Tuesday, December 9, 2014

10 dahilan kung bakit hindi nagsi-selfie ang tunay na mahihirap sa Pilipinas



SUSPETSA KO MAGKAKAGULO TAYO kung ano ba talaga ang kahulugan ng salitang mahirap.  ‘Yong iba kasi mapagpanggap na mahirap.  Oo madami akong kilalang ganito, ‘yong tipong mahirap daw sila kaya sa State U nag-aral, pero tignan mo naman ang gadget mas advance pa sa Pilipinas.  Meron ding mga nasa-informal settler na nagsasabing mahirap daw sila.  Pero tignan mo naman, may cable ang bahay, may wifi at syempre may computer/laptop (para saan nga naman ang wifi ‘no?).  Bahala na, siguro sa pag-alam natin sa mga dahilan kung bakit hindi nagsi-selfie ang tunay na mahirap sa Pilipinas ay baka malaman din natin kung ano ang depinisyon nito.

1.      Background - Ampanget nga namang mag-selfie sa bahay (o baka sa inuupahang bahay, puwede rin ‘yong literal na barung-barong, tipong konting ihip lang ng hangin giba na) kung ang background ay mukha nila Kapitan, Konsehal, Congressman o kaya Mayor.  Mga arbor na tarpaulin noong nakaraang election ang ginamit na trapal sa bahay.  May kalendaryo pang nakalagay - Family picture ni Mayor.  Nakangiti silang lahat.  Maligayang pasko daw.  Pusta ko, ‘yong iba d’yan hanggang picture na lang ang pagtingin kay Mayor, madami kasi hindi pa nila ‘to nakikita sa personal.  Hello, bawal kayang lumapit kay Mayor ang mahirap.  ‘Di ka puwedeng pumasok sa office niya, yari ka sa mga guard.  Bawal ang haggard at dugyot d’un, baka masabihan kang pasneya.  Kung makapasok ka man sa city hall, nag-out of town ito, hmp baka may appointment.  O kaya pinag-uusapan nila ni Congressman kung paano ba gagastusin ‘yong pork-barrel (ops, no comment), pahamak daw talaga ‘tong si tita Janet.  At saka kung mukha ng pulitiko ang background, isiping nangangandidato ka.  Baka mapatay ka pa ng kabilang partido.

2.      Walang salamin ang kubeta - Bawal din magtagal kasi kakatukin ka ng ibang taong gagamit ng kubetang ilang taon nang hindi nadadalaw ng taga-linis.  ‘Wag ka ring mag-ambisyon, wala ‘tong ilaw – iisipin mo ngang masuwerte pa ‘yong kulungan ng mga sisiw na 45 days.  ‘Yong iba nga, literal na sa lupa jumejerbaks, konting hukay, tutok at presto.  Anong ginhawa sa katawan.  Tabunan ng lupa.  Bukas ulit kapag tinawag ng kalikasan. 

3.      Busy – Walang time para pumorma at ipagkalat sa buong mundo na may bago kang ganito at ganyang gamit.  Priority kasing maka-survive sa isang araw.  ‘Yon ang malaking problema.

4.      Walang SNS (Social Networking Site – e.g. Facebook, Twitter, Instagram etc.) Account – Tignan mo ulit number 3.  Ikaw ba naman, imbes na ipambayad mo sa computer shop ‘yong pera, mas maganda sigurong ipanlaman na lang ng tiyan.  Busy para mabuhay kaya walang time gumawa ng account.  At sino ba naman ‘yong mag-a-accept sa mga friend request nila, aber?

5.      Pagkain – Ang awkward naman ‘atang pi-picture-an mo ‘yong pagkain mo, okay lang naman kung bongga, pero (hindi ko minamaliit ‘to ha, masarap ‘to lalo na kapag malamig) kung araw-araw ba namang tuyo, asin-tubig (kaning may kumbinasyon ng asin at tubig. Oo, tama ka, gagawing sabaw), kanin-adobo (kanin na nilagyan ng tuyo para may lasa).  Noodles na madaming sabaw, para nga naman makakain ang buong pamilya.  At syempre, paano na lang ‘yong wala talagang makain sa isang araw.  Ano na lang ang pi-picture-an nila na puwedeng gawing background.  At siyempre, ilang porsiyento ba ang mahihirap sa Pilipinas?  Sabihin nating 80% paano kung ‘yong mga ‘yon ay magkakaparehas ng kinakain, edi snob na ‘yong pinikturan mong pagkain.  Kasi common.  Meron na sila n’un.  Parang joke, boring na ‘yong inulit na banat.  Hindi mo masasabi na :  “p#$@ edi wow.”

6.      Cellphone and other gadget – tignan mo ulit ‘yong number 3 at 4.  Kung may cellphone man sila, panigurado walang SNS.  Ito ‘yong kapag nakita mong ginamit sa mga pampublikong lugar e ansarap pagtawanan.  Kasi nga super luma at bulok, puwedeng gawing kalso ng sasakyan.  Minsan nga pala sa isang pamilya walang may alam gumamit nito.  At minsan nakiki-text or tawag na lang sa kapit-bahay na meron nito, hindi para makipaglandian, kundi para i-text ‘yong mga bossing nila (kung construction worker, si foreman ang iti-text), sasabihin kung puwedeng bumale, ikaltas na lang sa susunod na suweldo ang binawas na pera at sana ma-extend sa trabaho.  Paano na lang daw ang pamilyang naghihikaos.  Bayani ‘no?

7.      Literacy rate – sabihin nating ‘yong mga taong ‘to, sila ‘yong nakatira sa ilalim ng tulay na malapit sa malaking kanal o kaya sa ilalim ng tulay sa Altura, Sta. Mesa, Manila, yong daanan ng PNR.  Tingin mo lahat ba sila nakapag-aral?  Kung oo man ang sagot.  Hanggang saan ang inabot nila?  ‘Yong iba kasing taga-informal settler ay galing sa mga probinsya, nagbakasakaling makakahanap ng ginhawa sa Maynila.  Kaso olats, kasi nga kapag walang diploma, walang trabaho.  Kung walang trabaho paano ka mabubuhay at sino ba ang magtyatyaga sa’yo, ‘di ba ‘yong kapwa mo rin walang trabaho o kaya galing probinsya.  Suwerte mo kapag nakatsamba ka at gumanda ang buhay, pero duda ako kung legal yan, hehe.  Balik tayo sa pinag-uusapan.  Kung hindi sila nakapag-aral, paano nila bibigyan ng kahulugan ang mga salita gaya na computer, internet, wifi, share, like, cover photo, follow, tweet and others alike.  ‘Wag kang pilosopo, oo walang subject na ganito.  Isipin mo n’ung panahon ba nila may ganito ng mga bagay?  Hello, tanungin mo ‘yong kamag-anak mong ipinanganak noong 70s.  Ikukuwento nila sa’yo ang buhay bago kumalat ang call center sa Pilipinas, haha, joke.  Basta ang una nilang banat ay ganito:  Noong araw . . .

8.      Ibang trip sa buhay – magkaiba ng problema ang taong sobrang hirap, medyo mahirap, sakto lang na mahirap, above average na mahirap, very good na mahirap at excellent na mahirap.  Tignan mo na lang ulit ‘yong number 5.  Problema ng excellent na mahirap kung paano i-edit ‘yong picture niya para gawing DP (Display Picture/Profile Picture para sa SNS).  Sa sakto lang na mahirap naman ay  kung sino ang pipiliin ni ganito at ganyan sa pinapanuod niyang telenobela kapag gabi, sama mo na ‘yong koreanobela.  Samantalang ‘yong sobrang hirap, problema ‘yong panlaman ng tiyan.  As I said, refer to number 5.

9.      History in-making – [1]Tignan mo na lang si Rizal, andami nating alaala sa kanya?  Immortal ‘ika nga, bukod sa panulat niya, andami niya ring picture.  E si Andres Bonifacio, isa lang.  Tas ‘yong kuha pa n’ung kinasal siya.  Kaya nga kapag araw ng kalayaan, napapatanong tayo, sino ba si Andres Bonifacio?  Si Rizal, siya ‘yong nasa piso ‘di ba?  Tapos pansin mo, walang kinilala ang mundo na mahirap, puwera na lang kung may naiambag kang matino.  Kaya ‘wag kang mag-ambisyon na sa bawat selfie mo ay kikilalanin ka ng kasaysayan.  Kung ikaw na medyo hindi mahirap ay etsapuwera, paano na lang ‘yong totally walang-wala?  Balik tayo, kay Rizal at Bonifacio.  Sila naman, kung bakit kilala natin, kasi sobrang laki ng ambag sa Pilipinas, paano na lang kung wala sila, baka raw andito pa rin ‘yong mga Kastila.  Angas nga ng gan’un, makikita natin in-person sila Mark at Pau Gasol.  Biro lang, hehe.  Paano ka ngang makakagawa ng kasaysayan sa mundo kung ang problema mo e ‘yong pangkain, (refer to number 5).  Wait, sino nga ba ‘yong pinagbabanggit ko mga tao?  Wait GMG ko muna.

10.  Yari! – Maangas sa America, ang krimen, literal na papatay.  For example, pagbabarilin mo ‘yong mga ka-schoolmate mo.  Angas ‘di ba?  O kaya pagpapatayin mo lahat ng tao sa bar.  Basta ang trip at kahulugan nila ng krimen ay pagpatay.  E dito sa Pilipinas, tingin ko mga militar at pulis lang ang may gan’ung trip – desaparecidos.  Tignan mo ulit ‘yong number 5 at 8.  Kung wala kang trabaho at mahirap ka, nag-apply naman kaso wala talaga.  Wala kang choice, kaysa naman makita mong dilat ang mata ng buo mong pamilya, pagkapit na lang sa patalim ang magiging resulta.  (Hindi ko nilalahat ha, hindi lahat ng mahirap ay ganito ang trip.  May ilan lang talaga akong kilala).  Kung kabilang ka sa informal settler, at notorious wanted ng bansa.  O kaya naman criminal, mula pandurukot hanggang bank rubber (dala nga kahirapan ng kaya napunta sa ganitong trabaho – self-employed at tax-free), madali kang makikilala ng authority kapag meron kang account sa SNS.  Konting tanong lang sa mga nagrereklamo, konting sketch.  E nagkataon ‘yong pagkaka-describe sa’yo ay saktong-sakto kung ano ‘yong DP mo, nagkataon pang selfie.  Yari!  Madali kang makakalaboso.  Kapag nahuli ka, yari ka sa mga pulis.  Kung hindi kukuryentehin ang bayag,  ipapainom sa’yo ‘yong nasa toilet bowl.  Manalangin kang medyo malinis at walang tae.  Kapag napag-tripan ka pa, andaming ipapatong sa’yong mga kaso, ikaw raw ‘yong suspect sa mga ganito at ganyang pagnanakaw.  Para nga naman resolba ang problema nila.  Sa’yo na lang ibibigay ang lahat.  Gumawa ka ng krimen na Pilipinas version,  ang gagawin nila sa’yo, krimen na American Version.  Tsk. Kawawang pamilya, kawawang mahirap.  Nag-selfie pa kasi, huli tuloy.  Yari!

Ilan lang yan sa tingin kung dahilan.  O paano, magbabahay-bahay muna kami.  Magpapatapon kami ng basura.  Sana hindi maunahan, sana hindi barat ‘yong magpapatapon.  Kahit makabente lang.


[1] Word of the Lourd – Picture- picture.  Short docu film.