Wednesday, January 9, 2013

Nang Minsang Makakuwentuhan ko si Galileo

(Maikling Kuwento)


“sir!”  nanggaling sa likod ko.
“ay ser, kinuha ko na ‘yong gitara.”
“segi sir,” na sinundan ng maraming tango.
“’kala ko kasi walang tao dito ser  (hindi naman siguro ako pagkakamalang magnanakaw, aba, professor naman ako rito), nagmamadali rin kasi ako, pasensya na ser a, salamat rin pala.”
“o segi, segi, walang prublima sir.”

kapag nakikita ko talaga itong si kuyang guard, lagi kong naaalala si dirk nowitzki na sa tuwing magpi-free throw ay palaging inaayos ang kuwelyo ng jersey (alam ko, walang kuwelyo iyon) kahit hindi naman magulo, (pero ang 5’9” kong height ay nagmumukhang dirk at siya si yao ming, hanggang noo niya lang kasi ako kapag pinagtabi kami.   para rin siyang si dennis rodman,  makapal ng labi na medyo matipuno na payat na para bang bato-bato ang katawan na tulad ni lebron james na parang cross breed din ni kevin garnett, natural kasi ang kulay nitong itim.) kay kuyang guard naman, maya’t maya niyang inaayos ang kuwelyo ng kanyang polong parang barong-tagalog na alanganing puti na malapit nang maging kulay gray.
kulang na nga lang magsuot siya ng amerikana at mukha na siyang miyembro ng mib.  paano ba naman kasi ang hilig magsuot ng salamin kahit hindi mataas ang sikat ng araw, ni minsan nga hindi ko pa nakitang tinanggal niya iyon mula nang naging tropa ko siya nitong mga ikalawang linggo nang pasukan, second sem.  siya rin kasi ang humarang sa akin dati sa gate:
“s’an ka sir?” senyas ng kanyang kamay.  nginitian ko lang sabay iling.
“papasok!”
“id mu?” medyo maangas ang pagkakasita sa akin kaya napakamot sa hindi makating tainga.
“sir tenatanung keta… id mo?”  hindi na ako natutuwa.  kamot sa ilong.  ayaw ko siyang mapahiya.
“wala pa akong id e!” taas ng dalawang kilay habang nakangiti.
“’de p’widi pomasok.  hindi ka pa nakaoniporme.  sega ka ba bay?” sabay ayos ng kanyang salamin.
“hindi!” ako naman ngayon ang mag-aangas sa kanya.  “sensya na ser, hindi pa kasi nabibigyan ng id ‘yong mga bagong faculty e!” siya naman ngayon ang mapapahiya sa akin.
halatang manutla kahit gaano pa siya kaitim.
“ay sir, pasinsya na,”  hindi magkandatuto sa taranta, “naku… segi sir, pasuk na pu kayu, baka maleyt pa kayu sa klase.  sensya na talaga sir.”  halatang nahiya sa ginawa, ang pamumutla ay napatungan ng pamumulang akala mo may allergy.

kaya pagkatapos noon sa tuwing papasok ako ay magtataas na lang kami ng kamay bilang batian sa isa’t isa.
“salamat ulit ser ha!” ako habang  nakangiti.  ngumiti rin siya.
“para saan pala ‘yan sir,” tinuro ang hawak kong gitara sabay ayos ng kuwelyo.
“gagamitin ko sa klase ser.” (pero ang totoo,  ibebenta ko itong dati kong hinuhulug-hulugan sa tropa ng dati kong classmate noong high school, kailangan ng income, sabi ko  na sa sm centerpoint na lang kami magkita, mga bandang 1pm, text na lang siya kapag andoon na siya at pupunta agad ako.)
“galing mu talaga sir,”  ayos ng kuwelyo.  napangisi ako,  “aydul na keta,”  at isa pang ngisi,  “prupisur na, talintid pa, tapos gagamitin mo ‘yan sa klasi,” baling sa gitara.  ngiting pang kalendaryo na ang pumalit sa dati kong ngisi.  sige lang himurin mo pa ego ko,  “wala  pa ‘ata akong nakikitang prupisor na gomamet ng ganyan detu sir,” ang tinutukoy niya ay dito sa sintang paaralan. 
(kung alam lang nito ni kuyang guard na prop lang ako sa pangalan at sa utak, pero ang laman ng pitaka ko pati na rin ang sikmura ay malayung-malayo sa pagiging prop na iniiisip niya.)
kamot sa batok.  iling at ngiti na lang nagawa ko sa mga pinagsasabi niya, mukhang may balak pang mangutang ang loko.
bahagya kaming lumayo sa guard house.
“sir, maeba aku, anung uras klasi mu?” inaayos na naman ang kanyang kuwelyo.
“mga alas dos ser,” naku, ito na nga ba ang sinasabi ko,  “bakit ser?”
“papasama sana mona aku, saglit lang naman sir.”  (taragis na yan oh, hindi pa nga ako nanananghalian magyayaya naman ito, nakakahiya namang tumanggi kasi humingi ako ng pabor para ipatago itong gitara.)
“oo ba,  sige ser, saan ba?”
“d’yan lang malapet,” sabay turo sa labas.  (paano kaya ito kasi siya ang ng guard dito tapos aalis bigla?)
“ay ser me duty ‘ata kayo a?”
“’di sir , lunch break naman,” ayos ulit ng kuwelyo.  (teka paano iyon, isasarado muna ang university tapos lalagyan sa gate ng observe lunch break, paano makakapasok ang mga estudyante?)  “…’yong kasama ko muna papalit sa’ken.”
“ay shifting kayo ser?”
“oo, ”  kasabay ng tango,  “’tsaka saglet lang ‘to sir.

siya na ang nagpauna nang makalabas kami, “pasins’ya na sir, kelangan ku lang talaga ng makakaosap”
“walang problema ser,”  (sana lang talaga ganoon lang iyon.)
“birthday ku kase sir.” (kapag sinusuwerte ka nga naman talaga)
“uy happy birthday ser!” tapik sa balikat.
“salamat sir!” (nakakaamoy na ako, sana tama ang nasa isip ko)
“ilan taon na kayo n’yan ser?” parehas kaming natawa.
“nagbobola ba kayo sir?”  sumenyas siya na parang nagja-jump shot, naalala ko si kobe bryant
“saklo lang,  bakit ser?”
tumango siya nang ilang ulit,  “saan ba may bilihan dito ng bola?” (sabi na nga ba at basketbolista ito, siguro hayuk na hayuk na itong maglaro, pero saan at paano sila maglalaro, wala silang oras kasi maghapon silang naka-duty, hindi pa sabay-sabay na nagkikita kasi may mga shift-shift pa.  tapos, baka kapag nakita silang naglalaro sa gym, sitahin ng mga taga-p.e. department kasi hindi naka-p.e. uniform, baka masira pa block shoes nila, problema.)
“ay, ser,”  kunwaring nag-isip ng isasagot,  “sa raon meron du’n.”
tumango siya na parang asong naka-display sa taxi bago sumagot,  “mora lang sir?”
“mura lang.” (patay!  butas na nga ang aking bulsa, tapos kapag kinapus pa ito ay baka sa akin pa manghiram, kaya sasang-ayunan ko na lang kung magkano man ang sabihin niya.)  “magkano ba budget mo ser?”
“p’widi na ba ‘yung utsu sir?” ayos ng kuwelyo, eigth hundread ang tinutukoy niya.
“oks na ‘yon, may mabibili ka na n’un ser”
“maganda naman kaya ‘yon sir?”
“oo?  okey na ‘yon.” (kahit hindi ko talaga alam kung tama mga pinagsasasabi ko).
“para saan pala ser?”
“may pagbibigyan lang ako.”
nang naglalakad na kami, naikuwento niya na sa panganay niyang si jomar ibibigay ang bola.  sabi pa na pangarap daw nitong maglaro sa araneta coliseum.  ang nakakalungkot lang, hindi siya makapaglaro nang maayos, kasi nga pilay.  ayon kay kuyang guard, nangyari ito nang medyo nahagip ang kanyang kaliwang paa ng l300 nang minsang mapadayo sa isang kalye, para maglako ng yosi at kendi.  hinahabol daw kasi ng mga original na takatak boys na nakapuwesto sa kalyeng iyon  kasi ang akala ay walang nakapuwesto rito, hindi raw alam ni jomar na tinaguan lang siya ng mga loko at naghahanap ng pagkakataon para magulpi ito.  kaya sa sobrang pagkataranta nang biglang siyang sinuntok sa likod, napatakbo nang  mabilis at ito nga raw, nadali ang paa, pero nailigtas naman raw ang mga paninda.
nagtataka ako, tingin siya nang tingin sa mga karindrya.  sana talaga tama ang hinala ko.
“saan tayu sir?” kunyari akong nagtanga-tangahan sa tanong niya.
“anong saan tayo ser?”
“saan tayu kakaen?”  (hindi naman siguro ito magyayaya kung hindi manlilibre, pero nakakahiya rin kapag tinanggap ko ang alok niya, biruin mong ililibre ako ng security guard, pero iisipin ko pa ba iyon, ngayong naghahanda na ang mga halimaw sa aking tiyan.)
“ser?” tanga-tangahan ulit.
“kaen tayu, sagut ku?”  kinakalampag na ang aking sikmura.  may rebolusyon nang nagaganap.
“hindi ser, ayos lang ako, kakakain ko lan…” (kanina ng pandesal na akala mo sponge.  malaki ang itsura pero kapag hinahawakan mo na ay magiging maliit na gamunggong piyaya.)
“hende sir, sagut ku, birthday ku de’ba?”
“ayos lang ser, kumain na talaga ako kanina sa faculty room,” (sana nga talaga may pagkain doon.) hindi ko na naawat si kuyang guard.  akala naman siguro tatanggihan ko.
siya ang nauna sa pagpasok sa karindirya.  sa loob, kami lang ang tao maliban sa mga nagbabantay. mukhang pina-reserve ito sa amin para i-celebrate ang birthday ni kuyang guard.
“ditu ako madalas komaen sir!”  ako naman ngayon ang tumango,  “tahemek kase, ‘de gaya sa eba,”  tango ulit na pagpapakita ng pagsang-ayon sa sinabi niya.
“ba’t gusto mo sa tahimik ser?”  tanong ko
“maengay na nga sa trabahu ku tapus poponta pa rin aku sa maengay sir?”
“sa bagay ser.”
nasa harap na kami ng mga ulam.  kakaunti pa lang ang bawas.  maamoy mo rin ang mga ito depende sa putahe.
“anu sa’yu sir?”
“kahit ano ser.”
“walang kahit anu detu sir,” tinuro ang mga ulam. “pele ka, sagut ku.”
tiningnan ko ang mga nakahain:  menudo, chicken curry, adobong manok, bikol express, binaguungan, dinuguan, fried chicken, langka, sitaw, sayote, pritong tilapia at sinigang na bangus.  nabi-visualize rin siguro ng mga alaga ko sa tiyan ang itsura ng mga ito.  para kasing hindi lang pag-aalsa ang ginagawa ng mga ito kundi may giyera nang sa loob.
 “ay sir!” ayos ng kanyang kuwelyo,
“oh ser?”
“ahmmm… anu…tutal nasa labas na naman tayu, ‘wag mo na akong tawaging sir, sir.”
“ser?”  nagtataka.
“galileo na lang sir,  p’widi ring liyo na lang.”
“bakit leo ser?”
“palayaw ku sir.”
“parang ampangit naman nu’n ser?”
“ng alin, palayaw ku sir?
“hindi ser, ‘yon bang hindi kita tatawaging ser, ser”
“ayus lang sir, nahihiya kasi aku.”
“bakit ser, wala naman kayong ginagawang masama?”
“propisur ka sir, mas bagay sa’yo ‘yong tawag na sir, sir.”
“e ser, paggalang naman po ‘yong ginagawa ko, kaya ser ‘yong gamit ko, ser.”
“hindi sir, mas mataas ka sa’kin.  mas angat ka sir sa kahit anong trabaho na itabi.” (kung gagawa ako ng fan page sa facebook, bukod kay ermat malamang isa itong si sir leo sa numero uno kong follower.  kung alam lang niya talaga, hindi naman nakakayaman ang pagtuturo, kaya nagtataka ako sa sinasabi niyang mas angat ako sa kahit anong trabahong itabi sa akin.  yayaman lang ako kapag gumawa ako ng libro na gagamitin sa klase tapos ipapa-require kong bilhin ng mga estudyante ko.  tiyak ko na yayaman ako gaya ng iniisip ni sir leo.  pero kung ganitong turo lang talaga ang gagawin mo, tapos konti lang din ang load mo,  asa ka pa, imbes na makatulong sa magulang, ako pa ang nagiging dahilan para madagdagan ng pages sa notebook ng mga listahan sa utang.  idagdag pa ang delay na pasahod na hindi mo na alam kung ano ba talaga ang eksaktong petsa ng suwelduhan, kaya nga ito ako, ibebenta itong gitara, para hindi ako hingi nang hindi ng pera kay ermat, sobrang nahihiya pa rin kahit pa sabihing wala akong naririnig na sumbat.
“edi ser… ay sorry, kuya leo pala.”
“uh?”
 “‘wag mo na rin akong tawaging sir, tutal nasa labas naman tayo.”
“hende p’widi sir, genagalang ku kayu.”
“’tol na lang itawag mo sa’kin kuya leo.”
“sir?”
“’tol.”
“sir? tol?”
“hindi! ‘tol lang.”
“sir ‘tol na lang sir?”
“sige, oks na ‘yan kuya leo.” mukha kasing ayaw magpatalo nito.
tingin.  pili.  turo ng ulam.
“sir ‘tol, ilang kanin gusto mo, extra rice ka ba?” (sana hindi niya maalala ang sinabi ko kanina na kumain na ako sa faculty room.)
“‘wag na, oks lang ‘yong isa kuya.”
kaso mukhang alam niya ang kalagayan ko, “ay miss, tig-dalawang kanin na pala yan.” (pinagpala siguro talaga ako, nakalibre pa ako ng isang luhong kanin.)
“hindi ser, oks lang talaga ako.” (ito talaga ang trip ko, kumbaga sa panliligaw, ako ang babaing nagpapakipot pero gusto rin naman, para hindi mahalata ang motibo.)
tinapik ako sa balikat,  “sir ‘tol, ayus nga lang, sagut ku yan.  birthday ku naman ngayun e.”
“nakakahiya naman, pero salamat kuya leo ha.”
tumango siya sabay ngumiti,  “miss pingi ren pala ng dalawang sabaw.”
nang makaupo na kami, ako naman ang nagpauna,  “ay kuya?”
“oh?”
“ilang taon na pala ‘yong panganay mo?”
“kensi.” wala pang dalawang minuto naibigay na ang mga inorder namin.
“kinse?”  (parang required talagang kausapin ko siya at mag-interview para mapakuwento.  ganito siguro talaga kapag ikaw ang nilibre, kailangan mong makisama at makinig sa mga drama, para kahit paano makabawi man lang panlilibre.)
tumango ako,  “ah, high school kuya?”
umiling siya.  bago magsalita.  sumubo muna.  “hanggang pirs yir high school ngani lang ‘yun.” 
buti nakakaintindi ako ng waray, salamat na rin at lagi akong nakikinig sa usapan nina ermat, mga tito’t tita ko pati si nanay (lola) at tatay (lolo) kapag nagsama-sama sila.  Tingin niya ‘ata sobrang malapit na kami isa’t isa  at hindi na mapigil ang paggamit ng kanilang punto.
“teka kuya, waray upay ka?”
tumango siya, nagliwanag ang mukha na parang batang binilhan ng bago at gusting laruan
“waray upay ka rin sir?”
“medyo pero hindi ako masyadong marunong magsalita e, tama lang”
“abay kababayan ka pala”
“oo naman kuya.” (pasalamat ka nilibre mo ako, kaya sasakyan ko trip mo, biro lang.)  “teka kuya maiba ako, ano nangyari kay jomar, bakit ganon?”
“’di pa nga ne tapos e.” sumubo ulit, “’de na ren namin pinag-isk’wela.”
“ay bakit kuya?” habang ngumunguya.
“waray k’warta sir ‘tol.”  tumango ulit ako,  “si jomar na rin ang may gostu na magtatrabahu na lang daw.”  muling inayos ang kanyang kuwelyo.  “para makatolung sa’min.”  tango ulit habang nakikinig sa kanyang kuwento.  “nakakalungkot din ‘yong gan’un sir ‘tol.”
lumingon ako sa kanya. “bakit kuya?”
“mayda ako naaalala kapag nakikita ku kasi ‘yun na nagtatrabahu.”
tango ulit.  subo.  nguya,  “ano ‘yon kuya?”
“n’ung sanggol pa lang ‘yon.”
“oh?”  pabitin sa pagkukuwento, kainis.
“dami naming pangarap ni asawa sa kanya.” tango.  nguya.  “na baka maging abugadu o kaya naman engineering.”  astig! naibulong ko.  “p’wede na rin ‘yung duktur.”  tango.  tingin kay kuya.  “mga gan’ung pangarap sir ‘tol.”
“ba’t, ano bang nangyari kuya?”
“waray.  hanggang pangarap na lang ‘yun ngayun.”
“ba’t ngayon kuya?”
“ngayun, waray na.  madako na kasi.  may isip na.  maalam na sa tama at mali,” sumubo ng pagkain, “kaya nga hende na ren talaga nag-aral.”   tango lang ako nang tango habang nagsasalita siya, “pinili na lang na maging takatak boys.”
sumubo ako ng pagkain, “paano ‘yon kuya?” habang ngumunguya.
“minsan, sir ‘tol umaalis at bumabalik ‘yun sa bahay nang walang laman ang t’yan.”
“oh?” (literal?)
 “‘yon ‘yong masiel d’un sir ‘tol.” umiiling-iling si kuya leo, “may guilty baga sir ‘tol.”  tinapik niya ang kanyang dibdib kung saan malapit ang puso
“bakit kuya?”
“rispunsebeledad ko kasi bilang ama na buhayin sila.  tapos ito ang nangyari sir ‘tol, pisti?” umiling siya. (naalala ko tuloy ang mga estudyante kong ayaw ayusin ang pag-aaral.  sila na kumpleto sa lahat ng materyal na bagay sa eskuwela pero sila pa itong ayaw mag-ayos sa pag-aaral at tapos sabayan pa nitong kuwento ni kuya leo?  nakaka-badtrip lang.)
“kawawa naman kuya?”
“oo…  kawawa talaga sir ‘tol.”  iling
“sinu ba naman gostung magkagan’un ‘yung anak?
“sa bagay.” tango.
nang makita niyang nilalagay ko ang sabaw sa kanin, bigla niyang sinenyasan ang nagbabantay at um-order ulit ng ulam na inorder kanina.
“isa pa pa lang kanin at dalawang  sabaw ulit miss.” (para saan ang isang sabaw?  para sa akin?  pero bakit dalawa, para kanino ang isa, sa kanya?  e hindi pa nga niya nagagalaw ang kanya.)
“ay kuya.”
“oh?”
“nakakahiya na masyado, ayos lang busog ako.”
ngumiti lang habang ngumunguya.  “okey lang sir ‘tol.”  iling.  ngiti.  “aku’ng bahala sa’yu.”
“salamat kuya.”
“ay! tika lang sir ‘tol.”
tango. “sige lang kuya.”
pumunta sa tindera, umorder ng isang fried chicken at dala na ang ketchup pagbalik.  hindi niya napansing namantsahan ng ketchup ang kanyang uniporme.
“kuya?” turo sa parteng namantsahan.
tiningnan niya.  napailing.  inayos ang kuwelyo.  napakamot sa baba.
“si misis naman sir ‘tol,” habang tinitingnan ang parteng may mantsa.  kumuha siya ng tissue na nasa lamesa at maingat niyang pinunasan ang uniporme.
 “oh?”
“naalala ku detu sa kitchup,” (natawa ako, bakit siya ba ang endorser ng ketchup kaya naalala niya?) “minsan kasi sir ‘tol, hindi na n’ya nalalabhan lahat ng damit namin.”
“bakit naman kuya?” (natatawa pa rin ako.)
“kasi naglalaba s’ya ng damit ng ibang tao.” (kaya naman pala.  buti ka nga may tagalaba, samantalang ako?  ako ang nagpapakapagod para linisan itong mga sinusuot ko, hindi ko na ngang makapagbasa ng libro tuwing gabi makusot lang ang mga damit ko, pati nga itong panyo ko ay every other day ko ginagamit, paano kukunti lang kasi iyon.)
“ah!” subo.  nguya.
“sa halagang trehandrid ayus na ren.”  humigop siya ng sabaw, sumubo at ngumuya.  “kasu mensan talaga, kapag menalas nasa wanhandrid plus lang.”  ako naman ang tumatango, sumusubo at ngumunguya pero siya pa rin ang nagsasalita,  “dipindi kase sa dame sir ‘tol.”
“oh?”
“’t’saka sa magpapalaba.”
“ay ganon?”  tango.  subo.  nguya.  lunok.
“kapag maupay ang pinaglalabahan, minsan penapakaen pa s’ya,”  tangong aso ulit ako, “piru hende na n’ya kenakaen.”
“ba’t naman, sayang ‘yon kuya?”
“enoowe n’ya na lang sa balay.”  tango ulit ako, “tapos hinahatag sa mga anak namin.”  tango ulit.  subo.  nguya, “mensan den sir ‘tol.” inayos ang kanyang kuwelyo, sumubo, ngumuya at lumunok, “sagot pa ne meses ‘yong sabon ‘saka ‘yong pangkuskos na gagamitin.”
“oh?” higop ng sabaw.
“oo, pati tubig.”  napailing ako, “lupit ‘nu sir tol?”  napangiti ako bigla, sumubo at ngumuya.  “de den sapat kasi ‘yong kinikita ko.”  tango lang ulit ako, “kaya naesep na reng tomolung.” sumubo siya, ngumuya at lumunok.  tango lang ako nang tango habang nakatingin sa kanya, “dame ren kaseng gastos sa balay sir ‘tol,” napailing siya, “sana nga sir ‘tol, masabi ko, na balay namen ‘yun,” bago siya magpatuloy ay sumubo muna at ngumuya, “nangongopahan lang kase kame, tomaas pa nga ang bayarin.”
“bakit daw kuya?”
“iwan sir ‘tol, may mga nadagdag daw kasing bagong gamit.”  tango ulit ako, “aba’y radyu lang naman ‘yun sir ‘tol t’saka napaglomaang t.v. na binili sa paayosan.”  napangiti siya, biglang umiling, sumubo at ngumuya, “tapos sir ‘tol bigla na lang tumaas.”  parehas kaming napangiti at napailing, “kasama na rin kasi sir ‘tol sa babayaran namin ‘yung kuryente,”  tumango lang ulit ako habang ngumunguya,  “t’saka ang lawud, na hindi rin naman namin masyadong nagagamit.”  tango ulit, subo at nguya habang nakikinig sa kanya, “nakakapagtaka ngani na anlake ng singel sa’men,” siya naman ang sumubo, ngumuya at lumunok, “kong kame lang ne tifa, ayus lang na walang koryinti, basta mayda lawud,” tumango ako, “kaso kawawa si bonsu namin sir tol.”
“oh! bakit kuya?” tanong ko
“kawawa ren se grace,” nag-ayos ng kuwelyo bago magpatuloy, “‘yong senondan ne jomar,” sumubo at ngumuya ulit siya, “lemang taun pa lang ‘yun sir tol pero s’ya ‘yong pinag-aalaga namin kay bunso na mga… nasa isang taon na rin siguro,” tumango ako, sumubo at ngumuya, siya pa rin ang nagsasalita, “kapag nga naka-epon, pag-aaralen namen si grace kapag malake na.”
“oo.  okey ‘yon kuya, ” pagsang-ayon ko,
“pero dapat talaga si jomar muna.”  siya ulit, “sayang kasi ‘yong panahon.” subo, nguya at nagpatuloy siya, “kasu ayaw na raw talaga ne jumar.”
“kasi?”
“magtatrabaho na lang daw s’ya.  waray ren naman daw kase s’yang natototonan kapag napasuk.”
“ha?” nasaktan ako sa parting iyon
“waray laman ang t’yan.”  tumango at lumunok ako, “imbes na makapag-esep lalu lang daw nahelo kapag nasa esk’wela,” tango ulit ako, subo at nguya, “sir tol?” nag-ayos ng kanyang kuwelyo, sumubo at ngumuya.
“kuya?”
“hende ba maherap magtoru?” nguya, lunok.
“…minsan? lalo na kapag hindi mo alam ‘yong ituturo mo.” tango. subo. nguya.
“pa’no ngani ‘yon sir tol?” lunok. “waray bang nabastos sa inyo?”  umiling ako
nang parang mabibilaukan na kami, ako na ang nagkusang kumuha ng dalawang basong may nakakapangilong tubig sa sobrang lamig.
“salamat sir ‘tol.”
ngumiti ako
“miss?” tinaas ang kanang kamay, sumenyas sa nagbabantay, agad siyang binalingan ng tinging may halong ngiti kahit halata rito na hindi totoo, “esang rc nga na madagku, ay malake pala, penge na rin ng dalawang basu at yilu.” (kung alam ko lang hindi na lang sana ako kumuha, pero okey na rin, pambanlaw pagkainom ng soft drinks.)
“salamat kuya ha.”
tumango siya, nag-ayos ng kuwelyo, sumubo at nguya, “maalala ko nga pala, sir tol.”
“oh kuya?”
kumamot siya batok at umiling bago magsalita, “pasensya na nu’ng dati.”
“ano ‘yon?” pagtataka ko.
“nu’ng naharang keta sa gate.”
“ah.  okey lang ‘yon.” (nakabawi ka na naman.)
 “akala ku kase nu’n, nabinta ka ng cundu yonit baga,” natawa ako, “dila ngani ka kase mokhang tetsir,” ngumiti lang ako, “naka-longsleeve ka pa n’un na asul,” tango at ngiti ulit ako, “tapos slacks at black shoes?” (natandaan niya pa ‘yon.) “kaya hindi talaga kita napagkamalan nu’n sir tol,” ngumiti ulit ako, “sins’ya na r’un.”
umiling ako, “okey lang ‘yon kuya, ‘yon nga naging dahilan kumbakit naging magkakilala tayo e.” (parang ang sagwa ng dating, love story ba itong nagaganap sa amin?)
“elang taun ka na pala sir tol?”
“21”
“21?” (hindi 24, sinabi na nga e, salamat kay Vice Ganda)
“oo 21 kuya.  parang nasamid siya sa pagkain sabay tingin sa akin.
“ambata n’yu pa pala sir tol, tapos natoru na kayu?” (gusto kong sabihin, bakit matatanda lang ba ang puwedeng magturo?) “matalenu talaga kayu sir ‘tol.” (baka masagi ng ulo ko si kuya leo.)
“kailangan kuya, e,” ang tangi kong nasabi
“maupay naman.” sumubo siya at ngumuya.
“ako bread winner sa’men.” (sa wakas ako naman ang bidang magkukuwento ngayon.) “me kapatid pa akong apat na taong gulang.”
tumango siya, ngumuya at lunok.
“‘yong erpat ko naman katatanggal lang sa trabaho.”
“baket daw sir tol?”
“bersyon ni ermat.  nakipag-away raw kasi sa boss niya.  ayon tanggal.  katwiran ni erpat, e abusado raw kasi e.”  tumango siya, ngumuya at lunok, “kababago-bago ‘kala raw kung sino,” tumango ulit siya, ngumuya at lumunok, “mababait lang sa mga babae. pero sa mga lalaki, lagi raw masama.  lagi raw nagagalit kahit walang dahilan.  kaya napuno raw si erpat.”
umiling siya, sumubo at ngumuya bago magsalita, “dapat ‘de genawa ‘yon ng amang mo.” nag-ayos na naman ng kuwelyo.
“ewan ko ba d’un”
“wala siyang magagawa d’un kasi buss ‘yon, e.” subo, nguya at lunok.
“’yon nga e.” bago ako uminom ng tubig.
“malakas kapangyarihan n’un.” siya ulit
“‘yon nga ‘yong sabi ni ermat sa kanya.”
“oh anong sabe ng amang mo?”
“wala e. matigas daw talaga ang ulo at mayabang sabi ni ermat.”  ngumiti ako nang mapait, sumubo at ngumuya.  “kaya ngayon, pakinabangan daw n’ya ‘yong kayabangan n’ya.”
“nas’an daw s’ya ngayon?”
“ayon! tambay sa bahay. nag-a-apply naman, kaso wala nga masyadong tumatanggap. kasi matanda na rin si erpat,” tumango siya, sumubo at lumunok, “nasa 58 ata o 60,” muli siyang sumubo at ngumuya bago ako magpatuloy, “du’n na rin kasi siya na-regular.”
“sayang”
“una n’yang trabaho ‘yon pagkagaling sa saudi,” umiling ako, ngumuya at lumunok, “kaso gan’un talaga, ‘kala ni erpat porke regular siya e papakinggan agad.” sumubo si kuya leo at ngumuya. “mayabang nga raw. ‘yon ang laging pinagdidiinan ni ermat.”
“tama ‘yon sir ‘tol,” uminom siya ng tubig
“kaya paalala niya lagi sa akin na sumunod lang daw sa boss.”
“hindi mo rin siguro masisisi amang mo.” umiling siya at nag-ayos ng kuwelyo.
“ba’t naman kuya?”
“kase baka hindi naman talaga maayus ang tratu sa kan’la?”
“siguro nga.”
“mensan me mga ganu’n din sa’men e.”
“oh?”
“oo sir ‘tol, lalo pa sa’min na guard lang.”
“teka lang kuya ha.”
“segi lang sir ‘tol.” lapit ako sa kahera. “ate, max na pula, tatlo.” (magkakapera naman ako mamaya e).  pagbalik, inalok ko si kuya. kinuha niya ang isa. 
“maaga akung nag-asawa sir.”
“oh! ilang taon kuya?”
“aksidente lang din kasi!” (uso rin pala sa panahon nila). “nabuntis ko n’un si tifa.” ayos ng kuwelyo, “mags’yota pa lang kami n’un.”
tumango ako, (mukhang siya na ulit ang magkukuwento).
“hanggang sa pinalayas s’ya sa kanila.”
“kase?”
“nakakahiya raw, sabi ng inang n’ya.”
“ha?”
“sa’men sumiksik. wala akong mapagpilian n’un sir.” sumubo siya at ngumuya. “naanakan ko kaya dapat panindigan,” tumango ako, “mga 17 ‘ata ako n’un sir?”
“oh?”
“nahiya na lang din ako kay amang at inang.” umiling siya sumubo at ngumuya.  “andame kaseng pareneg. umalis na lang kame, nagtayu ng sariling mondu. napadpad d’yan sa sampaloc.”
“di ka naman nagsisisi kuya?”
“nagsesese ren ako sir tol.”
tumango ako
“’di ko kase masyadung na-injuy buhay binata.” ngumiti ako, sumubo at ngumuya.  “maaga kasing naging ama.”
“oo nga e”
“sa sampaloc na rin senelang si jomar.” nag-ayos siya ng kuwelyo, “iba pala ang pakiramdam ‘pag nakita mo’ng anak mo.”
“oh?” tugon kong hindi nagtatanong o nagugulat.
“oo sir ‘tol.  ‘yong tinatawag na bugso ng damdamin, kapag nakita mo ‘yong itsura ng anak mo na bagong silang.”
“astig!” nguya ulit at lunok.
“dami kong pangarap sa kanya n’un,” sumubo siya at ngumuya, “gusto ko rin na ibigay na lang ang mga pangarap ko,”(pwede ba iyon?) “yong mga ‘di natupad,” sumubo siya at lumunok, “kaso sir ‘tol, wala na e, malabo na talaga,” tumango ulit ako at humigop ng sabaw, “bente-uno ka pa lang sir ‘tol ‘di’ba?” tumango ako, “may s’yota ka?” uminom ako at tumango, “na ano mo na?”
“na ano?” pagtataka ko, may kung ano siyang pinindot sa hita ko gamit ang hintuturo.  umiling ako at ngumiti.
tumango siya, “’buti ‘yan sir ‘tol,” ngumiti ako, “pagpatuloy n’yo lang ‘yong ganyan,” ngumiti ulit ako at tumango, “ipon muna kayo,” tumango lang ako, “hanap ng magandang trabaho,” sumubo siya at ngumuya, “tapos kapag ayos, ayan na p’wede n’yo nang gawin lahat ng gusto n’yo,” tumango ako  ngumiti, “pero sir ‘tol,” napatingin sa kanya habang ngumunguya, “‘wag kang gagaya sa’kin.”
“po?”
“wala kasi akung edokasyon, kaya siguro nagawa ‘yong gan’un.” umiling siya, sumubo at lumunok.
(nagtataka ako kung bakit hindi pa rin inuubos ni kuya leo ang dalawang sabaw.  hindi pa nga ubos ang isang ulam bumili agad ng fried chicken. sa dami ng mga nakahain sa harap niya, kasama na ang dalawang sabaw. para tuloy siyang construction worker at hindi guard.)
biglang nag-vibrate cellphone ko.

brod d2 n ak, entrance ng sm, sn k?

(nagtext na ang hinihintay ko, konting tiis pa men, uubusin ko lang itong kinakain ko.)
tumingin ako sa relong nakasabit. mukhang nabasa ni kuya leo ang nasa isip ko.
“’no’ng oras ule klase mo sir ‘tol?” lumagok siya ng inumin, “mga 2pm pa naman,” tumango siya,  “pahinga lang tayo saglit sir ‘tol, tapos batsi na.”
tumango ako bilang pagsang-ayon. “sige lang kuya leo.”

uy brod nu n?

(nagtext na naman, tatlong send pa. naku! baka makawala ang pera. huwag ka munang mainip, saglit na lang.)
pumunta sa casher si kuya, “magkano miss?” dinukot  ang leather wallet sa likod ng kanyang pang-ibaba.
“ilang kanin po ba nakuha n’yo?” tanong ng kanyang kausap
“lima.”
“lima?”
tumango siya
“tapos ‘yong ulam n’yo po?”
“yang menudo, dalawa n’yan, sa kasama ko. tapos langka at fried chicken?”
“bale… p135 lahat sir.”
akma akong dudukot sa bulsa kahit wala naman talagang madudukot.
“hindi sir ‘tol,” nag-ayos ulit siya ng kuwelyo, “ako na nga sabi e.” (alam ko naman iyon, kunyari lang, wala rin akong perang maiaabot sa iyo kuya leo. mamaya pa ako magkakapera pagnagkita na kami ng ka-EB[1] ko. kaya bilisan na natin baka naiinip na siya.)
“salamat kuya leo ha.” tinapik ko siya sa balikat, ngumiti ito,  “wala ‘yon sir ‘tol. salamat din sa oras ng pakikinig sa mga kuwento ko,” ngumiti ako, “wala lang talaga akong mapagsabihan e.” ngiti ulit.
nagkayayaan na kami “tara na sir ‘tol?”  nag-ayos muli siya ng kuwelyo, “balik na tayo.”
tumango ako, “tara”
“kunin ko na rin gamit ko.”  tumango lang ako.  “mag-a-out na rin ako, tutulog muna sa bahay kung p’wede.” ngumiti ako at tumango na may pagtataka sa kanyang sinabi, “kanina pa kasi akong madaling araw d’yan sir ‘tol, ” tumango ulit ako, “palitan kami ng kasama ko.”
“kuya?”
“oh sir ‘tol?”
“ba’t ‘di n’yo piliin na lang ‘yong pang-araw?”
“wala sir ‘tol, ‘di p’wede.”
“paano ‘yon?” pagtataka kong tanong habang bumibuwelo palabas
“depende ‘yon kung anong ibigay sa’ming oras.”  tumango ulit ako para kunyaring namangha,  “depende sa mga boss namin,” siya pa rin ang nagsasalita, tumango lang ako.

paglabas namin sa karindirya, nagpasalamat kami. malakas ang boses ni kuya leo kaysa sa akin. salamat miss, sabay ngiti. salamat ate, malumanay ang boses. tango at ngiti lang ang ginawa ng babae (kinopya niya siguro ang galaw namin kanina ni kuya leo).
“ay kuya” tinapik ko sa siya balikat.
“oh?”
“dito na pala ako.” turo sa hi-way.
“akala ko sir ‘tol?” nag-ayos siya ng kuwelyo, “may klase ka pa?”
“mga 2pm pa naman ‘yon kuya,” siya naman ang tumango, “kailangan na kasing makuha ‘tong gitara.” (at kailangan ko na talaga ng pera.)
“ah. sige sir ‘tol. salamat.”
“salamat din kuya,” hinimas ko ang aking tiyan
“ano nga ulit pangalan n’yo sir ‘tol?” (awkward, kanina pa kami nagkukuwentuhan hindi pa pala ako nagpapakilala) “kilala ko lang kayo sa mukha e,” ngumiti ako, ngumiti siya ng may pagtataka, “pero hindi ko alam pangalan n’yo?”
ngumiti ako “jhonley, kuya leo.”
“ah sir jhonley?” tumango ako.
(hirap talaga magpaalam, nagpapakiramdaman kami sa isa’t isa, parehas pa man din kaming lalaki, mas lalong awkward).
“dito na ako sir.” tinuro niya kung nasaan ang campus, tumango ako, nagkamayan muna kami bago tuluyang naghiwalay.
“sige. salamat kuya leo. salamat sa libre.”
“wala ‘yon sir ‘tol.” nag-ayos ulit siya ng kuwelyo. “walang problema ‘yon.”
“sige kuya ingat na lang pag-uwi mamaya.”
“salamat sir ‘tol, goodluck sa pagtuturo mo sir ‘tol,” ngumiti siya, “salamat din kuya.” (hirap magpaalam kahit hindi kami masyadong close.)

santol n aq,sna k pre? w8 lng a

naghiwalay na kami. papunta na akong sm sta. mesa.
saglit ko munang nilingon si kuya leo habang naglalakad. nakikita ko pa rin kung paano siya mag-ayos ng kuwelyo.  hinatid siya ng aking paningin hanggang sa maglaho. bumulong. salamat kuya leo. hinimas ulit ang aking tyan. busog. salamat. bigla akong napadighay, nalasahan ko ulit ang rc na ininom kanina. pati ang kinain, naalala ko rin si kuya leo, naalala ko rin si jomar, grace at ang bunso nila, si ate tifa, kahit ang totoo ay hindi ko naman talaga sila kilala. pero naalala ko pa rin sila. kahit wala pang limang-minuto kaming naghihiwalay ni kuya leo naalala ko pa rin siya . naalala ko sila dahil sa aking pagdighay.


[1] EB – Eyeball, personal na pagkikita