(Maiklung Kuwento)
MAGSISIMULA
ANG mahabang pila sa pag-inspection ng mga guard sa bag mo pati sa sarili mo. Hiwalay ang lalaki sa babae, pero kapag ganitong
pagod, nagmamadali at mainit ang ulo ng mga tao, malabo na itong masunod. Kapag nakalagpas ka na, magpapatintero kayo
ng mga kapwa mo pasahero paakyat sa bilihan ng ticket. Mas maraming natataranta kapag naririnig nila
ang tunog ng paparating ng tren. Hingal
at pawisan kang pipila para magtiis at makabili sa cashier ng ticket (suwerte kung meron kang
sariling stored value LRT-card). Mabuburyong ka kapag matagal magka-intidihan
ang cashier at pasaheong bibili ng ticket.
Pipila ka ulit para ipasok ang ticket at kapag narinig mo ulit ang tunog
ng paparating na tren, mas matinding taranta na ang mararamdaman mo. Magmamadali kang umakyat, sa hagdan na ang
daan mo at hindi na sa escalator. At
pag-akyat mo, makikita mong papasara na ang pinto ng tren. May mga magbabalak pa rin pumasok kaso puno
na talaga, pagpuwesto mo, marami kang kasamang naghihintay sa yellow lane. Iba-ibang kasarian, katayuan, damit at amoy.
Wala
pang limang minuto, dumating na ang hinihintay.
Hindi pa man nakakahinto ang tren, nag-unahan na ang mga tao.
Napaabante
ako nang hindi ko namamalayan, kamuntik pang madama, mabuti’t siksikan at hindi
natuluyan. Pakiramdam ko may tumulak sa
akin mula sa likod. Mahirap lumingon
kapag ganitong labasan at pasukan ng mga pasahero sa tren.
Nang
makapasok na sa loob, hinahap ko ang hinayupak.
Alam ko mukha siyang si Vandolf, na parang si James Harden. Magubat kasi ‘yong bibig at baba. Proud din siguro sa mabalahibo n’yang dibdib,
maputi rin kasi kaya halata. Kung bakit
kasi nagsando pa, mukha tuloy s’yang gorilla.
Tapos ‘yong kasama n’ya naman, tingin ko idol nito si Rizal kasi hawig
sila ng sombrero. Sayang lang talaga,
kung papalitan ‘yong kulay pulang checkered n’ya ng amerikana, pati ‘yong
skinny n’ya ng slacks, at ‘yong chuck taylor n’ya ng black shoes. Alam ko sila ‘yong kumakain ng El Bonito’s
Pizza kanina, nakita ko sila habang nakapila ako sa cashier.
Saan kaya nakalagay ‘yong cell
phone nitong gorillang ‘to? Kapag
nakalapit pa ako sa’yo at nakahanap ng pagkakataon, ipapalako ko na sa amin
‘yong cell phone mo.
NEXT STATION V. MAPA. ‘WAG PO TAYONG MAGTULAKAN. IWASAN PO ANG SUMANDAL
SA PINTO AT MAG-INGAT NA RIN SA MANDURUKOT
Nang
umandar ang tren, dagling napaurong ang mga pasahero. Nagkaroon ng pagbabago sa puwesto. At katabi ko na ang magkaibigan.
“D-------ude! D---o yo--u saw ma pic-----tu---re
at instagram?” Si Rizal look-a-like ‘yong bumabanat. Kahit magkakapalit na sila ng mukha at
hininga ng kaibigan tuloy pa rin ang
kuwentuhan.
“W-------h---a-----t?”
Tanong ni Gorilla. Nakapostura, at hindi
alintana ang siksikan sa loob. Na halos
kakailanganin mong tumingala para lang makahinga nang maayos
“Ma pic-----ture wid Chris-----tine Rey-----es
in Boracay.” Hirap magsalita at
hindi na maidiresto ang sasabihin dahil sa siksikan sa loob at hirap sa
paghinga.
“O------Ya-----h, ya-----h. Yo---u pos---ted it at face-----book, I am right?”
“Yah-yah.”
Tatango-tango. Walang pakialam kahit
nasasandalan na siya sa kanyang likod ng estudyanteng lalaki.
Mukhang
bigtime ‘tong mabibiktima ko.
Umiingles. Dikit pa ng konti kay
Gorilla at kapag nagkaroon konting tulakan dito, akin na ang gadget mo. Sige lang sa kuwentuhan, andaming puwedeng
itulak ako pa ang napili mo.
“H------ow ma-----ny we-----re your
fel-----lower on twit-----ter?” Pambasag na tanong ni
Gorilla.
“H------ow ma-----ny?”
Napapatingala si Rizal look-a-like na akala mo nagbibilang ng tupa para
makatulog. “I don’t remember, maybe 700 plus.”
“Oh! Poor, yo-----u kne------w how
ma-----ny I’ve got-----ten?”
“Ho------w?”
“O-----ne hun-----dredth plus fel-----lower,” nakakapa
at malapit ko nang madukot ang cellphone ni Gorilla nang nag-ring at
nag-vibrate ito. Naputol ang kanilang
kuwentuhan ni Rizal-look-alike. Naputol
din ang balak ko. “Wa-----it du-----de.” Natatarantang kinapa ang bulsa ng
pantalon. Kapkap sa kaliwan, likod,
kanan. Dukot. Nagtataka siguro dahil mabilis nakuha ang
cellphone. Iniwas ko ang aking
mukha. Angat ng cellphone.
Ano kayang brand n’un?
O---h ma?-----O---po-----Kas---ama
ko si Jo----seph-----Pu---punta kaming Tri---noma-----Wala lang, tambay lang
‘dun-----hin---di kami manchi-chicks d’un ma-----dito kami sa LRT-----Opo, nila----gay
ko ‘yong suk---li sa taas ng T.V.-----And’un ‘yon ma, wa---lang makik---ialam
n’un-----Opo-----Sige po-----Sige ma-----Ingat ka rin-----Opo mama.
Nang
natapos ang pag-uusap ng mag-ina, sinulyapan ko si Gorilla. Nakangiti habang tinitignan ang screen ng
kanyang Nokia 3230 Umiling ako’t
napatingin sa mga gusaling nadaraanan ng tren.
PAPARATING NA SA V. MAPA STATION