Friday, November 3, 2017

Isa Pang Bersyon Ng Love Story

 (Maikling Kuwento)


MAPALOOBAN O LABASAN, HINDI PUWEDENG hindi mo kilala si Balong. Kilala rin siya sa tawag na Ahas. Ang kuwento, dahil raw ‘yon sa mga peklat at tahi sa kanyang magkabilang braso’t katawan. Para kasing may mga nakapilang alupihan - sa magkabilang braso. Paano’y gawin ba namang panalag nang napasabit sa isang away-lasing. Sobrang kati rin daw kasi talaga ng mga kamay nito dati n’ung teenager siya. Kaya madalas siyang hagarin nang saksak at taga ng mga taong pinagtangkaan niyang nakawan. Hindi siya puwedeng magnakaw sa looban. Syempre bisto siya, kaya mga subdivision ang napagtripan. Gan’un din nang magkasulutan sila ng kasama niya. Nagkaonsehan/nagkagulangan/nagkasaksakan. Kaya sa sobrang phobia ng kasama nito, nagkusa na lang na umalis sa looban. May tattoo rin siya sa katawan at dibdib na isang ahas. Mula sa kanyang leeg ay ang buntot at sa kanyang katawan parang ito’y nakapulupot. Hanggang baywang lamang ito, ewan kung nasaan ang ulo, natatakpan kasi kapag nakasuot siya ng short. At malapit na rin maging kakulay ng kanyang balat ang tattoo. Parehong nangingitim.
AT ITO NGA, nagwawala na naman si Balong. Tulad ng dati ginagawa niya pa rin ang kanyang ritwal. Lagi kasi ‘yong nandun sa may daanan sa looban. At ang paborito niyang oras ay ‘yong mga bandang paala singko ng hapon. ‘Yong pa-rush hour. Para maraming makakita at makapanuod sa kanya. Kaya kapag gan’un na, ang gagawin nito’y magsisisigaw lang, magwawala. Tapos haharang sa daan (minsan nakaupo minsan naman nakatayo pero mas madalas nakaupo). Ang kinatatakot kasi ng mga dumaraang hindi nakakakilala sa kanya’y kapag may hawak itong bote ng pulang kabayo. Na kahit walang laman ay gusto niyang laging dala, na parang sandata. Kaya ‘yong iba natatakot dumaan dito, lalo na ‘yong mga tagalabasan dahil hindi s’ya kilala.
Narinig niya ang boses ng kanyang panganay na babae na si Abubot, galit na galit. Tumigil siya sa pagwawala. Pati mga taong dumadaan ay napahinto nang makita ang eksena. Palinga-linga muna s’ya. Ang kanyang asawa naman na si Felly na mas kilala sa tawag na Ngongi ay tyempong bumibili ng bigas malapit sa lugar kung saan siya nagwawala. Lumapit si Ngongi at kinalabit si Balong sa kanag braso.
“’Yoh anat moh, baa mapao. Putahan mo.” Si Ngongi na inutusan ang asawa. “Di to maatikato, may niluluto ato.”
Papalapit si Ahas sa nag-aaway na mga bata. Kanyang naririnig ang usapan nito.
Nakita niya rin kasing nagwawala ang kanyang panganay na anak na si Abubot na Riza ang totoong pangalan.
Ang buhok niya’y mukhang isang linggong hindi sinusuklay, kaya mukha ng alambre sa tigas. Para ring nagsesebo ang balat na akala mo’y sponge na panghugas at hindi natutuyo/nawawala ang bula. Nakaupo ito sa may tapat ng suking tambayan ng mga manginginom, nagdadamo, nagra-rugby isama mo na ‘yong mga nagtutulak at gumagamit ng bato. Nakapuwestong pang-five hundread. Matalim ang tingin tulad ng ahas na nag-aabang ng tamang pagkakataon para umatake. Tinitingnan pala si Nunoy na kanyang kuya sa ina. Na ewan kung saan din kumuha ng utak. Utal. Hindi marunong magbasa at magkuwenta. Malas na bata. Kung bakit naman sa dinami-raming puwedeng maging kamukha sa ina pa nagmana. Ayon, kaya kahit bata pa’y mukha ng matanda.
Kalaro n’un ni Nunoy ng teks ang mga kaibigan niya at inoobserbahan lang ni Abubot ang nangyayari, hanggang sa napansin niya na dinudugas ang kuya, siya na mismo ang nagkumpronta sa mga kalaro ng kuya.
Madugas ka ha!”
Epal, ‘di ka naman kasali.”
Madugas ka, iniipit mo ‘yong pato mo e.”
Habang si Nunoy pangiti-ngiti lang talaga, walang imik.
“Anong inipit? ‘Di ka kasali dito, d’un ka nga sa lungga mo Snake.” Tumutulis pa ang nguso ng bata.
“Ginugulangan mo ‘yong kuya ko e,” hindi na nakatiis at sinugod na ang kalaro ng kuya. Hanggang balikat lang kaya kitang-kita ang pagkabansot ng bata.
“Pakialam mo ba? D’un ka nga Snake.” Lalo pang tumutulis ang nguso.
“Tangina mo ha!”
“Tangina mo rin!”
“Gagu ka ha!”
“Mas gagu ka Snake!”
Snake pala ha!” Straight sana sa tiyan ang gagawin. Kaso yumuko. Sapol ang mukha, parang barumbarong na nagiba. Ngodngod sa sementong mamasa-masa. Tulo ang dugo sa ilong, gasgas pa ang mukha. Nang maka-recover, isang matalim na tingin ang binigay kay Abubot. Sabay ngawa. Naglulupasay.
“Gagu ka! Tangina mong Snake ka!” Tulo ang sipon na may kasamang dugo . “Susumbong kita sa mama ko, gagu kang Snake ka! Tangina mo!”
“Tangina mo ka rin! Iyakin ka naman e.” Siya naman ngayon ang matulis ang nguso.
Karipas naman ng takbo ang kalaro ng kuya. Humahagulgol sa daan dala-dala ang mga text na anime. Habang nakangiti lang si Nunoy.
“’Di talaga marunong ‘to e. Tanga mo kasi e.” Lumapit si Abubot kay Nunoy. “Bobo mo talaga, dinudugas ka na e.”
Narinig ulit ni Abubot ang iyak ng batang kalaro ng kuya na nabigyan n’ya ng isang straight sa mukha. Palakas nang palakas habang papalapit. Napatingin s’ya kung saan ito nagmumula. Nang makita ni Abubot na paparating ang sinapak na bata habang humahagulgol at lalo pang inaartehan ang pag-iyak para mas kampihan ng Ina.
“Ma!” turo kay Abubot. “Yan ‘yong sinasabi ko sa’yo.” Pinapapangit pa lalo ang mukha para mas makumbinse ang Ina na siya’y inosente. Nanlaki ang mga mata ni Abubot, sabay takbong marathon papunta sa looban.
“Sa’n bahay n’yo?” Tanong ng babae kay Nunoy.
Ngumiti lang si Nunoy.
“Sa’n sabi bahay n’yo.” Nanlalaki ang mga mata.
Ngiti pa rin. Hanggang sa maasar na ang babae at pinagdiskitahan ang anak na nag-iinarte.
“Ikaw kasing bata ka!” Palo sa pwet ng pekeng manipis na tsinelas na Banana Peel. “Putangina ka! Wag ka nang lalabas. Siraulo ka talaga. Pasok sa bahay. ‘Wag kang lalabas animal kang hayop ka.”
Lalong kinantsawan ng mga tambay ang bata. Lalo lang rin pinalo at pinagmumura ng Ina ang anak. Na naging dahilan naman para matuwa ang nanunuod na tatay ni Abubot na si Ahas.
Ahas talaga, manang-mana sa akin. Naibulong niya sa sarili. Sabay Ngisi.
NAPANSIN NIYA RIN NA NANUNUOD ng nagka-kara y krus sa isang umpukan ang isa pa niyang anak na sumunod kay Abubot, si Ricky. Na kilala naman sa tawag na Cobra, kasinggulang daw kasi ito ng kanilang ama na kabaliktaran ng kuyang si Nunoy. Sa kapayatan na akala mo’y isang tingting. Kabansutan na parang singtaas lang ng tatlong bote ng 1.5 na coke at kalakihan ng tiyan na mukhang butete. Kaya pagkakamalan mong pitong taong gulang pa lang kahit dose na. Kahit anong laro sa baraha ay alam, lalo na kapag may taya.
“Ricky!” Sigaw ni Snake sabay taas ng bote. Senyas ng kamay.
“Teta lan.” Sabay kamot sa batok.
“Iuuntog ko ‘yang ulo mo! Lumapit ka dito!” Pasigaw na tawag ng Ama.
Sa takot ng bata’y agad na tumakbo palapit sa Ama.
“Ano nun?” Pagdadabog ni Cobra.
“Tangina mo!” Sabay ni Snake kay Cobra. “Nasaan mga kapatid mo?”
“Na ka mama ehh.”
“Nasaan ba ‘yang nanay mo?”
“Ean ko, nasa baay ‘ata”
“’Hanapin mo ‘yong ate mo. Magpatapon na kayo ng basura.” Isang ambang suntok ang ginawa ni Balong na siyang nakapagpararipas ng takbo ni Cobra.
Kapag gabi’y para kanila Abubot at Cobra ay oras na ng trabaho. Sila ang kumakatok sa mga bahay-bahay para magtanong kung sino ang magpapatapon ng basura. Mula sa labasan na mababango, malalaki at makukulay ‘gaya sa mga commercial ng pintura. Patungo sa pinakadulo ng looban na mula sa yero at kahoy, hanggang sa maging karton ang itsura ng haligi, dingding at bubong. Salamat na lang rin sa mga pulitiko at malaki ang pakinabang ng mga tarpauling kanilang pinamigay noong nakaraang eleksiyon. ‘Yong mga tao naman, sa sobrang awa, kahit wala talagang laman ang basura, ipapatapon para lang makatulong.
Patapon?”
Wala pa e.”
“’Te, patapon po?” Minsan, ‘yong mga nagpi-feeling mayaman sa amin. Pinapabayaan lang silang kumatok at magtanong. Ang masama pa, hinahayaan nilang tahulan ng mga alagang aso ang mga bata.
Mamaya na.”
Masyado pang maaga.”
Wala pang alas otso.”
Kahit maaga pa, nagpapa-reserve na sila sa mga tao na sila ang magtatapon ng basura, para hindi maunahan ng ibang mga bata.
Tapon?”
“’Te, patapon po?”
“’Te may basura kayo? Patapon?”
Pagsapit na ng mga bandang ala syite. Nagtatrabaho na sila (ni Abubot at Rico). At eksaktong tapos na rin ang oras ng pagwawala ni Ahas, ang punta na niya ngayon, sa tambakan ng basura dala-dala ang pamitpit ng lata. Pagsasama-samahin naman ang mga nakuhang basura at isasakay na sa ginawa nilang maliit na kariton. Ito ang pinakaoras ng kanilang trabaho. Naghahanap ng puwedeng pakinabangan. Hindi na nga nila alintana kung gaano kabaho ang mga basurang tinatambak ng mga tao na parang expired na durian. Basta sila, buong sigla nilang kinakapa ang mga ito upang makakita ng puwedeng gawing kalakal, gaya ng plastic, karton, lata, at mga sirang gamit na puwede pang remeyuhan. Inaabot sila doon ng hanggang alas dyes, kasi ‘yon ang oras na hahakutin na ng truck ang mga basura. At kapag tapos na, iipunin ang mga nakuhang kalakal, para maibenta kinabukasan. At ‘yon na ang panggastos nila sa maghapon.
NAKAPAGTATAKA LANG at hindi pa tumitigil sa pagwawala si Ahas. At hindi pa pumupunta sa may tambakan para simulan ang trabahong manguha ng makakalakal.
Ano? ‘Kala ko ba naawa kayo sa’kin,” pause – mga 10 secs. “Ako? Ako ang siga dito.” pause ulit. “Kung talagang matapang kayo, lumapit kayo dito.” Pause. “Dito sa harap ko, nang makita n’yong hinahanap n’yo.” Garalgal na paos na parang galing sa lumang radyo, na may lumang baterya. Tuloy-tuloy lang siya sa pagwawala pero dinadaan-daanan lang naman siya ng mga nakakakilala.
Nagkataon naman na may bagong taga-looban at hindi kilala kung sino siya. Sa sobrang takot ay nagpatawag ng Tanod.
Manong! ‘Yan sinasabi ko sa iyo.” Sabay turo ni ate (nasa 20-22 ang edad) kay Ahas.
Isang malaking “Ah” na kita ang ngalangala. “Wala yan, ganyan talaga ‘yan.”
Anong ganyan talaga ‘yan?” Lalong kinakabahan.
“’Wag kayong matakot d’yan.” Iling. Sabay tawa ng tanod.
Nakakasagabal manong!”
Tsk,” iling. “Sige, diretso lang kayo.” Ngiti.
Manong?” Gulat na gulat.
Ate, magtiwala ka.” Taas ng dalawang kilay. “Kilala namin yan, ganyan talaga yan. ‘Di yan nananakit. Mabait ‘yan.”
SALAMAT NA NGA LANG KAY ate Felly ngongo, mas kilala sa tawag na Ngongi. Si Ngogni na ang paborito kulay ay ang dilaw at itim. Nangingitim ang kanyang balat lalo na sa gawing kilikili at singit-singit, pero naninilaw ang mata at ang ngipin. Na ang buhok niya ay kulay kalawang pero hindi naman tininahan. Ngongi ang tukso sa kanya, para raw kasing naputukan ng Five Star ‘yong labi, kaibahan lang, sa kanya wala na raw dugo at sugat. Kaya kung magsalita, kailangan mo talagang ipaulit at ipadahan-dahan para maintindihan. Ito lang rin daw kasi ang nakapagpabago kay Ahas na dating magnanakaw at akyat-bahay. Sabi kasi ni Ngongi (dati), kung hindi raw siya magbabago sa ginagawa, hindi niya raw ito tatanggapin na asawa, kahit hindi naman talaga sila kasal at nag-aanuhan lang. Sa totoo lang, tutol ang mga magulang ni Ngongi sa kanilang dalawa. Maatim mo naman daw na may anak na kay kuya Amulong (si Nunoy nga ‘yon). Na isang lalaking maganda ang trabaho’t may posisyon sa munisipyo, na kahit lagas na ang buhok ay kita pa rin raw ang kakisigan at kagwapuhang (ayon sa mga magulang ni Ngongi) taglay nito. Isa pa, malaki raw ang maitutulong nito sa pagpapaaral sa limang kapatid ni Ngongi (at siya ang masigasig na tagalako), lalo pa’t hindi sumasapat ang kita sa pagtitinda ng meryendang banana que tuwing hapon. Tiyak rin daw na mababawasan ang limang page ng notebook na utang nila sa tindahan ni Aleng Lily. Ang suking tindahan ng mga mangungutang sa looban. Na masaya na kapag hindi siya binayaran ay nakakadakdak nang one to sawa na okey lang naman sa mga hindi makakabayad ng utang. Kaso, hindi raw maintindihan ng kanyang mga magulang kung bakit nito pinagpalit sa isang magnanakaw na wala raw pangarap sa buhay. Sagot ni Ngongi kapag sinusumbatan siya ng magulang, hindi raw niya ito type kahit pa nga may anak sila na si Nunoy. At saksakan daw ito ng pangit.
N’ung dati nagkaroon ng problema, kasi ipinagbawal na ang pagtatapon sa kalye (puwesto nina Ahas). Katwiran ng mga taga-barangay, doon na lang itapon sa kabilang hi-way, kasi raw parehas lang naman at nakakapagpasikip pa ng daloy ng trapiko. Dagdag pa’y isang tawid lang andon na ang pangalawang tapunan ng basura. At para makasigurado, ang dating puwesto nina Ahas lagi nang may nagbabantay na tanod para matiyak na walang magtatapon doon. Kaya nakipuwesto na lang sila sa ibang mga basurero sa kabilang hi-way. At dahil puwesto ‘yon ng matandang basurerong kita ang loob ng bibig kapag ngumingiti. Nagkaroon ng konting alitan sa pagitan nina Ahas. Hindi rin naman nakatiis ang matanda dahil nauunawaan niyang may pamilya si Ahas, kaya’t napagkasunduan nilang hatiin na lang ang puwesto. Sa kanan ang sa matanda at sa kaliwa nama’y kanila Ahas. Ang mga nakakakilala kay Ahas (sa kabilang hi-way - sa’min) sa looban at labasan ang nagtatapon sa kanyang puwesto. At vice versa. Pinagpapatong-patong ni Ahas ang mga basurang nakalagay sa sako para makagawa square. At sa gitna, doon ihahagis/ilalagay/itatambak (o kaya iaabot sa kanya) ang mga basura ng mga taong nakakakilala sa kanya.
Minsan, dahil nga hindi sapat ang kita sa pagbabasura. Dumidiskarte rin si Ngongi para magkaroon ng dagdag kita. Sa kanya kasi ipinaiikot at ipinalalako ang mga item na gustong ibenta ng mga tao. Kadalasan ang mga suki niya ay mga tagalabasan at masigasig siyang nagbabahay-bahay sa looban para maglako. Nilalagyan niya ng tubo at ‘yon na ‘yong pinaka-commission niya r’un. Minsan walang bumubili. Minsan mayroon. Minsan rin binabarat pa siya. Kung kaya minsan talaga para lang siyang tumulong sa nagpapabenta kahit walang kapalit. May mga mababait naman na binibigyan na lang sila ng ulam at soft drinks bilang tulong.
Si Felly na karga ang bunsong anak at kasunod na naglalakad ang ikatlo nilang anak. Nakitang may tanod na sumisita sa asawa sa pagwawala. Pati na rin ang babaeng nagrereklamo at hindi malaman kung anong gagawain, nag-aalala na baka sa susunod na araw ay magwala ulit ang inireklamo. Napailing na lang ito at agad na naglakad upang puntahan at lapitan ang asawa na mukhang walang makapipigil kundi siya lamang.
“Umingil ka na nyan,” sabay kindat sa asawang si Balong.
Nginisihan ni Ahas ang asawa. Sabay iling. Ilang segudo’y agad na binasag ang hawak na bote ng Red Horse. Pero wala pa rin s’yang nakuhang atensyon ninuman.
Kapag nakita mo ‘yong mga bata! Sabihin mo dumiretso sa tapunan ng basura. Sila ang mangalakal ngayon.” Tumango lang si Ngongi, hindi na hinintay pa ang sunod na sasabihin ng asawa. Agad na bumalik ulit sa kanilang bahay na sinundan naman ng tingin ni Ahas habang nakangiti’t kita ang naninilaw na ngipin.
Tyempo namang nakita niya ang dalawang anak na may mga dalang basura. Tinawag nito si Abubot at sinenyasan na lumapit gamit ang kamay na parang burker na nagtatawag ng pasahero sa isang pampasaherong jeep.
Pagtapos mo d’yan,” dinuduro ang ulo ng anak. “Puntahan mo ‘yong mama mo sa bahay. Kunin mo ‘yong kapatid mo at bantayan mo.” Alisto naman bata at ang sagot ay “opo” na may kasamang maraming pagtango.
At Ikaw,” binaling naman ang tingin Ricky na nasa likod ng ate. “Mangalakal ka muna pagkatapon niyo ng basura.” Habang tinatapik ang kanang balikat ng batang lalaki. Tumango lang si Ahas. At sabay na tinungo ng magkapatid ang tambakan ng basura.
GABI NA, kalma muna si Balong. Mamayang konti, mabubuhay si Ahas. Naghihintay na si Felly.