(Maikling kuwento)
"Kailangan ba talaga may regalo?" Tanong ko kay Beth.
"Hindi naman, pero 18th birthday ko yun, pero ayos lang naman kahit wala, pero... sige, ikaw ang bahala, basta pumunta ka ha, kasama ka sa 18 roses." Tugon sa akin ni Beth.
"Kahit naman ata wala akong dalang regalo, e makakakain pa rin ako ng handa sa debut mo, e di'ba?"
"Oo na nga e, ang kulit mo, basta hindi puwedeng wala ka don." Yamot na tugon niya sa akin. Sabay abot ng kanyang Invitation Card.
"Huwag kang mawawala ha!" Aywan, pero ang tono na iyon ni Beth ay parang nakukulitan na. Nakukulitan na rin naman ako sa kanya e, ilang beses na niya akong tineteks para sa kanyang debut, sinabi ko na ngang 'Oo, pupunta ako.' Pero kahit naman siguro wala ako doon, e matutuloy at matutuloy pa rin ang kanyang debut.
"Oo nga, ang kulit mo e, sinabi na ngang pupunta ako." Inapiran ko na lang siya bilang pagbibigay wakas sa'ming usapan.
Isang linggo na lang bago ang debut ni Beth, problema nga naman talaga oh! Wala pa akong pangregalo. Oo nga't sinabi ko sa kanya na hindi ako magbibigay ng regalo, pero biro lamang iyon. Nakakahiya naman kasi kung wala akong maibibigay. Pakiramdam ko manliliit ako kaya wala akong choice. Talagang bibili at bibili ako.
Hindi naman required kung magbibigay ako ng regalo o hindi, pero heto't nag-iisip ako ng puwedeng maibigay kay Beth. Tanong ko pa rin, kailangan ba mamahalin iyong regalo o puwede na iyong mumurahin? Tang'na kasi, ba't ba binabagabag ako ng aking konsensya na magbigay ng regalo. Bahala na kung magkano magkasya sa budget, basta ang mahalaga, matapos lang itong debut, hindi ko na problema ang pangregalo, ang susuotin at ang schedule. Basta matapos lang ito ayos na. Nakakahiya naman kasing hindi ako pupunta, e 18th birthday niya pa naman iyon, pinakaimportanteng birthday niya sa mundo. Kasi dito raw sila magiging malaya. Malaya? Saan banda, sa pagkakaroon ng relasyon? Hindi rin, kahit nga mag-asawa na, minsan, ayaw pa rin pakawalan ng magulang. Kasi mamimiss daw ito. Buti na nga lang at babae si Beth, kung magkataon man na siya'y magkaroon ng asawa (kung lang naman), siya ang aalis sa kanilang tahanan, doon siya sa bahay ng lalaki at ang mga magulang ng lalaki ang mamumuroblema sa kanila. At ang mga magulang naman ni Beth, aywan, mukhang labis na mangungulila. Kaya ako, kung lang naman, kung magkakaroon ng asawa, ayaw kong tumira sa'king mga magulang. Nakakahiya. Tanda ko na tapos doon pa rin ako mamamalagi sa kanila. Kaya dapat bago ako mag-asawa ay may sapat na akong trabaho at ipon. Para may mapagmalaki naman ako sa'king mga magulang at sa'king sarili. At saka ano na lang sasabihin sa'kin ng mga magulang ng aking mapapangasawa? Baka puro panlalait lang ang aking matanggap. Mas nakakahiya.
Masakit na ulo ko kaiisip kung ano bang puwedeng mairegalo kay Beth. Anak ng Baka kasi, hindi ko naman siya masyadong ka-close, kaya hindi ko alam kung ano ba ang kanyang taste. Ni hindi ko nga alam kung anong paboritong kulay niya. Tamang usap lang kasi kami dati sa room noong kami'y nasa 3rd year highschool. At ngayon, ipinagtataka ko kung bakit ako ang isa sa kanyang mga napili para sa kanyang 18 roses, hindi naman kami close. Hmmmm, tama, hindi naman pala kami close, e ba't reregaluhan ko pa siya? Ay... Tang'na, oo nga pala, pang-18th birthday pala iyon. Isasayaw ko pa siya. Tapos paano kung pagpasok ko doon sa venue ay wala akong mailagay na regalo sa table o kung saan man nakalagay ang mga regalo. Ano iyon, kain lang talaga hanap ko? Tang'na talaga, ba't ba may konsensiyang bumubulong sa'kin na 'magbigay naman daw ako ng regalo. Nakakahiya.'
Lumipas ang dalawang araw. Wala pa rin akong naibibiling pangregalo para kay Beth. Wala talaga akong maisip, at short na ang pera ko. Nagastos ko kasi nagutom ako sa school. Bahala na! Bahala na kung ano bang maibibigay ko kay Beth. Hindi niya naman papansinin kung anong regalo ko, hindi naman kami close e.
Nang naroon na ako sa debut party. Namangha talaga ako, hindi ko alam kung anong lugar iyon. Limot ko na at tanging kalye lamang ang aking natatandaan. Sobrang ganda ng venue, andaming mga palamuti, makulay, dami rin picture ni Beth na nagkalat. Pagpasok pa lang sa venue, mga naggagandahan at naggaguwapuhang mga tao ang agad na bumati sa'kin gayun na rin sa ibang mga panauhin. "Good evening sir." Masasabi ko, isa na ata iyon sa mga bonggang party na aking napuntahan. Aywan. Parang hindi ako makapaniwalang ang pamilya nina Beth ay makakapag-afford ng ganto. Samantalang noong classmate ko siya sa high school, hindi naman siya halatang sosyal. Tamang tao lang din siya kung tutuusin, Pero ngayon, para bang kamag-anak nila si Bill Gates.
Tanging regalo at pamasahe lang ang aking dala. Pero nang kainan na, hindi ako nagpaawat. Wala akong pakialam sa ibang tao kung pansinin man nila ang pagkain ko, hindi ko naman sila ikagagawapo, ang punto roon, bayad iyon kaya dapat sulitin.
Matapos ang kainan, doon naman nagsimula ang para sa 18 roses. Isasayaw ko na si Beth. At nang siya ay akin nang isinasayaw, aywan ko ba, pero parang may kakaiba. Para siyang anghel sa ganda. Parang kumikunang ang kanyang kabuuan. Para bang ayaw kong padapuin kahit na lamok sa kanyang balat. Para siyang sagradong babae at isang karangalan na siya'y aking maisayaw. Ibang-iba talaga ang kanyang aura nang mga sandaling iyon.
Matapos ko siyang maisayaw, agad ko nang inilagay sa lamesa ang aking regalo. Sinadya ko talaga iyon upang hindi mapansin ng mga tao na akin pala ang regalong iyon. Sapagkat ang kanilang attention ay na kay Beth.
'tol, keln k pdng mkuha 2k k?
nid lng tol,
thx'
Nang aking mabasa ang text message na iyon ni Ivan, bigla akong nanghina at natulala. Naalala ko, pera pala ni Ivan ang pinambili ko ng regalo para kay Beth. Limang araw na rin pala ang nakalilipas matapos ang debut ni Beth. At ang sabi ko kay Ivan na babayaran ko rin ang aking utang pagkalipas ng anim na araw. At marahil, tapos na ang oras na iyon kaya't sinisingil na ako ni Ivan.
'ge tol, pnta ko jn tom s inyo,’
Reply ko sa kanya. Pero ang totoo, mga isang linggo pa bago magpadala ng pera si ermat mula sa probinsiya. Sana may sobra. Minsan kasi sakto, talagang pang isang buwan lang.
'ge tol,slmat
kta kts nlng'
Tang'na. Yari kang bata ka! Mukhang wala akong mukhang maihaharap kay Ivan bukas. Bahala na! Papakiusapan ko na lang siya. Maiintindihan niya naman ako, e. Tropa ko naman siya e.
Papasok ako noon sa school. Pasakay ng jeep at sa hindi inaasaang pagkakataon, nagkasabay kami ni Beth.
"Uy! Salamat sa regalo mo ha." Bati niya sa'kin nang may kasiyahan. Damang-dama ko ang kanyang pagpapasalamat at tuwa sa aking ibinigay na regalo sa kanya. "Mukhang mamahalin binigay mo sa akin, magkano bili mo?"
"Wala ka na doon." Tugon ko sa kanya.
"Pero ang ganda talaga masyado, mukhang mamahalin." Nakangiti niyang sagot sa'kin.
"Magbibigay ba naman ako ng mumurahin?" Pagmamayabang ko.
"Wala lang, akala ko kasi hindi ka magbibigay ng regalo, sabi mo kasi dati na hindi ka magbibigay, di'ba?"
"Siyempre biro lang iyon, mahirap na kasi, baka mag-expect ka masyado kapag sinabi kong magbibigay ako ng regalo. Atleast doon, na-surprise kita." Muli kong pagmamayabang sa kanya habang nakangisi.”
"Kamusta na pala?" Tanong ko sa kanya.
"Ganda ng debut mo ha, pang-bigtime."
"Speaking of, ayon nga, andaming utang ni Papa ngayon dahil sa debut ko, nahiya nga ako e, andaming naniningil kay Papa sa bahay. Kinulang kasi ang kanyang ipon, kaya nangutang sa iba." Nakasimangot niyang sagot sa'kin na may kasamang pag-iling.
"Ah, kaya pala nag-jeep ka na lang ngayon. Nagtataka kasi ako, madalas doon ka sa may kanto sumasakay ng tricycle pauwi sa bahay niyo. Tapos ngayon jeep na lang ang sinasakyan mo."
"Oo e, buti na lang at nagkasabay tayo dito sa jeep. May kasabay na ako pauwi, hindi na boring." Tugon niya sa akin habang nakangiti.