(Maikling Kuwento)
naalala mo nang nagtapos ka sa
kolehiyo, kabi-kabila ang anyaya ng iyong mga kamag-aral para uminom. tumanggi ka, hindi dahil sa marami kang
ginagawa, palusot mo lamang ito kasi ang totoo ay wala ka lang talagang pang-ambag
pero ipagpipilitan nilang sila ang sasagot, kaso sadyang matigas ka, hindi na
ngayon, naisip mo, tapos na ang apat na taon ng ating samahan. nagtampo sila sa iyo, e ano, kawalan ba kayo
sa buhay ko, sa loob-loob mo? paano mo
nga namang malilimutan na mula nang unang taon niyo sa kolehiyo ay tampulan ka
ng tukso, dahil sa tingin nila ay baluktot ang iyong dila, pinagtatawanan ka
nila sa tuwing napagpapalit mo ang letra t sa s sa isang salita. kaya nga bantay-sarado sila sa mga salitang
binibitawan mo dahil ito ang pagmumulan ng kanilang mumunting kasiyahan na para
sa iyo ay hindi nakatutuwa. kasalanan mo
bang iba ang kanilang pandinig sa tuwing ikaw ay nagsasalita?
wala pa man din ang ganap na petsa ng
iyong pag-akyat sa entablado ay pinagmamalaki ka na ng iyong ermat at erpat sa
kani-kanilang kamag-anak, sapagkat ikaw ang tumupad sa pangarap na hindi nila
na nakuha nang iyong edad. lagi mo rin
naisip ang kanilang sinasabi noong nasa elementarya ka pa lamang, anak pagbutihin
mo ang pag-aaral ito na lamang ang tanging maipapamana naming sa iyo. gustuhin mo man silang tanungin ng, paano
niyo pong maipamamana ang isang bagay na wala kayo, mas pinili mo na lang
manahimik, sa pagtatapos ng araw ay sasabihin mong mayroong kanya-kanyang
pag-iisip ang tao na iba sa isa, kaya bakit mo pa pagpipilitan ang iyong tanong
sa kanila, just do it, sabi ng nakangaga mong sapatos.
sa inyong blk ay ikaw na lang ang
hindi nakakaalam na pinagkalat na rin ng iyong magulang ang iyong pagtatapos,
kung hindi ka pa binati ng mga tambay sa kanto sa labasan papasok sa inyong
eskinita na tangina tropa kongrats pakanton ka naman ay hindi mo pa ito
mapagtatanto, binatukan ka ng isa pang tambay, ito ba ang gantimpala sa
pagtatapos naisip mo, ang isa naman ay tinulak ka, nasagi mo ang basong may
lamang alak sa kanilang lamesa, nahulog, nabasag, kumalat sa semento ang
gintong likido, ay pota ‘di ako yan ha tinulak n’ya ako, tumawa lang sila,
tangena oks lang yan basta bayaran mo kapag nagka-trabaho ka, nagtawanan kayong
lahat, pinpa-shot ka nila pero tumanggi ka, nagpaalam ka sa kanila at naisaloob
mong hindi naghahamon ang kanilang
pamimisikal sa iyo, isa lamang ito paraan kung paano sila kumilala ng isang
taong nagtagumpay, lalo na at sa inyong lugar bibihira ang nakakapagtapos sa
high school kaya ngayon ikaw na lang din ang nahihiya sapagkat baka nga naman
masyado silang umasa sa hinaharap mo, wala ka pa man din ganap na trabaho,
nakakabahala sa isip-isip mo.
ito na! sabi mo sa iyong sarili. natapos na ang labing-apat na taon ng
paghihirap sa pagmememorya ng araling hindi mo maintindihan kung paano
magagamit sa totoong buhay. sa mga
bayarin sa textbook sa inyong klase na hindi naman daw sapilitan pero kailangan
dahil dito raw kukuhanin ang inyong grado, pero ang totoo ayaw mo lang makitang
marinig ang sagot sa iyo ng iyong magulang sa tuwing humihingi ka ng pambayad,
nak wala tayong pera pero gagawan natin ng paraan, naisip mo noon na ilang
pahina na kaya ng notebook ang kapal ng inyong utang. ang seminar na, photocopy ng hand-outs,
ambagan sa class fund kung sakaling
gagamit ng projector sa klase, raffle ticket na may dagdag puntos. hindi mo na rin makikita ang mga propesor na
sa tingin mo ay pinaglihi kay hitler, marcos at duterte na wala nang ginawa
kung hindi pagalitan kayo, mauubos ang oras na wala kayong pinag-uusapan,
sesermunan ang sinumang hindi nakaupo nang maayos, tatalakan ang sinumang
gumalaw habang may nag-uulat na kamag-aral sa harap, pagmumumurahin ng walang
dahilan na bukod sa hindi na nga nagtuturo, mababa pa magbigay. kaya isang beses nang magtungo sa banyo ang
inyong propesor at naiwan kayong kumukuha ng midterm exam, napagkatuwaan
ninyong magkakaibigan kunin ang kanyang salamin, mabuti at sa letrang b ang
simula ng iyong apelyido, sa harap ka mismo ng lamesa ng diablo, sumipol ang
kasama mo, hudyat para gawin mo na ang plano, iaabot mo pa lang sa taong nasa
likod mo ang salamin nang biglang may dumapong palad sa iyong mukha, tumalsik
ang hawal mo at nabasag ito, tiningnan mo ang gumawa sa iyo, tangena ang kj
mong hayup ka, sinampal ka ulit sa kabilang pisngi, sinumpa mo itong kamag-aral
mong gc at sipsip-buto sa lahat ng inyong propesor para makakuha ng grade. ang huli mo na lang natatandaan ay kinuha mo
ulit ang subject nang summer, mabuti na rin naisip mo, kahit paano may
natandaan ako sa klaseng ito. subalit
ngayon ay wala ka nang kailangan suyuing tao.
malaya ka na sa kamay nila.
potangena silang lahat, naibulong mo.
sunod mong gagawin ngayon ang
maghanap ng mapapasukan. malakas ang
kompiyansa mo sa sarili, kasi nga ay dala-dala mo ang iyong karangalan sa buhay
– ang edukasyon, na kinondisyon sa inyong isip na ito ang mag-aahon sa inyo sa
kahirapan. pangarap mong maging lider ng
bansa para mataas ang ranggo at suweldo, sa ganito ay bibigyan mo ng posisyon
sa gobyerno ang lahat ng iyong kamag-anak pero mauulit lang din ang kuwento sa
iyo ng professor ninyo sa kasaysayan ng pilipinas mula bago dumating ang
kastila hanggang sa kasalukuyan.
matutupad ito sa isip-isip mo, kung hindi man natupad sa klase ang
pagiging presidente natitiyak mong sa totoong buhay mangyari ito para maisalba
sa kahirapan ang iyong bayan.
bitbit mo ang bente pesos na mamiso
patungo sa pisonet na ang mouse ay
sing-asim ng tatlong buwang medyas na hindi pa nalalabhan at mukhang pinakuluan
gamit ang apple sider, keyboard na bungi-bungi, screen na basag ang kaliwang
bahagi at alanganing asul at itim ang kulay.
inayos mo ang iyong resume. inilagay ang mga seminar na dinaluhan pati na
rin ang parangal na nakuha noong nag-aaral ka.
umabot ng 5 pahina ang gawa mo.
p’wede na ‘to, sabi mo nang matapos.
naubos ang isang oras sa paggawa nito, ang natira pang limang piso sa
iyo hinulog mo dahil naalala mong maghahanap ka pa pala ng trabaho sa internet. kinapos ka sa oras, pinabaryahan ang bente sa
nagbabantay. hanap. alt+tab, facebook. alt+tab,youtube. hanap ulit.
alt+tab facebook, walang
bagong notification. alt+tab youtube,
replay ng kantang pinapakinggan.
hanap. pasa. pasa.
pasa. kulang ang daliri sa paa at
kamay kung ilan ang pinagpasahan mo ng resume, may dalawang minuto pang
natitira nagdesisyon kang uuwi na dala ang isang kopya ng resume. ipapa-xerox
ko na lang ‘to, naisip mo. para tipid,
dahil wala ka na ring sapat na pera para sa colored.
kinabukasan. gumising ka nang maaga, balak mong mag-apply
ulit – walk in. naligo kang nakangiti,
sabik sa unang araw na personal kang
magpapasa ng resume. kumakanta ka pa pagkatapos mong maligo,
nabihis ka, naka-polo na kulay light blue, slacks at ang black shoes na ginamit
mo noong araw ng pagtatapos. sabik din
pati ang iyong magulang. tsinismiss agad
ng iyong ermat ang gagawin mo, kaya nang naglalakad ka na sa inyo kinantiyawan
ka ng mga tao. tangena mukhang may js ka
boy ha? may ibang nagsabing goodluck daw at magpainom kapag
natanggap na at bayaran ang basong nabasag nang nakaraan. nakangiti kang humaharap sa kanila habang
hawak ang isang long brown envelope na naglalaman ng iyong pagkatao – resume at
tor.
nag-abang ka ng jeep, planado na sa
utak mo kung saan ka mag-a-apply ng
trabaho. hindi nasisira ng usok ng
sasakyan ang iyong ngiti. nakita mo ang
jeep na bakante ang harapan, pinara mo, huminto sa harap mo. tumabi ka driver. sa loob ng jeep nakangiti ka pa rin kahit
tagaktak na ang pawis mo sa noo, batok at dibdib. nakita mo sa side-mirror ang isang patpating
lalaking mukhang lubog ang mata, pinutakting mukha ng tigyawat at humpak na
pisngi, mukha siyang bungo sa isip-isip mo at mapagtatanto mong sarili mo ang
iyong nakikita at magtataka kung bakit ganito ang itsura, sisisihin mo ang driver
na hindi pinapalitan ang may lamat na salamin, paano kung pagmulan ito ng
aksidente? pero hindi bale, may
magandang mangyayari ngayong araw, ginamit mong pamaypay ang dala mong brown
envelope. hindi nagbabago ang ngiti
mo. hanggang sa malapit ka sa iyong
pupuntahan, pumara ka. bumaba. nakangiti pa rin. pumunta ka sa pinakamurang xerox-an. nagtanong kung magkano ang kopya ng bawat
isa. 65c, sabi ng lalaking singhaba ng sapatos ang mukha na nagbabantay. ibinigay mo ang laman ng iyong envelope. 10 kopya sabi mo. boss anong oras na, tanong mo sa kaniya,
tinuro nito ang wall clock na nakasabit, hindi mo alam kung namamalikmata ka
sapagkat pasalubong na sumasabay sa kamay ng orasan ang maliit na basag nito, kinusot
mo ang mata, tinignan mo ulit, hindi ka nagkamali, o baka epekto ito ng
kumakalam na sikmura. nang matapos, sa
sakayan ka na ng jeep pumunta. napansin
mong medyo mahapdi na sa balat ang tama ng sikat ng araw, kailangan ko nang
magmadali, bulong mo sa sarili. sumakay
ka ng jeep pero hindi ka na tumabi sa driver.
hinto. pasa ng resume. sakay ulit ng jeep at pumwesto sa likod ng
driver dahil ito ang binigay sa iyong espasyong ng ibang pasahero, nagtangka
kang tingnan ang side mirror, maayos ito sa loob-loob mo. pasa.
sakay ng jeep. pasa hanggang sa
naubos ang 10 kopya ng iyong pagkatao.
lahat ng ito ay sa guard mo ibinigay, tatawagan ka na lang namin,
madalas nilang sagot sa tuwing nagtatanong ka kung kailan ang sunod mong balik
sa kanilang opisina.
sa bahay na lang ako magtatanghalian,
naisip mo tutal maaga ko naman nagawa ang aking misyon. pagdating mo sa inyo ay ibinalita mo ang
nangyari sa iyong magulang. wala pa man
ding resulta at patalon-talon sa galak ang iyong ermat, sa sobrang saya nito ay
aksidente nitong nasagi ang grad pic mo noong high school, nahulog at nabasag
ang salamin, nagalit ang erpat mo, pero sinabi mong ayos lang ‘yan, bili na
lang tayo bago ‘pagkas’weldo ko. kaya
hindi pa natatapos ang araw, sikat ka na naman sa inyong lugar, ang ermat mo na
naman ang may kagagawan ng pagpapakalat ng balita – na may dagdag-bawas.
tatlong araw kang tambay. wala ka ng pera para gawin ulit ang misyong
pamumudmod ng iyong pagkatao. may nag-text sa iyo ngayong gabi, ito na ba ang
hinihintay mo o gm lang? magandang
balita, pinapapunta ka sa kanilang kompanya bukas, binasa mo ulit, tama hindi
ka maaaring magkamali, buwenas naisip nasabi mo at maaalalang nagpasa ka nga
pala sa kanilang kumpanya. ibinalita mo
na naman ang nangyari at naisip mong ito ang dapat na ipagmayabang ng iyong
magulang. dumiskarte ang ermat mo para
sa iyong pamasahe. double raw ang
kapalit kapag babayaran, pagmamayabang nito sa inutangan.
kinabukasan pagdating mo ay buong
giliw kang nakangiti nang dumating sa kumpanya.
hintayin mo lang daw ang taong kakausap sa iyo. inabutan ka ng lunch break at wala pa rin hinihintay, ayos lang naisip mo,
ipagpalit mo na ang isang tanghalian para sa trabahong inaasam. ala-una pa raw ang balik ng serbisyo, sabi sa
iyo ng guard. kaya inubos mo ang oras sa
pagtanga sa reception area ng
kumpanya malapit sa guard house habang pinapanuod mo ang pagpasok-paglabas ng
mga empleyadong tinatakpan ng makapag na kolorete ang mukha. hindi mo rin alam kung sino sa kanilang boss,
pinaka-boss, boss ng boss, boss ng lahat ng boss. nakita mo sa kanila ang iyong sarili,
nangarap ka, nag-isip, nasabi mong magiging kagaya ka rin nila kapag naka-usap
mo ang boss.
nang malapit nang sumapit ang oras,
sinenyasan ka na ng guard na maghanda sa pagpasok. itinuro sa iyo kung saan ka pupunta. kung sinong hahanapin at kakausapin. inayos mo ang iyong damit. nagpunas ng pawis. para makasiguradong presentable ang iyong
itsura, sa c.r. ka dumiretso para manalamin at malaman ang tamang posturang
gagawin.
have a seat, paanyaya sa iyo ng boss
habang hawak ang iyong resume. tumatayo
ang balahibo mo sa batok sa lamig sa loob ng kanyang opisina. executive-director ang posisyon ng kausap mo
ayon sa lapidang nakalapag sa kanyang lamesa.
umupo ka, tinanong ka niya ng kung anu-ano. sumagot ka.
tanong ulit. sagot. hanggang sa dumating sa punto na tanggap ka
na at kabilang ka na sa kanilang kumpanya.
nanginginig ang kalamnan mo sa braso sa sobrang saya, naghabulan ang mga
daga sa iyong dibdib, congratulations mr. jonas beunaventura pagbati ni
boss. tinapik ka niya sa balikat at
nakipagkamay. sinabihan ka ng ilang
dapat at hindi dapat gawin sa kumpanya, mga paalala bilang empleyado. bumalik
ka na lang daw sa ganitong petsa para magsimula, sa ngayon habang naghihintay
sa takdang oras ay ipasa na ang mga kailangang dokumento, paglalakad ng
ganitong papeles upang wala na raw intindihin kapag pumapasok na.
naningkit ka sa labis na
pagkakangiti. nang palabas ka na sa
gusali, nagpaalam ka pa sa guwardiya.
nagpasalamat nang nakangiti.
umuwi ka sa inyo at muling ibinalita
ang nangyari, nagkataon na kagagaling lang ng iyong erpat sa trabaho. nakakawala raw ng pagod ang iyong
sinabi. ang ermat mo naman hindi
magkandaugaga, parang paslit na binigyan ng paboritong laruan, oa sabi mo. mabilis na parang epidemyang kumalat sa
inyong lugar ang balita.
sa mga sumunod na araw ay kinokontak
ka ng ibang kumpanyang pinagpasahan mo ng resume. pero wala kang reply sa kanila. negative na po ako pasensiya na, simple
mong sagot kapag nababasa ang kanilang text.
naayos mo na lahat ng iyong kailangan
mula sa company id, sss, tin, pag-ibig,
philhealth, nakapangutan na rin ang ermat mo para sa uniporme at bagong
sapatos mula sa 168 mall. hanggang sa
isang araw na lang at simula na ng iyong trabaho, ilang linggo ka ring nakatunganga
sa inyong bahay, kaya’t sabik kang umalis.
pinagmalaki ka na naman ng iyong magulang sa kapit-bahay.
nang magising ka kinabukasan, parang
tinusok gamit ang aspele ang iyong mata, hindi ka nakatulog nang maayos ng gabi
dahil sa sobrang napapabik. pero hindi
mo alintana iyon. masigla kang
bumangon. naligo, nagbihis at
kumain. mas sikat ka ngayong araw na ito
sa iyong mga kapit-bahay. mas malakas
ang kantiyaw at asaran. ang
galing-galing mo naman. suwerte ng
magulang mo sa’yo. libre ‘tol ha sa
unang suweldo. alam na tropa . . .
etc. nakangiti ka sa lahat ng bumabati
sa iyo. ayaw mong masira ang iyong sobrang gandang araw mo.
dumating ka sa kumpanya na para bang
may-ari nito, nakasabit sa leeg and company
id. binati mo ang guard. pumunta sa
boss na iyong nakausap noong nakaraang punta mo rito. nakangiti kang bumati habang papasok sa
kanyang opisina. nagtataka ka,
nagtatanong. bakit parang hindi siya
masaya na makita ako? pinaupo ka ni
boss, hawak ulit ang iyong resume. masama ang kutob mo. hindi siya nakangiti, parang may masamang
balita. pero nananatili pa rin ang
postura mo. i’m sorry mr. beunaventura. but we got some trouble about your
application. hindi makatingin sa iyo si
boss habang nagsasalita, parang may hinahanap sa bawat pahina ng iyong
resume. napalunok ka ng laway. napapailing ng wala sa oras. nagrambulan muli ang mga daga sa dibdib pero
iba ang dahilan. nilibot mo ang iyong
paningin sa paligid. it says that you
don’t have any experience in the field, and we’re afraid if you can’t handle
your job because of lack of wisdom, hindi ka na rin tinatablan ng lamig, ang
tanda mo lang ay hindi ka tanggap sa kanilang kumpanya. i’m very sorry mr. buenaventura. sabay balik sa iyo ng resume. maasim ang iyong
ngiti nang abutin mo ang papel. tinapik
ka niya sa balikat. gusto mong magsalita
at magbigay ng tugon sa kanilang sinabi subalit muling bumalik ang dati mong
sakit na pagpapalit ng letra sa isang salita, at hindi na ito sa pagitan lamang
ng s at t, may iba na ring kumbinasyon ng mga letra ang nagkabuhol-buhol,
nalimutan mo kung paanong gamitin sa ayos ng salita ang patinig at katinig,
mabigat ang pakiramdam nang lumabas sa kanyang opisina. wala ka na ring gana na batiin ang guard. tinanong ka pa niya kung anong balita. umiling ka lang. tinawag ka niya. sir!
napalingon ka sa kanya.
sinenyasan kang lumapit. inilapit
niya ang kanyang bibig sa iyong tenga.
sir, sa’tin lang ha. bulong sa
iyo. alam ko po ang nangyari. nagtaka ka.
nagkaroon ka ng interes na pakinggan ang kanyang sasabihin. ser, ang totoo, wala pong problema sa inyo
nagkataon lang na ‘yong pamangkin ng pinakaboss ang pinalit sa posisyon
mo. wala tayong magagawa d’un, boss ‘yon
e. nakakuyom ang iyong kamao, naaalala
ang sinabi ni boss kanina nang nag-usap kayo.
nabuo sa isip mo ang imahe ng iyong magulang nang nakangiti at masaya
para sa iyo, ang mga kapitbahay na pinagkuwentuhan nila, kamag-aral na
nangangantsaw sa iyo dati at gc na nanampal sa iyo, ang pagiging president ng
pilipinas, pero lahat ng ito ay nawala.
nanghihinayang ka rin sa mga kumpanyang kumontak sa iyo dati na kung
alam mo lang sana pumunta ka pa rin.
‘wag ka na lang maingay ser, pero kahit si boss na nakausap mo ay ayaw
tanggapin ‘yong pumalit sa’yo kasi hindi pa tapos ng college. hindi mo alam kung
maniniwala ka pa sa kanya o baka plano talaga ito simula’t sapul upang hindi
masyadong mabigat sa kalooban ang nangyari.
napapapikit ka. napailing. ayaw mo nang marinig ang buong kuwento. nagpasalamat ka na lang sa guard. matabang iyong bati sa kanya. sige ser salamat po. kumaway ka sa kanya. pasensya na ser, gan’un talaga ang buhay. tumango ka lang sa kanyang sinabi. naglakad ka papalayo sa gusali habang hawak
ang iyong resume. tinitignan mo ang
iyong nakangiting larawan na parang nagsasabing ako ang huling larawan mo na
marangal. pero hindi ordinaryong larawan
ito, nakikita mo ang iyong sarili, ginagaya ang ginagawa ng iyong mukha na
parang nanunudya, pinitik mo, nasaktan din ang iyong mukha, may pumatong na
imehe ng bungo ito, waring tinatawanan ka, nagkaroon ng konting lukot ang
papel, napakunot ang iyong noo sa nakapapasong sikat ng araw. natuon ang atensiyon mo rito. dinuro mo ito na parang sinisermunan,
bwakananginaka marami ka pang hindi alam sa mundo. hindi mo namalayang nasa intersection ka ng kalsada at may pagewang-gewang na motor
papalapit sa iyo. balewala ang bigat mo
nang tumilapon ka sa salamin sa malapit na gusali. pero teka, hindi dapat ito ang mangyayari,
may natitira ka pang anim na taon para maghirap. nilinlang mo ako, unti-unti mo na pa lang
sinusunog ang papel mo.