(Maikling kuwento)
MATEO
22:36-40
Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
Ilang beses ko na ring ginagawa ‘to kasama ang mga
kaibigan, siguro mga 5 taon na rin. N’ung dati ayaw kong sumama sa kanila sa
tuwing inaaya ako. Pero dahil ako lang ang hindi makasabay sa kanilang
kuwentuhan kapag magkakasama ang tropa kapag kanilang pinag-uusapan ang naganap
sa nagdaang Simbang Gabi, sinubukan ko na rin sumama.
Katoliko ako pero hindi naman ako madalas magsimba. Para
naman kasing paulit-ulit lang ‘yong sermon ng pari. Sinabi na niya n’ung
nakaraang taon, tapos sasabihin pa rin niya sa susunod (na taon). Hindi man
sakto ang petsa, pero natatandaan ko na ang ilan sa mga sinasabi niya’y nasabi
na n’ya rati. Tandang-tanda ko pa n’ung bata pa ako—mga nasa elementarya. Lagi
akong dinadala ni ermat sa Simbahan tuwing Linggo, parang naging routine na
rin namin(niya) iyon. Nagtataka lang ako, bakit may mga rebulto don ‘saka mga
larawan ng mga taong hindi ko kilala. Lahing Banyaga ang itsura. Matatangos ang
kanilang ilong, mapalalaki man o babae. Kakaiba rin ang kulay ng mata, may
pagka-asul. Mapuputi rin ang kanilang kulay. Ang mga lalaki’y may makakapal ng
bigote’t balbas, nakasuot ng robe at saldalyas habang
nakatungtong sa maliit na ulap na nasa gilip ng Simbahan.
May nakikita rin ako r’un na larawan ng pagkakasunod-sunod
kung paano naganap ang pagpapapako kay Hesus sa Krus. Teka bigla kong naalala.
Sabi nga di’ba sa isa sa mga Sampung utos ng Diyos, kung hindi ako nagkakamali,
ikalawang utos ‘yon.
Exodo 20:3-5
Tapos biglang ganoon,
ano ngayon aking paniniwalaan, ang Bibliya o ang Simbahang nakikita kong
sumasalungat sa nakasulat sa Bibliya?
Pinagtataka ko rin
kung magkano ang kinikita ng Simbahan tuwing linggo o sa mga araw na mayroong
misa. Kasi sa tuwing malapit nang matapos ang sermon ni Father, laging may
umiikot na mga manong at manang o ‘di kaya’y mga Sakristan, minsan nama’y mga
Madre. Tapos ipinapaikot nila ‘yong lalagyanan ng pera. Tapos may mag-aabang sa
kabilang dulo ng upuan para abutin ito at ipasa naman sa susunod na upuan. Pero
alam ko namang iaalay ang lahat ng iyon sa Dakilang Manlilikha, kaya’y sigurado
akong magiging maganda ang kahihinatnan ng mga salaping donasyon sa Simbahan.
Dati nang may
magpunta sa aming isang grupo. May dala silang Sto. Niño. Mga pito hanggang
siyam na tao, ang isang lalaki’y may dalang gitara. Hindi sila kumatok sa
pinto, biglang-bigla na lang may kumalabit ng gitara at nagsimula ang kanilang
awitan. Hindi ko masyadong maintindihan ang kanta nasa loob kasi ako ng bahay
at nanunuod ng telebisyon at parang wala sa tono ang mga kumakanta. Mga ilang
minuto pa lang ang nakalilipas habang sila’y kumakanta, agad-agad kong binuksan
ang pinto upang tignan sila. Nang lumabas na ako, tuloy pa rin sila sa
pag-awit. Tinitignan ko lang sila. Hanggang sa matapos ang kanilang pag-awit,
‘yong tatlong babae na nasa harapan ko, biglang nagsabi na “Donasyon lang
para sa Sto. Niño.” At biglang inangat pa nang bahadya ang Sto. Niño upang makita ko nang lubusan ang kabuuan nito.
Napaisip ako at sabi ko’y “saglit lang po.” Akma akong pumasok sa bahay at iniwan muna sila sa
labas.
Mga ilang minuto
dahil na rin sa pagmamadali, nagawa ko na ang kailangan ko’t may maibibigay na
rin ako sa kanila. “Pasensya na po sa paghihintay, hindi ko po kasi
inaasahang darating kayo.” Agad kong
inabot ang Sandwhich na gawa ko sa babaing nasa harapan. Nginitian ko, nang
bigla siyang sumimangot. Nagtaka ako. “Wala pong lason ‘yan, branded ang palaman n’yan.” Papasok ako n’on upang ipakita ang lalagyanan ng
palaman sa Sandwhich, nang bigla akong hinawakan sa kamay ng babaing inabutan
ko ng sandwhich at pinigilan akong pumasok. “Maraming salamat na lang Hijo.
‘Di namin kailangan ‘yan, gusto nami’y donasyon.” Nagtaka ako, hindi naman masama ang ibibigay ko,
para rin ito sa Sto. Niño, dahil bata pa ito, naisip kong bigyan ng Sandwhich.
Hanggang ang isa sa kanila’y biglang sumenyas upang lumipat na sa kabilang
bahay upang doon naman ituloy ang panghihingi ng donasyon. Medyo masama ang
loob ko, pinaghirapan ko ang paggawa ng sandwhich tapos kahit kurot man lang
mula rito’y hindi nila ginawa. Hanggang sa pumasok na lang ako sa loob ng bahay
at pinagpatuloy ang panonoud ng palabas sa Telebisyon.
Tinanong ko rin dati
si ermat kung ano ‘yong kinakain niya at para saan ‘yon? Ang sabi niya’y Oscha raw
iyon. Para raw mabawasan ang kasalanan ng tao. Dagdag pa niya’y hindi raw
nginunguya iyon, hayaan lang daw matunaw ito sa dila. Kapag mabilis daw
matunaw, ibig sabihi’y makasalanan at kapag matagal matunaw hindi raw masyadong
makasalanan. Ano ‘yon may bias, lahat naman ‘ata ng tao makasalanan , e. Tapos may
mga lebel pa pala ng makasalanan. Naalala ko tuloy ang isang talata sa Bibliya.
At ganito ang nilalaman n’un.
Nagtataka lang talaga
ako, lahat naman ng tao makasalanan, e. Bakit kailangan pang gawin ng ibang mga
Pilipino ang pagpapapako sa krus sa tuwing Mahal na Araw. ‘Yong iba naman
sinasaktan ‘yong sarili. Sabi nila para raw mabawasan ang kasalanan. Ang gulo talaga
nila. Hindi ko alam kung tama ba ‘yong ginagawa nila sa sarili o hindi. Sabi
nga sa isang talata sa Bibliya.
Juan 3: 16
Pasado alas kuwatro y medya na n’un nang
makarating kami ng tropa sa Simbahan. At sakto lang, mukhang matatapos na rin
ang sermon ni Father.
Maraming mga tao, mayroon kasama ang
pamilya, ang iba nama’y sumakay pa ng tricycle upang makaabot sa sermon. Hindi
rin mawawala ang mga vendor. May nagtitinda ng pop corn, ng mani, mayroon din
doon na puwede kang magpatimpla ng kape. Puwede kang pumili ng brand ng kape na
gusto mo. May taho na rin umagang-umaga, mayroon ding isang tindahan ng Burger,
mayroon din ng para sa Siomai at Siopao na may gulaman pa. mayroon ding lugawan
at gotohan. Kumpleto, parang palengke ang dating. Kulang na lang pati
nagtitinda ng gulay at prutas pati na rin ng mga karne’t isda’y isama. Para hindi
na pupunta pa sa pamilihan. Pagkatapos magsimba, mamili na agad, upang diretso
na sa bahay, hindi masasayang ang oras at nang makapaghanda na ng agahan.
Mayroon din namang mga magkasintahan na
nagpunta ro’n. Magkahawak kamay habang tinutungo ang loob ng simbahan. Mayroon
ding grupo ng mga lalaking malalaki ang damit, mga nakaputi, malaki rin ang
short na maong, lagpas tuhod. At parang may balabal sa ulo. Mayroon din namang
mga bata na gising na nang ganoong oras. Mukhang hindi kasama ng mga nagsisimba.
Marahil nakatira ito malapit sa Simbahan. Mayroong mga batang nag-iiyakan
habang karga-karga ng kanilang ina. Mga batang pinapagalitan at pinapalo ng ina
kapag maingay at hindi tumutigil sa kakaiyak.
Ang simbahan sa malayo’y parang isang
Kastilyo. Malayo pa lang ay tanaw mo na ang isang tarp na may nakasulat na
malalaking letra.
Tanging kay…
At sa kanan nito’y makikita ang mukha ni
Hesus na nakapikit at makikita ang kanyang mga kamay sa posisyong panalangin.
Nakatagilid ang puwesto nito.
Makulay tignan sa labas. Punung-puno ng
mga palamuti sa bubong na sinasabayan ng magandang tanawin ng madilim na bahagi
na iyon. Mga Christmas Light. At sa itaas ng pintuan ng simbaha’y
naroon ang isang maliit na bahay-sabsaban. Makikita ang isang sanggol na
pinaliligiran ng isang lalaki, isang babae, sa gilid nito’y naroon ang ilang
mga kawal. 3 lalaki na magagara ang kasuotan at mga hayop na waring pinagmamasdan
din ang sanggol na kanilang pinaliligiran.
At gaya ng nakagawian. Puwesto sa labas.
Malapit sa Parking Lot. Hindi talaga namin trip pumasok sa loob ng Simbahan
kapag ganito. ‘Saka may speaker naman sa labas, kaya rinig pa rin namin ang
sermon ni Father. Dukot ng cell phone. Ganon din ang mga tropa ko,
7 kami lahat-lahat. ‘Yong isa naming tropa si Ferdi, pagdating namin sa
Simbahan—sa labas, biglang nawala, pupuntahan lang daw ‘yong ka-text n’ya.
‘Yong isa naman, si Alvin, siya ang nagpapunta sa chikas niya. Bale 5 na lang
kaming magkakasama. Pasimple sa pagyoyosi. Tamang kuwentuhan, Tamang tingin sa
mga chikas na magsisimba rin, at kapag may isang grupo rin at puro babae, matik
na, ito talaga ang gagawin namin kapag Simbang Gabi, ang makipagkaibigan sa
ibang grupo—siyempre hindi sa lalaki, kundi babae.
“’pag dumating na ‘yong ka-clan ko,
papakilala ko kayo, para hindi boring, para me kasabay tayo kapag magsisimbang
gabi” Si Mark iyon, ang tropa naming hindi malaman ang trip na genre,
mahilig sa mga masisikip-maliliit-itim na damit-pantalon—parang baston, tapos
nakasuot ng kulay kahel—orange na rubber shoes na pang-Bassketball na
alanganing tumatawa na at gusto nang tawanan ang kapalaran sa buhay ng pobreng
sapatos. Habang suot-suot ang sumbrerong two colors. Laging ganoon
ang pormahan n’un kahit bibili lang sa kanto sa may sa’min, poporma pa rin. Ang
dyahe mo dude. Kahit mukhang tanga ang kanyang pormahan, wala kang masasabi sa
mukha nito. Makinis, na medyo maputi, may pagkamatangos ang ilong. May biloy sa
magkabilang pisngi, kaya marami rin ‘tong nagiging syota—na galing karamihan sa
clan. Patay na matangkad, pero sakto lang para sa itsura niya.
“Tang’na pre, baka naman mga hipon ‘yang
sinasabi mo ha, tang’na ‘wag mo kaming i-good time pre.” Si Vergel. Ang reklamador sa
lahat. Wala pa nga’y kung ano-ano na ang pinagsasasabi. Pero kapag nakita o
nakaharap na niya ang totoo, bigla na lang natatameme ang loko.
“Parating na raw sila,e. Saan na kaya
‘yon?” Habang hawak ni Mark ang cellphone at
tumitingin sa daan. Waring hinihintay ang tinatawag na mga ka-clan.
Biglang tumakbo si Mark palayo sa’min at
may sinalubong na mga babae.
“Pauline!” sabay lapit si loko sa babae.
Hinihingal. Nagtinginan kaming apat habang kinakausap ni Mark ‘yong si
Pauline. At ‘yong isa naming kasama kanina na pinapunta ang kanyang chikas,
iniwan muna namin, may sarili na siyang mundo, kaya gagawa na rin kami ng
sarili naming mundo.
Tinawag kami ni Mark. Sakto! 5 rin sila.
Ito ang exciting kapag Simbang gabi.’Yong may makikilala kang kagaya rin ng
trip niyo—‘yong hindi rin naman talaga ang pagsisimba ang habol kung bakit
pumupunta sa Simbahan tuwing Simbang Gabi.
“’Yan ‘yong sinasabi ko sa’yong mga
tropa ko.” Tinignan lang kami ni Pauline. Sabay tingin din sa kanyang
mga kasamang mga babae, nagkangitian ang mga ito.
Maganda ang suot ni Pauline—para sa’min.
Naka-skirt na itim. Naka-tsinelas na kulay itim at naka-t-shirt na
kulay puti na may nakasulat na Boss Balita? May pagkamaitim
ang kanyang labi, namumungay ang kanyang mga mata. Medyo mapayat ang mukha at
ang buhok niya’y maikli lang, hanggang leeg.
Kaming mga asong ulol, lapit agad sa mga
babae, kanya-kanyang partner. Nagpakilala kami sa isa’t isa. Akala mo
orientation sa klase at kailangan makilala ng propesor ang bawat mag-aaral.
Medyo mahiyain ako sa simula, pero kapag
ok na at nakuha ko na ang trip ng babae, alam na, matik na, mangungulit na
talaga.
Habang nagi-getting to know each
other kami. Naririnig pa rin namin ang sermon ni Father mula sa loob
ng Simbahan. Salamat na lang talaga sa mga malalaking speaker na
nasa labas ng Simbahan. Nang saglit na nawala ang ilaw sa loob at labas ng
Simbahan. Tanging ang mic lamang na gamit ni Father sa loob ng
Simbahan ang gumagana. Nagulat kami’t nagtaka sa mga salitang lumabas
mula sa speaker.
PUTANG ’NA, BAKIT NAWALA ANG ILAW!?