Wednesday, April 23, 2014

First Date


(Dagli)


Pagkatapos naming magsimba,  dinala ko siya sa SM Megamall, syempre doon sa makakapili siya ng iba’t ibang luto at putahe – sa Foodcourt.  Si Eve nga pala ‘yong tinutukoy ko, chubby na maputi.  Kita pa naman iyong leeg, hanggang balikat ko.  Huwag ka nang lumayo kay Aiza Seguerra, medyo ganoon ang itsura niya, pero syempre babae itong kasama ko.  Siya rin iyong una kong nililigawan ngayong highschool.  At ito ‘yong firtst date ever ko sa buhay.  Naka-T-shirt lang siya na kulay yellow at may drawing na tweety bird.  Pants at Doll shoes.  At hikaw na parang bulaklak ang itsura sa kanyang dalawang tenga.  Naka-suot ng head ban.  At ako naman, tamang plain na white T-shirt lang, itim na pants at chuck taylor na nabili sa Divisoria, CAT officer kasi, kaya sanay ako sa ganitong pormahan.

Naghanap kami ng bakanteng puwesto.

Ano gusto mong kainin? Tanong ko sa kanya.  Alam ko naman kasi mahihiya rin magturo ito kaya malakas ang loob kong magyaya.  First date niya rin kasi ito, at ramdam kong magkakahiyaan sa una. 

Nakangiti lang lang siya, nahihiyang ibuka ang bibig.  Tinaas ang dalawang kilay, ngumiti at umiling.  Ok lang ako, sabi niya.

Magkaharap kami, kahit walang pagkain sa lamesa.  Wala man kandilang may sindi, pakiramdam ko ito na iyong pinaka-romantic na oras sa buhay ko.  Natutukso nga akong hawakan iyong kamay niya, kaso baka magalit kasi nga first date, baka biglang mag-walk out at hindi na ako pansinin – busted.

Sige na. Pumili ka na. Anong gusto mong kainin?  Tanong ko ulit.  Nilibot ko ng tingin ang buong food court.  Akong bahala, ako magbabayad, ‘wag ka nang mahiya.  Ako naman nagyaya nito.  Sige na, please.  Nagpapaamo ang mukha ko na parang nagmamakaawang pumili na siya ng stall na kakainan at pagkaing trip.

Ayaw pa rin, at ito talaga ang inaasahan ko, kaya pinagpilitan ko pang pumili siya.  Ayaw talaga.  Ilang minuto ring naubos iyong oras namin sa pagpilit at pagtanggi.  Hanggang sa nagsalita na siya.
O, sige, ganito na lang.  Sabi niya. Bigla akong kinabahan, naghabulan ang mga daga sa aking dibdib.  Palakas nang palakas, parami nang parami.  Ngumiti ako, pati mata ko nakisama. O, ano ‘yon?  Tanong ko.  Sana huwag niyang sabihin iyong kinatatakutan kong salita.  Kung ano ‘yong o-order-in mo, ‘yon na lang din ‘yong sa’kin.  Siya naman ngayon ang nakangiti, at nanghahamon.  Shit.  Umiling ako habang nakangiti.  Hindi p’wede ‘yon, dapat magkaiba tayo na kakainin, para malaman ko kung ano ‘yong gusto mo, para makilala pa kita.  Alam mo na, getting to know each other?  Sumimangot na naman iyong mukha niya.  Iginala ang mata sa paligid, halatang nag-iisip.  Kaya inunahan ko na, mahirap na kapag nalaman niya ang totoo.  Game! Ganito na lang. Halatang nagpapa-impress na naman ang boses ko.  Nakangiti pa rin, kailangan i-maintain ang character.  Lipat na lang tayo sa may Starmall, mas maliit ‘yong foodcourt d’un, baka mas makapili ka ng gusto mo?  Taas ang dalawang kilay na parang nagtatanong sa kanya kung sasang-ayon ba siya o hindi.  Tumango siya. Ngumiti ulit. Ngumiti rin ako.  Tara na?  Tara.  Nakangiti pa rin.
Nakarating kami sa starmall na ang pinag-uusapan lang ay kung anong gusto niyang kainin.  At syempre ayaw nga raw niya talagang kumain.  Sobrang nahihiya.  HA-HA-HA, gaya ng inaasahan, everythings’ according to my plan.

Magkaharap ulit kaming nakaupo, at wala pa rin lamang pagkain ang lamesa namin.  Uulitin na naman natin ‘yong eksena kanina sa SM, hindi ka na naman o-order?  Ikaw na nga lang ‘yong pumili ng pagkain, e.  Hindi nga p’wede ‘yong gan’un dapat magkaiba tayo na kakainin.  E! kasi naman, nahihiya nga ako, ‘tsaka hindi pa talaga ako nagugutom.  Ngumiti siya, at mukhang wala talagang balak um-order.  Pinairal ko kunyari ang pagiging suplado ko, naggalit-galitan ako na parang nagtatampo sa kanya kasi ayaw niyang umorder.  Ayaw lang kitang magutom, alam mo namang concern lang ako sa kalusugan mo.  Sabi kong nagpapa-awa na naman ang mukha.  Napayuko siya.  Hinawakan ko ang kanyang baba at hinarap sa akin.  Ngumiti ako.  Kinurot siya sa pisngi.  ‘Wag ka nang malungkot d’yan, sige na, hindi na kita pipilitin kung ayaw mo.  Ngumiti siya.  Nagyaya na akong umalis. 

Pumunta kami sa sakayan ng jeep papunta kalentong.  Sa may ibaba lang rin iyon ng starmall.  Sa likod ng JRU ang bahay niya.  Ihahatid kita ha?  Nagulat siya. ‘Wag na.  Halatang nahihiya talaga.  Ako nang bahala, please.  Ngumiti na naman ako.  Hindi ba talaga p’wede, kasi baka mapa’no ka  sa byahe?  Hindi, okay lang ako, ngumiti na naman.  Salamat na lang.

Ba-bye, ingat ka ha.  Ngumiti na naman siya.  Ikaw din ingat ka.  Nag-apir kami.  Pumila na siya.  Pumasok sa jeep.  At ako?  Ito nakangiting naglalakad.  Mabuti na lang talaga at nagtugma lahat ng plano ko.  Kung hindi tapos ako nito, salamat at hindi nagalaw ang trenta pesos ko.

No comments: