Monday, March 28, 2011

Daga

(Maikling Kuwento)


Sa isang tambakan ng mga basura sa kalye ng Martinez ay mayroong nagtitipon na mga lalaking walang saplot pang-itaas at marahil ay nagbabantay at nag-aabang sa pagdating ng mga basurang magmumula sa mga taong nakatira sa lugar na iyon. Kalakal boys ang bansag sa kanila. Sapagkat sa tuwing sasapit ang ala-sais ng hapon ay hindi sila magkandaugaga sa mga basurang dumarating. Sa tuwing may basurang iaabot sa kanila, hindi sila nag-aatubiling pisilin ang mga ito, para bang may nais maramdaman sa pagkakapisil at kung maramdaman man ay agad nila itong bubuksan. Sabik na hahalughugin ang laman at magiliw na uungkatin ang loob. Hindi nila alintana ang mga dumi at baho na nakapaloob sa mga basura, ang mahalaga ay makakita sila ng mga bagay na maari nilang ibenta kinabukasan.

Isang gabi habang naghahalughog ng kalakal si Rommel sa basurahan ay napansin niyang may kung anong gumagalaw sa isang plastik. Bigla niyang tinawag ang iba pang mga kalakal boys upang tignan ang kanyang napansin.

“Uy, me gumagalaw sa loob ng plastik ohh.” Gulat habang tinatawag ni Rommel ang ilang kasamahan.

Nang makita ng isa sa mga matatandang kalakal boys ang nasabing gumagalaw na plastik. Bigla itong napatawa ng malakas na para bang inaasar ang pagiging inosente ni Rommel. Sa pagkakataong iyon, kumuha ito ng daspan at pinagpapalo ang plastik.

“Tangeks, malaking daga lang yung nasa loob niyan.” Nakangisi ang tugon ng matandang kalakal boys kay Rommel. “kupal ka, kala ko kung ano na yang nangyayari, daga lang umiyak ka na.”

Pinagpapalo ang dagang nasa loob ng plastik hanggang sa ito ay hindi na gumalaw. Matapos ang karumal-dumal na pangyayaring ito, kanilang binuksan ang plastik upang tignan ang kalagayan ng nasabing Daga. Gamit ang daspan, pinilit na kuhain ang daga mula sa plastik. Habang kinukuha ang daga bigla itong pumalag, gustong pang gumalaw subalit nasa daspan na siya ng mga kalakal boys.

“Pumapalag ka pa, ang lalakas na nga ng palo ko sa iyo.” Umiiling ang matandang kalakal boys habang hawak ang daspan kung saan naroon ang sugatang daga na nais pang lumaban.

Hindi alintana ng mga sasakyang dumaraan sa harap tambakan ang nangyayari. Para bang wala lang sa kanila ang pagpupulong na iyon ng mga kalakal boys. Kasabay nito ang pagkindat ng mga neon lights sa posteng nagsisilbing pangunahing gabay ng mga motorista.

Biglang-bigla. Nagtungo ang matandang kalakal boys sa gitna ng kalsada. Parang isang siga sa kantong walang pakialam sa mga sasakyang dumaraan. Hawak ang daspan na kinalalagyan ng dagang pumapalag. Habang ang ilan pang mga kalakal boys ay nagtatawanan sa sinapit ng daga.

“Iiwan kita dito sa gitna ng kalsada, peste ka, baka ikaw yung sumisira ng gamit ko sa bahay, kung hindi man ikaw yun, baka mga kapatid mo yun, pero wala akong pakialam, dito na matatapos ang buhay mo.” Nakatingin ang matandang kalakal boys sa dagang nasa daspan. At bigla nitong tinaktak ang hawak upang mahulog ang daga patungo sa kalsada.

Naiwan ngang mag-isa ang daga sa kalsada. At inaasar ito ng mga kalakal boys habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan. Atras-abante ang deskate ng pobreng daga upang iwasan ang mga sasakyan, ninanais pa nitong makarating sa basurahan bago man lamang siya pumanaw subalit wala na yata talagang pag-asa, duguan ang kanyang likuran sa natamong palo mula sa matandang kalakal boys.

Habang nagsisigawan ang mga kalakal boys ay biglang may dumaan na dambuhalang trak sa kanilang harapan. Nagkaroon ng katahimikan sa mga oras na iyon sa pag-aabang sa sinapit ng pobreng daga. Hindi nila nakita kung ano ang nangyari sa daga nang dumaan ang trak. At nang makalagpas nga ang trak, buhay pa rin ang daga. Hindi ito natamaan ng gulong na wawakas sana sa buhay nito.

Nagpatuloy ang sigawan at lalong lumalakas. Mas tumitindi ang kanilang emosyon upang asarin ang pobreng daga. Inaasar nila ang daga na hindi na ito makararating pa sa basurahang pinagmulan.

Sa hindi inaasahang pagkakataon may dumaang tricycle na hindi nila aasahang kikitil sa buhay ng daga. Nagulungan ang daga ng gulong, para bang natapos na ang kanyang paghihirap nang mangyari ito. Pinilit pang lumaban ng daga, subalit huli na ang lahat. Naigalaw pa nito ang kanang paa, subalit wala na talagang pag-asa. Nilapitan ng isa sa mga kalakal boys ang nakahandusay na daga.

”Wala na, deds na.” Nakangisi habang inaasar sa tingin ang nakahandusay na pobreng daga.

Bumulwak ang dugo sa bibig ng daga. Bumulwak nang bumulwak. Hanggang sa patuloy nang nadurog ang katawan ng daga sa mga sasakyang dumaraan. Tumalsik ang ilang parte ng katawan ng daga sa kalsada, subalit hindi na binigyang pansin ito ng mga kalakal boys. Hanggang sa mabaon sa limot ang pangyayaring iyon. At nagpatuloy nang muli ang buhay ng mga kalakal boys, ang pagdaan ng mga sasakyan, ang paghahatid ng mga tao ng basura sa tambakan at ang pagkindat ng neon lights sa bahaging iyon.

7 comments:

Anonymous said...

naantig ang puso ko sa aking nabasa..
my ganun bng klaseng tao?
sa palagay ko,lahat ay maawa..
kaya lng yung
iba naubos na yata
sa ang awa sa sarili ee..
badt3p naman...
haixt,

Feh Ancheta said...

Nice one Jhonley...
ang dming simbolismo niyan ah...
tulad nga ng sinabi ko, 2 bgay ang kinaiinis ko 1. Daga ang biktima 2. Kalakal boys pa ang kontrabida...HANEP!
hehehe..
pero naapreciate ko...MAGANDA :-)

reckababe said...

natawa nman ako sa bida.
hahaha
pero nice a, pinakita mo ang reality
ng buhay through that character :))
another work of art , thumbs up for that! :D

Anonymous said...

well.. na enjoy ko yung kwento... masarap basahain..mganda ang ibig sabihin.

jackdisonpablo said...

sa prangkahang pagsasalita, hindi ko nagustuhan ang kuwentong ito.. mahina ang gamit ng mga salita..mahina rin ang atake sa paksa na para bang nagbasa lamang ako ng isang pangyayaring walang iniwan kundi ang kahinaan ng kuwento.. ipagpatuloy lang ang pagsusulat..basa lang nang basa..subukan mong basahin mga kuwento ni Wilfredo Virtusio...mabuhay ka kasama!tuloy lang ang paghabi ng mga salita tungo sa mapagpalayang panitikan.

Jackie said...

hi johnley!

Salamat sa pagpapabasa sa akin ng kuwento mo! :) Hindi ko alam kung ano ang kredibilidad ko upang mag-iwan ng komento kaugnay ng nabasa kong kuwento, gayunpaman, mag-iiwan na rin ako ng ilang mga puna. Hehe! :))

tama, sulat lang ng sulat! hindi ko gaano nakuha ang sinisimbolo ng kuwento pero nakatutuwang isipin na nagagawa mong bumuo at isatitik ang laman ng malikhain mong isipan. Gayunpaman, sana higit na maging maingat sa paggamit ng mga bantas at angkop na salita sa pagbuo ng mga pangungusap na bubuo sa mismong kuwento.

Personally, nabitin ako. Siguro, kung may nais bigyang simbolo ang kuwento, higit na bigyang pagkilala ang karakter ng mga tauhang kabilang sa kuwento.

Binabati kita! ipagpatuloy ang pagsulat! :)

Mirikashikitoku said...

whew! ayos ung kwento kasi very realistic..kaya lang parang may kulang pa e..taz 4 me, common n sakin ung ganitong dating ng kwento cguro pra sa mas lalong epektibong akda lagyan mo ng touch of uniqueness ung gwa mo..so much 4 dat,ok naman to..kip 8 up! =))