Wednesday, July 27, 2011

Ilusyon

(Maikling kuwento)


Ilang minuto na rin akong nakatayo. Nabuburyong, nagngingitngit at naiinis. Ayaw na ayaw ko talagang naghihintay. Para sa akin ito ang pinakamasakit at pinakamahirap gawin. Hindi lang mental pati na rin emosyonal. Masakit maghintay lalo na kapag wala ka naman talagang hinihintay, pero mas masakit kapag pinaasa kang maghihintay. At ang inaasahan mong dapat na darating ay hindi pala sisipot. Sana sinabi agad ng maaga nang hindi na nakaabala at nang sa ganoon ay hindi ka naghihintay.

"Leche! Tagal ng jip," narinig ko sa isang matandang babae na naghihintay rin ng jip. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na may mga jip naman, iyon nga lang iba ang ruta. Alam naman ng lahat na matrapik kaya gaya ng dapat asahan, matagal talaga ang jip na hinihintay. At saka matanda na siya, hindi ba niya alam, na hindi pa siya pinapanganak ay may trapik na. Kaso ayaw kong madagdagan ang inis ng matandang babae. Inis na rin ako at ayaw kong mahawa at makahawa ng inis.

Hindi ko lubos maisip kung bakit waiting shed ang tawag sa waiting shed na aking kinalalagyan ngayon sampu ng mga taong naghihintay rin ng mga sasakyan patungo sa kani-kanilang pupuntahan. Gayong walang bubong ang waiting shed na ito, at tanging mahabang kahoy na upuan lamang ang natira, okupado pa ni Aleng Mercy na nagtitinda ng mga kendi't sigarilyo. Marahil kinalakal na ang mga bakal dito ng mga taong may matinding pangangailangan. Kaya ang tawag ko rito ay waiting lang, walang shed.

Bago ako umalis ng bahay. Saglit ko munang pinagmasdan ang kalangitan. Maaliwalas ang panahon at maliwanag ang kalangitan kaya't tinanong ko si Inang kung uulan ba? Sabi na lang ni Inang na hindi siya manghuhula, kaya't hindi niya alam kung uulan ba o hindi. Dagdag pa niya, tinatamad na naman daw akong magdala ng payong. Kung gusto ko raw makaiwas sa sakit, magdala ako ng payong, pero kung trip ko raw magpakyut, huwag na raw akong magdala. Nasa akin daw ang desisyon. Marahil ay sawang-sawa na si Inang sa ganoon kong pag-uugali, sapagkat kahit anong pilit niyang ipadala sa akin ang payong, hindi ko pa rin dinadala ito. At gaya ng inaasahan, hindi ko nga dinala ang payong. Pabigat kasi sa bag at saka nagmumukha akong bakla kapag may hawak na payong.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nawala si haring araw, dumilim ang kalangitan, pumatak ang ambon, kumulog at bumuhos ang ulan. Ang mga tao na noo'y naglalakad ay agad-agad na nagtakbuhan upang makahanap ng masisilungan. Ang mga tindero't tindera sa mga bangketa'y agad nagligpit ng kani-kanilang paninda. At ako, walang payong. Kaya ginawa kong pantakip ang aking backpack, ipinatong ko ito sa aking ulo upang ako'y maproteksyunan sa ulan. Hindi man ganoon kainam, pero ayos na ito. Mahalaga huwag lang mabasa ang aking ulo, upang makaiwas sa sakit.

Palibhasa ang ibang mga naghihintay ay may kanya-kanyang payong. Ako ang bukod tanging walang dalang payong. Bunga nito, medyo nababasa ako sa ulan. Bahala na kung mabasa, kasalanan ko rin naman ito, dahil na rin mismo sa pagiging tamad.

Hindi ko na rin alintana ang pagbuhos ng ulan, ang mahalaga'y makasakay ako ng jip papuntang eskwelahan sa lalong madaling panahon.

Nang mga sandaling nababasa ako sa ulan, may nagbahagi sa akin ng payong. Hindi ko alam kung saan siya galing, ang mahalaga hindi na ako masyadong mababasa.

Noong una'y hindi ko siya nililingon, sapagkat sa isip ko, baka pinagtitripan lang ako,subalit hindi ako nakatiis. Saglit akong sumulyap sa aking kaliwa kung nasaan man naroroon ang taong nagbahagi sa akin ng payong. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa.

Naka-heels, naka-skirt, naka-sleeveless at suot ang kanyang itim na jacket. Nakasabit sa kaliwa niyang balikat ang kanyang shoulder bag na kulay berde.

Maputi, makinis ang kutis, mahaba ang binti't hita, balingkinitan ang katawan, malusog ang dibdib, mahaba ang buhok abot hanggang likod, matangos ang ilong, mahaba ang pilikmata, bilugan ang dalawang maitim na mata, may dalawang biloy sa pisngi at may mapupulang labing nag-iimbita para halikan.

Hindi ko na inalis ang aking tingin, nahumaling na ako sa kanyang itsura. Nang mapansin niyang tinititigan ko ang kanyang kabuuhan. Dagli niyang sinipat ang aking mukha, sabay ngiti. Alam kong pagpapakipot ang mensahe ng ngiting iyon. Muli ko siyang nginitian at kanya niya akong kinindatan. Bigla akong nakadama ng kaba mula sa aking dibdib, ako'y napalunok ng laway at napakagat sa aking labi, nangalog ang aking baba at mabilis na tumibok ang aking puso.

Sa matinding pagkatulala, hindi ko napansin na siya'y pasakay na ng jip. Kung hindi pa niya sinabing 'bye,' marahil hindi pa ako magigising sa katotohanang ako'y kanya nang lilisanin.

At muli, naiwan akong nakatayo't nag-iisang nababasa sa ulan.

Isa lang ang hiling ko ng mga sandaling iyon, habang pinagmamasdan ko ang papalayong jip na kanyang sinasakyan.

SANA TUNAY KA NA LANG NA BABAE!

Friday, July 15, 2011

Masdan

(Tula)

magtungo ka
sa pinakamataas na palapag
ng iyong kastilyo
at dumungaw sa bintana
ikaw na pinagpala sa kayamanan sa mundo,
at masdan
totoong buhay sa lipunan.

sipatin
mga batang dugyot
na natutulog sa lansangan
at inaabot ng sikat ng araw,
o di kaya'y ang matandang babaeng gula-gulanit
ang suot na damit
at nangangamoy anghit
na matyagang naghihintay ng limos
sa mga hagdan ng tulay
para sa ikatatagal
ng kanilang buhay,
titigan mo rin
lalaking napanot
sa kahihintay sa lupang dapat sa kanya'y ibibigay
ng Kapitalista,
huwag ka munang magtaas ng kilay
sa mga manggagawang gumagawa ng kilos protesta
sa kalye ng Mendiola
tandaan mong mayroon silang pamilyang paghahandugan
ng kanilang kakarampot na sahod.

at sana
ikaw na pinagpala ng Diyos ni Abraham
ilagay ang sariling katayuan
sa mga bagay na iyong napagmasdan.