(Dagli)
Nakakunot ang kanyang noo habang binibilang ang perang hawak.
“Ba’t parang kulang ‘to hindi naman ito ‘yung sinabi sa’kin kanina ni Amboy.” Pagtataka niyang tanong.
“Putang’na talaga oh!” Pabuntong-hininga niyang ekspresyon. “Ayos lang kahit kulang naibigay sa akin, ang mahalaga may pera na naman ako. Kakausapin ko na lang ‘yang si Amboy sa susunod na Linggo, at nang mapagsabihan na rin. Putang’na nyan.” Naisip niya rin nang mga sandaling iyon kung paano niya paghahati-hatiin ang perang hawak at kung magkano’t kanino mapupunta ang ilan sa mga ito.
“Itong limanlibo para kay Mark na nasa Antipolo. Magkano naman kaya’ng bibigay ko kay Cedrick? Pwede na siguro ang pitung-libo, tutal magaling naman s’ya, e. At itong natitirang labing-‘sang libo, pa’no ko ‘to hahatiin? Magkano ang kay Paulo at kay Kenneth? Bahala na! Manghihingi na lang naman ’yung mga ‘yon kapag kelangan nila ng pera. Magsasabi na lang ‘yun kapag me gustong bilhin. Madali naman akong kausap, basta’t ibigay lang din nila kung ano'ng kelangan ko.” Sabay tingin sa bintana. Ngiti. Iling.
Habang umaandar ang taksing kanyang sinasakyan. Biglang-bigla, tumunog at nanginig ang kanyang cell phone mula sa kanyang bag. Agad niyang binuksan ang bag upang kunin ito.
“Sino kaya ‘tong nag-text?” tanong niya habang kinukuha ang cell phone sa bag.
“Ay tang’na! Number lang, sino kaya ‘to?” Pagtataka niyang tanong habang tinitingnan ang cell phone.
Father, pwde po b kaung mgbinyag s linggo, pra po s bunso k? Pg-usapan po ntin i2 s wed, ittxt k nlng po ult kau. Ako po ung kninang kumuha ng # nyo pgktpos ng misa. Thx father. God Bless. -Lilybeth po Father J
1 comment:
Boom! astig toh ah...........
Post a Comment