(Maikling
Kuwento)
MAPALOOBAN O LABASAN, HINDI
PUWEDENG hindi mo kilala si Balong. Kilala rin siya sa tawag na
Ahas. Ang kuwento, dahil raw ‘yon sa mga peklat at tahi sa kanyang
magkabilang braso’t katawan. Para kasing may mga nakapilang
alupihan - sa magkabilang braso. Paano’y gawin ba namang panalag
nang napasabit sa isang away-lasing. Sobrang kati rin daw kasi
talaga ng mga kamay nito dati n’ung teenager siya. Kaya madalas
siyang hagarin nang saksak at taga ng mga taong pinagtangkaan niyang
nakawan. Hindi siya puwedeng magnakaw sa looban. Syempre bisto
siya, kaya mga subdivision ang napagtripan. Gan’un din nang
magkasulutan sila ng kasama niya.
Nagkaonsehan/nagkagulangan/nagkasaksakan. Kaya sa sobrang phobia ng
kasama nito, nagkusa na lang na umalis sa looban. May tattoo rin
siya sa katawan at dibdib na isang ahas. Mula sa kanyang leeg ay ang
buntot at sa kanyang katawan parang ito’y nakapulupot. Hanggang
baywang lamang ito, ewan kung nasaan ang ulo, natatakpan kasi kapag
nakasuot siya ng short. At malapit na rin maging kakulay ng kanyang
balat ang tattoo. Parehong nangingitim.
AT ITO NGA, nagwawala na
naman si Balong. Tulad ng dati ginagawa niya pa rin ang kanyang
ritwal. Lagi kasi ‘yong nandun sa may daanan sa looban. At ang
paborito niyang oras ay ‘yong mga bandang paala singko ng hapon.
‘Yong pa-rush hour. Para maraming makakita at makapanuod sa kanya.
Kaya kapag gan’un na, ang gagawin nito’y magsisisigaw lang,
magwawala. Tapos haharang sa daan (minsan nakaupo minsan naman
nakatayo pero mas madalas nakaupo). Ang kinatatakot kasi ng mga
dumaraang hindi nakakakilala sa kanya’y kapag may hawak itong bote
ng pulang kabayo. Na kahit walang laman ay gusto niyang laging dala,
na parang sandata. Kaya ‘yong iba natatakot dumaan dito, lalo na
‘yong mga tagalabasan dahil hindi s’ya kilala.
Narinig niya ang boses ng
kanyang panganay na babae na si Abubot, galit na galit. Tumigil siya
sa pagwawala. Pati mga taong dumadaan ay napahinto nang makita ang
eksena. Palinga-linga muna s’ya. Ang kanyang asawa naman na si
Felly na mas kilala sa tawag na Ngongi ay tyempong bumibili ng bigas
malapit sa lugar kung saan siya nagwawala. Lumapit si Ngongi at
kinalabit si Balong sa kanag braso.
“’Yoh anat moh, baa
mapao. Putahan mo.” Si Ngongi na inutusan ang asawa. “Di to
maatikato, may niluluto ato.”
Papalapit si Ahas sa
nag-aaway na mga bata. Kanyang naririnig ang usapan nito.
Nakita niya rin kasing
nagwawala ang kanyang panganay na anak na si Abubot na Riza ang
totoong pangalan.
Ang buhok niya’y mukhang
isang linggong hindi sinusuklay, kaya mukha ng alambre sa tigas.
Para ring nagsesebo ang balat na akala mo’y sponge na panghugas at
hindi natutuyo/nawawala ang bula. Nakaupo ito sa may tapat ng suking
tambayan ng mga manginginom, nagdadamo, nagra-rugby isama mo na ‘yong
mga nagtutulak at gumagamit ng bato. Nakapuwestong pang-five
hundread. Matalim ang tingin tulad ng ahas na nag-aabang ng tamang
pagkakataon para umatake. Tinitingnan pala si Nunoy na kanyang kuya
sa ina. Na ewan kung saan din kumuha ng utak. Utal. Hindi marunong
magbasa at magkuwenta. Malas na bata. Kung bakit naman sa
dinami-raming puwedeng maging kamukha sa ina pa nagmana. Ayon, kaya
kahit bata pa’y mukha ng matanda.
Kalaro n’un ni Nunoy ng
teks ang mga kaibigan niya at inoobserbahan lang ni Abubot ang
nangyayari, hanggang sa napansin niya na dinudugas ang kuya, siya na
mismo ang nagkumpronta sa mga kalaro ng kuya.
“Madugas ka ha!”
“Epal, ‘di ka naman
kasali.”
“Madugas ka, iniipit mo
‘yong pato mo e.”
Habang si Nunoy
pangiti-ngiti lang talaga, walang imik.
“Anong inipit? ‘Di ka
kasali dito, d’un ka nga sa lungga mo Snake.” Tumutulis pa ang
nguso ng bata.
“Ginugulangan mo ‘yong
kuya ko e,” hindi na nakatiis at sinugod na ang kalaro ng kuya.
Hanggang balikat lang kaya kitang-kita ang pagkabansot ng bata.
“Pakialam mo ba? D’un
ka nga Snake.” Lalo pang tumutulis ang nguso.
“Tangina mo ha!”
“Tangina mo rin!”
“Gagu ka ha!”
“Mas gagu ka Snake!”
“Snake pala ha!”
Straight sana sa tiyan ang gagawin. Kaso yumuko. Sapol ang mukha,
parang barumbarong na nagiba. Ngodngod sa sementong mamasa-masa.
Tulo ang dugo sa ilong, gasgas pa ang mukha. Nang maka-recover,
isang matalim na tingin ang binigay kay Abubot. Sabay ngawa.
Naglulupasay.
“Gagu ka! Tangina mong
Snake ka!” Tulo ang sipon na may kasamang dugo . “Susumbong kita
sa mama ko, gagu kang Snake ka! Tangina mo!”
“Tangina mo ka rin!
Iyakin ka naman e.” Siya naman ngayon ang matulis ang nguso.
Karipas naman ng takbo ang
kalaro ng kuya. Humahagulgol sa daan dala-dala ang mga text na anime.
Habang nakangiti lang si Nunoy.
“’Di talaga marunong
‘to e. Tanga mo kasi e.” Lumapit si Abubot kay Nunoy. “Bobo mo
talaga, dinudugas ka na e.”
Narinig ulit ni Abubot ang
iyak ng batang kalaro ng kuya na nabigyan n’ya ng isang straight sa
mukha. Palakas nang palakas habang papalapit. Napatingin s’ya
kung saan ito nagmumula. Nang makita ni Abubot na paparating ang
sinapak na bata habang humahagulgol at lalo pang inaartehan ang
pag-iyak para mas kampihan ng Ina.
“Ma!” turo kay Abubot.
“Yan ‘yong sinasabi ko sa’yo.” Pinapapangit pa lalo ang mukha
para mas makumbinse ang Ina na siya’y inosente. Nanlaki ang mga
mata ni Abubot, sabay takbong marathon papunta sa looban.
“Sa’n bahay n’yo?”
Tanong ng babae kay Nunoy.
Ngumiti lang si Nunoy.
“Sa’n sabi bahay n’yo.”
Nanlalaki ang mga mata.
Ngiti pa rin. Hanggang sa
maasar na ang babae at pinagdiskitahan ang anak na nag-iinarte.
“Ikaw kasing bata ka!”
Palo sa pwet ng pekeng manipis na tsinelas na Banana Peel. “Putangina
ka! Wag ka nang lalabas. Siraulo ka talaga. Pasok sa bahay. ‘Wag
kang lalabas animal kang hayop ka.”
Lalong kinantsawan ng mga
tambay ang bata. Lalo lang rin pinalo at pinagmumura ng Ina ang anak.
Na naging dahilan naman para matuwa ang nanunuod na tatay ni Abubot
na si Ahas.
Ahas
talaga, manang-mana sa akin.
Naibulong niya sa sarili. Sabay Ngisi.
NAPANSIN NIYA RIN NA
NANUNUOD ng nagka-kara y krus sa isang umpukan ang isa pa niyang anak
na sumunod kay Abubot, si Ricky. Na kilala naman sa tawag na Cobra,
kasinggulang daw kasi ito ng kanilang ama na kabaliktaran ng kuyang
si Nunoy. Sa kapayatan na akala mo’y isang tingting. Kabansutan na
parang singtaas lang ng tatlong bote ng 1.5 na coke at kalakihan ng
tiyan na mukhang butete. Kaya pagkakamalan mong pitong taong gulang
pa lang kahit dose na. Kahit anong laro sa baraha ay alam, lalo na
kapag may taya.
“Ricky!” Sigaw ni Snake
sabay taas ng bote. Senyas ng kamay.
“Teta lan.” Sabay kamot
sa batok.
“Iuuntog ko ‘yang ulo
mo! Lumapit ka dito!” Pasigaw na tawag ng Ama.
Sa takot ng bata’y agad
na tumakbo palapit sa Ama.
“Ano nun?” Pagdadabog
ni Cobra.
“Tangina mo!” Sabay ni
Snake kay Cobra. “Nasaan mga kapatid mo?”
“Na ka mama ehh.”
“Nasaan ba ‘yang nanay
mo?”
“Ean ko, nasa baay ‘ata”
“’Hanapin mo ‘yong
ate mo. Magpatapon na kayo ng basura.” Isang ambang suntok ang
ginawa ni Balong na siyang nakapagpararipas ng takbo ni Cobra.
Kapag gabi’y para kanila
Abubot at Cobra ay oras na ng trabaho. Sila ang kumakatok sa mga
bahay-bahay para magtanong kung sino ang magpapatapon ng basura.
Mula sa labasan na mababango, malalaki at makukulay ‘gaya sa mga
commercial ng pintura. Patungo sa pinakadulo ng looban na mula sa
yero at kahoy, hanggang sa maging karton ang itsura ng haligi,
dingding at bubong. Salamat na lang rin sa mga pulitiko at malaki
ang pakinabang ng mga tarpauling kanilang pinamigay noong nakaraang
eleksiyon. ‘Yong mga tao naman, sa sobrang awa, kahit wala
talagang laman ang basura, ipapatapon para lang makatulong.
“Patapon?”
“Wala pa e.”
“’Te, patapon po?”
Minsan, ‘yong mga nagpi-feeling mayaman sa amin. Pinapabayaan lang
silang kumatok at magtanong. Ang masama pa, hinahayaan nilang tahulan
ng mga alagang aso ang mga bata.
“Mamaya na.”
“Masyado pang maaga.”
“Wala pang alas otso.”
Kahit maaga pa,
nagpapa-reserve na sila sa mga tao na sila ang magtatapon ng basura,
para hindi maunahan ng ibang mga bata.
“Tapon?”
“’Te, patapon po?”
“’Te may basura kayo?
Patapon?”
Pagsapit na ng mga bandang
ala syite. Nagtatrabaho na sila (ni Abubot at Rico). At eksaktong
tapos na rin ang oras ng pagwawala ni Ahas, ang punta na niya ngayon,
sa tambakan ng basura dala-dala ang pamitpit ng lata.
Pagsasama-samahin naman ang mga nakuhang basura at isasakay na sa
ginawa nilang maliit na kariton. Ito ang pinakaoras ng kanilang
trabaho. Naghahanap ng puwedeng pakinabangan. Hindi na nga nila
alintana kung gaano kabaho ang mga basurang tinatambak ng mga tao na
parang expired na durian. Basta sila, buong sigla nilang kinakapa
ang mga ito upang makakita ng puwedeng gawing kalakal, gaya ng
plastic, karton, lata, at mga sirang gamit na puwede pang remeyuhan.
Inaabot sila doon ng hanggang alas dyes, kasi ‘yon ang oras na
hahakutin na ng truck ang mga basura. At kapag tapos na, iipunin ang
mga nakuhang kalakal, para maibenta kinabukasan. At ‘yon na ang
panggastos nila sa maghapon.
NAKAPAGTATAKA LANG at hindi
pa tumitigil sa pagwawala si Ahas. At hindi pa pumupunta sa may
tambakan para simulan ang trabahong manguha ng makakalakal.
“Ano? ‘Kala ko ba naawa
kayo sa’kin,” pause – mga 10 secs. “Ako? Ako ang siga dito.”
pause ulit. “Kung talagang matapang kayo, lumapit kayo dito.”
Pause. “Dito sa harap ko, nang makita n’yong hinahanap n’yo.”
Garalgal na paos na parang galing sa lumang radyo, na may lumang
baterya. Tuloy-tuloy lang siya sa pagwawala pero dinadaan-daanan
lang naman siya ng mga nakakakilala.
Nagkataon naman na may
bagong taga-looban at hindi kilala kung sino siya. Sa sobrang takot
ay nagpatawag ng Tanod.
“Manong! ‘Yan sinasabi
ko sa iyo.” Sabay turo ni ate (nasa 20-22 ang edad) kay Ahas.
Isang malaking “Ah” na
kita ang ngalangala. “Wala yan, ganyan talaga ‘yan.”
“Anong ganyan talaga
‘yan?” Lalong kinakabahan.
“’Wag kayong matakot
d’yan.” Iling. Sabay tawa ng tanod.
“Nakakasagabal manong!”
“Tsk,” iling. “Sige,
diretso lang kayo.” Ngiti.
“Manong?” Gulat na
gulat.
“Ate, magtiwala ka.”
Taas ng dalawang kilay. “Kilala namin yan, ganyan talaga yan. ‘Di
yan nananakit. Mabait ‘yan.”
SALAMAT NA NGA LANG KAY ate
Felly ngongo, mas kilala sa tawag na Ngongi. Si Ngogni na ang
paborito kulay ay ang dilaw at itim. Nangingitim ang kanyang balat
lalo na sa gawing kilikili at singit-singit, pero naninilaw ang mata
at ang ngipin. Na ang buhok niya ay kulay kalawang pero hindi naman
tininahan. Ngongi ang tukso sa kanya, para raw kasing naputukan ng
Five Star ‘yong labi, kaibahan lang, sa kanya wala na raw dugo at
sugat. Kaya kung magsalita, kailangan mo talagang ipaulit at
ipadahan-dahan para maintindihan. Ito lang rin daw kasi ang
nakapagpabago kay Ahas na dating magnanakaw at akyat-bahay. Sabi kasi
ni Ngongi (dati), kung hindi raw siya magbabago sa ginagawa, hindi
niya raw ito tatanggapin na asawa, kahit hindi naman talaga sila
kasal at nag-aanuhan lang. Sa totoo lang, tutol ang mga magulang ni
Ngongi sa kanilang dalawa. Maatim mo naman daw na may anak na kay
kuya Amulong (si Nunoy nga ‘yon). Na isang lalaking maganda ang
trabaho’t may posisyon sa munisipyo, na kahit lagas na ang buhok ay
kita pa rin raw ang kakisigan at kagwapuhang (ayon sa mga magulang ni
Ngongi) taglay nito. Isa pa, malaki raw ang maitutulong nito sa
pagpapaaral sa limang kapatid ni Ngongi (at siya ang masigasig na
tagalako), lalo pa’t hindi sumasapat ang kita sa pagtitinda ng
meryendang banana que tuwing hapon. Tiyak rin daw na mababawasan ang
limang page ng notebook na utang nila sa tindahan ni Aleng Lily. Ang
suking tindahan ng mga mangungutang sa looban. Na masaya na kapag
hindi siya binayaran ay nakakadakdak nang one to sawa na okey lang
naman sa mga hindi makakabayad ng utang. Kaso, hindi raw
maintindihan ng kanyang mga magulang kung bakit nito pinagpalit sa
isang magnanakaw na wala raw pangarap sa buhay. Sagot ni Ngongi kapag
sinusumbatan siya ng magulang, hindi raw niya ito type kahit pa nga
may anak sila na si Nunoy. At saksakan daw ito ng pangit.
N’ung dati nagkaroon ng
problema, kasi ipinagbawal na ang pagtatapon sa kalye (puwesto nina
Ahas). Katwiran ng mga taga-barangay, doon na lang itapon sa
kabilang hi-way, kasi raw parehas lang naman at nakakapagpasikip pa
ng daloy ng trapiko. Dagdag pa’y isang tawid lang andon na ang
pangalawang tapunan ng basura. At para makasigurado, ang dating
puwesto nina Ahas lagi nang may nagbabantay na tanod para matiyak na
walang magtatapon doon. Kaya nakipuwesto na lang sila sa ibang mga
basurero sa kabilang hi-way. At dahil puwesto ‘yon ng matandang
basurerong kita ang loob ng bibig kapag ngumingiti. Nagkaroon ng
konting alitan sa pagitan nina Ahas. Hindi rin naman nakatiis ang
matanda dahil nauunawaan niyang may pamilya si Ahas, kaya’t
napagkasunduan nilang hatiin na lang ang puwesto. Sa kanan ang sa
matanda at sa kaliwa nama’y kanila Ahas. Ang mga nakakakilala kay
Ahas (sa kabilang hi-way - sa’min) sa looban at labasan ang
nagtatapon sa kanyang puwesto. At vice versa. Pinagpapatong-patong
ni Ahas ang mga basurang nakalagay sa sako para makagawa square. At
sa gitna, doon ihahagis/ilalagay/itatambak (o kaya iaabot sa kanya)
ang mga basura ng mga taong nakakakilala sa kanya.
Minsan, dahil nga hindi
sapat ang kita sa pagbabasura. Dumidiskarte rin si Ngongi para
magkaroon ng dagdag kita. Sa kanya kasi ipinaiikot at ipinalalako ang
mga item na gustong ibenta ng mga tao. Kadalasan ang mga suki niya ay
mga tagalabasan at masigasig siyang nagbabahay-bahay sa looban para
maglako. Nilalagyan niya ng tubo at ‘yon na ‘yong
pinaka-commission niya r’un. Minsan walang bumubili. Minsan
mayroon. Minsan rin binabarat pa siya. Kung kaya minsan talaga para
lang siyang tumulong sa nagpapabenta kahit walang kapalit. May mga
mababait naman na binibigyan na lang sila ng ulam at soft drinks
bilang tulong.
Si Felly na karga ang
bunsong anak at kasunod na naglalakad ang ikatlo nilang anak.
Nakitang may tanod na sumisita sa asawa sa pagwawala. Pati na rin
ang babaeng nagrereklamo at hindi malaman kung anong gagawain,
nag-aalala na baka sa susunod na araw ay magwala ulit ang inireklamo.
Napailing na lang ito at agad na naglakad upang puntahan at lapitan
ang asawa na mukhang walang makapipigil kundi siya lamang.
“Umingil ka na nyan,”
sabay kindat sa asawang si Balong.
Nginisihan ni Ahas ang
asawa. Sabay iling. Ilang segudo’y agad na binasag ang hawak na
bote ng Red Horse. Pero wala pa rin s’yang nakuhang atensyon
ninuman.
“Kapag nakita mo ‘yong
mga bata! Sabihin mo dumiretso sa tapunan ng basura. Sila ang
mangalakal ngayon.” Tumango lang si Ngongi, hindi na hinintay pa
ang sunod na sasabihin ng asawa. Agad na bumalik ulit sa kanilang
bahay na sinundan naman ng tingin ni Ahas habang nakangiti’t kita
ang naninilaw na ngipin.
Tyempo namang nakita niya
ang dalawang anak na may mga dalang basura. Tinawag nito si Abubot
at sinenyasan na lumapit gamit ang kamay na parang burker na
nagtatawag ng pasahero sa isang pampasaherong jeep.
“Pagtapos mo d’yan,”
dinuduro ang ulo ng anak. “Puntahan mo ‘yong mama mo sa bahay.
Kunin mo ‘yong kapatid mo at bantayan mo.” Alisto naman bata at
ang sagot ay “opo” na may kasamang maraming pagtango.
“At Ikaw,” binaling
naman ang tingin Ricky na nasa likod ng ate. “Mangalakal ka muna
pagkatapon niyo ng basura.” Habang tinatapik ang kanang balikat ng
batang lalaki. Tumango lang si Ahas. At sabay na tinungo ng
magkapatid ang tambakan ng basura.
GABI NA, kalma muna si
Balong. Mamayang konti, mabubuhay si Ahas. Naghihintay na si Felly.