(Dagli)
Pagkatapos
naming magsimba, dinala ko siya sa SM
Megamall, syempre doon sa makakapili siya ng iba’t ibang luto at putahe – sa
Foodcourt. Si Eve nga pala ‘yong
tinutukoy ko, chubby na maputi. Kita pa
naman iyong leeg, hanggang balikat ko. Huwag
ka nang lumayo kay Aiza Seguerra, medyo ganoon ang itsura niya, pero syempre
babae itong kasama ko. Siya rin iyong
una kong nililigawan ngayong highschool.
At ito ‘yong firtst date ever ko sa buhay. Naka-T-shirt lang siya na kulay yellow at may
drawing na tweety bird. Pants at Doll
shoes. At hikaw na parang bulaklak ang
itsura sa kanyang dalawang tenga. Naka-suot
ng head ban. At ako naman, tamang plain
na white T-shirt lang, itim na pants at chuck taylor na nabili sa Divisoria,
CAT officer kasi, kaya sanay ako sa ganitong pormahan.
Naghanap
kami ng bakanteng puwesto.
Ano
gusto mong kainin? Tanong ko sa kanya.
Alam ko naman kasi mahihiya rin magturo ito kaya malakas ang loob kong
magyaya. First date niya rin kasi ito,
at ramdam kong magkakahiyaan sa una.
Nakangiti
lang lang siya, nahihiyang ibuka ang bibig.
Tinaas ang dalawang kilay, ngumiti at umiling. Ok lang ako, sabi niya.
Magkaharap
kami, kahit walang pagkain sa lamesa. Wala
man kandilang may sindi, pakiramdam ko ito na iyong pinaka-romantic na oras sa
buhay ko. Natutukso nga akong hawakan
iyong kamay niya, kaso baka magalit kasi nga first date, baka biglang mag-walk
out at hindi na ako pansinin – busted.
Sige
na. Pumili ka na. Anong gusto mong kainin?
Tanong ko ulit. Nilibot ko ng tingin
ang buong food court. Akong bahala, ako
magbabayad, ‘wag ka nang mahiya. Ako
naman nagyaya nito. Sige na,
please. Nagpapaamo ang mukha ko na
parang nagmamakaawang pumili na siya ng stall na kakainan at pagkaing trip.
Ayaw
pa rin, at ito talaga ang inaasahan ko, kaya pinagpilitan ko pang pumili
siya. Ayaw talaga. Ilang minuto ring naubos iyong oras namin sa
pagpilit at pagtanggi. Hanggang sa
nagsalita na siya.
O,
sige, ganito na lang. Sabi niya. Bigla
akong kinabahan, naghabulan ang mga daga sa aking dibdib. Palakas nang palakas, parami nang parami. Ngumiti ako, pati mata ko nakisama. O, ano
‘yon? Tanong ko. Sana huwag niyang sabihin iyong kinatatakutan
kong salita. Kung ano ‘yong o-order-in
mo, ‘yon na lang din ‘yong sa’kin. Siya
naman ngayon ang nakangiti, at nanghahamon.
Shit. Umiling ako habang
nakangiti. Hindi p’wede ‘yon, dapat
magkaiba tayo na kakainin, para malaman ko kung ano ‘yong gusto mo, para
makilala pa kita. Alam mo na, getting to
know each other? Sumimangot na naman iyong
mukha niya. Iginala ang mata sa paligid,
halatang nag-iisip. Kaya inunahan ko na,
mahirap na kapag nalaman niya ang totoo.
Game! Ganito na lang. Halatang nagpapa-impress na naman ang boses
ko. Nakangiti pa rin, kailangan
i-maintain ang character. Lipat na lang
tayo sa may Starmall, mas maliit ‘yong foodcourt d’un, baka mas makapili ka ng
gusto mo? Taas ang dalawang kilay na
parang nagtatanong sa kanya kung sasang-ayon ba siya o hindi. Tumango siya. Ngumiti ulit. Ngumiti rin
ako. Tara na? Tara. Nakangiti pa rin.
Nakarating
kami sa starmall na ang pinag-uusapan lang ay kung anong gusto niyang
kainin. At syempre ayaw nga raw niya
talagang kumain. Sobrang nahihiya. HA-HA-HA, gaya ng inaasahan, everythings’
according to my plan.
Magkaharap
ulit kaming nakaupo, at wala pa rin lamang pagkain ang lamesa namin. Uulitin na naman natin ‘yong eksena kanina sa
SM, hindi ka na naman o-order? Ikaw na
nga lang ‘yong pumili ng pagkain, e.
Hindi nga p’wede ‘yong gan’un dapat magkaiba tayo na kakainin. E! kasi naman, nahihiya nga ako, ‘tsaka hindi
pa talaga ako nagugutom. Ngumiti siya,
at mukhang wala talagang balak um-order.
Pinairal ko kunyari ang pagiging suplado ko, naggalit-galitan ako na
parang nagtatampo sa kanya kasi ayaw niyang umorder. Ayaw lang kitang magutom, alam mo namang
concern lang ako sa kalusugan mo. Sabi
kong nagpapa-awa na naman ang mukha.
Napayuko siya. Hinawakan ko ang
kanyang baba at hinarap sa akin. Ngumiti
ako. Kinurot siya sa pisngi. ‘Wag ka nang malungkot d’yan, sige na, hindi
na kita pipilitin kung ayaw mo. Ngumiti
siya. Nagyaya na akong umalis.
Pumunta
kami sa sakayan ng jeep papunta kalentong.
Sa may ibaba lang rin iyon ng starmall.
Sa likod ng JRU ang bahay niya. Ihahatid
kita ha? Nagulat siya. ‘Wag na. Halatang nahihiya talaga. Ako nang bahala, please. Ngumiti na naman ako. Hindi ba talaga p’wede, kasi baka mapa’no ka sa byahe?
Hindi, okay lang ako, ngumiti na naman.
Salamat na lang.
Ba-bye,
ingat ka ha. Ngumiti na naman siya. Ikaw din ingat ka. Nag-apir kami. Pumila na siya. Pumasok sa jeep. At ako?
Ito nakangiting naglalakad.
Mabuti na lang talaga at nagtugma lahat ng plano ko. Kung hindi tapos ako nito, salamat at hindi
nagalaw ang trenta pesos ko.