Friday, June 8, 2012

Lata

(Maikling-maikling kuwento o Dagli?)


Kadarating lang ni Jojo sa kanilang tahanan mula sa kanyang paaralan. Pagod at hapung-hapo mula sa mahabang lakarin.

"Ano'ng ulam 'Ma?"

"Me sardinas diyan, buksan mo na lang." Saglit siyang napailing bago sumagot sa kanyang Mama.

"Sardinas lang!?" Gulat niyang tanong sa Ina.

"Kapal ng muka mo, buti nga may sardinas, e. 'Yung iba nga diyan walang nang makain. Saka high school ka pa lang, wala ka pang trabaho. 'Wag kang magreklamo, ako nga hindi pa kumakain, kung magtitira ka man, 'yon na lang ang sa'kin."

Nakasimangot niyang kinuha ang kutsilyo at sardinas. Yamot na yamot habang binubuksan ang lata. Nang mabuksan na, ito'y kanyang nilagay sa isang platito. Binudburan ng kaunting iodised salt. Hinalo at may ulam na siya para sa hapunan.

Kumuha rin siya ng plato at ng kanin. Nang makaupo na, masama pa rin ang kanyang loob sa ulam. Tumatak sa kanyang isip ang kanilang sagutan ng Ina kanina.

'Tang'na kasi, pagod na pagod ka galing sa school, tapos Sardinas lang ulam mo! Tang'na talaga." Naibulong niya habang kumakain.

Nang nasa kalagitnaan na siya ng kanyang pagkain, nagbilin sa kanya ang Ina.
"Mamayang alas-otso, itapon mo ang basura ha." At agad na nagtungo ang kanyang Ina sa labas.

Natapos na ang kanyang pagkain. Kahit na gutom na gutom siya nagtira pa rin siya para sa kanyang Ina, dahil sa sumbat na kanyang narinig kanina. Wala rin siya sa wisyo kumain kaya wala siyang ganang kumain. Nabusog na lamang siya sa sama ng loob.

Tiningnan niya ang orasan. 8:06 PM na. Kailangan na niyang magtapos ng basura. Kahit hindi siya paalalahanan ng Ina, alam niya ang kanyang responsibilidad. Sa kanya nakatoka ang pagtatapon ng basura.

Saglit na nagpahinga. Inilagay sa basurahan ang lata. Itinali nang maigi ang basurahan at agad na lumabas para magtapon.

Habang nasa daan. Masama pa rin ang kanyang loob sa Ina at sa ulam. Patuloy pa rin sa pagdaramdam.

Malapit na siya sa tambakan ng basura nang biglang may patakbong sumalubong sa kanya. Si Rico. Anim na taong gulang. Walang salawal, marumi ang damit at tumutulo ang uhog sa kaliwang butas ng ilong. Dugyot.

"Ako tapon basura mo." Nakangiting salubong ni Rico, sabay singhot ng uhog.
" 'Di na, malapit na, e. Tsaka walang akong pambayad sa'yo." Walang emosyon ang tinig ni Jojo. Masama pa rin ang kanyang loob. Nagdaramdam.
"Wala bayad, libre." Singhot.
Biglang-bigla, inagaw ni Rico ang hawak na basura ni Jojo.
"Tang'na mo, kulet mo talaga, sinabi nang ako na'ng magtatapon, e."
"Ko na nga, e." Nakangiti si Rico nang hinablot ang basura. Singhot. Walang pakialam sa pinagsasabi ni Jojo.

Kinapa-kapa niya ang basura at naramdamang may lata. Lalo itong napangiti na para bang nakakita ng kayamanan. Singhot.

Si Manang Jenny naman na nasa kanilang likuran ay napansin ang nangyari.

"Kaya naman pala gustong kunin 'yun basura mo, me lata, e." Nakangising sabi ng Manang.
"Tempwe, baka unahan ako ibang mambabatura, aka lakakal din 'to," tugon ni Rico habang kinakapa ang basura.

Biglang-bigla, natulala na lang si Jojo mula sa kanyang kinatatayuan. At nanumbalik sa kanyang alaala ang mga pahayag ng Ina bago siya kumain ng hapunan kanina. Bigla niya rin naalala ang Ina kung ito ba'y kumain na. At biglang tumulo ang luha sa kanyang kaliwang mata nang hindi niya namamalayan. Agad siyang napailing sa nangyari.

"Si mama talaga."