Monday, December 17, 2012

Tayo nang mag-Simbang Gabi

(Maikling kuwento)


MATEO          22:36-40 

Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.


Ilang beses ko na ring ginagawa ‘to kasama ang mga kaibigan, siguro mga 5 taon na rin. N’ung dati ayaw kong sumama sa kanila sa tuwing inaaya ako. Pero dahil ako lang ang hindi makasabay sa kanilang kuwentuhan kapag magkakasama ang tropa kapag kanilang pinag-uusapan ang naganap sa nagdaang Simbang Gabi, sinubukan ko na rin sumama.

Katoliko ako pero hindi naman ako madalas magsimba. Para naman kasing paulit-ulit lang ‘yong sermon ng pari. Sinabi na niya n’ung nakaraang taon, tapos sasabihin pa rin niya sa susunod (na taon). Hindi man sakto ang petsa, pero natatandaan ko na ang ilan sa mga sinasabi niya’y nasabi na n’ya rati. Tandang-tanda ko pa n’ung bata pa ako—mga nasa elementarya. Lagi akong dinadala ni ermat sa Simbahan tuwing Linggo, parang naging routine na rin namin(niya) iyon. Nagtataka lang ako, bakit may mga rebulto don ‘saka mga larawan ng mga taong hindi ko kilala. Lahing Banyaga ang itsura. Matatangos ang kanilang ilong, mapalalaki man o babae. Kakaiba rin ang kulay ng mata, may pagka-asul. Mapuputi rin ang kanilang kulay. Ang mga lalaki’y may makakapal ng bigote’t balbas, nakasuot ng robe at saldalyas habang nakatungtong sa maliit na ulap na nasa gilip ng Simbahan.

May nakikita rin ako r’un na larawan ng pagkakasunod-sunod kung paano naganap ang pagpapapako kay Hesus sa Krus. Teka bigla kong naalala. Sabi nga di’ba sa isa sa mga Sampung utos ng Diyos, kung hindi ako nagkakamali, ikalawang utos ‘yon.

Exodo 20:3-5
“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.”
“Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay siningil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Tapos biglang ganoon, ano ngayon aking paniniwalaan, ang Bibliya o ang Simbahang nakikita kong sumasalungat sa nakasulat sa Bibliya?

Pinagtataka ko rin kung magkano ang kinikita ng Simbahan tuwing linggo o sa mga araw na mayroong misa. Kasi sa tuwing malapit nang matapos ang sermon ni Father, laging may umiikot na mga manong at manang o ‘di kaya’y mga Sakristan, minsan nama’y mga Madre. Tapos ipinapaikot nila ‘yong lalagyanan ng pera. Tapos may mag-aabang sa kabilang dulo ng upuan para abutin ito at ipasa naman sa susunod na upuan. Pero alam ko namang iaalay ang lahat ng iyon sa Dakilang Manlilikha, kaya’y sigurado akong magiging maganda ang kahihinatnan ng mga salaping donasyon sa Simbahan.

Dati nang may magpunta sa aming isang grupo. May dala silang Sto. Niño. Mga pito hanggang siyam na tao, ang isang lalaki’y may dalang gitara. Hindi sila kumatok sa pinto, biglang-bigla na lang may kumalabit ng gitara at nagsimula ang kanilang awitan. Hindi ko masyadong maintindihan ang kanta nasa loob kasi ako ng bahay at nanunuod ng telebisyon at parang wala sa tono ang mga kumakanta. Mga ilang minuto pa lang ang nakalilipas habang sila’y kumakanta, agad-agad kong binuksan ang pinto upang tignan sila. Nang lumabas na ako, tuloy pa rin sila sa pag-awit. Tinitignan ko lang sila. Hanggang sa matapos ang kanilang pag-awit, ‘yong tatlong babae na nasa harapan ko, biglang nagsabi na “Donasyon lang para sa Sto. Niño.” At biglang inangat pa nang bahadya ang Sto. Niño upang makita ko nang lubusan ang kabuuan nito. Napaisip ako at sabi ko’y “saglit lang po.” Akma akong pumasok sa bahay at iniwan muna sila sa labas.

Mga ilang minuto dahil na rin sa pagmamadali, nagawa ko na ang kailangan ko’t may maibibigay na rin ako sa kanila. “Pasensya na po sa paghihintay, hindi ko po kasi inaasahang darating kayo.” Agad kong inabot ang Sandwhich na gawa ko sa babaing nasa harapan. Nginitian ko, nang bigla siyang sumimangot. Nagtaka ako. “Wala pong lason ‘yan, branded ang palaman n’yan.” Papasok ako n’on upang ipakita ang lalagyanan ng palaman sa Sandwhich, nang bigla akong hinawakan sa kamay ng babaing inabutan ko ng sandwhich at pinigilan akong pumasok. “Maraming salamat na lang Hijo. ‘Di namin kailangan ‘yan, gusto nami’y donasyon.” Nagtaka ako, hindi naman masama ang ibibigay ko, para rin ito sa Sto. Niño, dahil bata pa ito, naisip kong bigyan ng Sandwhich. Hanggang ang isa sa kanila’y biglang sumenyas upang lumipat na sa kabilang bahay upang doon naman ituloy ang panghihingi ng donasyon. Medyo masama ang loob ko, pinaghirapan ko ang paggawa ng sandwhich tapos kahit kurot man lang mula rito’y hindi nila ginawa. Hanggang sa pumasok na lang ako sa loob ng bahay at pinagpatuloy ang panonoud ng palabas sa Telebisyon.

Tinanong ko rin dati si ermat kung ano ‘yong kinakain niya at para saan ‘yon? Ang sabi niya’y Oscha raw iyon. Para raw mabawasan ang kasalanan ng tao. Dagdag pa niya’y hindi raw nginunguya iyon, hayaan lang daw matunaw ito sa dila. Kapag mabilis daw matunaw, ibig sabihi’y makasalanan at kapag matagal matunaw hindi raw masyadong makasalanan. Ano ‘yon may bias, lahat naman ‘ata ng tao makasalanan , e. Tapos may mga lebel pa pala ng makasalanan. Naalala ko tuloy ang isang talata sa Bibliya. At ganito ang nilalaman n’un.
                                                                                                                                    
Juan 8 : 1-11
Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat. Si Hesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa’y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya’t umupo siya at nagsimula siyang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Ihinarap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Hesus, “ Guro, ang babaing ito’y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” itinanong nila ito upang subukin siya at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
Patuloy sila sa pagtatanong kaya’t tumayo si Hesus at nagsalita. “ Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
Nang marinig nila iyon, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Hesus. Tumayo si Hesus at tinanong ang babae. “ Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”
“Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.
Sinabi ni Hesus, “ Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”

Nagtataka lang talaga ako, lahat naman ng tao makasalanan, e. Bakit kailangan pang gawin ng ibang mga Pilipino ang pagpapapako sa krus sa tuwing Mahal na Araw. ‘Yong iba naman sinasaktan ‘yong sarili. Sabi nila para raw mabawasan ang kasalanan. Ang gulo talaga nila. Hindi ko alam kung tama ba ‘yong ginagawa nila sa sarili o hindi. Sabi nga sa isang talata sa Bibliya.

Juan 3: 16
Oo, gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa daigdig kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang lahat ng mga sumasampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi bagkus magkamit ng buhay na walang hanggan.
Kung may nagsakripisyo na pala sa atin para tayo’y maligtas, bakit kailangan pang saktan ang kanilang sarili? Hindi ko talaga makuha ang gusto nilang sabihin. Kung sa bagay, kanya-kanyang trip sa buhay ‘yan.

Pasado alas kuwatro y medya na n’un nang makarating kami ng tropa sa Simbahan. At sakto lang, mukhang matatapos na rin ang sermon ni Father.

Maraming mga tao, mayroon kasama ang pamilya, ang iba nama’y sumakay pa ng tricycle upang makaabot sa sermon. Hindi rin mawawala ang mga vendor. May nagtitinda ng pop corn, ng mani, mayroon din doon na puwede kang magpatimpla ng kape. Puwede kang pumili ng brand ng kape na gusto mo. May taho na rin umagang-umaga, mayroon ding isang tindahan ng Burger, mayroon din ng para sa Siomai at Siopao na may gulaman pa. mayroon ding lugawan at gotohan. Kumpleto, parang palengke ang dating. Kulang na lang pati nagtitinda ng gulay at prutas pati na rin ng mga karne’t isda’y isama. Para hindi na pupunta pa sa pamilihan. Pagkatapos magsimba, mamili na agad, upang diretso na sa bahay, hindi masasayang ang oras at nang makapaghanda na ng agahan.

Mayroon din namang mga magkasintahan na nagpunta ro’n. Magkahawak kamay habang tinutungo ang loob ng simbahan. Mayroon ding grupo ng mga lalaking malalaki ang damit, mga nakaputi, malaki rin ang short na maong, lagpas tuhod. At parang may balabal sa ulo. Mayroon din namang mga bata na gising na nang ganoong oras. Mukhang hindi kasama ng mga nagsisimba. Marahil nakatira ito malapit sa Simbahan. Mayroong mga batang nag-iiyakan habang karga-karga ng kanilang ina. Mga batang pinapagalitan at pinapalo ng ina kapag maingay at hindi tumutigil sa kakaiyak.

Ang simbahan sa malayo’y parang isang Kastilyo. Malayo pa lang ay tanaw mo na ang isang tarp na may nakasulat na malalaking letra.

Tanging kay…
            Hesu Kristo
                        …manalig at manampalataya…

At sa kanan nito’y makikita ang mukha ni Hesus na nakapikit at makikita ang kanyang mga kamay sa posisyong panalangin. Nakatagilid ang puwesto nito.

Makulay tignan sa labas. Punung-puno ng mga palamuti sa bubong na sinasabayan ng magandang tanawin ng madilim na bahagi na iyon. Mga Christmas Light. At sa itaas ng pintuan ng simbaha’y naroon ang isang maliit na bahay-sabsaban. Makikita ang isang sanggol na pinaliligiran ng isang lalaki, isang babae, sa gilid nito’y naroon ang ilang mga kawal. 3 lalaki na magagara ang kasuotan at mga hayop na waring pinagmamasdan din ang sanggol na kanilang pinaliligiran.

At gaya ng nakagawian. Puwesto sa labas. Malapit sa Parking Lot. Hindi talaga namin trip pumasok sa loob ng Simbahan kapag ganito. ‘Saka may speaker naman sa labas, kaya rinig pa rin namin ang sermon ni Father. Dukot ng cell phone. Ganon din ang mga tropa ko, 7 kami lahat-lahat. ‘Yong isa naming tropa si Ferdi, pagdating namin sa Simbahan—sa labas, biglang nawala, pupuntahan lang daw ‘yong ka-text n’ya. ‘Yong isa naman, si Alvin, siya ang nagpapunta sa chikas niya. Bale 5 na lang kaming magkakasama. Pasimple sa pagyoyosi. Tamang kuwentuhan, Tamang tingin sa mga chikas na magsisimba rin, at kapag may isang grupo rin at puro babae, matik na, ito talaga ang gagawin namin kapag Simbang Gabi, ang makipagkaibigan sa ibang grupo—siyempre hindi sa lalaki, kundi babae.

“’pag dumating na ‘yong ka-clan ko, papakilala ko kayo, para hindi boring, para me kasabay tayo kapag magsisimbang gabi” Si Mark iyon, ang tropa naming hindi malaman ang trip na genre, mahilig sa mga masisikip-maliliit-itim na damit-pantalon—parang baston, tapos nakasuot ng kulay kahel—orange na rubber shoes na pang-Bassketball na alanganing tumatawa na at gusto nang tawanan ang kapalaran sa buhay ng pobreng sapatosHabang suot-suot ang sumbrerong two colors. Laging ganoon ang pormahan n’un kahit bibili lang sa kanto sa may sa’min, poporma pa rin. Ang dyahe mo dude. Kahit mukhang tanga ang kanyang pormahan, wala kang masasabi sa mukha nito. Makinis, na medyo maputi, may pagkamatangos ang ilong. May biloy sa magkabilang pisngi, kaya marami rin ‘tong nagiging syota—na galing karamihan sa clan. Patay na matangkad, pero sakto lang para sa itsura niya.

“Tang’na pre, baka naman mga hipon ‘yang sinasabi mo ha, tang’na ‘wag mo kaming i-good time pre.” Si Vergel. Ang reklamador sa lahat. Wala pa nga’y kung ano-ano na ang pinagsasasabi. Pero kapag nakita o nakaharap na niya ang totoo, bigla na lang natatameme ang loko.

Parating na raw sila,e. Saan na kaya ‘yon?” Habang hawak ni Mark ang cellphone at tumitingin sa daan. Waring hinihintay ang tinatawag na mga ka-clan.
Drawing, tang’na, pinaasa lang tayo.” Si Vergel na nangangantiyam.
Tang’na mo, manahimik ka na d’yan, puro ka reklamo,e.” Medyo nababanas na si Mark, hindi namin alam kung sa pang-aasar ba ni Vergel o dahil wala pa ang mga hinihintay na ka-clan.

Biglang tumakbo si Mark palayo sa’min at may sinalubong na mga babae.

“Pauline!” sabay lapit si loko sa babae. Hinihingal.  Nagtinginan kaming apat habang kinakausap ni Mark ‘yong si Pauline. At ‘yong isa naming kasama kanina na pinapunta ang kanyang chikas, iniwan muna namin, may sarili na siyang mundo, kaya gagawa na rin kami ng sarili naming mundo.

Tinawag kami ni Mark. Sakto! 5 rin sila. Ito ang exciting kapag Simbang gabi.’Yong may makikilala kang kagaya rin ng trip niyo—‘yong hindi rin naman talaga ang pagsisimba ang habol kung bakit pumupunta sa Simbahan tuwing Simbang Gabi.

“’Yan ‘yong sinasabi ko sa’yong mga tropa ko.” Tinignan lang kami ni Pauline. Sabay tingin din sa kanyang mga kasamang mga babae, nagkangitian ang mga ito.

Maganda ang suot ni Pauline—para sa’min. Naka-skirt na itim. Naka-tsinelas na kulay itim at naka-t-shirt na kulay puti na may nakasulat na Boss Balita? May pagkamaitim ang kanyang labi, namumungay ang kanyang mga mata. Medyo mapayat ang mukha at ang buhok niya’y maikli lang, hanggang leeg.

Kaming mga asong ulol, lapit agad sa mga babae, kanya-kanyang partner. Nagpakilala kami sa isa’t isa. Akala mo orientation sa klase at kailangan makilala ng propesor ang bawat mag-aaral.

Medyo mahiyain ako sa simula, pero kapag ok na at nakuha ko na ang trip ng babae, alam na, matik na, mangungulit na talaga.

Habang nagi-getting to know each other kami. Naririnig pa rin namin ang sermon ni Father mula sa loob ng Simbahan. Salamat na lang talaga sa mga malalaking speaker na nasa labas ng Simbahan. Nang saglit na nawala ang ilaw sa loob at labas ng Simbahan. Tanging ang mic lamang na gamit ni Father sa loob ng Simbahan ang gumagana.  Nagulat kami’t nagtaka sa mga salitang lumabas mula sa speaker.

PUTANG ’NA, BAKIT NAWALA ANG ILAW!?

1 comment:

Anonymous said...

Sir., ang sagot po sa tanong mo dun sa exodo ay. hindi po sinasamba ng simbahang katoliko ang mga rebulto. sila'y binibigyan lamang ng acknowldgement sa mga bagay na nagawa nila at maging mabuting halimbawa sa atin na mga nabubuhay. kapag natuto kang maging malapit sa simbahan malalaman mo ang totoo. Madalas kasi yung behavior ng tao eh hindi akma sa itinuturo ng simbahan dahil na rin sa culture natin. Yung nag-umpisa lang sa kwento hanggang sa naging kaugalian na. yan tayong mga pilipino.