Thursday, August 25, 2011

Sariling Wika

(Malayang Sanaysay)
--pasintabi sa mga matatalino


Noong bata ako, pinagtatakahan ko kung bakit ang katumbas ng Filipinong salita na araw-araw ay everyday sa Ingles. Bakit hindi gawin day-day sa Ingles ang katumbas ng salitang araw-araw o di kaya naman gawin bawat araw ang katumbas ng salitang Ingles na everyday. At dahil utak-kolonyal, mas trip kong gamitin ang wikang banyaga--Ingles, sapagkat sa'king sarili'y kapag marunong kang magsalita ng Ingles, matalino ka.

Kaya nang ako'y makatungtong sa kolehiyo at mapadpad sa kursong Bachelor of Arts in Filipinology, lagi akong nayayamot. Unang-una, ayaw ko sa kurso, ang baho kasi e, may Filipino pa na salita sa buong pangalan ng kurso. Ikalawa, nakababagot pag-aralan ang wika, lalo na ang wikang Filipino, kasi binabanggit at nagagamit mo na sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, tapos pag-aaralan pa. Sobrang boring talaga! At ikatlo, anong trabaho ang aking makukuha kapag naka-graduate na ako rito? Kaya tuwing klase namin, lagi lang akong nakatingin sa aming propesor pero ang isipa'y naglalakbay sa kung saan. At may kung anong katanungan ang laging umaalingawngaw sa aking isipan.BAKIT BA KASI NANDITO AKO? DAPAT ABEnglish, PARA MATALINO.

Lumipas ang ilang panahon at dahil na rin bugbog kami sa wikang Filipino, nasanay na ako sa aking kurso, no choice kasi, ika nga. At medyo naaakit na ako, pero hindi dahil sa mga aralin, kundi dahil sa mga magagaling na dalubguro. Nakatutuwa kasi silang magturo, kaya ginaganahan na rin akong makinig. Dahil sa pakikinig na iyon, tumalim ang aking isipan sa ilang mga aralin sa Filipino. At korny man sabihin, pero INLOVE na ata ako.

Kumilos si Kupido at ako'y napaibig sa Wikang Pambansa, kanyang pinana ang aking bulag na kaisipan at paniniwala tungkol sa'ting wika. Aking naging inspirasyon ang ilang mga dalubguro sa aming kagawaran, dahil sa sila'y magagaling magturo at lubos at wagas ang kanilang pagmamahal sa'ting wika.

Klase namin noon, at ang naging paksa ay "Ang pagiging malikhain ng Wikang Filipino." Naging halimbawa rito ang salitang araw-araw na katumbas sa Ingles ay everyday. Sabi ng aming propesor, tanging ang wikang Filipino lamang ang may ganoong katangian, na sa pamamagitan ng pag-uulit ng salitang-ugat ay nagkakaroon ng bagong kahulugan. Bakit daw sa Ingles hindi puwedeng day-day, samantalang sa’ting wika'y puwede ang araw-araw? Sabi na lang sa amin ng aming propesor,"Malikhain naman ang wikang Ingles, pero mas malikhain pa rin ang wikang Filipino." At nang mga oras na iyon, biglang-bigla aking naalala ang katanungan noong bata ako. Tanong kung bakit hindi puwede ang bawat araw na katumbas sa Ingles ay everyday o di kaya naman ang day-day na ang katumbas sa Filipino ay araw-araw. Sa pagkakataong iyon, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan tuluyan nang nahulog ang aking loob sa'ting wikang pambansa--Filipino. At nagkaroon ako ng interes na makilala nang lubusan ang ating wika.

Gumana ang malikot kong isipan. Naitanong ko sa sarili. Kung hahagisan ko kaya ng ipis iyong mga Pilipinong nagsasalita ng wikang Ingles(iyong tipong nandidiri sa wika ng kanilang lahi--Pilipino), isigaw kaya nila ang salitang cockroach? O baka bumalik ang natural na wika ng kanilang lahi, at sabihin ay IPIS! Hindi kaya naman ay murahin ko sila, sabihin ko: PUTANG INA MO! Murahin din kaya nila ako gaya ng salitang aking ginamit? Marahil kung hindi man nila ako murahin gaya ngpagmumura ko, baka ang itugon na lang nila sa'kin ay ganito: MOTHER FUCKER! At kung magkaganoon man, sasabihin ko sa kanya(sa minura ko) na: "naiintindihan mo naman pala ako, ba't nagpapakahirap ka pang pilipitin ang iyong dila sa pagsasalita ng wikang banyaga?" Tapos tatanungin ko siya: "Masarap bang magmura gamit ang wikang banyaga? Hindi ko kasi madama ang iyong galit at inis sa murang iyon e." Naitanong ko rin sa sarili, ano ba ang mas mahirap sabihin, I LOVE YOU o MAHAL KITA? Para sa akin, mas mahirap sabihin ang salitang 'MAHAL KITA,' unang-una mas mabigat ang dating ng kahulugan nito. At saka nakakapanginig balahibo kapag binibitawan ko ang mga salitang iyon(naks, kala mo talaga totoo). Hindi ko alam, pero kapag I LOVE YOU lang, e walang dating kasi normal na sabihin iyong salitang iyon, kumbaga 'common na' hindi gaya ng 'MAHAL KITA' na mas romantiko ang dating at mas totoo.

Sabi nila(sabi ko rin dati) na kapag nagsasalita ka ng Ingles matalino ka, pero bakit sa Pilipinas, madaming nagsasalita ng Ingles pero walang pag-unlad sa ekonomiya, politika at iba pa na may kaugnayan sa bansa? Hindi gaya ng ilang mga bansa sa Asya gaya ng Hapon, Tsina at Korea na hindi tinangkilik ang wikang Ingles, mas mauunlad ang mga bansang ito sa teknolohiya, sa ekonomiya, sa politika at iba pa. Paano ba naman, nasa elementarya pa lang, ginagamit na bilang wikang panturo sa mga asignaturang gaya ng Matematika at Siyensiya ang wikang Ingles, natural hindi maiintindihan iyon ng mga bata sapagkat bago pa lamang sa kanilang pandinig ang wikang iyon--Ingles. Dagdag pa, ang mga lektura ay mula sa mga kanluraning bansa, ibig sabihin iba iyong kultura roon at dito sa Pilipinas, kaya ang mangyayari'y kakabisaduhin na lang ng mga estudyante ang mga aralin para lang pumasa sa mga asignaturang iyon. At kapag nauntog ang mga ito, wala na ang mga minimorya, hindi kasi nag-isip ng husto ang estudyante, kumbaga hindi lumabas ang kanyang pagiging malikhain, kaya kapag nauntog nga siya, ayon, balik ulit sa dati--Gunggong.

Ayos lang naman na pag-aralan ang wikang Ingles. Hanggang doon lang, pero iyong gagawin bilang wikang panturo, naku! isang malaking kaululan iyon. Dapat kasi may sarili dulog sa pagtuturo ang mga guro sa mga asignaturang kanilang hawak, gaya ng Matematika at Siyensiya. Dapat kasi hindi na lang pinagpipilitan ng pamahalaan iyong ganon e, kaya wala rin magawa iyong mga guro at saka baka iyon din kasi ang paraan ng pagtuturo sa kanila noong sila'y mga estudyante pa lamang. Hindi rin naman nakapagtataka, kasi mukhang utak-kolonyal ang pamahalaan, ayon nauto ni Uncle Sam. Bunga nito'y ang pagiging mangmang ng mga Pilipino, masakit man sabihin pero mukhang sa lahay ng aspeto. Nakalulungkot talaga.

Ako bilang Pilipino, ayos lang na magkamali sa paggamit ng wikang banyaga. Tutal narito naman ako sa aking sariling bansa. Huwag lang magkamali sa paggamit ng wikang pambansa--Filipino. Sapagkat habang nag-uusap ang dalawang Pilipino at ang isa rito'y ginagamit ang wikang Ingles at maling-mali pa ang paggamit nito, patuloy lang niyang iwinawagayway ang pagkabobo ng mga Pilipino. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating sariling wika, mamumulat at tatalino ang mga Pilipino. Bago palayain ang kaisipan ng tao, simulan muna ito sa pagpapalaya sa wika, ang wikang Pilipino--Sariling Wika.

7 comments:

noelbarcelona said...

Maganda ang naging pagmumuni-muni mo sa ating wikang pambansa. Pagbutihin mo pa ang paglalahad. Mabuhay ka!

Mhel said...

Nakakahiya man aminin pero pareho tayo ng mga karanasan. Bata pa lang ako nasanay na ako sa paggamit ng wikang Inggles. Sa mga contest na sinalihan ko, karamihan Inggles ang wika. Kaya nasanay na rin ako.
Noong nakilala ko kayong mga nagmamahal sa Wika natuto rin akong unti unting kilalanin ito. At unti unti ko na ring minamahal.

Kahit nagtatrabaho na ako sa isang Call Center, pag nagmumura ako dahil nagugulat o galit na galit na, mas malutong pa rin ang aking "Putang ina!"

At mas masarap pa rin pakinggan ang mga salitang "Mahal Kita".
Mas puro. Galing sa puso at naiintindihan ng mga Pilipino.

Ayos to Jhonley! :))

reckababe said...

tama ang mga iyong naisulat, talagang mahalaga ang wikang pambansa. naasar nga ako sa mga kaibigan ko "dati hnd na ngayon" na kung makapagENGLISH akala mo ang tatalino. Ayon kasi sa paniniwala nila ang mga taong INGLISERO ay mga ELITE, hay naku. dinaig pa ako na nagtrabaho bilang call center agent. bagamat english ang wikang ginagamit doon, hnd ko pa rin kayang isantabi ang pagsasalita ng sarili nating wika. sabi mo nga may bigat at may damdamin ang mga SALITANG PINOY :D

ganda nito sir johnley! pak! :D

Decalogue(mga pahina ng aking basura) said...

astig! Renato Constantino (1996) na nagwikang pinalilitaw na isang pangangailangan ng mga mamamayan ang maging bihasa sa Ingles upang magtagumpay sa “daigdig ng produksiyon at kalakalan.”

Bakit hindi ba tayo nagtatagumpay sa ganyang aspeto kung FILIPINO ang gagamitin natin?
Pag-aralin mu muna ang buong daigdig ng wikang Filipino, nang sila ang makasabay sa atin! pwede kaya ang ganun?! hehe, malaking usapin ang wika! sa kasarinlan at pag-unlad ng bansa!
sabi nga, Ang nakagapos na dila
ay bansang hindi malaya!

Go ka- jhonley! ... yung name mo kaya< pang ingles! pati pangalan ng ibang pilipinong nagsawa sa Pedro, Liwayway, Sisa, Narsiso...

nakaka sawa ba ang FILIPINO? o sadyang malalandi lang ang mga Pilipino? hehe,

Unknown said...

bravo ! tama ginoo ang pagpapaliwanag o paglalarawan mo sa paksa :) bigla akong natauhan doon sir . aaminin ko, ako ang valedictorian ng aming batch noong akoy nasa sekondarya , pero nahihiya akong ipagsabi ito sa iba o ipaglantaran sapagkat mas magaling ako sa filipino at mahina ako sa ingles,baka sabihin nila na hindi nararapat sa akin ang pwesto na iyon sapagkat ako'y bobo sa ingles . Kaya nagpagtanto ko na kumuha ako ng kurso sa kolehiyo na konektado at puro ingles ang asignatura at ito a ang AB COMMUNICATION nang sa gayon ay mahasa ang aking sarili sa ingles pero ngayong nabasa ko ito . DIYOS KO ! nasampal at natauhan ako ! sapagkat nagpapakadesperada akong matuto ng husto o mahasa sa ingles imbis na matuwa ako sapagkat mas magaling ako pagdating sa'ting sariling wika . HAYS ! kaya simula ngayon hindi na ako magpapakadesperada :) salamat po sir sa sanaysay na ito !natuto ako .. maraming salamt po sir , :)

eksena ko lang sir . tama ka pagkokumpara mo sa salitang iloveyou at MAHAL KITA . mas gusto ko talaga ang salitang mahal kita kasi pag narinig mo ang salitang yan damang damat mo samantalang ang mga taong gumagamit ng salitang I LOVE YOU ay yung mga taong paglalandi lang ang hanap :)


muli maraming salat uli sir :)

Unknown said...

salamat pala haha! :)

Unknown said...

Matalinghagang ekspresyon ang binahagi mu sir ah,Ayos to. Mga saloobing dapat na ibahagi.