong nagpaparamdam na umalis na ako kung hindi ako bibili. Buti na nga lang kahit paano sa Power Books puwedeng magbasa, kasi may mga libro na wala nang plastic o kaya puwede kang magtanggal ng plastic ng libro kung gusto mong basahin at wala pang mga papansing empleyado.

At ‘saka iniisip ‘ata nilang hindi kami kumakain, naliligo, nagpapabango at pumuporma. Kahit paano kailangan namin ang huli, nakakahiya sa mga estudyante namin kung haharap kaming mukha at amoy basura.


Ewan ko nga kung napapansin ng mga estudyante ko na paulit-ulit lang ‘yong sinusuot ko sa isang linggo, binabago ko lang ang araw kung kailan susuotin para hindi halatang nagamit na. Awkward naman kung magsusuot ka ng long sleeve sa klase, kasi kapag papasok ka sa university, mabango ka. Habang papalapit ka na sa class room na pagtuturuan mo, unti-unti na rin itong nai-expire. ‘Wag ka nang magreklamo kung bakit sira ang electric fan o kaya kung minsan namamatay na lang ang ilang ilaw, o kaya kung pinagpala talaga kayo, mawawalan ng kuryente ang buong College pati Dean’s Office hindi pinapatawad. Ganyan daw talaga sa State U. Ang katwiran, mababa lang naman daw ang binabayad ng mga estudyante kaya’t ‘wag na raw masyadong mag-demand. Kaya sapat na sa akin ang Polo Shirt. Wala rin naman snow rito sa Pilipinas para magsuot ng Jacket.


Dahil karamihan ng mga nag-aaral sa mga State U ay anak mahirap, asahan mo na na kapag may ipapabayad kang piso o dos para sa unit test, hindi mo maiiwasang makarinig ng mga komento. Kesyo ang mahal daw ng bayad, kesyo wala na nga raw silang pera pangkain para makabili ng P25 na student meal sa canteen tapos mababawasan pa. May ilang estudyante rin na talagang walang pera, kaya ang ginagawa nangungutang na lang sa classmate. Mayroon din diyan talagang makakapal ang pagmumukha. Hindi talaga magbabayad—mga pasimple, kunyaring nagbayad pero inabot lang naman ang bayad ng classmate. Mayroon ding nagsasabing libre na lang daw. Ganito ang laging routine kapag may exam. Kaya sinasagot ko naman ang kanilang hinanaing, akala ‘ata nila’y sila lang may problema sa pera.


“Anong akala n’yo sa akin mayaman? Volunteer nga lang pagtuturo ko sa inyo tapos babaratin n’yo pa ako.” Sabay ngingitian ko sila. Mayroon namang tatanga-tanga na magtatanong, “weh, sir? Hindi nga Volunteer ka lang talaga?” ‘Yong mga ganon hindi makuha ‘yong joke ko, o baka hindi mukhang  joke ‘yong joke ko kaya sineryoso. Tapos sasakyan ko naman ‘yong pagka-slow non. “Oo nga Volunteer lang ako, walang binabayad sa akin, libre lang. Serbisyong totoo sabi ng GMA7.” Tapos hindi pa rin magi-gets ni kumag ‘yong joke ko. “Talaga sir, astig ‘yon ha? Paano ka nakaka-survive sir, saan ka kumukuha ng pera?” ‘Yon ‘yong mahirap na tanong na hindi ko rin alam kung ano at paano sasagutin kaya ang gagawin ko,  nginingitian ko na lang sabay kamot sa hindi makating ulo.


Kapag sasapit na ang Midterm at Final exam. Katakot-takot na bayarin ang mararanasan ng mga estudyante. Sabay-sabay rin kasi ang reklamo nila, kesyo wala na raw silang pera kasi nagbayad sila kay mam at sir ganito ganyan dahil katatapos lang daw nila mag-exam. Gusto ‘ata nilang ‘wag na lang mag-exam sa akin. Pabor ‘yon walang akong chechekan. Wala rin silang grade.




Naalala ko ‘nung college pa ako, may isa kaming prop sa minor. Pinagbayad kami ng Booklet--- doon daw kami magsasagot, kasi isusulat na lang daw niya ‘yong tanong sa block board, dalawang tanong lang naman na non-sense ‘yong sinulat niya. P10 ‘yon, e sa baba, sa may University Store P5 lang ‘yon. Tapos kung titignan mo pa ‘yong Booklet, sobrang nipis, matino pa ‘yong mabibili mong yellow paper na tig-piso. Tibay ng prop namin na ‘yon e. Siyempre dahil PUP ‘yon. Nagprotesta kami pagkatapos ng exam, sinugod agad namin ‘yong department nila. Sabi naman ng Chairperson, wala na raw siyang magagawa kasi head daw pala ng University Store ‘yong prop namin.


Mayroon pang isa. Sa minor subject ulit. Putcha, 3 page lang ‘yong test questionnaire. Tapos ang lalaki pa ng spacing. Tapos nasa long bong paper pa, e kung tutuusin kasya na ‘yon sa 1 short bond paper ayusin lang ng konti. Singilin ba naman kami ng P7. Ang nipis pa ng papel parang tissue. Kita mo na ‘yong nakasulat sa 2nd page. Nang hawak na naming lahat ‘yong paperl, sabi ng astig naming prop na ‘wag daw naming susulatan ‘yon ng kahit ano, sa yellow paper daw kami magsasagot ibabalik daw sa kanya ‘yon. Wow! Antibay ng prop namin. Nagreklamo rin kami sa department nila, kaso mission failed.


‘Yong isa naming sobrang tibay na propesor. Binentahan kami ng libro worth of P275. Ni-required sa amin. Project daw sa midterm ‘saka doon daw kukunin ‘yong midterm exam. Kahit masama sa loob namin, napabili kami. Kahit ang totoo, ‘yong isang page lang ang may laman, ‘yong sa likod wala na. Astig din! Pinakamatindi doon, parang minadali pa ‘yong pagkakagawa ng libro. Tapos ‘yong nakasulat doon sa libro, alam mo kung saan galing? Putaragis, kopyang-kopya ‘yong info na nasa Wikipedia. Ganoon na ganoon e. O baka naman ang Wikipedia’ng nangopya doon sa libro namin. Ang angas ‘no? Nang masiguro na ng kumag naming prop na marami nang nakabili, putcha hindi na nagpakita sa amin. Wala tuloy kaming natutunan. Nakakadiri kasing basahin ‘yong libro naming nakipagkopyahan sa Wikipedia. Pinagtataka namin, paano niya na-compute ‘yong grade namin. Wala kaming quiz, assignment, seat work, walang midterm exam,  wala lahat, e nung Finals hindi na rin siya nagpakita. Nakakatawa lang, buong klase 2 sa kanya. Kaya ‘yong mga bibo’t mga grade conscious sa amin, hindi matanggap na magkakaparehas kami ng grade. Unfair daw.


Ngayon ko na-realize ‘yong ginagawa ng mga teacher ko nung nasa Elementary at High School pa ako. Kaya pala sila nagbebenta sa amin pulburon, yema, candy, mani. Tapos ipapaubos sa amin ‘yon. Everyday laging may ganoon, nakakasawa, baka nga pati ang mga bulate namin sa tiyan nagsasawa na sa ganoong putahe.


Kaya rin pala ‘yong teacher ko dati sa T.L.E. nagbibenta ng mga pabango, deodorant, sabon, shampoo at iba pang pampaganda sa katawan. Kapag talagang interesado ka sa mga paninda niya, pumunta ka lang daw sa faculty room, papakita raw niya ‘yong produkto ng Avon, Sara Lee at Natasha.

Ngayong nasa sitwasyon na nila ako, naiintindihan ko na. Sobrang natutukso rin akong magbenta ng libro sa mga estudyante ko. P60 din ang isang libro noon kapag nabili. Paano kung bumili ang isang section na mayroong 50+ na estudyante. Edi tiba-tiba ako nito. Tapos sa kabilang klase rin ganoon din, edi ang yaman ko na. May pang-date na ako kay Faith.


Speaking of. Nung 2nd Anniversary namin, gustung-gusto ko na siyang makita kaso wala akong pera. Sabi ko na lang sa kanya sa text na gagawa akong midterm exam—totoo ‘yon gagawa talaga ako, kaya kung magkikita man kami saglit lang. pero hindi natupad ang saglit. Nagkita nga kami. Sobrang hiyang-hiya ako, wala man lang akong dalang kahit ano, buti na lang at hindi materialistic si Faith kahit presensya ko masaya na siya basta magkita kami, kaso nahihiya talaga ako. Kasi  siya sumagot ng pamasahe namin papuntang SM, sa kanya rin ‘yong pangkain. Pang-sine sa kanya rin. Naintindihan naman daw niya na delay ang suweldo ko, kaya siya raw muna ang taya. Sabi ko bawi na lang ako sa kanya next time. Ang nakakainsulto roon, ako may trabaho na siya nag-aaral pa lang.


Minsan nangungutang muna ako kay ermat. Sasabihin ko sa kanya na magpapaphotocopy lang ako ng libro para may magamit sa pagtuturo ‘saka para sa unit test. Babayaran ko na lang kapag sumuweldo ako. Matataranta naman ngayon si ermat tapos maghahanap na ng puwedeng utangan, kapag wala na talagang choice sa bumbay ang takbo. Pero wala naman talagang Libro na ipapa-photocopy, wala ring unit test. Gagamitin ko lang ang pera para may pang-date kami ni Faith. Magtataka naman ngayon si babae kung saan daw galing ang pera e wala pa naman daw akong suweldo. Sasabihin ko sa kanya na ‘yon ‘yong tubo ko sa pagpapa-photocopy ng unit test ng mga estudyante ko, kahit wala rin talagang unit test na naganap. ‘Saka bakit daw umabot ng P600 ‘yong tubo ko e kakaunti lang naman daw ang hawak kong klase sa PUP. Ganoon talaga, ‘yon lang ang isasagot ko kay Faith sabay ngingitian ko na siya.



Saklap ng kalagayan. Kung bakit kasi wala pang suweldo, kaya pati tuloy personal kong buhay apektado. Akala ko pa naman na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral e maiaahon ko na sa kahirapan sina ermat, akala ko matatapos na ang pangungutang na ginagawa niya dati noong nag-aaral ako para may pamasahe o kaya kapag may babayarang ticket na binebenta ang prop namin, na sasabihing pangtulong na lang daw sa PUP kasi Foundation week, na ang totoo’y matagal nang expired ang date na nakalagay sa ticket. Akala ko hindi ko na makita ang imahe na dalawang beses na lang silang kumakain para lang may pamasahe ako sa pagpasok. Hindi pa pala.


Nakaka-pressure talaga kapag ikaw ang inaasahan sa pamilya. Imbes na makatulong, e ako pa ang nagiging dahilan para humaba ang listahan namin ng mga utang. Sobrang nahihiya ako, kasi mula nang makapagtapos ako, ni hindi na ako inuutusan na maghugas ng pinagkainan, magwalis at tumulong sa mga gawaing bahay. Si ermat na lahat ang sumasalo, hindi gaya dati pagkagaling ko sa PUP, tambak ang mga hugasin kasi ako ang huling kakain at ako rin ang maghuhugas ng mga ‘yon. Minsan naman wala akong dadatnang pagkain, maghuhugas lang talaga ako ng mga pinagkainan nila. Kaso nabago ‘yon mula nang naka-graduate ako at nakapaghanap ng trabaho. Misan, pagkauwi ko sa bahay, lalabas agad si ermat para mangutang ng Lucky Me noodles para may hapunan ako. Tapos hihintayin niya lang akong matapos kumain, siya na ang maghuhugas noon. Kapag may ginagawa ako sa baba, umaakyat na sila ng kapatid ko, lagi niyang pinapaalala kay utol na ‘wag daw guluhin ang kuya kasi may ginagawa. Kahit minsan naglalaro lang talaga ako ng Battle Realms at Dota sa aking lumang laptop na bigay lang sa akin.


Pinakadumudurog sa puso ko(naks!). Kapag nagkukuwento si ermat, kasi minsan ‘yong mga kapit-bahay namin, tuwang-tuwa sa akin, kasi raw nakakapagturo na raw ako, tapos sa College pa. Si ermat talaga ang tuwang-tuwa roon, alam kong pumapalakpak ang tenga niya, kasi sa aming lugar ako pa lang daw ang naging teacher at sa college pa. ‘Yong mga kababata ko kasi, pati mga naging tropa ko nung bata pa ako, kung hindi nakulong, nakabuntis, o kaya naging construction worker. Ako lang rin daw ang grumadweyt na hindi man lang humihinto sa pag-aaral. Tapos nagtatrabaho na raw agad. Nakaka-pressure talaga ‘yong mga ganoong kuwento ni ermat. Sana nga lang talaga nakakayaman ang mga papuri.


Kapag ako naman ang naiinterview ng mga kapit-bahay. Grabe kung makapagtanong. Laging may follow up question. Kesyo ano raw ang trabaho ko, kung hindi raw ba mahirap ang magturo. Kung hindi raw ba ako binabastos ng mga estudyante ko kasi ka-generation ko ‘yong iba. Kung wala raw bang nang-aakit sa aking babae. Tapos ang pinakamahirap sagutin na tanong nila’y kung magkano raw ba ang suweldo ko. Sasabihin ko naman na sapat lang (nakakahiya kasing sabihin kung gaano kababa ‘yong suweldo tapos delay pa, mamaya magpalibre pa sa akin e.)




Si erpat naman, wala ng trabaho, matanda na raw kasi at may sakit pa kaya wala nang tumatanggap. Kaya ako talaga ang mag-aahon sa kahirapan.


Noong minsang dinalaw si erpat ng mga kapatid niya kasama ang mga pinsan ko. Kahit nakahiratay na sa higaan sobrang yabang pa ring magkuwento. Dinaot niya ‘yong isa kong pinsan na kalalaya lang sa kulungan. Ewan ko kung biruan lang nila ‘yon, nagtatawanan kasi. Sabi niya roon.


“Walang ganyan sa pamilya natin. Ayusin mo ‘yang buhay mo. Pumili ka ng babarkadahin mo. Tignan mo ‘tong anak ko.” Bigla akong tinuro. “Sa PUP nagtatrabaho yan, teacher siya roon.” Pucha, ako tuloy ang nahiya sa ginawa ni erpat. Kinuha pa niya ‘yong grad pic kong malaki, pinakita sa pinsan ko. “O tignan mo, sa PUP din naka-graduate yan. Mahirap makapasok diyan akala mo ba.” Napapailing na lang ako sa sobrang kahihiyan sa mga pinagsasabi ni erpat. “Nagmana kasi sa akin ‘tong panganay ko e.” Tapos bigla kaming nagtawanan maliban kay erpat. Hindi namin alam kung joke ‘yong sinasabi niya o gusto ring bigyan ng karangalan ang sarili. “Yan ang gayahin mo, ‘yang pinsan mo. Hindi puro yang barkada-barkada na yan, wala kang mapapala diyan. Napagdaanan na namin yan ng tatay mo. Kaya papunta ka pa lang natutulog na kami sa sobrang tagal.” Makapangaral naman ‘tong si erpat akala mo kung sinong napakabait na tao noong kabataan niya. E ang kuwento sa akin ni ermat, babaero raw ‘tong si erpat.


At dahil panganay, ako rin ang inaasahan nilang magpapaaral sa aking bunsong kapatid na 17 taon ang aming pagitan. Kaya pala sabi nila ‘wag muna akong mag-asawa, mag-ipon lang daw muna.


Kapag ganitong wala ka talagang pera, malaki talagang problema. Minsan sa sobrang pagtitipid para lang maka-survive sa trabahong delay at mababa ang suweldo. Imbes na P10 ang pamasahe, P8 lang ang binabayad ko, mukha pa naman akong estudyante kaya hindi na nagtatanong ang jeepney driver kung estudyante ako o hindi.


Bina-budget ko na rin ang P30 sa isang araw. Kapag lumagpas sa maximum budget ang nagastos, napapailing ako at wala akong ibang choice kundi galawin ang budget para sa susunod na araw. Minsan kasi hindi ko maiwasang matuksong bumili ng tok neneng at kwek-kwek sa Teresa para may miryenda.


Inaasahan ko na rin na pagkakuha ko ng suweldo, pambabayad lang ‘yon sa utang na nagastos ko para makapasok araw-araw sa trabaho. Tapos ganoon ulit ang routine. Mangungutang para may pamasahe at pangkain sa bahay. Pagkasuweldo pambabayad lang.


Syempre dahil delay at mababa ang suweldo, mahirap ding pumorma. Hindi mo mabibili ‘yong gusto mong damit, pantalon at sapatos. Kahit ‘yong mga bagong palabas sa sine hindi mo na rin mapapanuod. Kaya para makamura, sa Quiapo o kaya sa Divisoria ang punta.


Ay, nga pala! Nangangalahati na rin ‘yong sem ko sa masteral, hindi ko pa rin nababayaran ‘yong kalahating binayad ko noong enrolment. Kapag ganitong wala kang pera, minsan naiisip ko na lang na tumigil na lang muna. Kaso sayang ‘yong panahon. Kaya ang gagawin para makapag-aral, mangungutang ulit. Sa suweldo na lang babayaran. Mabuti na nga lang hindi masyadong magastos ang mga requirements dito e.


Pero kahit paano, kahit mahirap ‘tong trabaho ko – kasi mababa at delay ang suweldo. E natutuwa pa rin ako rito. Kapag nasa PUP ako, kahit malayo pa lang e tinatawag na ako ng mga estudyante ko. Alam kong mga estudyante ko sila kahit hindi ko sila nililingon agad. Kabisado ko ang kanilang tinig.


“ SIRRRRRRRRRRRRRR!”


Nakakahiya rin minsan, kasi sobrang lakas ng boses. Kung makakaway pa akala mo hindi kami nagkikita sa room nila. Kapag wala ka na sa university may mga estudyanteng tatawag at babati sa’yo. Kaya kahit sobrang pagod ako, nawawala kasi kahit paano kinikilala ka nilang prop at naging bahagi ng kanilang buhay-kolehiyo. Ito ang kasiyahang hindi kayang palitan ng suweldong binibigay sa akin.


Minsan naman kapag nasasalubong ko sila sa corridor, lahat sila bumabati sa akin. Nagmumukha tuloy akong celebrity. Pero iba ang kanilang pagbati. May halong ngiti na tuwang-tuwa na makasalubong ako. May ilan naman na talagang tumitigil pa para lang batiin ako. Ngingitian ko lang sila. Tapos ngiting walang halong kaplastikan ang ibibigay nila sa akin. Minsan nga iniisip nila na parang wala lang kapag tumutugon ako sa kanilang pagbati, pero deep in my heart tuwang-tuwa ako. Hindi ako magsasawang ngitian at batiin sila hangga’t may mga estudyante akong kinikilala ako hindi lang bilang prop nila sa isang subject kundi bilang isang kaibigan na handang tumulong sa oras na may kailangan sila ---‘wag lang muna sa pera. ‘Saka na kapag yumaman na ako (kahit hindi nakakayaman ang pagtuturo). Sapagkat ang guro’y para sa estudyante at ang estudyante’y para sa guro. Kaya’t para sa kanila, gagawin ko ang lahat para magawa ko ang aking tungkulin bilang isang propesor. Apir!




O siya, anong oras na ba? Magche-check muna ako ng mga papel, para may ma-record na ako’t maibalik na sa kanila ito. Ayaw ko kasing ma-late sa pagpasa ng grades ng mga estudyante ko. Baka i-hold pa ang suweldo ko kung magkataon.

No comments: