Thursday, March 31, 2011

Ligaw - Tingin

(Maikling Kuwento)   



Hindi naman talaga dapat accountancy ‘yong kukunin kong course.  Sina ermat at erpat lang ang nagpumilit na ‘to ‘yong kunin ko.  Paano ba naman kasi, masyado silang frustrated kay ate.  Kaya sa’kin na lang pinasa.  Kainis nga, dapat talaga tourism ako; kasi matangkad at medyo may itsura naman ako, kaya’t hindi imposibleng matanggap agad ako d’un. Kaso wala akong magagawa, ‘yon ang gusto nila.

First day of school n’un.  Excited akong pumasok, gumising pa nga ako ng maaga para lang hindi ma-late sa klase.  Tapos nang nakarating na ako sa classroom namin, wala pa palang klase.  ‘Yong iba kong mga classmate  nakatambay pa sa Hallway, magkakatabi lang sila.  ‘Yong ilan nakatingin sa kung saan-saan, mayroon ding feeling close sa iba at ‘yong ibang lalaki, pasikat sa mga babae (‘yong tipong nilalakasan ‘yong pakukuwento at kantsaw sa tropa).  Samu’t saring mga mukha, bakas na bakas na hindi pa rin naaalis ang kultura ng pagiging high school.     

Nang dumaan ako sa harap ng mga nakatambay sa Hallway papasok sa room, parang wala lang ako sa kanila, parang normal lang.  Kung sa bagay hindi naman ako kawalan kung dumaan man ako sa harap nila, basta sila tuloy sa ginagawa.       

Nang nasa pintuan na ako, nakita ko na mas marami pa lang mga tao sa loob, tahimik sila, parang nagpapakiramdaman sa isa’t isa.  ‘Yong ilan pa nga’y hindi umiimik, parang walang kasama.  Feeling nila mundo lang nila ang tumatakbo.        

Naghahanap ako n’un ng mapupuwestuhan.  At saktong mayroon pang bakante sa likod.  Gaya dati n’ung high school, kapag late ka, sa dulo ang puwesto mo, pero kapag maaga ka, na sa’yo na kung uupo ka sa harap o hindi.

Tulad noon, kahoy pa rin ang mga upuan, dalawa pa rin ang electric fan na minsan alanganing hindi gumagana, sirang mga jalosi, wakwak na pinto at kung anu-ano pang mga kakulangan sa facility.       
Nang makaupo na ako, bigla akong napatingin sa isang babae na nasa aking harapan.  Parang ang lakas kasi ng aura n’ya.  Medyo hindi ko maaninag ang kanyang mukha, kasi nakatalikod.  Pero pinilit ko pa rin tignan kahit sa gilid lang.  At hindi nga ako nagkamali, maganda s’ya (para sa standard ko), nasa kanya ang katangiang trip ko sa isang babae.  S’ya ‘yong singkit, mahaba ‘yong buhok na parang silver na nakahalo sa uling at kitang-kita ang kinang.  Makinis at morena, hindi ‘yong mukhang pilit dahil sa mga gamot.  Hiling ko na sana matangkad din s’ya.  Dumeskarte ako, nagpanggap na may itatapon sa labas para kapag papasok ako at babalik sa dating puwesto’y mas masisilayan ko ang kanyang gandang taglay (sa standard ko lang ‘to).        

Tumayo nga ako’t lumabas sa room at kunyaring may itatapon sa basurahan pero wala naman talaga.  Nang pabalik na ako, pasimpleng tingin ang ginagawa ko (parang sa mga mandurukot sa jeep – eye contact sa mga kasamahan nila), ‘yong hindi talaga halata.  Tiyempong pagtingin ko ulit, saktong nagkakatinginan kami at na-realize ko na mas maganda pala s’ya kapag nakaharap.  Tapos hindi ko alam ang gagawin n’un, kaya para hindi halatang nang-i-stalker ako, tumingin ako sa kisama ng room.  Ang angas!  Kahit saglit lang ‘yong salpukan ng aming mga mata feeling ko ang guwapo ko.  Umupo na nga ako at kung anu-ano ang aking iniisip nang time na ‘yon.  Siguro crush ako nito, kasi napatingin din siya sa’kin.  Kung magkakaroon lang ako ng pagkakataon, susunggaban ko talaga agad ‘yon.  Kaso ayokong magpadalus-dalos, mahirap na, baka mayari ako sa bandang huli.  Pakiramdam ko matatapos ‘yong araw na kinikilig ako, kasi hindi ako maka move-on sa titigang ‘yon.  Salamat na nga lang sa aktibiting ginawa namin sa klase, dahil d’un napag-alaman ko na Faith pala ang kanyang pangalan.  Angas talaga, naa-amaze ako, pangalan pa lang panalo na, talagang hindi mawawala ang Faith ko sa kanya.                 
           
Nang sumunod na araw, balak kong titigan ulit s’ya mula sa likuran (hindi n’ya naman alam na nakatingin ako sa kanya, kasi nakatalikod s’ya).  At gaya ng nangyari kahapon, tinitigan ko uli s’ya bago ako umupo at naulit ulit ang nangyari, nagkatitigan na naman kami (this time pinahalata ko na).  Dahil sa insedenteng ‘yon, pakiramdam ko mahal ko na siya.  Naisaisip ko n’un, ang saya pala maging college, mas masaya kaysa sa high school.     
Lumipas ang ilang araw, nag-iba na ang sitting arrangement namin, kasi pumasok na ‘yong ibang professor namin.  Bawat subject may kanya-kanyang arrangement (alphabetical, by birthday, by gender).  At si Faith, hindi ko na masyadong masisilayan.         
May mga pagkakataong kinukusa ng aking mata na tumingin kay Faith, kahit malayo s’ya’y hinahanap pa rin s’ya ng aking mata (parang dragon radar, biglang tumutunog at umiilaw kapag may malapit na dragon ball sa paligid).  At hindi ko alam kung pampalubag-loob lang ‘yon, pero tumititig din naman s’ya sa akin.  Sa tuwing magtatagpo ang aming paningin, parang nanghihina ako, ang ganda niya kasi talaga.  Infairness, matagal bago maghiwalay ang aming tingin sa isa’t isa.  Tapos isang malupit na ngiti ang response namin kapag alam namin na maghihiwalay na ang aming paningin.  After n’un sobrang kilig to the max ako, minsan napapailing ako sa sobrang saya at hindi ko maiwasang mag-isip, mahal na rin ‘ata talaga ako ni Faith na aking sinisinta.  Tingin ko, ‘yon ‘yong nagging dahilan para maging madalas ang aming pagtititigan.
Ito na kaya ‘yong tinatawag na Inlove o Puppy Love pa rin ‘to gaya n’ung nasa elementary at high school ako?  Pero kahit ano pa ‘yon, basta malaki ang faith ko kay Faith na mahal n’ya rin ako.  Sobrang kakaiba kasi talaga ‘yong titig n’ya, may meaning na parang may gustong sabihin, tumatagos, tapos parang kumakanta ‘yong puso ko sa sobrang pagkahumaling sa kanya.  Dahil ulit sa titig na ‘yon, feeling ko inlababo na ako sa kanya.  
Dumami ang aking naging ka-close at isa na nga rito si Faith, medyo may pag-aalangan sa tuwing babatiin ko s’ya, pero lagi kaming nagngingitian kapag magkaharap, parang walang malisya ‘yong ginagawa naming titigan (para sa’kin).  Minsan nga, naiisip kong magtapat ng nararamdaman para sa kanya, pero ayoko, baka maging awkward tapos mag-iba ‘yong pagtingin n’ya sa’kin (‘yong maiilang s’ya)  at hindi na n’ya ako muling tititigan.  Siguro ‘saka na lang pag dating ng tamang panahon.  Sa ngayon, susulitin ko muna na nagtitigan kami, masarap kasi sa pakiramdam e. may something na hindi ko maipaliwanag.   

Miyerkules n’un at CWTS namin.  Kaonti pa lang kami sa room, mabibilang pa sa mga daliri. Tapos bago ako pumasok sa room nand’un na si Faith.  Wala s’yang katabi (pagkakataon na ‘to). Super trip ko s’yang titigan, kaso bigo ako, nagbabasa kasi s’ya ng libro ni Bob Ong na ABNKKBSNPLAKO.  Bahala na, pasok na sa room kahit kinakabahan ako.  ‘Yong feeling na naiihi ka tapos nauutot, at nag-aalangan kang umihi kasi natatakot kang imbes na hangin, igit ang lumabas ang puwet mo.  Tapos pagpapawisan ka ng butil-butil.  Papakalmahin mo ang sarili, kaso wala nang magagawa kasi basa na (ng igit) ‘yong brief mo.
Nakaupo s’ya sa kabilang side ko, sa kanan, sa ikatlong row, samantalang ako, sa kaliwa, sa dulo.  Tinitingnan ko pa rin s’ya.  Tapos parang may mga dagang naghahabulan sa dibdbi ko.   Tapos bumibilis ‘yong tibok ng puso ko na parang magkakaroon ng lindol sa ilalim na dagat na pagmumulan ng matinding tsunami.  ‘Yong mukha ko, pakiramdam ko nakakain ako ng pagkaing nakaka-allergy sa’kin.  Sobrang kati na parang namumula at umiinit.  Badtrip, masyadong  maganda kasi ‘yong postura n’ya habang nagbabasa ng libro.  Mala-anghel sa lupa. Hindi ko talaga kayang i-describe ‘yong feeling ko na parang nakakain ng sobrang anghang na bicol express (kulang na lang magbuga ka ng apoy) at isang basong tubig lang ang meron ka at kailangan mong pagkasyahin para maubos ang ulam at kanin.  Nanginginig ako (kahit sobrang init sa room), tapos lalong tumitindi kasi mas tumatalim ‘yong tingin ko sa kanya at hindi puwedeng ibaling sa iba.  Talagang hindi ko na kaya, sobrang ganda n’ya, ayokong makita ‘yong kanyang postura habang nagbabasa ng libro.  Lalo akong nai-inlove sa kanya.  Pakiramdam ko pinapalibutan s’ya ng mga anghel sa kanyang gilid tapos sabay-sabay silang kumakanta ng isang Uyayi.  Hanggang sa hindi ko na talaga kaya. Nakapag-decide na  ako, magtapat ako ng nararamdaman  sa kanya, mahirap na, kasi baka mamaya darami mga classmate ko at baka mahirapan na akong magtapat.     

Tumayo ako para makalapit sa kanya.  Habang papalapit, tinititigan ko pa rin s’ya.  Dapat focus.  Hindi mawala ‘yong feeling ko.  Lalo akong nai-excite, lalo akong nanginginig at lalo akong napapamahal sa pagtitig sa kanya. 

Tumabi nga ako sa kanya, medyo kinakabahan pero kailangan kasi lalaki ako.  Ayokong bansagang  torpe.  Napalingon lang s’ya sa’kin tapos balik ulit  ang kanyang attendtion sa librong binabasa.  Walang anu-ano, ako na ang dumamovs.          
“Ahmmm…. Faith, ahmmm.  May sasabihin ako sa’yo.” Kagat labi akong kinakabahan.   
“Oh?” ‘Yong walang emosyon na pagpapakita na wala s’yang pakialam.                
“Ahmm… ayon nga.  Ahmmm, crush kasi kita.”  Feeling ko sumisikip ‘yong dibdib ko.  Pero masarap pala sa pakiramdam kapag nagtapat ka ng nararamdaman.  ‘Yong nagpakatotoo ka lang sa buhay mo.     
“Sus,” parang nagsusuri ‘yong mga sagot na ‘yon, taas kilay at nakangisi. “Iba na lang pagtripan mo, huwag ako.” Nananantsa talaga.     
“Bahala ka d’yan ,wala akong pakialam kung maniniwala ka man o hindi, basta ang mahalaga nasabi ko na sa’yo.”  Taas kilay ako, parang walang nararamdamang kaba sa sarili. Tapos umalis na ako sa tabi niya.  At dala-dala ko ‘yong bigat at katotohanang matatapos na rin ang aking maliligayang araw, pakiramdam ko hindi na ulit kamin magtitinginan.  Pakiramdam ko wala na talaga. 
Pero mali pala ‘yong hinala ko.  Nagtititigan pa rin kami (may klase man o wala basta nagkatsempuhan).  Parang wala lang talaga sa kanya ‘yong pagtatapat ko.  At nagpatuloy pa rin ‘to.  Tuloy ang aking pantasya at pangarap.  Tuloy ang pagmamahal kay Faith, tuloy ang faith kay Faith.

Isang mainit na hapon ‘yon.   Uwian na’t wala ng klase.  Nagkataong nakasabay ko palabas ng gate ‘yong isa sa mga malapit na kaibigan ni Faith sa klase.  Batian.  Kuwentuhan.  Kamustahan.  Hanggang napunta nga ‘yong topic namin sa mga crush sa aming klase.  Si Joy ang nag-start sa pagkukuwento.  D’un ko na  rin nalaman na crush  ako nitong si Joy. At tingin ko pagkakataon ko na, sinamantala ko ‘to, nabanggit ko ang crush ko sa aming klase.  Kinuwento ko kay Joy kung paano nagsimula ang kahibangan ko kay Faith.  Natatawa s’ya sa mga kuwento ko, parang hindi makapaniwala na magagawa ko ‘yon, lalo na raw ang pag amin ko kay Faith na crush ko ito.  Tapos nagtanong ako sa kanya kung ano bang type o ideal man ni Faith.  Napangisi lang s’ya at napailing, parang bigo ako sa mission kong makilala nang lubusan si Faith.        

Awkward silence.  Dead air.  Huminga nang malalim si Joy na parang may kinuhang lakas.          

"Alam mo Loie, mabibigo ka lang kay Faith." Taas kilay habang patango-tango sa’kin.  "Magigng Komplikado ‘yan, atsaka mahihirapan ka lang friend."   
"Bakit may bf na ba si Faith? Tingin ko naman wala." Mahangin ang aking pagkakasabi, na akala mo’y alam talaga ang lahat ng nangyayari.        
"Ano bang religion mo?" Matalas ang tingin n’ya sa’kin na akala mo’y hinuhusgahan ang buo kong pagkatao       .
"Sarado katoliko!" Sa aroganteng tono.         
"Olats ka talaga, hindi ka puwedeng mahalin ni Faith at malabong maging kayo." Nangangaral ang tono ni Joy, akala mo isang pari.    "INC si Faith, at mataas ang kanyang standard pagdating sa mga ganyang bagay.  Kaya kung ako sa iyo, tigilan mo na ‘yang ilusyon mo."  Nakangiti si Joy.  ‘Yong pang-asar.  Pakiramdam ko’y pinagtatawanan n’ya ako.  Pati si Faith, nginignisihan ako kung nasaan man s’ya ngaon. 

‘Yong ngiti ni Joy.  Nakakabasag talaga ng momentum.  Pakiramdam ko saglit na huminto ‘yong takbo ng mundo ko.  Tumingin ako sa langit kahit nakasisilaw at masakit sa balat ang sikat ng araw.  At bigla kong naibulong na may kasamg pag-iling, “Ba’t gan’un?”

Monday, March 28, 2011

Daga

(Maikling Kuwento)


Sa isang tambakan ng mga basura sa kalye ng Martinez ay mayroong nagtitipon na mga lalaking walang saplot pang-itaas at marahil ay nagbabantay at nag-aabang sa pagdating ng mga basurang magmumula sa mga taong nakatira sa lugar na iyon. Kalakal boys ang bansag sa kanila. Sapagkat sa tuwing sasapit ang ala-sais ng hapon ay hindi sila magkandaugaga sa mga basurang dumarating. Sa tuwing may basurang iaabot sa kanila, hindi sila nag-aatubiling pisilin ang mga ito, para bang may nais maramdaman sa pagkakapisil at kung maramdaman man ay agad nila itong bubuksan. Sabik na hahalughugin ang laman at magiliw na uungkatin ang loob. Hindi nila alintana ang mga dumi at baho na nakapaloob sa mga basura, ang mahalaga ay makakita sila ng mga bagay na maari nilang ibenta kinabukasan.

Isang gabi habang naghahalughog ng kalakal si Rommel sa basurahan ay napansin niyang may kung anong gumagalaw sa isang plastik. Bigla niyang tinawag ang iba pang mga kalakal boys upang tignan ang kanyang napansin.

“Uy, me gumagalaw sa loob ng plastik ohh.” Gulat habang tinatawag ni Rommel ang ilang kasamahan.

Nang makita ng isa sa mga matatandang kalakal boys ang nasabing gumagalaw na plastik. Bigla itong napatawa ng malakas na para bang inaasar ang pagiging inosente ni Rommel. Sa pagkakataong iyon, kumuha ito ng daspan at pinagpapalo ang plastik.

“Tangeks, malaking daga lang yung nasa loob niyan.” Nakangisi ang tugon ng matandang kalakal boys kay Rommel. “kupal ka, kala ko kung ano na yang nangyayari, daga lang umiyak ka na.”

Pinagpapalo ang dagang nasa loob ng plastik hanggang sa ito ay hindi na gumalaw. Matapos ang karumal-dumal na pangyayaring ito, kanilang binuksan ang plastik upang tignan ang kalagayan ng nasabing Daga. Gamit ang daspan, pinilit na kuhain ang daga mula sa plastik. Habang kinukuha ang daga bigla itong pumalag, gustong pang gumalaw subalit nasa daspan na siya ng mga kalakal boys.

“Pumapalag ka pa, ang lalakas na nga ng palo ko sa iyo.” Umiiling ang matandang kalakal boys habang hawak ang daspan kung saan naroon ang sugatang daga na nais pang lumaban.

Hindi alintana ng mga sasakyang dumaraan sa harap tambakan ang nangyayari. Para bang wala lang sa kanila ang pagpupulong na iyon ng mga kalakal boys. Kasabay nito ang pagkindat ng mga neon lights sa posteng nagsisilbing pangunahing gabay ng mga motorista.

Biglang-bigla. Nagtungo ang matandang kalakal boys sa gitna ng kalsada. Parang isang siga sa kantong walang pakialam sa mga sasakyang dumaraan. Hawak ang daspan na kinalalagyan ng dagang pumapalag. Habang ang ilan pang mga kalakal boys ay nagtatawanan sa sinapit ng daga.

“Iiwan kita dito sa gitna ng kalsada, peste ka, baka ikaw yung sumisira ng gamit ko sa bahay, kung hindi man ikaw yun, baka mga kapatid mo yun, pero wala akong pakialam, dito na matatapos ang buhay mo.” Nakatingin ang matandang kalakal boys sa dagang nasa daspan. At bigla nitong tinaktak ang hawak upang mahulog ang daga patungo sa kalsada.

Naiwan ngang mag-isa ang daga sa kalsada. At inaasar ito ng mga kalakal boys habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan. Atras-abante ang deskate ng pobreng daga upang iwasan ang mga sasakyan, ninanais pa nitong makarating sa basurahan bago man lamang siya pumanaw subalit wala na yata talagang pag-asa, duguan ang kanyang likuran sa natamong palo mula sa matandang kalakal boys.

Habang nagsisigawan ang mga kalakal boys ay biglang may dumaan na dambuhalang trak sa kanilang harapan. Nagkaroon ng katahimikan sa mga oras na iyon sa pag-aabang sa sinapit ng pobreng daga. Hindi nila nakita kung ano ang nangyari sa daga nang dumaan ang trak. At nang makalagpas nga ang trak, buhay pa rin ang daga. Hindi ito natamaan ng gulong na wawakas sana sa buhay nito.

Nagpatuloy ang sigawan at lalong lumalakas. Mas tumitindi ang kanilang emosyon upang asarin ang pobreng daga. Inaasar nila ang daga na hindi na ito makararating pa sa basurahang pinagmulan.

Sa hindi inaasahang pagkakataon may dumaang tricycle na hindi nila aasahang kikitil sa buhay ng daga. Nagulungan ang daga ng gulong, para bang natapos na ang kanyang paghihirap nang mangyari ito. Pinilit pang lumaban ng daga, subalit huli na ang lahat. Naigalaw pa nito ang kanang paa, subalit wala na talagang pag-asa. Nilapitan ng isa sa mga kalakal boys ang nakahandusay na daga.

”Wala na, deds na.” Nakangisi habang inaasar sa tingin ang nakahandusay na pobreng daga.

Bumulwak ang dugo sa bibig ng daga. Bumulwak nang bumulwak. Hanggang sa patuloy nang nadurog ang katawan ng daga sa mga sasakyang dumaraan. Tumalsik ang ilang parte ng katawan ng daga sa kalsada, subalit hindi na binigyang pansin ito ng mga kalakal boys. Hanggang sa mabaon sa limot ang pangyayaring iyon. At nagpatuloy nang muli ang buhay ng mga kalakal boys, ang pagdaan ng mga sasakyan, ang paghahatid ng mga tao ng basura sa tambakan at ang pagkindat ng neon lights sa bahaging iyon.

Friday, March 25, 2011

Sinta

(Tula)

Hindi ang maalindog
mong katawan,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay maaagnas.

Hindi ang makinis
mong balat,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay mapupuno ng gasgas.

Hindi ang kumikinang
mong mga buhok,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay isa-isang malalagas.

Hindi ang matangos
mong ilong,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay aatras ang ungos.

Hindi ang palangiti
mong mga labi,
o aking mahal
ang nais piliin.
Na pagdating ng araw
ay mangungulubot.

Kundi ang nangungusap
mong mga mata
Na nagbibigay paalala
sa gunita ng kahapon.
Matang nagsasabi
ng katotohanan
matang nagpapainit sa kalooban
matang gumigising sa isipan
matang nang-aakit sa katawan
at matang tumititig sa aking katauhan.

Wednesday, March 23, 2011

Salamin

(Dagli)


Balisang-balisa na si Chester habang siya'y nagluluto ng pagkain para sa kanyang i-aalmusal at babaunin sa trabaho.

Sinlamig ng madaling araw ang kanyang nararamdaman.

Nang makaluto, agad na naligo ang binata.

Kasabay ng pagdampi ng tubig sa kanyang balat ay bigla niyang naalala ang inaanod na mga sandali't pangyayayri na nilumot ng panahon at kinalimutan ng kahapon. Matapos maligo ay nagbihis. At kumain.

Sa bawat pagsubong nagaganap umaalingawngaw ang mga larawan ng kahapon hanggang sa mabusog sa sama ng loob.

Matapos ang kanyang pagkain. Saglit na nagpahinga. Inihanda ang mga dadalhing gamit at ang baon. Nagtungo sa lababo. Kinuha ang sipilyo. At para bang hinang-hinang pinisil ang lalagyan ng tutpeyst upang ilagay sa hawak na sipilyo. Gigil na kinuskos ang ngipin. Galit at para bang gustong matanggal ang lahat ng mga ito. Subalit hindi pa rin ito naging lunas at mas lalo lang nagpabigat sa kanyang kalooban.

Matapos pagdiskitahan ang ngipin. Sinimulan niya nang maghugas ng pinagkainan. Nakita niya ang mga mumong umaagos sa lababo. Kanyang pinagmasdan ang mga ito. Gusto niyang tumawa nang tumawa habang nakikita ang mga mumong inaagos. Tulalang pinagmamasdan. Nakangisi ang mga labi na para bang nanlilinlang. At nagulat na lang ang binata nang siya'y mapatingin sa salamin sa lababo.

Kasabay ang walang tigil na pagbulwak ng tubig sa gripo at ang pagkaanod ng mga mumo.

Monday, March 21, 2011

Hindi na lang ako matutulog

(Tula)

Hindi na lang ako
matutulog,
kung sa bawat
pagbaba
ng talukap ng mga mata
ay siya namang
pagtaas ng kilay
ng mga dambuhalang Kapitalista.

Hindi na lang ako matutulog,
kung sa bawat hilik,
kapalit
isang katotohanang
hindi na muling
makatutulog
kaming mga maralita.

Hindi na lang ako matutulog
pagkat alam ko
isang umaga
ang mamahaling likido
ay dadagok
sa sikmura
at sasampal sa aming mukha.

Saturday, March 19, 2011

Salitang nakamamatay

(Tula)

matagal ko na sanang hinugot
mga salitang
kikitil sa iyong buhay
hihiwa sa iyong kalamnan
bibiyak sa iyong katawan
at dudurog sa iyong utak.

Pagkat ayoko nang marinig
tinig,
na nagpapabigat sa kalooban
nagpapagulo sa isipan
at nangwawasak sa katauhan.

huwag sanang magkasundo
aking puso't isipan
at tuluyang masira
bait na aking iniingatan.

hilingin mo
na huwag ako magkaroon ng lakas
pagkat hindi maaawa
mga salitang lalabas
sa aking dila.

na kahit takpan ang tainga
patuloy pa rin maninira
hanggang sa ikaw
tuluyang mawala.

Thursday, March 10, 2011

Ikaw ang Manlilikha

(Tula)

ikaw,
ang manlilikha
na nagbigay buhay
sa bawat isa

ikaw,
ang nagbigay kaisipan
sa aming nilalagnat
na isipan

ikaw,
ang nagturo
upang humarap sa pagsubok
ng may dangal

ikaw,
ang sagot at makakasagot
sa mga tanong
na kumukubli sa isipan

ikaw,
naging inspirasyon
ng buong mundo
sa tuwing may sakuna

at ikaw,
dahilan ng lahat ng ito
pagkat ikaw ang nag-iisang manlilikha
at ikaw ay ikaw