Saturday, January 29, 2011

Si Jen o si Grace?

(Maikling Kuwento)


Mula nang magkaroon ng trabaho si Jillian, kalahating taon na ang nakalilipas. Madalang na silang magkita ni Grace. Huling nagkita ang dalawa sa kanilang meeting-place kung tawagin. Sa Seaside ng MOA (Mall of Asia). Kung saan sila'y unang nagkita at nagkakilala. Sa pamamagitan ng pakikipag-textmate na tinatawag.

Apat na buwan na rin ang nakalilipas nang huling magkita ang dalawa. Bago tuluyang nagpaalam sa isa’t isa, binigyan muna ni Jillian si Grace ng isang Libro: Ligo na U, Lapit na me, ni Eros Atalia. Upang ‘di umano'y mapagkwentuhan nila kapag sila'y nagkitang muli sa Seaside.

wer n u?

Text ni Jillian kay Grace.


w8,lapet n q,sn kn?

Reply ni Grace.


Bsta d2 lng aq, s tpat ng Sam's ska Tender Juicy, nka blue aq n t-shrt.

Tugon naman ni Jillian.

Mahigit 20 minuto ang lumipas nang magkita ang dalawa. Nakaharap noon si Jillian sa dagat habang kanyang pinagmamasdan ang mga alon na tila nagkakasundo sa kanilang kinalalagyan.


"Tagal mo.” Malambing at nakangiting tugon ni Jillian kay Grace, "Namiss kita ha".


"Namiss din kita." Nakangiting tugon ni Grace habang pinagmamasdan ang mukha ni Jillian.

At ang mga titig na iyon, para bang nagbibigay ng isang mensaheng hindi mababatid kung hindi sasabihin at ipagtatapat.


"Nabasa mo na ‘ yong Libro?"
"Oo, tapos na, tapos ko nang basahin ‘yon, nakakatawa nga, e"
"Lalo na si Intoy!”
Masiglang sagot ni Jillian.
"Pero ang nakapagtataka ‘ron, sinong nakabuntis kay Jen, hindi naman si Intoy na lagi n’yang kasama?" Parang may gustong malaman ang tanong na iyon ni Jillian sa kanyang kaharap. Waring naghahanap ng isang kasagutan at katotohanan.


"’Saka s’an s'ya napunta ‘nong nawala s'ya bigla?
"Makikita pa kaya s’ya ni Intoy?"

Mga katanungang labis na nagpakulot sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang karagatan na waring tinutuya ang kanyang katauhan ng mga along nagmumula dito. Mga katanungang nagbigay sa kanya ng misteryo kung ano ang magiging solusyon sa mga ito.


Nang marinig ni Grace ang pangalan ni Jen- isa sa mga pangunahing tauhan sa kwentong pinababasa sa kanya ni Jillian. Bigla itong napayuko, waring nalugmok sa kanyang kinatatayuan. At bakas sa kanyang mukha ang pag-aalaala sa hindi maipaliwanag na dahilan. Parang gustong sumabog ng kanyang damdamin habang katabi ang kasintahan.

"Oh ba't bigla kang natahimik, hindi mo ‘ata binasa, kaya hindi ka maka-relate." Pagtatakang tanong ni Jillian. At biglang-bigla, hinawakan nito ang kamay ng kasintahan. Parang isang halaman na pinupunan ang pangangailangan sa tulong ng sikat ng araw. At sabay nilang pinagmasdan ang mga alon sa dagat ng Manila Bay. Mga alon na waring nagrerebolusyon sa kanilang kinalalagyan. Gustong kumawala, gustong tumakas. Waring nagbabadya ng isang delubyo.


"Wala ‘yon,wala wala." Mahinang tugon ni Grace. Walang emosyong pinakita sa kanyang mukha. Para bang may itinatago pero may nais ding ipalabas. "Sige lang, kuwento ka pa"

"Ba't ako lang magkukwento,ikaw naman"

Hindi pa natatapos magsalita si Jillian nang bigla’ng may naisip na tanong si Grace, na tila ba hinugot sa kung saan. At ang mga alon, para bang binigyan siya ng hudyat ng mga ito upang magsalita. Mga alon na nagbibigay lakas sa kanya upang masabi ang nararamdaman.

"Kung ikaw si Intoy, anong magiging reaksyon mo sa nangyari kay Jen?"
"Ako!?"
Gulat na gulat na tugon ni Jillian sa kasintahan. Parang isang paslit na tinanong kung ano ang kanyang katayuan sa buhay.

"Hindi ko alam, baka mabaliw ako n’on"
"’Saka, ano’ng karapatan ko r’on kay Jen, ‘di ko naman syota ‘yon, e. Ang mahalaga, tiba-tiba ako." Nakatawang sagot ni Jillian, nagbibiro ang mga ngiti na ibinato sa kasintahan. Sabay akbay sa kasintahan at halik sa pisngi nito.

Nagbuntong hininga si Grace, para bang nagkaroon ng pag-asa sa ginawa. At pinagmasdan muli ang kalagayan ng mga alon. Napangiti siya at biglang natuon ang pansin sa kasintahan.

"Hmm, may sasabihin ako sa'yo." Paunang salita Grace.
"Ano naman ‘yon?" Para bang nagulat si Jillian
"Ako si Jen sa kwento"

Friday, January 21, 2011

Kumunoy

(Maikling Kuwento)


Kagagaling lang ni Mang Gusting sa pagtitinda ng mga sigarilyo at kendi sa isang hindi kalayuang kalsada sa kanilang lugar.

Bitbit niya sa kaliwang kamay ang isang tila maliit na lamesang patungan ng kanyang paninda, at nakasabit naman sa kanyang kanang balikat ang sisidlan ng mga ito.

Tila makulimlim ang hapong iyon kay Mang Gusting, gayong mainit pa, at nakangiti ang araw sa mga tao.Habang siya'y papasok sa kanilang lugar, sa looban kung tawagin ng mga tagaroon, nang sari-saring mga ingay ang kanyang naririnig, mga imaheng nais niyang hindi na muling makita: mga batang naglalaro, mga tambay sa kanto, mga rugby boy, panakanaka, mga nagtutulak ng droga, mga nagsusugal, nagtotong-it at nagkakarakrus; mga tsismosang na wala nang ginawa kundi ang magpalipas ng oras sa pakikipagkwentuhan sa mga kapwa tsismosa, ingay ng mga tugtugan sa bawat tahanan na kanyang nadaraanan.

Sa paglalakad ni Mang Gusting, tila ba hindi siya nasasabik na mamahinga, hindi dahil wala siyang kinita sa maghapong pagtitinda, kundi dahil sa mga bagay ng kanyang naiisip, na marahil ay hindi maganda.

Tulala at nakatuon lamang ang kanyang paningin sa baba ng sementadong daan patungo sa kanyang tahanan; ilang linggo na ring ganito si Mang Gusting, minsan ay hindi na rin siya kumakain ng hapunan, pagkat sanay na marahil ang kanyang sikmura sa araw-araw na gawaing ito.

Subalit ang araw na ito ang pinakamalungkot sa lahat ng malungkot na kanyang pag-uwi sa kanyang tahanan.May kung anong binubulong si Mang Gusting habang naglalakad,

“kalayo"
“kalayo”
“kalayo"

...tulala pa rin nang makarating siya sa kanyang tahanan, na tanging isang tao lamang ang kasya, marahil inilaan ang ispasyong ito para sa kanya, para gawing isang munting tahanan.

Singhaba lamang ng pinto ang loob at ang taas ng kanyang tahanan.

Talagang nakalaan lang para sa kanya.

Ano bang silbi ng malaking tahanan, gayong wala naman nakakaalala sa akin, minsan ay kanyang naiwika.

Sa loob ng kanyang tahanan, ay isang maliit na gitara, ang bubungad kapag binuksan ang pinto. Nakalagay sa dulo ang ilang mga kagamitan na kanyang pinahahalagahan. Nakalagay sa isang maliit na kahon na sing laki ng lalagyanan ng sapatos.

Pagkabukas niya ng pinto, agad niyang ibinaba ang mga bitbit na gamit, umupo sa pintuan, at tulala ulit na tila ba may iniisip. Ilang oras din siyang ganito, at nang mapagod, ay napasandal at naramdaman sa likod ang kanyang gitara.

Tinitigan niya ito, at saglit na nagtungo sa loob, may kung ano siyang kinuha sa loob ng tahanan. Isang litrato, na kasama ang buo niyang pamilya, bago siya lisanin ng mga ito, tinitigan, pagkaraan ay iniharap sa ibabaw ng apoy ng gasera ang kaninang hawak niyang litrato.

Walang ekspresyon sa kanyang butuhang mukha, ni hindi tumulo ang luha sa kanyang bilugang mata; habang nasusunog ito. Nang tuluyan ng masunog at maging abo ang litrato. Kanya nang kinuha ang gitara at tumugtog ng ilang mga awiting paborito niya.

Inabot ng madaling araw ang pagtugtog niya ng gitara, tanging siya na lamang ang gising sa mga oras na iyon.

Kahol ng aso at ingay na lang ng mga pusa at maririnig kasabay ng pagtipa niya sa kanyang gitara.

Tuluyan nang pumasok si Mang Gusting sa kanyang tahanan at doon nagpatuloy ng pagkanta na nilapatan ng tunog ng gitara. Napasandal siya at itinuon ang mukha sa bubong ng kanyang tahanan, nakita niya ang mga ipis na malayang naghahabulan at tumatambay dito.

Matapos ang ilang sandali, natuon ang kanyang paningin sa gaserang nakasindi. At walang ano-ano, kanyang sinipa.

Napunta ito sa kahon na sinlaki ng kahon na lalagyanan ng sapatos. Dinilaan ng apoy ang karton na ito, at nasiyahan si Mang Gusting sa nakita.

Ang maliit na apoy mula sa gasera ay unti-unting nilamon ang karton at ilan pang mga nasa loob nito.

Patuloy ang pagkalabit ni Mang Gusting sa kuwerdas ng gitara, kaakibat ang isang tila paghele sa isang bata...

“Hmmmm...."
"hmmmmmmmmm......”

Unti-unting umakyat ang apoy sa kanyang tahanan, patungo sa bubong. At patuloy pa rin siya sa kanyang pagtipa sa gitara. Nakangiti at tila masaya ang ekspresyon ng kanyang mukha habang tumutugtog ng gitara. Nakapikit at nakasandal.

Sa paglaki ng apoy sa loob ng kanyang tahanan ay unti-unti namang naglalaho ang tunog ng gitara at ng malambing niyang tinig. Hindi naglaon lumaki nang lumaki ang apoy at tuluyan nang nilamon ang loob at labas ng kanyang tahanan.

At dahil iskwater ang lugar, mabilis na kumalat ang apoy. Wari’y isang lugar iyon na binagsakan ng bilog at malaking apoy mula sa kalawakan.

Tuesday, January 11, 2011

Bakit Ganito ang Ganyan?

(Tula)

Hindi ko na muling babalikan
mga gunitang
kumukurot sa kalamnan,
mga alaalang
pumapaso sa isipan.
Nang hindi na manumbalik
pait sa bawat tamis
na dumating sa kamusmusan.

Mga sandali
na namighati sa kawalang malay,
mga lumipas na pagdurusa
sa kaginhawaan,
ay hindi na muling babalikan
gaya ng yapak
sa buhanginan
na nabubura
sa bawat kampay ng alon
na dumidila sa pampang ng pagkamulat.

Ang bawat ngiti
ng sikat ng araw,
ay hindi na muling magniningning
ang salaming inihain
ng mga mapaglarong kapalaran
na hindi na muling mamalasin
na bumalik sa kahapong nagdaan.

Mga bagay na nilikha
para sa mga dahilang hindi matanggap
ng kaloobang pagod
sa pag-intindi
sa mga hinanaing ng utak
na hindi mawari
ang dapat gawin.

Hanggang kailan,
maglalaro ang isip
sa baga ng apoy,
gayong tuyo na ang pang-unawa
sa lamig na dulot ng umaga sa Disyembre.
Hanggang kailan matatapos ang pagsagot
sa mga tanong
na hindi mabigyanng lunas
sa lumalalang pagkabigo ng isipan.

Higanteng Bakal na Metal

(Tula)

Sa oras ng iyong pagdating
ako ay aalisto
maghahanda,
at mag-aabang
sa pagbukas ng [mga] sugat
sa iyong tagiliran.

At dahil kaunting oras
ang inilaan
sa pagtahak sa iyong balumbalunan
ako ay magkakandarapa,
sisiksik,
manghahawi,
at manunulak kung kinakailangan,
matunton lang ang iyong kalooban.

Hahamakin ang lahat,
huwag lang hindi maunahan
sa pagpasok,
sa mailap mong mga sugat
na kapag bumubuka
ay may inilalabas at ipinapasok
na hindi malaman
kung natutuwa
o nabubugnot sa mga pangyayari.

Sa oras na iyong pagdating
ako ay aalisto,
paghahandaan
ang mga kapwa ko mikrobyo
na lalabas sa iyong [mga] tagiliran.
At kapag dumating na ang pagkakataon,
ako,[kami] ay susuot sa iyo
upang mapalitan
ang hirap na aming ibinigay
sa paghihintay sa iyo.

Walang sasayanging pagkakataon,
mga hakbang ay titigasan,
mga dugo ay papagalawin
at ang pwersa ay lalakasan
nang hindi mabuwag
ang hanay na kinabibilangan.

Matira matibay ang labanan,
pagkat bawal ang mahina,
bawal ang lampa
at bawal ang maarte
kapag nakaharap na
sa tarangkahan ng iyong tagiliran.