Wednesday, August 20, 2014

Hindi Tayo Close : Natatagong Hiwaga Sa Kamusta Na – Ok Lang Conversation

(Essay kuno?)


Na-try mo na ‘yong may itatanong ka sa isang tao?  Ahm, sabihin nating medyo personal at tungkol sa inyong dalawa.  Sample:

“Kumain ka na?”
“Oks lang ako, ‘ge lang.”
“Pero kumain ka na?”
“Oks nga lang ako p’re.”

Nakakatanga.  Hindi malaman kung ano ba talagang ibig sabihin ng sagot na Ok Lang.  Na hindi naman talaga tinatanong kung Ok Lang ba siya?  Dalawa lang ang sagot sa tanong na nasa itaas: Oo o Hindi.  Medyo may pagka-neutral at bias ang sagot na Ok Lang, ‘no?

Kapag may exam din ‘yong mga estudyante, may kaunting pagkakahawig ang mga banat, gaya nito:

“Kamusta exam bakla?”

“Sakto lang,”  pero halatang yamot ang mukha at pilit ang ngiti.
“E, ano’ng score mo?” 
“Ok lang nga, sapat lang.” 

Hasel talaga kapag ganito ‘yong sagot sa tanong.  Hindi malaman kung bakit ayaw sabihin ang katotohanan - score.  Pero meron isang tanong na medyo nakakairita sagutin kasi mahirap.  Kung lalabas nga lang ‘tong tanong na ‘to sa board exam malalaman natin na masyadong predictable ang isasagot ng tao, kaya lalabas na parang nagkopyahan sila kahit hindi naman talaga.  Ahm, alam mo ba kung anong tanong ‘yon?  Wait, wait, at wait.  Teka madalas ka bang naka-online, tapos may magpa-pop out sa chat box mo?  Lagi rin bang may load cellphone mo?  Tapos may magti-text sa’yo ng ganito.  Game, ready?  O sige para cool dapat sagutin mo rin ‘tong tanong na ‘to, pero kung hindi mo carry kahit mamaya na lang, babalikan na lang kita, para may grade ka sa recitation. 

“Kamusta/kmusta/mzta/musta/mHuZsTh4ah?”

Oh!  Anong isasagot mo?

Kagaya ng dalawa nating sample na conversation sa itaas, s’yempre napaka-generic ng sagot.  Ok Lang ako.  ‘Di ba?  Subukin mong mag-deny susupalpalin kita.  Biro lang.

Ito na siguro ang tanong na mahirap sagutin.  Una dahil hindi natin kilala nang lubusan ‘yong kausap/ka-chat/ka-text natin kahit sabihin pang friend natin siya sa Social Networking Sites – SNS (e.g. Facebook, Friendster etc) e mag-aatubili pa rin tayong sagutin ang tanong na ‘yon.  Sino ba naman kasi siya para paglaanan ng oras, ni hindi nga kayo masyadong close at siguro baka hindi pa kayo nagkikita in-person, ‘no?
Kahit sabihin pa nating close kayo, medyo hasel pa rin magkuwento.  Kaya ang isasagot mo na lang sa tanong,  OK LANG.  Nakakatamad kasi, sayang oras.

Pagkatapos mo namang bitiwan ang sagot na  nabanggit, awkward naman kung hindi ka mag-i-effort na magbigay ng follow-up question.

“Ikaw kamusta na?”
‘Wag mong kalilimutang idol ka ng kausap mo.  Gagayahin ka niya.
“Ok lang din naman.”

Mapa-chat, text or kahit sa personal ganyan ‘yong linya ‘di ba?  Ngayon para masabing kunyaring concern ka, susundan mo ng ganitong gasgas na tag line.

“Nice, maganda yan, hehe J,”  kung sa text man yan, lagyan mo na lang ng emoticons.  Kung sa personal naman, isang ngiti na labas ngipin (either way puwedeng sarcastic ha).  Tapos awkward moment na naman.  Pero ang totoo wala na kayong pag-uusapan kasi nga hindi kayo close at waste of time, ‘di ba, at d’yan matatapos ang communication niyo.

“Kamusta ka?”
“Oks lang?”
“Kamusta ka?
“Oks lang nga.”
“Isa pa, sasapakin na kita.  Kamusta ka?”
“ . . .”
“Ba’t ayaw mong magsalita?”
“. . .”
“Ba’t bigla kang napayuko?”
“. . .”
“Oh, oh oh. . . anong gagawin mo?”
“. . .”
“Hala!  Ba’t bigla mo akong niyayakap.  Manyakis!  Susuntukin talaga kita!”
“. . .”
“Ay ‘di talaga mapigil oh!”
“. . .”
“Kamusta ule?”
“Antotoo. . .” ayan na, magkukuwento na.  Nakasimangot pa.  “May problema ‘ko”
“Oh! Powtek naman, ano ‘yon?”  Ito na, handa ka na?
“Kasi, ganito blah blah blah etc etc etc ……………………..”
“Ah kaya naman pala.” 
At mahabang kuwento pa.
“Kasi nga blah blah blah etc etc etc ……………………..”
“Oh! Talaga?”
“Oo, kasi blah blah blah etc etc etc ……………………..”  Umiiyak na talaga ‘yong kausap mo.  Hindi na maawat sa pagkukuwento,  gumaganda ‘yong discussion niyo.  E nagkataon na naka-relate ka sa kuwento niya, kaya hindi puwedeng hindi ka rin mag-share, para naman masabi nating concern tayo sa kausap.
“Ako nga rin, alam mo bang ano blah blah blah etc etc etc ……………………..”
“Oh talaga kala ko ako lang may gan’un?”
“Oo peksman, tapos blah blah blah etc etc etc ……………………..”

Hindi mo namamalayang umiiyak ka na rin.  Nagkasundo kayo sa topic, pinag-isa kayo ng inyong problema.  Nag-connect kayo dahil sa pagsagot sa tanong na Kamusta Na?

Kung bakit natin sinasagot na Ok Lang ang tanong na Kamusta Na?  Kasi nga isinasaalang-alang natin ang relasyon sa kausap.  Kung hindi talaga kayo close malamang na hindi ka magkukuwento.  Pero kung close kayo at sumagot pa rin ng Ok Lang ‘yong kausap mo, naku magduda ka na, kaibigan mo ba talaga yan?  Biro lang.

May konsepto din kasi tayong mga Pilipino ng salitang Hiya,  na baka pagtawanan ka ng pagsasabihan mo o kaya baka pagmulan ‘to ng malupit na tsismis na ikasisira ng buhay mo.  Ayaw rin kasi nating makaabala sa ibang tao kaya sapat na sa’ting sarilinin na lang ang problemang ‘to.  Tama?  E nagkataon, nagtampo sa’yo ‘yong kausap mo.  Bakit daw hindi ka nagsasabi.  Madaya ka,  bakit sa kanya sinabi mo sa’kin hindi?  At . . . at, sasabihin niya sa’yo,  Para Ka Namang Others, Nakakainis ka.  Hala yari, nag-away.

Gumanda ang relasyon ninyong dalawa kasi naging matapat kayo sa pagsagot sa tanong na Kamusta Na?  Minsan hindi naman talaga natin kailangan ng solusyon sa problema,  trip lang natin magkuwento, para gumaan ang pakiramdam.  Kung gaano kabigat ang problema, gan’un din siguro kahaba ang kuwento, just imagine.  At ikaw na pinagkuwentuhan, kapag natapos mong pakinggan ang problema na ‘yong kasama/kaibigan/kalandian/ka-chat/ka-text/ka-phone pal.  Ikaw naman ngayon ang magkaka-problema.  Ikaw na kasi ang magdadala ng bigat (ng problema).  Ma-a-annoy at mapa-paranoid ka sa kuwento niya.  Na hanggang sa pag-uwi problema niya ‘yong dala mo.  ‘Di mo nga alam basta nadala ka sa kuwento niya, hindi ka mapakali.  In short pinasa sa’yo ‘yong problema.  At ‘yong kausap mo, ayon nakangiti, kasi kahit paano nahimasmasan.  Gumaan ang pakiramdam, kahit nga wala kang binigay na solusyon, sapat na ‘yong pakikinig.  Sabi nga sa kanta na Pare Ko ng Eraserheads:

“O, pare ko, (O pare ko)
Meron ka bang maipapayo?
Kung wala ay okey lang, (Kung wala ay okey lang)
Kailangan lang (Kailangan lang) ay ang iyong pakikiramay
Andito ka ay ayos na, (Andito ka ay ayos na)”

. . . Ops, tama na, masakit sa tenga ‘yong boses mo.  Biro lang.
O ayan, kapag tatanungin ka ng tropa/kaibigan/kababata/jowa/classmate/officemate/relatives mo tungkol sa buhay mo o kaya Kamusta ka, bakit hindi mo subuking maging matapat sa sagot.  At take note lalo pang lalalim ang samahan ninyong dalawa.  O ‘di ba?
Balik ule tayo d’un sa tanong ko sayo kanina, pero this time dadagdagan ko.  Game?
Ahm, about dito sa binasa mo,  Kamusta?

1 comment:

Tresia Siplante Traqueña said...

TAMA. TAMA. ALIEN. GALING.
Kung mababasa to ng iba panigurado nagbago na po ang utak ng Pilipino. OKAY LANG po :D