Monday, January 9, 2012

Wala na nga ba?

(Tula)


wala na
wala na'ng mga mulat
sa aming bansa
hindi ko na makita
mga protesta sa Mendiola
wala na rin mga dagundong
ng martsa mula sa mga manggagawa't magsasaka
na nakapagpapasikip ng daloy ng trapiko
sa kahabaan ng Avenida't Legarda

wala na
wala na akong makita
ni isa mang Aktibistang
nanghihikayat na sumama sa kilos protesta
wala na'ng mga sigaw sa kalsada
na tinutukan ng media
hindi ko na makita
mga bandilang pula
na winawagayway nang buong sigla.

wala na'ng mga kuta
ang CPP-NPA-NDF
na tinaguriang terorista
ng mga Amerikanong Imperyalista,
sa bundok man o sa lungsod
wala ka nang makikita
na lumalaban sa katiwalian
ng uring mapagsamantala

wala na,
wala na talagang mga mandirigma ng bansa
na nakikipaglaban para sa kalayaan

wala na talaga
wala na ang lahat,
nawala sila hindi dahil sa takot
kundi pinapatay,
sinilid ang iba sa drum
sinementuhan at hinulog sa gitna ng karagatan
iba'y pinaglaruan, pinahiraan
bago lagutan.

ganyan talaga dito sa Perlas ng Silangan
mula sa panahon ni Aguinaldo
hanggang kay Aquino
at maging hanggang sa hinaharap.

subalit mawala man ang kanilang katawan,
kami'y nagpupulong
naghahanda sa isang labanan
itataya ang buhay
laban sa rehimen ni Gloria,
rehimeng nagpahirap at nagpabalik sa panahon ng Batas Militar
kami'y lulusob mula sa kanayunan
bitbit ang bolo
patungo sa Malakanyang
kami naman ang maniningil,
nawala man ang isandaang mandirigma
kapalit nito'y tatlundaan
na nag-iinit ang dugo
handang pumatay kung kinakailangan
upang makamit ang tunay na kalayaan.