Friday, October 24, 2014

This Is The Day That Your Grade Has Come : Will You Rejoice or Will Mourn For It?


(Creative Non-fiction?)


KAPAG NATATAPOS ANG SEMESTRE o kaya school year.  Syempre ang kasunod nito’y bigayan ng grades.  Mapa-grade school, high school o college, isama na rin ang sa graduate school program, lahat nangangamba kung ano ang makukuhang grade.

May mga scholar kasi, kaya may maintaining grade na hinahabol.  Kadalasan kapag may exams, memorize nila ang lahat ng terminolohiya.  Pati na rin ang petsa at lugar ng ganitong bagay.  Kahit iuntog mo ang ulo, dumugo at lumabas ang utak na kakulay ng sipong isang dekada nang hindi gumagaling, panigurado kabisado pa rin nila ang lahat ng binasa nila sa kanilang notes.  Madadamot sa sagot ‘tong mga ‘to.  Kapag nakita nila ang grade nila at medyo hindi umabot sa kanilang expectation, dito na papasok ang pagtatanong kay teacher/professor kung bakit ganun ang kanilang nakuha.  Kailangan talaga nilang mag-imbestiga, mahirap na kasing matanggal sa scholar, pa’no’y sila na lang ang natitirang pag-asa ng pamilya, kaya dapat pagbutihin ang pag-aaral.  Salamat daw pala kay congressman at mayor para sa scholarship.

Puwede rin nating i-connect dito ‘yong mga GC o Grade Conscious.  May naalala ka kung sino ‘to?  Sila ‘yong lahat ng bagay pinagbabasehan ang grade.  Halimbawa, kapag pinagawa ng kahit ano or pinapunta sila ng kanilang teacher/professor sa ganitong lugar, paniguradong ang tanong lagi,  ‘sir/ma’am may plus po bas a grade?’  Malupet to sa grades, kung ‘yong mga pulitiko hapit sa pera, ito’y nama’y gahaman sa grade.  Kapag may ipapasang project, sa kanilang ‘yong pinakamatingkad at mamumutiktik sa design.  Kung may term paper kayo, punong-puno ng design ng papel.  May malupet na boarder design o kaya naman watermark.  Syempre kapag natatapos ang exam, agad nilang titignan ‘yong notes nila. Mapapa-shit sila kapag nagkamali ng sagot.  ‘Sabi na nga ba, ‘yon ‘yon e.’  Kadalasan din nilang masabi yang ganyan.  Sobrang sama ng loob nila kapag mas mataas pa ang grade ng classmate nila na tingin niyang mas magaling pa sila d’un.  As in.   Kaya nga kapag nagtatanong kung anong grade mo, at kapag mas mataas ka sa kanya, magsinungaling ka na lang.  kasi sobrang init na ng mata niya sa’yo.  Yari ka.  Hahaha.  Syempre kapag nakapag-survey ito at nalamang siya ang pinakamataas, wasak.  Na-achieve niya ang mission niyang maging GC. O kilala mo sino ‘to?

May mga nag-aaral din nang mabuti.  Pero bibihira ang mga ‘to.  Kaya nga wala akong mailagay kung ano bang katangian nila.  Kasi bibihira lang talaga ‘to.  As in.  Siguro sila ‘yong mga hardcore sa pag-absorb ng lecture, ibig sabihin laging nagtatanong kung anong connect ng tinuturo ng teacher/professor sa kanilang subject.  Hindi nila layuning mamamahiya, gusto lang nilang magtanong kung alam ba talaga ng nagsasalita ang kanyang pinagsasabi.  Mahirap silang mabula kasi anlupet nilang magsuri.  Hindi sila Scholar o GC, pero dahil nga nag-aaral nang mabuti, mag-ingat ka sa kanila kasi puwede kang debatihin tungkol sa pinagsasabi mo.  Baka makarating pa ang usapan niyo sa post-modernism.  Mapapanganga lahat ng classmate niya kapag nagbibigay ito ng mga astig na examples at reference.  Wala naman silang masyadong pakialam kung mababa ang grade nila kasi hindi sila naniniwala dito.  Ang lagi nilang tanong, paano ito magagamit sa buhay.  Mas magagaling pa ‘to minsan sa teacher/professor nila.  May pagka-addict sa libro, pero hindi lahat ng binabasa e tinatanggap, kasi nga magagaling silang mag-suri.  Kahit anong babasahin pinapatos, kahit nga directory hindi inaatrasan.  Hindi grade ang basehan nila ng tinatawag na pag-aaral ng mabuti.  Basta magaling silang magsuri at mahirap utuin.  Sabi ko nga, bihira lang ang mga ‘to.

Meron din diyan mga petiks lang, o ‘yong average.  Kahit makakuha ng 75 o 3 na grade oks lang, basta pasado.  Sila ‘yong hindi pansinin sa klase, hindi mo alam na nag-i-exist pala sila, masasabi mo na lang na ‘Siya pala ‘yon’.  Minsan sila ‘yong hindi natatandaan ng kanilang teacher.  Hindi madalas mag-recite, kung may activity man nasa sulok lang at maglalaslas.  kapag may groupings, bahala na kung sino man ang mag-invite sa kanyang sumali sa ganitong team.  Hindi talaga pansinin.  Walang sense of humor, walang sense kausap, walang taste sa fashion.  Simple lang ang kanilang araw, pumasok at umuwi.  Makatapos ng pag-aaral.  Maiahon ang pamilya (magulang at kapatid) sa kahirapan.  Hindi natin alam kung ano bang meron sa buhay niya.  Basta hindi mo alam na nag-i-exist ‘to.  Happy go lucky ang trip nila, in short ang kanilang pambansang expression.  ‘Kahit ano.’
Singko.  Nararapat lang daw ito sa mga tamad.  Wala raw silang mga pangarap sa buhay.  Andaming naiinis sa kanila, minsan kasi parang silang ‘yong nakakasira sa section.  Sana’y sa ibang section or college na lang napunta.  Meron silang ibang trip kaysa mag-aral.  Baka ito ‘yong mga estudyanteng full time sa computer shop at bilyaran, at part time naman sa school.  Akala ng parents/guardian ay nag-aaral nang maayos, kahit hindi na maayos basta nag-aaral.  ‘Yon pala nagbubulakbol lang pala.  Masasabi mo na ‘Sayang, sana sa akin na lang ‘yong pang-tuition n’ya.’  Ito raw ‘yong mga wasak na wasak, sa Ingles total wreck na estudyant.  Sayang daw talaga.  Syempre meron din d’yang nasingko pero hindi dahil tamad,  ang hirap daw pumili kung mag-aaral ka o buhayin ang sarili.  Working-student.  Laging stress ‘tong mga ‘to.  Hindi magkandaugaga kung anong uunahin, mag-aral ba o magtrabo.  Kapag nasarapan sa suweldo wasak ang kinabukasan.  Good bye university na.  Meron din namang dedicated sa organization na sinalihan.  Sobrang busy kaya nawawalan na ng interes mag-aral kasi nga’y nakita na nilang ang kanilang sarili sa org na ‘yon.  Minsan hindi na sila naniniwala sa grade, kasi sa totoong buhay hindi mo naman daw ito magagamit.  Oo, mga tibak ‘yong tinutukoy ko.  Majority sa klase naaawa sa kanila.  ‘Sayang’ daw, antalinong bata pa man din.  Pero dahil nga may misyon sila sa mundo na iba sa misyon ng ibang estudyante, panigurado hindi sila pupunta dun sa mainstream na pangarap.  Kaya nga naging radical kasi alam kung ano ang nangyayari sa lipunang ginagalaw, at alam din nila kung anong gagawin sa ganitong lipunan.  Masarap silang kausap kasi mamumulat ka sa katotohanan, kukuwentuhan ka ng kasaysayan ng rebolusyon ng ganitong bansa, syempre hindi mawawala ang sa Pinas.  At dahil hindi sila naniniwala sa bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas, trip nilang mabago ito.  Kaya ‘wag mo nang pagpilitan n gang basehan ng pagiging magaling ay ang grade, sarado na ang kanilang isip sa ganitong inuuod na kalakaran.  Bihira lang rin ‘tong mga ‘to, handa nilang isakripisyo ang lahat para sa bayan.  Kahit magka-singko o drop, basta para sa kaayusan ng bansa, walang hindi magagawa.  Iskolar ng Bayan, Ngayon ay lumalaban.
Sabi ng professor ko, hindi raw siya nagdadamot sa grade kasi hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa estudyante limang taon bago ngayon.  Paano na lang daw kung binigyan mo ng 3 pero nang nagkaalaman na sa totoong buhay e mas-successful pa kaysa sa’yo.  Kaya raw hindi siya nagdadamot, number lang naman daw.  Sana lang daw maalala siya ng mga ito kapag nakatapos na.  Kahit raw simpleng salita lang na ‘salamat’ ay sapat na.  Pero sana raw may kotseng ibigay. Biro lang.

Panigurado, kapag nakikita ng mga estudyante ang kanilang grade.  Hindi naman talaga ‘yong mga activities, assignments, quizzes or project ang maalala nila.  Hindi kung paano matapos ang sem.  Hindi yang mga yan.  Isa lang ang naalala nila kapag nakita nila ang grade na flat 1, 3, 5, INC o kaya DRP.  Walang iba kundi ang pagmumukha ng kanilang teacher/professor.  Meron diyan pasasalamatan mo nang ilang ulit kahit hindi mo naman talaga nakikita.  At syempre, ito ang majority sa lahat, kapag nakita mong negative or mababa ang grade mo, dito muna sisimulang murahin ang teacher/professor mo.  Lahat ng wika sa mundo nagawan mo ng version para lang mabusabos sa pamamagitan ng salita ang mga taong tingin mong demonyo sa pagbibigay ng grade.  Iniisip mo kung saan dumadaan ‘to para magripuhan na sa tagiliran.  O kaya ipasunog and bahay, ipa-assasinate ang buong pamilya.  Basta lahat na iisipin mo makabawi man lang sa hindi makatarungang grade na natanggap.  Bullshit sila ‘no?  Uulitin ko, kung ano man ang grade na makuha mo, pagmumukha lang ng teacher/professor mo ang unang papasok sa’yo.  Tama ba?  Apir.

Teka, meron pa pala akong idadagdag.  May tinatawag din palang estudyanteng pagsasama-samahin ang lahat ng nabanggit na uri na nasa itaas.  Sila ‘yong mema, mema-post lang. 

O pano, kailangan ko nang i-send ‘tong papel sa e-mail ng teacher/professor ko.  May deadline, mahirap nang ma-inc.