Malapit na sa kanilang linya ang treasurer. Hindi marunong ngumiti at walang pakialam sa mga paliwanag. Kung magbabayad, magbayad, kung hindi walang exam na makukuha. Hindi niya na hinintay na makalapit pa ito sa kanya. Isinabay niya ang kanyang bayad sa katabing kaklse.
“Dal’wa kami d’yan.” Sabay turo kay Ambo nang iabot ang bente pesos na mamiso. Napabuntong hininga ang nag-abot ng pera.
“Tae, tagpipiso ampota!”
“Aarte ka pa, bibigay mo din naman yan kay ser.” sagot ng nag-abot ng bayad.
Nang lumagpas na kay Ambo ang masungit na treasurer, d’un lamang napayapa ang kanyang kalooban.
Kinakalikot ni Ambo ang kanyang tagyawat sa noo habang naghihintay na magsimula ang kanilang exam. Ayaw niyang ipahalatang kinakabahan siya. Ayaw niyang magpahalata . . .
Nasingil na lahat sa klase. Inilapag ng treasurer ang nakolektang pera sa lamesa ng kanilang matandang professor na nakuha ang atensyon habang inaayos ang kanilang index card.
“. . . kumpleto na ser.” Ipaliwanag ng treasurer kung ilan ang nagbayad pati ang nakolekta. Ibinigay rin ang listahan dito.
Iniabot sa kausap ang nakasupot na test paper at test booklet. Umikot ulit ang treasurer para ibigay sa mga nakapagbayad.
One seat-apart. Nagsimula ang exam. Kinakabahan ang iba. Iniisip na baka lumagapak. Nagtataka naman ang iba kung bakit ang mahal ng kanilang binayaran. Binibilang ng kanilang professor ang pera. Hindi mapanatag si ambo. Tingin nang tingin sa perang inaayos, natatakot. Nananalanging ‘wag masita at ipahiya. Nakita niyang may ibinukod na 3 pipisuhing barya. Naghabulan ang mga daga sa dibdib. Nangamatis ang mukha. Yumoko. Ayaw magpahalata. Tumulo ang malamig na pawis, tumama sa test paper – sa logo ng kanilang school. Nataranta ang utak ni Ambo nang basagin ng kanilang professor ang seryosong katahimikan sa klase. Inayos ang salamin. Tumayo at itinaas ang baryang ibinukod kanina.
“Sinong nagbayad netong lumang pera?”