(Personal Essay)
Kasama
kong nakatambay n’un sa bahay ‘yong tropa kong si Mon-mon. Classmate ko s’ya mula grade 3 hanggang 1st
year high school. Laging bida sa mga
kuwentong barbero. Masarap s’yang iuntog
sa pader, wasakin ang mukha, silaban o ibaon sa lupa ng buhay, kotongan sa loob
ng limang minuto, kasi siguradong manggigigil ka kapag ikaw ang nakursunadahan
n’yang pag-tripan. Anlakas tumawa na
halos kita na ‘yong ngalangala kapag nang-aasar. Namuumula ang mukha na parang inaalergy. Tapos kapag hinabol mo, magaling umiwas,
parang beteranong snatcher, at lalo ka lang maaasar. S’ya talaga ‘yong clown sa’min, kung wala nga
‘tong gagong ‘to sa section namin, baka lagi kaming nasa misa.
At
gaya ng dati, kung ano-ano na namang kagaguhan ang kinukuwento, kesyo
na-virginan na raw n’ya si Micah, ‘yong chikas na taga-labasan at anak ng
may-ari ng talyer. Alam n’ya na raw ang pakiramdam kapag gumamit ng damo, meron
na raw s’yang friendster account. At
‘yong hindi ko makakalimutan, gitarista’t bokalista raw s’ya sa banda
n’ya. ‘Yong huli ‘yong medyo
pinaniwalaan ko. Nagkataon naman na
kagagaling lang ni ermat sa Quiapo dala ang regalong pekeng lumanog na
gitara. Sabi ko’y parinig n’ya sa’kin
‘yong mga na-compose nilang kanta.
Inabot ko kay gago ‘yong bago kong gitara’t pick, s’ya ‘yong naka-virgin d’un. Nakapustura na s’ya at handang kaskasin ang
instrumento. 3 segundong awkward
silence. Ngumiti si gago.
-_-
Tumatak
sa isip ko ‘yong pag-strum n’ya pati na rin ang pagkanta. Mula n’un sabi ko’y hindi pala ga’nun ka-cool
tumugtog. Ampangit pala ng gitara, nanghinayang
tuloy ako sa perang pinambili ni ermat.
Hindi pala bagay lapatan ng musika ang pagkanta ng live. Paano’y nang ginagamit ni gago ‘yong gitara,
halos pumikit na s’ya sa pagtugtog, sinamahan pa n’ya ng pick ang pag-strum,
parang yerong kalawangin tapos hinahampas gamit ang kapwa kalawanging yero ang
tunog. Kapag alam n’yang tinitignan ko
kung paano s’ya mag-strum, lalo pa n’yang nilalakas, para nang mapapatid ‘yong
string. Nakakaawa ‘yong pick, parang
mapuputol na. Gusto ko ring buksan lahat
ng butas sa bahay namin para lumabas ‘yong boses n’ya’t marinig ng
kapit-bahay. Para ma-appreciate nila
‘yong effort ni gago. Literal na mas
gusto ko pang marinig ‘yong malakas na hangin kapag me ulan, o kaya ‘yong kahol
ng aso tuwing madaling araw. Hindi ko
tuloy alam kung dahil sa peke ‘yong gitara o iba lang ‘yong tuning ng tenga ko
nang tumugtog si gago. At d’un ko
napatunayang mas bagay s’ya sa childrens party, para magpatawa’t magpasaya ng
mga bata. D’un n’ya na lang ikuwento
‘yong trip n’ya. Mas madaling utuin at
paniwalain ang mga tao d’un, kasi hindi pa nila alam kung ano ang totoo sa
hindi, tama sa mali at pangit sa maganda.
***
Kung
hindi pa nagdala ng gitara ‘yong classmate ko n’ung 2nd year high
school ako. Malamang ay buwan ang bibilangin sa pagkakatiwangwang
sa bahay ng gitara, hindi ako naaakit na kunin ‘to sa pinaglalagyan. Walang ka-appeal-appeal sa paningin ko.
Kahawig
ni Raymund Marasigan ‘yong classmate kong rakista, paitimin mo lang tapos gawin
mong sarat/dapa/pango/bisaklat/durog ‘yong ilong. Matangkad na payat, parang si Japeth Aguilar
(o Chris Bosh sa NBA). Hindi ko alam na
marunong pa lang tumugtog ‘yon.
Nang
kumanta na s’ya’t tumipa, putres, kahit hindi gan’un kaganda ‘yong boses n’ya,
nadala na lang ng talent n’ya. Para
akong nakapunta sa isang bar na may acoustic night. Akala ko kaharap ko si Paolo Santos, para
kong naririnig ‘yong lyrics na gawa ni Ely Buendia. Panay love songs ang tinugtog n’ya (e.g. It
might be you, Got to believe in magic at Parting Time). Kaya ‘yong mga babae sa room namin napakanta
na rin, may mga lumapit pa sa kanya para mas ma-feel ‘yong music. Higit sa lahat, ‘yong muse sa klase namin,
halos kiligin sa ginagawa n’ya.
Napailing ako’t napamura ng pabulong.
Pagkauwi ko sa bahay, bihis at kain, kihuna ko agad ‘yong gitara
ko. Ginaya ko ‘yong ginawa ng classmate
ko. ‘Yon ‘yong unang pagkakataong
ginalaw ko ‘yong gitara mula sa pinaglalagyan nito. Sobrang sakit, parang mapupunit at mawawasak
‘yong daliri ko kaliwang kamay. Wala
pang limang minuto umayaw na ako, naisip kong hindi ko ‘to porte. Pero kapag naalala ko kung paano kinikilig
‘yong muse namin sa pagtugtog ng classmate ko, nanghihinayang ako’t napapangiwi.
***
Naisip
kong bago ko pag-aralan ang chords, dapat malaman ko kung pa’no magtono. N’ung pipihitin ko na ‘yong key, tinandaan ko muna
‘yong pattern at kung ilang ikot ang kailangan. Nagsimula ako sa number 6 papunta sa 1. Nang binalik ko na ‘yong dating arrangement,
chenek ko kung mali ‘yong kalkukasyon ko.
In short epic fail, nawala sa tono.
***
December
n’un, pagkalabas ko sa bahay walang masyadong tao. Tapos me nagigitara sa tapat ng chapel. Nakilala kong si Orlando ‘yon. Mas matanda sa’ken ng 6 na taon, pero ni
minsan hindi ko s’ya tinawag na kuya.
Parang ispasol ‘yong kulay n’ya, mabuti.
Malalago ‘yong balahibo sa braso’t binti, ‘yong patilya n’ya parang kay
FPJ. At parang kay Nino Mulach pinaglihi
‘yong katawan n’ya.
“Marunong
kang magtono ng gitara?”
“Meron
kang gitara?”
“Oo.”
“Tara,
labas mo jamming tayo.”
Excited
akong bumalik sa’min. Paglabas, dala ko
na ‘yong gitara.
“Tono
mo ha?”
Tumango
lang s’ya. Nagpalit kami ng gitara. Pumwesto ako sa harap n’ya. Inobserbahan ‘yong gitara ko. Tinono.
Kinalabit at nagsimulang tumugtog.
“Ganda
ng tunog ng gitara mo ha.”
“Weh?”
Let
It Be ‘yong una n’yang tinugtog. Tapos 3
pang kanta ng The Beetles. Nag-request
ako kung alam n’ya ‘yong More Than Words.
Tumango’t tinugtog ‘yong sinabi ko.
Sunod, Before I Let You Go.
Natameme talaga ako, literal na nakanganga habang hawak ‘yong gitara
n’yang parang original na Yamaha.
Sinundad ng kanta ng Parokya ni Edgar,
Rivermaya, Siakol at Eraserheads
etc etc.
Nangislap
‘yong mata ko, awkward man sabihin pero na-inlove ako sa kanya. Nagtanong ako kung puwede n’ya ba akong
turuan. Ngumiti lang s’ya. Sabi’y madali lang daw ang gitara basta gusto
mo talaga.
Pagbalik
ko sa’min, ginaya ko ‘yong ginawa n’ya kaso ni isang chords wala pa akong
alam. Dali-dali akong bumili ng songhits
na may chord chart. Ilang araw ko rin
tinitigan ‘yon pero hindi mo ma-gets.
Pinag-aralan ko, at na-realize kong may appropriate pa lang pagdiin sa
bawat chords at numbering para sa daliri.
Sakto na kalalabas pa lang ng Album na UltraElectroMagneticJam, ito
‘yong revival ng ilang kanta ng E-heads.
Tapos naalala ko agad si idol Orlando.
Kasi paborito n’ya yon. Ang
huling El Bimbo ang una kong sinubukan kasi basic talaga ‘yong chords. kinabisa ko muna ‘yong lyrics para hindi
mahirap kantahin, nga lang, ang hirap pagsabayin ng pagkanta at paggigitara
kasi nakakailang kung ano ‘yong uunahin mo.
Dalawang lingo rin bago ko nakuha ‘yong kanta. ‘Yon at ‘yon lang ang tinutugtog ko. Walang sawa kahit naiimbiyerna na si ermat
kasi paulit-ulit daw at ansama pa ng tunog (isama na natin ‘yong boses).
***
Kapag
gabi, lagi kong inaabangan ‘yong pagtambay ni idol sa tapat ng chapel. Matik na kapag and’un s’ya, kuha agad ng
gitara. Tapos jamming na. Tinutugtog n’ya ‘yong mga bagong kanta ng OPM
bands n’un. Tulala pa rin ako’t
nakanganga. Wala akong masabi. ‘Yong mga tropa n’yang matatanda’y naki-jam
na rin. Panay E-heads ang tugtugan. Sila lang nagkakaintindihan kasi hindi ko pa
masyadong kilala ‘yong bandang ‘yon.
Hinihintay kong may mag-request ng Ang Huling El Bimbo tapos titignan ko
kung paano ‘yong pattern ng tamang pag-strum at paglipat ng chords.
Minsan
inaabot ‘yong jamming ng hanggang 11 ng gabi.
Pagkauwi ko, nagpa-practice talaga ako, mahina lang, baka makabulahaw
ako sa kapit-bahay. Ilang gabing naulit
‘yon. Lagi kong inaabangan si idol sa
tapat ng chapel. Kahit ayaw n’ya’y
binibigay ko sa kanya ang gitara. At
rock and roll na ang gabi. May mga
nakikitamabay na rin sa amin kahit hindi tropa, nakikikanta. Minsan pa nga’y ‘yong mga nag-iinuman sa’mi’y
tinatawag kami at doon na lang daw tumugtog si idol. Hindi naman makatanggi kaya pati sa pagsa-shot
hindi rin makaiwas.
Medyo
natututo na rin akong maggitara kahit paano.
Kabisado ko na ‘yong Ang huling El Bimbo. Pero ni minsan hindi ko sinubukang tumugtog
sa harap ni master, nakakahiya kasi magkalat.
Hanggang isang gabi’y naglakas ako ng loob sa kanya magpaturo. Sabi n’ya’y magaling naman daw ako, gusto ko
s’yang sapakin n’un at ipalo sa kanya ‘yong gitara.
“Dali
na master.”
“Anong
master?”
“Idol
kita e, magaling ka maggitara e.”
“Walang
magaling sa’ting dalawa maggitara. Kasi
may alam ka na hindi ko alam, may alam ako na hindi mo alam. Kaya walang magaling at bobo sa’tin
dalawa. Kwits lang tayo.” Sabay abot sa’kin ‘yong gitara. “Pakitaan mo nga ako.” Ngumiti ako.
“Sige lang.” Umiling s’ya’t
ngumiti, pumusturang tutugtog. Pumuwesto
na ako sa tapat n’ya para makakuha ng malupitang chords. Hindi pa natatapos ‘yong chorus ng kantang
Akin Ka Na lang ng Itchyworms, huminto s’ya’t nagsalita. “Darating din ‘yong araw na ikaw na ‘yong
papalit sa’kin dito sa lugar natin. Ikaw
na ‘yong magiging sikat at tatawagin kapag me inuman. Maraming hahanga sa’yo. May mga magpapaturo sa’yo. Darating din ‘yon. Basta mag-practice ka lang nang
mag-practice. Kasi n’ung nagsimula akong
maggitara hindi naman agad ganito. Lahat
ng bagay nadadaan sa tiyaga, basta gusto mo ‘yong ginagawa mo walang makakapigil
sa’yo. Nakikita ko kasi na seryoso
ka. Basta practice lang nang practice,
‘wag kang magsasawa. Magiging magaling
ka rin at ikaw na ‘yong tatawagin kong master.”
Hindi
ko alam kung pampalubag loob lang ‘yong sinabi n’ya o ayaw n’ya lang talaga
akong turuan. Kahit paano lumaki ‘yong
ulo ko. Tumatak ‘yong sinabi n’yang
practice lang nang practice.
Pagkatapos
ng jam, sinubukan kong alalahanin ‘yong mga kantang tinugtog n’ya pati na rin
‘yong chords. At na-realize ko
pumapangit ‘yong kanta kapag ako ang sisipra.
***
Sumikat
‘yong isang channel dahil sa mga music video na me kasamang lyrics. Marami rin itong inimbitahang sikat ng
banda. Konokober din nila ang mga
concert. Nagkaroon ng auditon para
maging DJ. Lumakas ang OPM band. Nagkaroon ng maraming gig ang mga banda. Dumami ang mga rakista. Pumatok ang gitara. Nagkaroon ng battle of the bands. May
mga bandang naggi-guest sa mga morning show.
Naging theme song ang kanilang kanta sa mga teleserye. May mga bokalistang heart rob at naging
artista, ang iba’y naging endorser ng mga produkto. Maraming nabaliw sa banda. Laging punuan sa mga music studio para
tumugtog. At bumalik daw ulit ang
kasiglahan ng musikang pinoy gaya noong 90’s.
‘Yong
mga hindi makatugtog ng musical
instrument, bumili na lang ng mga gadget para anytime puwede nilang pakinggan
‘yong mga kantang trip nila. Kasabay nito
ang pagpasok ng mga RNB music galing kay Uncle Sam. Uso pa rin ang music videos. Napapasayaw na ang mga kabataan. Napapa-ingles sa pagkanta. Pumasok na rin sa bansa ‘yong mga female artist. Mas kakaiba, mas patok, mastatangkilikin.
***
Hindi
ko na masyadong nakikita n’un si idol kapag lumalabas ako sa’min, ang balita’y
nagtatrabaho sa may bandang Caloocan kaya bihira na lang makapunta sa’min, sa
looban.
‘Yong
mga tambay sa’min, hindi na kailangan pa ng totoong live na performance, kasi nag-uso na rin ‘yong maliliit na speaker
na puwedeng lagyan ng SD memory card.
Gan’un pa rin naman, E-heads pa rin pinapatugtog, kaibahan nga lang,
puwede nilang ulit-ulitin kung gusto nila nang hindi sila nakakaistorbo ng
ibang tao para tumugtog pa sa harap nila.
Kapag totoma ang mga ‘to, gadget pa rin, kahit China phone lang palag
na, malakas naman ‘yong tunog. Hindi na
kailangan ng saksakan, basta naka-full charge, ayos na.
***
‘Yong
gitara kong regalo ni ermat sa’kin, wala na sa bahay. Binigay ko na sa lolo kong magsasaka sa
Cavite. Tuwang-tuwa s’ya n’un n’ung
inabot ko, laki ng ngiti. Akala mo
binahagi na sa kanya ‘yong lupang 10 years n’ya nang sinasaka. Nabalitaan ko nga rin sa pinsan ko, minsan
daw sa sobrang pagka-adik ni lolo sa gitara, tinatabi n’ya raw ito sa
pagtulog. Pagkauwi raw sa kanila’y hindi
puwedeng hindi hahawakan ito.
Nang
bumisita kami ni ermat sa kanila n’ung nakaraan December, ‘yong gitara agad
‘yong hinanap ko. Hindi ako natuwa sa
aking nakita, kasi masyadong nalaspag sa pagkakagamit, para na kasing latang
butas-butas at kalawangin, mukha na ring manipis tignan at kapag nabagsak,
paniguradong wasak. (Sama mo pa ‘yong sentimental value kasi unang gitara ko
‘yon at regalo ni ermat), medyo nabubura
na ‘yong kulay sa fret. Pero naisip kong
mas ok na rin ‘yon kaysa naman masira nang hindi ginagamit.
Gusto
kong gamitin kasi naalala ko ‘yong unang kantang natutuhan ko. Kihuna ko ito, lumabas sa kubo at pumuwesto
ako sa ilalim ng punong mangga. Nang
nagdikit ‘yong daliri ko at ‘yong string, nakaamoy ako ng parang kalawang, nang
kakaskasin ko, para nang alambreng sampayan sa tigas. Naisip kong iba na nga talaga ‘yong tunog ng
gitara ko. Hindi ito ‘yong dating
ginagamit ko. Malabo na ‘atang matutugtog
ko ‘yong Ang huling El Bimbo. Bumalik
ako sa kubo, sinabit ang gitara. Kinuha
ko sa bag ‘yong cellphone at earphone.
Balik ulit ang atensyon sa gitara.
Tinignan ito ng ilang segundo, hinipo, sabay iling, hinahanap ko sa
playlist ‘yong unang kantang natutuhan ko.
Baka sakaling mag-play sa isip ko ‘yong mga alaala.